Chapter 7

2407 Words
"Sa ngayon ligtas na ang palasyo. Nahuli na namin ang tauhan ni Bernon Zeis. Pumasok siya rito may dalawang buwan na ang nakakaraan bilang tagapag-alaga ng mga kabayo." Panay lang ang nguya ni Riviel sa pagkain na nasa may kalakihang lamesa sa veranda ng palasyo. Hinahayaan niya lang magsalita si Regenni. "Nakikinig ka ba kamahalan?" Sa wakas, napansin din nito na hindi nakikinig ang kausap. "Naiintindihan ko lahat ng sinasabi mo. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kailangan ko pang umalis ng palasyo para lang mahuli ang Nindertal na yon. Kaya kong gamitin ang kapangyarihan ko para matukoy ang traidor dito sa Kalaja."  Bawat palasyo sa Iriantal ay binibigyan ng pangalan at Kalaja ang tawag sa palasyo ng Ishguria. Kumuha uli ng panibagong tinapay si Riviel at inisang subo iyon. Bukod sa pakikipaglaban, mahilig din kumain at maglinis si Riviel. Wala siyang pakialam kahit pa mababa ang tingin sa kanya ng ibang maharlika. Siya pa rin ang Hari at siya pa rin ang masusunod. "Kamahalan, alam mong hindi ganoon kalakas ang iyong pangangatawan para gumamit ng Maji. Sinabi rin ng manggagamot na masama sa'yo ang paggamit ng Maji sa ngayon hanggat hindi pa bumubuti and iyong kalagayan." Kahit na malaki ang katawan ni Riviel at magaling siya pagdating sa iba pang mga aktibidad, iba naman ang dulot sa kanya sa tuwing gumagamit siya ng Maji. Isa siyang Narutale na may abnormal na lakas ng enerhiya. Sanhi nito, malakas din ang Shi na nagagawa ng nasabing enerhiya, kaya lang hindi ito kayang hawakan ng kanyang katawan. May mga pagkakataon na nahihirapan siyang huminga kapag sinusubukan niyang ilabas ang Shi at gumamit ng Maji, kung minsan naman nagkakaroon siya ng maliliit na internal bleeding. Hindi na rin bago kay Riviel ang pagkakaroon ng mga pasa. "Dahil din doon kaya naging mahina ang depensa ng Kalaja Regenni. Hindi ko nalalaman kung may kalaban sa paligid natin o wala." Kumuha naman siya ng juice. Pero nang makita niya ang malapot na likidong kulay green sa loob ng baso ay napilitan siyang ibaba na lang yon. "Gulay yan kamahalan. Inumin niyo." Kumuha si Regenni at ibinigay sa kanya. "Espesyal ang kapangyarihan mo kamahalan. Bukod sa nalalaman mo ang mga papalapit na kalaban, kaya mo ring gumamit ng dalawang magkaibang elemento. Pero sa tuwing gumagamit kayo ng Shi, nagkakasakit naman kayo. Hayaan niyong ako na ang gumawa ng trabahong yon para sa inyo." Isang Class 2 Maji user si Regenni at isa ring Naturale subalit isang elemento lang ang kaya niyang gamitin. Ang elemento ng apoy. Di gaya ni Riviel na kayang maramdaman ang aura ng mga Nindertal kahit nasa malayo, nararamdaman lang ni Regenni ang enerhiya kapag inilalabas ito ng isang Nindertal. "Sinasamantala ni Bernon ang kalagayan ko. Kapag nagpatuloy pa ito masisira ang seguridad ng Kalaja." Iinumin na sana ni Riviel ang laman ng baso nang mula sa kung saan ay may sumigaw. "Hoy! Tangang Hari! ILAG!" "Anong—" Biglang sumulpot ang babaeng ikinulong nila sa tore mula sa itaas. Malakas ang pwersa ng naging pagyakap nito sa kanya ng biglaan kaya natumba siya mula sa