Madilim na sa hardin ng Kalaja at ang tanging ilaw lang nang mga oras na yon ay ang liwanag na nagmumula sa sinag ng buwan. Maraming sumisibol na pang-gabing bulaklak at minsan ay may lumilipad na mga alitaptap.
Nilingon ni Hu-an ang kambal na Dal sa likod niya.
"Nasorpresa ako sa desisyon na ginawa ng kamahalan. Ni hindi alam ng mga tagabantay niya na umalis siya ng kaharian. May kinalaman ba kayo sa pagtakas niya sa Eldeter?"
Nag-iwas ng tingin ang dalawa.
"Kayong dalawa ang inatasan na magbantay sa kanya sa loob ng mansiyon. Paano siya nakaalis ng Eldeter ng wala man lang nakakaalam?"
Hindi pa rin sumagot ang mga ito.
"Hay naku, may kinalaman nga kayong dalawa. Ano kaya ang sasabihin ni Draul kapag nalaman niya ang nangyari? Idagdag pang nag-aalala rin si Feer sa biglaang pagkawala ng mahal na Prinsesa."
Namutla ang mukha ng kambal dahilan para mapangiti si Hu-an. Wala siyang balak sabihin kina Draul at Feer ang nangyari dahil malamang pati siya madamay dahil trabaho niya ring siguruhin na nasa maayos na lagay si Avanie.
Ngunit huli na para itago ito kay Feer dahil nararamdaman niya ang presensiya nito at ni Fahnee di kalayuan.
"Hu-an-Hono..." ikinuyom ni Fegari ang kamao nito. May gusto itong sabihin pero hindi alam kung saan magsisimula. "Ang totoo niyan... wala kaming nagawa nang tumakas siya sa mansyon. Ikinulong niya kami gamit ang sarili niyang kapangyarihan at makakalabas lang kami oras na tawagin niya kami."
"Mukhang mas nagiging matigas ang ulo ng ating kamahalan ngayon."
"Ang Prinsesa... sa pagkakataong ito Hu-an-Hono, buo na ang pasya niyang hanapin ang may pakana sa pagkawala ng Rohanoro at ang nilalang na nagkulong sa kanya sa loob ng itlog."
Nakagat ni Hu-an ang labi niya. Walang dapat makaalam na buhay ang Prinsesa. Matagal nila itong hinanap kaya ginagawa nila ang lahat para itago ito sa mga nilalang na kumuha sa rito.
Alam ni Draul na hindi lang iisang nilalang ang may pakana ng pagkawala ng Prinsesa. Kung sino man ang gumawa nito malamang na gumagawa na ito ng paraan para mahanap si Avanie.
Tiningnan niya si Satari. "Kung gano'n..." napabuga na lang siya ng hangin. "Wala nang makapipigil pa sa kanya na maglakbay para lang mahanap ang may kagagawan. Aaaah!!! Bakit ba naatasan akong magbantay ng isang prinsesang sobrang tigas ng ulo?"
Gusto pa sana niyang kausapin ang kambal pero alam ni Hu-an na may nakikinig. Regenni nga ba uli ang pangalan nito? "Ganun ba kakitid ang isip ng haring 'yon? Ni hindi man lang niya inutusan ang kanang kamay niya para tingnan ang paligid kung may natitirang kalaban pa ba."
"Maiba ako Hu-an-Hono, paano kayo nakarating agad dito?" tanong ni Fegari. "Ang alam namin nasa kaharian kayo ng Asteloma."
"Simula noong mawala ang prinsesa sa mansiyon, pinatawag na rin ako ni Draul. HINDI NIYO BA ALAM KUNG GAANO KAHIRAP PARA SA AKIN ANG HANAPIN KAYO?! Talaga naman! Si Rhilia dapat ang inutusan niya para sa trabahong ito, di hamak na mas malakas ang pang-amoy ng isang 'yon kaysa sa'kin. Magpasalamat na lang kayo na dumating ako sa tamang oras na kinailangan ako ng prinsesa. Dahil kung hindi ipi-prito kayo ng buhay ni Draul."
"Patawad naman, pangakoaayusinnanaminangtrabaho mula ngayon!"
"Kuya, bakit kailangan kong madamay sa mga kapalpakan mo?" walang emosyon na sabi ni Satari.