kinauupuan. Tumilapon naman ang babae at tumama sa salaming pinto na daanan papasok sa loob ng silid aklatan. Nabasag ang salamin, nagpagulong gulong ito at walang malay na huminto sa tabi ng isang marmol na lamesa. "Kamahalan!" Agad siyang dinaluhan ni Regenni. "Ayos lang po kayo?" nag-aalalang tanong nito habang tinutulungan siyang makatayo. "A-Ayos lang..." tiningnan ni Riviel ang babae, hindi pa rin ito gumagalaw. Lalapitan sana niya ito pero pinigilan siya ni Regenni. "Masiyadong delikado kamahalan. Mukhang tinangka ng babaeng 'yan na patayin kayo." Tiningnan niya ang tore na pinagkulungan nila rito. Dalawampung metro ang layo no'n mula sa kinaroroonan nila at may taas na tatlumput tatlong talampakan kaya paano ito nakababa mula roon? Masiyadong mataas yon at isa pa... nanggaling ito sa itaas. Tumalon ba ito? Nang ibalik niya ang tingin sa babae noon lang niya napansin ang palaso na nakabaon sa likuran nito. Hindi niya na pinansin pa si Regenni. Nilapitan niya ang babae at tiningnan ang lagay nito. Wala itong malay at unti-unti nang nagiging asul ang kulay ng balat nito. May lason ang palaso! "Ilya! Ilya!" Tawag ni Riviel sa kanyang taga sunod. Agad naman itong lumapit. "Kamahalan?" "Tawagin mo ang manggagamot! Madali ka!" "Masusunod po kamahalan!" Tumatakbong lumabas ito ng aklatan. "Nasisiraan ka na ba? Pinagtangkaan ng babaeng yan ang buhay mo..." Napansin na rin ni Regenni ang palaso sa likod nito. "Anong... bakit siya may palaso sa likod?" "Baka alam ko ang sagot," naiinis na sagot niya. "Tulungan mo ko, ihanda mo ang silid sa itaas." Binuhat niya na ang babae. Subalit hindi pa man siya nakakahakbang ay may pumasok ng dalawang lalaki sa nabasag na pinto. "Hindi niyo dadalhin si Avanie-Hana kahit saan," anang dalawa. Agad na inilabas ni Regenni ang kanyang espada at itinutok sa mga bagong dating. Dalawang lalaking magkamukha; kambal. Parehong may hawak na malalaking espada at may bitbit na mga lalaking duguan na walang malay. Inihagis ng mga ito ang mga duguang lalaki sa harapan nila ni Regenni. "Sino kayo? Paano kayo nakapasok?" naguguluhang tanong niya.  "Dal Satariano," walang emosyon na sabi ng isa tapos ay naghikab. "Ako naman ang pinakagwapong nilalang sa buong Iriantal! Ang nag-iisang si Dal Fegariano! Kaya lumuhod kayo sa harapan ko! Hahahahahahaha!" sabi naman ng isa pa na may nalalaman pang pag-hawi ng buhok.  "Ipinadala ba kayo dito para patayin ako?" "Mas maganda nga siguro kung inutusan kami para patayin ka. Dagdag yon sa kasiyahan namin ngayong gabi, kaya lang ang tanging utos lang na ibinigay sa'min ay hulihin ang dalawang ito," nakangiting wika ng nagpakilalang Fegari. "Bitiwan mo ang kamahalan walang kwentang Hari." Dinuro ni Satari ang daliri kay Riviel at tiningnan ng masama. "Lapastangan!" sigaw ni Regenni. "Mas lapastangan ka aba!" itinutok ni Fegari ang espada niya kay Regenni at nakangiting nagsalita. "Bitiwan mo ang aming amo hari. Wala kang karapatan na hawakan siya ng iyong maruruming kamay." "Ano?" 