"Dahil kambal tayo. Magkasalo tayo sa lahat."
"Pinag-iisipan ko na ngayon kung pagsisisihan ko bang naging kakambal kita." Binatukan ito ni Fegari. "Tapos na akong mag-isip kuya, ayaw na kitang maging kakambal."
Napailing na lang si Hu-an. Mukhang kailangan na rin niyang gumawa ng hakbang para mapanatili ang kaligtasan ni Avanie.
✴✴✴
"Kamahalan?"
Hindi pa rin nagsalita si Riviel nang tawagin siya ni Regenni. Patuloy lang siyang nakamasid sa babaeng nakahiga sa kama at mahimbing na natutulog. Hindi pa rin siya makapaniwala sa sinabi ni Regenni. Ang babaeng ito na nagngangalang Avanie ay isang prinsesa? Hindi siya makapaniwala dahil kahit saang angulo tingnan hindi siya mukhang maharlika.
"Pfffft.....HAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!!!!" Hindi na napigilang mapahalakhak ni Riviel matapos marinig ang mga sinabi ng pinsan niya.
Bilang isang hari pinag-aaralan niya lahat ang mga kaharian sa mundo ng Iriantal. Kung sino ang namumuno sa bawat kaharian at kung sino-sino ang kabilang sa pamilya ng mga ito. Magaganda ang prinsesa ng Eldeter kaya parang hindi matanggap ni Riviel na pangkaraniwan lang ang itsura ng isang ito.
"Kama...halan?"
"Hindi ko alam kung ano talaga ang binabalak ng mga nindertal na ito pero hindi nila ako maiisahan ng gano'n gano'n lang. Prinsesa? Wag nga nila akong lokohin."
Aalamin niya ang pagkatao ng babaeng ito! Kapag napatunayan niyang isa nga itong espiya ni Bernon, pahihirapan niya ito ng husto at dahil sobrang dami na ng atraso nito, sisiguruhin niyang masisiyahan siya sa pagpaparusa kay Avanie.
"HAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!!!"
*Splash*
"AAh! Kamahalan!"
Asar na nilingon ni Riviel ang pinanggalingan ng tubig na bumasa sa kasuotan niya. Tumambad sa kanya si Avanie hawak ang pitsel na ngayon ay wala ng laman.
"BAKIT MO 'KO BINUHUSAN NG TUBIG?!" galit na tanong niya.
"Alam mo dapat kung kailan mananahimik at mag-iingay, hindi mo ba nakikitang natutulog ako? Hindi ka ba tinuruan ng tamang asal at magandang pag-uugali? Kung makatawa ka labas pati ngala-ngala."
"Anong sinabi mo?" Kaunti na lang pupugutan na talaga niya ito ng ulo! "Hoy ikaw! Baka ikaw ang hindi marunong gumalang! Hindi ka ba marunong gumalang sa Hari ha? Nasa kaharian kita kaya dapat mo akong galangin!"
"Napakaingay mong Hari ka. Baka nakakalimutan mong kung hindi dahil sa'kin patay ka na ngayon. Utang mo sa'kin ang buhay mo kaya gagawin ko ang lahat ng gusto ko. O baka naman hindi ka marunong tumanaw ng utang na loob?"
"...."
Naaasar na talaga si Riviel, ngayon niya lang naranasan ang ganitong uri ng pagtrato. Mas lalo pang tumibay ang hinala niya na hindi talaga ito isang Prinsesa!
"Regenni! Pigilan mo ko! Makakatikim talaga sa'kin ang babaeng 'yan!"
"Gawin mo ang gusto mo kamahalan, hindi kita pipigilan."
Pinatunog ni Riviel ang buto sa kamay. "Siguro panahon na para turuan kita ng tamang asal at paggalang sa mga nakatataas sa'yo."
Gustong matawa ni Avanie. Ang totoo niyan marunong naman siyang magbigay galang sa mga nakatataas sa kanya at isa na rito ang Haring kaharap. Nga lang natutuwa siyang inisin ang Haring ito dahil pikon.
"... aaah... panahon na rin siguro para umalis ako rito." Mabilis na tumayo si Avanie sa kama at tumakbo sa nakabukas na bintana.
"Hindi ka aalis babae!" sigaw ni Riviel.
"Ako ang magdedesisyon para sa sarili ko at ayoko ngang maturuan ng leksyon! Isa pa wala naman talaga sa plano ko ang tumigil dito sa palasyo mo kaya mas mabuti pang umalis na rin ako."
Tsk! Masiyadong malakas ang loob ng babaeng ito para suwayin ang isang Hari sa sarili nitong kaharian! Hindi ba ito natatakot sa maaaring mangyari sa ginagawa nito? Kahit anu pa man, kailangang gumawa ni Riviel ng paraan para hindi ito makaalis ng palasyo.
Hindi siya papayag na umalis si Avanie ng hindi napagbabayaran ang mga kasalanan sa kanya!
"Grrrrbroooum..."
Ano yon?
"Grrrbmmrmm...aaah..." Hinawakan nito ang tiyan. "Nagugutom na ako."
May biglang pumasok sa isip ni Riviel. Kung pakakainin niya ito malamang na hindi muna ito umalis. Sa ngayon kailangan niyang maging mabait sa babaeng ito habang hindi pa niya pa ito naitatali. Magandang ideya! At kapag natali niya na ito saka niya gagawin ang mga plano niya. Hahahaha! Ang talino niya talaga! (Somehow his thoughts gave me different impression XD)
"Ilya! Ilya! Magpaakyat ka ng pagkain dito! Madali ka!"
Napakamot na lang sa noo si Regenni dahil halatang halata sa mukha ng pinsan ang binabalak nito. Minsan may pagka-isip bata talaga si Riviel.
Hindi nagtagal bumalik din si Ilya, may tulak-tulak na lamesang de gulong na punong-puno ng pagkain.
"Wow! Ang dami!" Hindi na naghintay ng permiso si Avanie at agad na sinunggaban ang pagkain sa tray. "Kakain na ako 'ah!" Kumuha ito ng tinapay gamit ang kaliwang kamay at karne naman sa kanan. Wala itong pakialam kahit kumain ito ng nakakamay sa harap ng iba.
Ito ba ang tinatawag nilang Prinsesa? Ni wala siyang nakikitang kapinuhan sa pagkilos nito.
"Mukhang gutom na gutom ka talaga ah," komento ni Regenni.
"Isang araw na akong hindi kumakain." Bumuntong hininga ito. "Wala akong balak magtagal dito, marami akong kailangang gawin bago dumating ang susunod na kabilugan ng buwan."
"Manlalakbay ka ba?" Hinayaan lang ni Riviel na kausapin ito ni Regenni. Mas maigi na rin na may malaman sila rito kaysa paniwalaan ang mga narinig nila sa manggagamot kanina.
"Oo, pero hindi pa ganoon katagal ng simulan kong maglakbay." Napahinto ito at tiningnang maigi si Regenni. "Sandali, isa kang opisyal dito sa palasyo hindi ba?"
Tumango si Regenni at nagtanong kung bakit.
"Kung gano'n nakatataas ka, tiyak na magkaka problema si Bernon kapag pinatay ka niya."
Tumalim ang tingin ni Riviel kay Avanie. Di yata't tama ang hinala niya na isa itong espiya.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Ang totoo niyan may hinahanap ako. Galing ako ng Pentorel bago ako napunta sa hangganan ng Ishguria. Wala akong nakuhang sagot sa Pentorel, bukod pa do'n muntik na ring manganib ang buhay ko."
"Dahil sa Barona?"
"Oo, may gusto akong malaman kaya nagpasya akong libutin ang buong Iriantal para lang makahanap ng kasagutan."
"At 'yon ay?"
Mukhang nagdadalawang isip pa itong magtanong, subalit pagkatapos ng ilang segundo ay nagsalita na rin ito. "Tungkol sa nawawalang kaharian ng Rohanoro. Ano ang talagang nangyari may ilang daang libong taon na ang nakakalipas?"
"Nagsasayang ka lang ng oras kung inaakala mong maloloko mo kami sa ginagawa mo babae," seryosong sabi ni Riviel. "Alam ng lahat sa Iriantal na alamat lang ang kaharian ng Rohanoro. Walang ganoong kaharian at alamat lang ang mga Lunarian."