'Sino ba ang dalawang ito?' "Bibilang ako ng tatlo ... kapag hindi mo binitiwan si Avanie-hana, pasasabugin ko ang buong Kalaja." Walang emosyon ang isang ito pero halatang hindi nagbibiro. "TATLO!" Nagulat siya kaya hindi sinasadyang nabitiwan niya ang babae, ngunit bago pa ito bumagsak sa sahig ay nasalo na ito ng isa sa kambal. Ang bilis! Paano ito nakalapit ng gano'n kabilis? Ni hindi niya ito nakitang gumalaw mula sa kinatatayuan nito kanina. "Gulat ka no?" Nilingon nito ang kakambal. "Ang daya mo talaga kahit kailan Satari. Hindi ko narinig ang isa at dalawa." "Wala akong sinabi na bibilang ako ng hanggang tatlo kuya." "Oo nga no." Binalingan siya ni Fegari. "Nasaan ang kwarto para sa kamahalan?" Hindi sumagot si Riviel. Pinanlisikan siya ng tingin ni Fegari. "Tinatanong kita, Hari." "Nasa itaas." "Ituro niyo ang daan. Hindi namin alam kung alin sa tatlong daan at lima ang gagamitin ni Avanie-hana." "Paano niyo nalaman ang kabuo-an bilang ng silid dito sa palasyo?" si Regenni "Hindi mo na dapat malaman pa." Malamig na sabi ni Satari.  "M-M-Mul-Multo nga kayo?" Nagkulay suka na naman ang mukha ng pinsan niya. "Tama na 'yan Reg, ang mabuti pa dalhin na natin sa itaas ang mga hindi kanais-nais na bisita." Umakyat ang lima sa itaas at pinuntahan ang silid. Hindi maaaring ihiga ng patihaya ang babae hanggat hindi natatanggal ang palaso sa likuran nito— "Hoy! Anong ginagawa mo??" Natatarantang tanong ni Riviel sa isa sa kambal. Yung maingay. Tinatanggal kasi nito 'yong palaso sa likod no'ng babae. "Tch! H'wag ka ngang maingay diyan!" Hindi siya pinansin ni Fegari at ipinagpatuloy lang nito ang ginagawa. "May lason ang palasong ito. Kapag hindi ito tinanggal agad maaaring kumalat ang lason sa katawan ni Avanie-hana." "Lason?" "Isang simpleng kahoy na may butas sa gitna ang ginamit sa paggawa ng palasong ito. Konektado ang bakal sa butas at may butas din ang bakal. Nakita mo 'to?" Ipinakita nito sa kanya ang may kahabaang palaso. "Mula rito sa dulo hanggang sa bakal ay puno ng lason galing sa kamandag ng Arsonia." Ang tinutukoy ni Fegari ay ang makamandag na butiking tubig na sa kaharian lang ng Nanoham makikita.  "Nagbibiro ka ba? Maaaring mamatay ang babaeng 'yan sa loob lang ng ilang Segundo! Pero bakit buhay pa rin siya hanggang ngayon?" "Kung sa karaniwang nilalang oo, pero si Avanie-hana ang pinag-uusapan natin dito. Hindi siya mamamatay pero maaaring magdulot ng pagkaparalisa ang lason sa loob ng ilang araw." "Imposible 'yang sinasabi mo! Walang tumatagal sa kamandag ng Arsonia!" Nahihibang na ba ang mga ito? Baka naman hindi sa Arsonia ang kamandag? "Hindi ako nagbibiro pagdating sa kalagayan ni Avanie-hana. Inatasan kami na pangalagaan siya pero ng dahil sa'yo nalalagay ngayon sa panganib ang buhay niya." "Para sa'yo dapat ang palasong 'yan," sabat naman ni Satari. "Kung hindi lang nakita ni Avanie-hana ang mga lalaking 'yon, malamang patay ka na ngayon Hari." Para sa kanya? Ang galing naman ng tyempo ng mga impaktong kalaban! Sinasamantala talaga nila ang hindi niya paggamit ng Maji para patayin siya. Pero iniligtas siya no'ng babae. Hindi pa rin nasasagot ang tanong niya. 