Natigilan ito at tila nawalan na ng ganang kumain. "Mali ata na kayo pa ang tinanong ko tungkol dito. Hindi bale, marami pa namang mga nilalang dito sa Ishguria. Sigurado ako na kahit isa lang merong nakakaalam kung ano talaga ang nangyari."
"Mukhang malaki ang interes mo sa nawawalang kaharian 'ah, bakit ba gusto mong malaman ang totoong nangyari?" tanong pa ni Regenni. Napansin din nito ang pagbabago sa kilos ng babae.
"Wala ka ng pakialam doon."
"Wala akong gaanong masasabing impormasyon tungkol sa Rohanoro pero meron akong alam na kwento."
Nagliwanag ang mukha nito dahil sa sinabi ni Regenni. "Talaga?"
"Oo, madalas i-kwento sa'kin ito ng aking ina noong bata pa lang ako. Ayon sa kwento—" Nilapitan ito ng babae at hinatak papunta sa isang malapit na upuan at pwersahang pinaupo ito.
"Magpatuloy ka."
"O-Oo... ayon sa kwento, kahit na hindi sentrong kaharian ang Rohanoro, ito pa rin ang pinakamalakas na kaharian sa buong Iriantal. Mahal ng lahat ng nilalang sa Iriantal ang mga Lunarian dahil sa taglay na kabaitan ng mga ito. Subalit dahil malalakas ang mga Lunarian marami rin ang sumubok na kalabanin ang mga ito. Walang nagwagi dahil protektado ito ng mga nilalang sa Ishguria. Ang mga nilalang na tinatawag na Kaivan. Hindi pinamumunuan ng Rohanoro ang Iriantal pero dahil malalakas sila, sa kanila sumusunod ang maraming nilalang. Ayon pa sa kwento, hindi iyon nagustuhan ng mga namumuno at may katungkulan sa ilang kaharian kaya imbes na labanan ang mga Lunarian, plinano na lang nilang palubugin ito sa ilalim ng dagat kasama ng mga Lunarian."
"P-Palubugin? Ilang kaharian? H-Hindi lang iisa ang may pakana ng paglubog nito?" sunod-sunod na tanong ni Avanie.
"Yun ang kwento ni ina."
Pinalubog? Hindi ito nawala kundi pinalubog?
Kung gano'n tama nga ang hinala ni Avanie na hindi lang isa ang may pakana! Pero hindi gagawin yun ng iba kung walang pasimuno. At kung pagbabasehan ang kwento ni Regenni malaki ang posibilidad na nasa ilalim ito ng dagat at hindi talaga nawala. Pero sa laki ng karagatan sa buong Iriantal, hindi niya mahahanap ito ng gano'n kadali.
"Iyon ang alam ko. Pero sa naaalala ko may nabanggit na pangalan ang aking ina na siya talagang nagpasimuno ng lahat. Ano nga ba ang pangalan ng nilalang na yon?" Napakamot sa ulo niya si Regenni. "Ano na nga ba?......hmmm......Ah! Naalala ko na! Hattano."
"Hindi ko siya kilala."
"At paano mo naman makikilala ang nilalang na matagal ng patay? Ilang daang libong taon na ba ang lumipas nang lumubog ang kaharian na yon? Walang nilalang sa Iriantal ang nabubuhay ng sobra sa limang daang taon."
"Mali ka diyan hari, dahil may mga nilalang sa mundong ito na nabubuhay ng mas mahaba pa sa limang daang taon."
"Nagbibiro ka ba? Ngayon ko lang narinig ang ganyan."
"Hindi ka ba nagbabasa ng libro hari? Kilala mo ang buhay na pruweba pero hindi ka pa rin naniniwala?"
"At anong ibig mong sabihin?"
"Kilala ng lahat ang libro ng dakilang manlalakbay na si Arasul. Tatlong libong taon na ang nakakalipas nang maglakbay siya sa buong Iriantal para magbigay ng impormasyon tungkol sa iba't-ibang kaharian at nasulat sa aklat ang tagpo kung saan niya nakilala ang batang hari ...ang batang hari na nagngangalang Bernon Zeis."
Hindi makapaniwala si Riviel sa narinig niya mula kay Avanie.
IMPOSIBLE!!!