'Paano siya nakatalon sa tore? Lumipad gano'n? Hindi imposible...' Dahil kung gano'n nga, ibig sabihin lang nito, isang Class 1 Maji user ang babaeng ito. Maraming Shi ang kakailanganin para mapaangat ng isang nindertal ang katawan sa hangin at bibihira lang ang nakakagawa no'n sa mga Maji users. Pwera na lang kung Class 1 ka at isang Naturale. Pero bakit hindi niya ito kilala? Sa Iriantal, tinitingala ang lahat ng Maji user; mula sa Class 3 rank 50 hanggang sa Class 1 Rank 1 kilala niya at imposibleng may makaligtaan siya. 'Hindi kaya, isang Platina ang babaeng ito?'  Malalakas na Maji user ang mga Platina subalit hindi sila nagpapatali sa kahit anong kaharian. Bukod doon may sarili silang pamamaraan ng pakikipaglaban pero walang sinusunod na kahit sino. Wala silang rank bilang Maji user dahil ayaw nilang makilala at iniingatan nila ang kanilang pagkakakilanlan.  Nakarinig sila ng tatlong katok, bago pumasok si Ilya. "Narito na po ang manggagamot." Kasunod nito ang lalaking may dalang pulang payong. Maiksi lang ang kulay pilak na buhok nito sa likod pero mahaba sa harap. Itim na itim ang suot nitong kimono na may ternong puting scarf. "Sino ka? Hindi ikaw ang manggagamot ko!" Hindi siya pinansin ng bagong dating at nagpatuloy lang sa paglalakad palapit sa babaeng nakahiga sa kama. Pagkatapos tingnan ang kalagayan ng babae ay binalingan nito ang kambal at sa gulat ng lahat pinaghahampas nito ng payong ang dalawa. "Sinabi nang bantayan niyo siyang maigi! Alam niyo naman kung gaano katigas ang ulo ng amo natin! Hindi na kayo natuto! Paano kapag may nangyaring masama sa kanya? Patay tayo sa Duke!" "Aray! Aray! Hu-an-Hono, tama na!" Panay man ang ilag ni Fegari natatamaan pa rin. "'Wag kang lalapit sa'kin. May proteksyon ako." Si Satari pero hindi rin ito nakaligtas sa hampas ng payong. "Mga walang kwenta! Kulang sa calcium! Dapat sa inyo tinatanggal sa trabaho! Ng dahil sa inyong dalawa kinailangan ko pang mag over time!" sigaw ng manggagamot. Kinalabit ni Riviel si Regenni. "Palasyo ko pa ba to?" "Ha?" "Ganoon na ba ka bukas ang Kalaja para makapasok ang kung sino-sino? Daig pa nito ang parke." Narinig ata ng lalaking may pilak na buhok ang sinabi niya kaya hinarap siya nito. "Humihingi ako ng pasensiya sa aking biglaang pagparito mahal na Haring Riviel, ako nga pala si Lumineux Hu-an. Isa akong manggagamot na naglalakbay sa iba't-ibang kaharian para magbigay ng lunas sa mga may karamdaman." "Hindi ikaw ang manggagamot ko. Sino ang nagpadala sa'yo rito?" "Tama po kayo, hindi nga ako ang manggagamot niyo pero ako naman ang manggagamot ng babaeng ito kaya ako narito." Muli itong lumapit sa babae, wala itong dalang kahit anong gamit kaya paano ito manggagamot? Mula sa bulsa ng kimono ni Hu-an ay may kinuha itong maliit na bilog at inilagay sa sugat ni Avanie. Ilang segundo ang lumipas bago nila mapansing may pagbabago sa bilog. Hindi ito bilog kundi isang buto. Unti-unti itong lumalaki at nagkakaroon ng dahon. "Ang tawag sa halamang ito ay Onto. Nabubuhay sila sa pamamagitan ng lason. Kakaunti na lang ang halamang gaya nito sa Iriantal. Delikado rin ito kaya kailangang mag-ingat, isang maling lagay ay maaari nitong sipsipin ang dugo ng isang nilalang kapalit sa lason para lang mabuhay." "Sino ba talaga ang babaeng 'yan? Isa ba siyang maharlika na galing sa isang prominenteng pamilya?" Hindi na natiis na tanong ni Regenni. "Isang maharlikang hindi." "Wag mo nga akong lokohin!" "Ang babaeng ito, mahalaga siya para sa aming lahat. Hindi prinsesa ang walang kaharian at hindi siya galing sa isang prominenteng pamilya dahil hindi naman siya kilala." "Hindi kita maintindihan." "Talaga? 'Wag kang mag-alala. Kung minsan ay hindi ko rin naiintindihan ang sarili ko," nakangiting sabi ni Hu-an. "Pero bakit gano'n na lang ang pag-aalaga niyo sa kanya?" tanong ni Riviel. "Dahil inutusan kaming alagaan siya." "Nino?" "Ng isang haring wala namang kaharian." Umiling si Hu-an. "Dapat ko bang tawaging Hari ang isang gaya niya? Ang totoo niyan mas mataas pa siya sa isang Hari." "Paano magiging Hari ang isang Hari kung wala siyang kaharian?" balik tanong ni Regenni. "Hindi mo kailangang maging mayaman para maging isang Hari. Hari ka kung may naniniwalang hari ka. At kahit hari o maharlika ka pa, kapag may naniniwalang pulubi ka... pulubi ka." Napabuntong hininga na lang si Riviel. Ang lalim ng isang ito, hindi niya masisid. "Gayunpaman, iniligtas pa rin ng babae—" "Avanie ang pangalan niya kamahalan," sabi ni Hu-an. "Ni Avanie, ang buhay ko... nararapat lang suklian ko ang utang na loob ko sa kanya." Pero ano bang dapat niyang gawin? Pa'no kung hilingin ni Avanie na pakasalan niya ito? Papayag ba siya? "Tama na para kay Avanie-hana ang mabigyan ng pansamantalang matutuluyan habang narito siya sa Ishguria. Hindi naman siya magtatagal dito sa kaharian niyo." "'Walang problema roon." Nakahinga siya nang maluwag. "Isa pa Haring Qurugenn, maari bang i-sikreto niyo kay Avanie-hana ang pagpunta ko rito? Ayokong umalis siya ng Ishguria kaagad at maglakbay patungo sa iba pang kaharian dahil masyadong delikado." "Hindi pa rin ako kampante na hindi siya isang espiya kaya hindi ko siya maaaring basta-basta na lang pakawalan. Magkagayunman, iniligtas pa rin niya ang buhay ko kaya nararapat ko lang itong suklian." "Kung iyan ang nais niyo. Kailangan ko na sigurong umalis, magigising na rin siya maya-maya lang." Nilingon nito ang kambal at ipinatong ang hawak na payong sa balikat. "Dal Fegariano! Dal Satariano! Ayusin niyo ang trabaho niyo kung ayaw niyong pare-pareho tayong ipatapon sa daigdig ng mga patay!" "Opo..." sabay na sabi ng dalawa. Pagkaalis ni Hu-an ay lumabas din ang magkapatid na Dal. Sumunod sa kanila si Regenni para siguruhing walang gagawing hindi maganda ang mga ito. Naiwan silang dalawa ni Avanie sa loob. "Hoy ikaw! Bakit ayaw mo pang gumising ha? Sobra sobra na ang problemang ibinigay mo sa'kin! Una lumusong ka sa hot spring ko, pangalawa sinukahan mo ang paborito kong damit at pangatlo tumalon ka mula sa tore at itinapon ang mga pagkain ko," mahinang sabi niya habang naka poker faced at tinutusok-tusok ang pisngi nito gamit ang hintuturo. "Sa susunod na gumawa ka uli ng problema, paglilinisin na kita ng buong palasyo, naiintindihan mo ba? Ha?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD