Clandestine Building
Jumi Department
"Kyaaa! Yung bagong dating na Hari! Tingnan natin, tingnan natin bilis!"
"Nakita niyo na ba ang batang Hari ng Ishguria?"
"Oo! Grabe ang gwapo niya!"
"Tiyak na magiging reyna ng Ishguria kung sinoman ang pakasalan niya!"
"Nasa espesyal na silid siya kasama ang knight na si Regenni Sulaire! Silipin natin."
Nagtakbuhan ang mga babaeng mag-aaral papunta sa silid na kinaroroonan ni Riviel. Pagdating doon, marami na ring mga usisera ang nakasilip sa bintana at pintuan. Halos hindi magkamayaw ang mga ito para lang makita ang batang Hari. Bihira kasi ang pagkakataon na may mapadpad sa Heirengrad na maharlikang kasing taas ni Riviel na isang Hari.
Hari si Riviel at bilang pinakamataas na pinuno ng isang bansa, inaasahan ng lahat na malakas siya. Idagdag pang ang pagiging kaaway ni Bernon ay nagbigay sa kanya ng mas mataas na kasikatan sa buong Iriantal.
"Kailan ba sila titigil? Ang iingay nila." Reklamo ni Riviel kay Regenni.
"Tinapay, prutas, meron din akong tsokolate anong gusto mo?" inilapag ni Regenni lahat ng 'yon sa lamesa ni Riviel at nakangiting tiningnan ito. "Sikat ka kaya ganyan ang reaksiyon nila. Hayaan mo na lang, wag mo silang pansinin magsasawa rin ang mga yan."
Nangalumbaba si Riviel at tiningnan ang mga babae sa pintuan. Halos magsiksikan na ang mga ito at walang pakialam kung anuman ang posisyon na ipinapakita nila. "Bakit yung huwad na prinsesa hindi naman ganyan kumilos."
Lumapad ang ngiti ni Regenni. Heto na naman si Riviel. May mga pagkakataon na bigla na lang nitong mababanggit si Avanie. Hindi nagkokomento si Regenni, hinahayaan niya lang si Riviel na mag-isip pagdating sa mga bagay na kagaya nito. Mukhang gusto ng pinsan niya si Avanie kaya nga lang parang wala itong alam sa sariling nararamdaman.
"Para kasi kay Avanie, isa kang tangang hari."
"..."
Natahimik at nahawi ang mga Nindertal na nagkukumpulan sa may pintuan, kasunod no'n pumasok ang dalawang lalaki na hindi nalalayo ang edad kay Regenni. Pinaghalong itim at pula ang kulay ng buhok ng isa samantalang ang kasama naman nito ay simpleng blonde lang. Nagdire-direstso ang mga ito sa loob at huminto sa tapat ni Riviel.
"Magandang araw." Nakangiting bati ng lalaking may magkaibang kulay ng buhok.
Hindi umimik si Riviel at Regenni.
"Kahit na halos magkapareho ang antas natin pagdating sa pagiging maharlika, siguro naman dahil narito tayo sa Heirengrad hindi na natin kailangang maging pormal sa isa't-isa, hindi ba?"
Kinuha ni Riviel ang orange na binalatan ni Regenni at kinain. Hindi naman pala nila kailangang maging pormal ibig sabihin hindi niya rin kailangang magpakita ng paggalang. Lalo na sa isang ito.
Ang prinsipe ng Asteloma, si Moon Siklogi at ang alalay nitong si Ropontoni Pogen.
Ang ama nito ang dahilan kung bakit nawalan ng tirahan ang maraming Yesu. Sa kagustuhan ni Haring Huben na mapalawak ang nasasakupan nito, kinuha nito sa mga katutubong Yesu ang lupain ng mga ito. Dahil mahina ang tribu wala silang nagawa nang sumugod ang pwersa ng Asteloma.
"May kailangan ba ang prinsipe ng Asteloma sa'kin?" tanong ni Riviel kay Moon. Tumaas lang ang dulo ng labi nito at niyabangan siya ng tingin.
"Hindi ko inakala na sa ganitong lugar pa tayo magkikita. Inasahan ko na magkikita tayo sa palasyo o kaya naman ay sa gitna ng isang digmaan."
Tumalim ang tingin ni Riviel sa orange. Ayaw niyang patulan ang lalaking ito kaya sa kawawang prutas niya ibinaling ang pagkayamot. Walang magandang maidudulot ang pakikipag-away sa ngayon. Oras na magkaroon ng away.... hindi siya makakatanggap ng hapunan mamayang gabi. Nangako siya kay Regenni na hindi siya gagawa ng gulo kung hindi, hindi siya nito pakakainin.
Mas takot siyang hindi makakain kaysa makipaglaban.
Sumubo uli siya ng isa pang orange.
"Kalat na sa mga maharlika ang balitang hindi ka nakakagamit ng Maji dahil sa kondisyon ng katawan mo."
'Matagal na yun ah. Mahina pala sa pagkalap ng impormasyon ang isang 'to.'
"Hindi ko alam kung bakit pinagtutuunan ni Bernon Zeis ng atensyon ang isang tulad mo gayong kumpara sa kanya, isa ka lang bato sa daanan. Hari ka nga pero wala kang kakayahang protektahan ang kaharian mo."
Doon na siya tuluyang naasar. Sino ang isa't kalahating tipaklong at isa't kalahating langaw na to para sabihin na hindi niya kayang protektahan ang nasasakupan niya? Ang sarap nitong balatan ng buhay! Nananahimik siya rito tapos bigla itong susulpot at sasabihan siya ng kung anu-ano. Ano ba ang isang 'to? Bata?
"O," iniabot niya rito ang tsokolate na bigay ni Regenni. "Pasensiya ka na Prinsipe Moon. Wala akong laruan dito. Tsokolate na lang muna, hayaan mo sa susunod magpapadala ako ng mga mamahaling laruan sa kaharian niyo."
Tumalim ang tingin ni Moon kay Riviel. "Iniinsulto mo ba ako?"
"Sa pagkakaalam ko yun ang ginagawa mo sa'kin kanina pa. Kapag nang-iinsulto ka siguruhin mo na hindi ka mapipikon."
"Heh... ako? Pikon? Bakit naman ako mapipikon sa isang kagaya mo na isang Hari lang sa titulo. Ni wala ka sa kalingkingan ng aking ama."
Bahagyang gumalaw si Regenni pero binalaan ito ni Riviel ng palihim. "May kasabihan na walang tigil ang kahol ng isang aso kapag hindi nito kilala ang kaharap."
"Anong—"
"Kung gusto mong ibaling sayo ni Bernon ang atensyon nya ba't di mo subukang magdeklara ng gera? Baka matuwa pa ko sayo."
"Ang lakas ng loob mong—"
"Hindi ko ugaling magsayang ng oras sa mga walang kwentang bagay pero dahil may sinabi kang hindi ko nagustuhan, nararapat lang na may sabihin ako pabalik."
Naging alerto si Ropontoni at ganun din si Regenni. Hindi nila alam kung anong susunod na mangyayari pero kapag pinairal pa ni Moon ang kayabangan nito na abot hanggang kalawakan, malamang na may masaktan.
"Heh... mayabang ka lang sa salita. Wala ka pa ring ibubuga."
"...."
"Hari ka lang dahil ipinanganak ka sa linya ng mga royal sa Ishguria pero para sa mga Nindertal na nakapaligid sayo, isa ka lang manika na maaari nilang kontrolin at dispatsahin pag di na kailangan."
"Para sa isang iginagalang na prinsipe ng isang bansa, mukhang masiyado ka atang maraming oras para pakialaman ang buhay ng iba."
"At para sa isang Hari na tinitingala ng nakararami, mukhang wala ka naman talagang maipagmamalaki." Sagot ni Moon.
"Gaya ko isa ka ring Nindertal na ipinanganak sa linya ng royal sa Asteloma. Pero ano na ba'ng nagawa mo para sa bayan mo? Totoo... hindi ako maaaring gumamit ng Maji pero hindi dahilan yun para iwan ko ang aking tungkulin at responsibilidad. Kung kinikilala ako ni Bernon bilang kaaway, hindi ba't ibig sabihin lang no'n na mas angat ako dahil kaya ko siyang kalabanin? Mawalang galang na subalit, ikaw kaya mo ba?"
Naiinis na naikuyom ni Moon ang kanyang kamao kasabay no'n nagtagis din ang kanyang mga ngipin. Nakakainis na wala siyang masabi pabalik sa sinabi ni Riviel. Totoong bilang Hari marami na itong napatunayan. Sa pagkupkop pa lang nito sa mga Yesu na nawalan ng tirahan dahil sa nangyaring paglusob ay nakakuha na ito ng hindi maitatangging mataas na respeto, paghanga at tiwala hindi lang sa Ishguria kundi maging sa ibang bansa, habang ang kaharian naman nila ay umani ng matinding galit mula sa iba pang maliliit na tribu.
Para kay Moon, ginamit ni Riviel ang pagkakataong yon para sumikat at lalong palabasin na sila ang masama.
"Patunayan mo sa'kin na dapat kitang kilalaning Hari ng Ishguria. Ako ang itinakdang Prinsipe ng Asteloma at bilang tagapagmana, ibibigay ko lang ang aking pagkilala sa Nindertal na nararapat."
'Hindi ko naman makakain ang pagkilala.'
"At anong mangyayari kapag nabigo akong patunayan sa'yo ang aking sarili?"
"Labing limang taon mula ngayon, nakatakda akong pumalit sa aking ama sa pagiging Hari. Kapag nabigo kang patunayan ang yong sarili... oras na makaupo ako sa trono... magdedeklara ako ng gera sa bansang Ishguria at sasakupin ko ang kahariang pinakamamahal mo!" mayabang na pahayag nito.
"Hmmm.... isang digmaan. Prinsipe Moon, bilang isang Hari hindi sapat para sa'kin na pagkilala lang ang makukuha ko mula rito. Ano kung hindi ko makuha ang pagkilala mo? Hindi ako maisasalba niyan kapag nasa bingit na ko ng kamatayan kaya naman... hihingi ako ng isang magandang kapalit para dito."
"Magsalita ka."
"Kapag napatunayan ko sa'yo na karapatdapat ako, oras na maupo ka sa trono bilang Hari, mangako kang magkakaroon ng alyansa sa pagitan ng Asteloma at Ishguria, hindi lang yon ibabalik mo rin ang lupain na kinuha ni Haring Huben sa mga Yesu."
"Sobra naman yata ang hinihingi mo Hari."
"Wag kang mag-alala, may makukuha ka ring benipisyo pag nangyari 'yon Prinsipe."
"Benipisyo?" usisa nito.
Tama ang hinala ni Riviel. Mukhang namana nga ni Moon ang pagiging sakim ng ama nito. Hindi ito makukuntento sa sariling bansa. Sa oras na maupo ito sa trono, hindi lang ang bansa niya ang manganganib kundi pati na rin ang mga natitira pang tribu na naninirahan sa iba't-ibang lugar. Kaya naman ngayon pa lang kailangan niya nang umisip ng paraan para kahit pa'no ay mapigilan ang mangyayari.
"Hindi ba't mahirap magpatubo ng mga pananim sa Asteloma dahil mabato ang lupa kaya walang pagpipilian ang inyong bansa kundi ang umasa sa ibang lugar? Dahil din dito kaya wala ni isa sa mga Astelon ang marunong magtanim. Magaling ang mga Yesu sa pagpapalago ng mga halaman. Kapag naibalik sa kanila ang kanilang lupain, maaari silang mag supply ng mga prutas at gulay sa kaharian ng Asteloma sa mababang presyo."
"Paano mo alam ang lahat ng ito?" gulat na tanong ni Moon.
"Hindi lang yon. Kung aayusin mo ang relasyon ng Asteloma sa iba pang mga tribu, makakakuha ka ng mga bagay na higit pa sa 'yong inaasahan."
"Gaya ng?"
"Ang mga tribu sa Helfeim ay magaling makipaglaban subalit dahil sa kakulangan ng armas madali silang natatalo. Ngayon, kapag nakuha mo ang loob nila, magkakaroon ka ng pitong pung libong malalakas na mandirigma. Siyempre pa, mas sanay sila sa lugar at mas maganda kung sa Helfeim din sila magsasanay. Ang tribu ng Gayuman sa Vighel, magaling sa paggawa ng mga armas subalit kulang sa materyales. Kung gagamitin mo ang kaalaman nila sa paggawa ng armas, magiging malakas ang pwersang sandatahan ng Asteloma."
"Kung gano'n pipilitin ko silang umanib sa Asteloma."
"Bagay na mahirap gawin. Kapag ginawa mo ang lahat ng sapilitan, maaaring magdulot na naman yon ng isa pang laban sa pagitan ng mga Astelon at tribu. Bigo itong makita ng yong ama kaya kahit na nakuha niyo na ang lupain ng mga Yesu, hindi niyo naman alam kung pa'no gagamitin. Kapag ikaw ang naupo bilang Hari paniguradong mag-iiba ang Asteloma. Tiwala ako sa kakayahan mo at umaasa akong hindi ka susunod sa yapak ng iyong ama."
Sa isip-isip ni Regenni. 'Nambobola na naman siya.'
".....tama ka."
'Ito pa ang isang uto-uto.'
"Kung gano'n, pumapayag na ako sa gusto mong mangyari!" sabi ni Moon. "Subalit hindi ibig sabihin nito na hahayaan kitang manalo."
"Sabihin mo kung anong kailangan kong gawin para makuha ang sinasabi mong pagkilala."
Ngumisi si Moon. Tuso ang Prinsipeng ito kaya gagawin niya ang lahat para lang manalo kahit pa hindi na 'yon patas para sa kalaban. Para sa kanya, mas maganda kung makukuha niya ang Ishguria. Sa mga bato pa lang na nagbibigay ng Shi sa barrier maaari nang lumakas ang Asteloma. Hindi lang 'yon, mayaman ang bansang ito at ang pagsakop dito ay magbibigay ng malaking oportunidad para mas lalong palakasin ang Asteloma. Kung ang kanyang Amang Hari kontento na sa maliliit na lugar, hindi iyon sapat para sa kanya.
"Labanan mo ako gamit ang Maji."
"Yun lang ba? Walang problema!"
"Aasahan ko yan. Maghanda ka Hari ng Ishguria. Ilang linggo mula ngayon magaganap ang ating laban." Pagkasabi no'n ay mabilis naglakad paalis si Moon kasama si Ropontoni. Parang bagyo ito na biglang dumating at mabilis din nawala.
"Oy, Riviel."
"Hm?" hinarap niya ang pinsan. "Bakit?"
"Ngayon lang... pumayag ka sa isang laban."
"Iyon—nga ang nangyari."
"At ang bansa ng Ishguria ang nakataya."
"Oo nga."
"Hindi ka pwedeng gumamit ng Maji."
"...Oo alam ko."
"Kung gano'n bakit ka pumayag sa ganung klase ng laban?"
Sandaling katahimikan.
"... ...Nakalimutan ko."
"..."
Mukhang ngayon pa lang kailangan niya ng ihanda ang mga titulo ng lupa sa Ishguria.
✴✴✴
ARONDEHO Boremyon city
LUCRIAS HAMNIGEL MANSYON
BAM!
Isang malakas na tunog ng paghampas ng kamao sa isang malapad na kahoy ang namutawi sa may kalakihang silid. Napaatras ang mga Nindertal na kaharap ni Duke Hamnigel. Malaking Nindertal ang Duke kaya halos madurog ang lamesang kahoy, idagdag pang matapang ang itsura at ekspresyon ng mukha nitong may katandaan na kaya lalo itong naging nakakatakot.
Butil butil ang pawis nito na makikita sa noong malalim ang pagkakakunot. Halatang pinipigilan nito ang sarili na sumigaw sanhi ng matinding galit
"Saan unang narinig ang balitang yan?" tanong niya sa mga kaharap.
"Ayon sa nag-ulat, sa Grisiliss po ito unang narinig. Hindi tiyak ang pagkakakilanlan ng lalaking nagpakalat ng maling balita kaya hindi namin masabi kung isa talaga siyang Elterin."
Elterin ang tawag sa mga Nindertal na nakatira sa Eldeter. Bawat kaharian ay may kanya-kanyang tawag sa mga mamamayan at Ariid ang tawag sa kanilang mga taga Arondeho.
"Hanapin niyo... at dalhin sa'kin ang lapastangang nagpapakalat ng maling balita."
"Masusunod po." Bahagyang yumukod ang mga ito bago umalis ng silid.
Hindi alam ni Hamnigel kung bakit nadawit ang pangalan niya sa eskandalo sa pagitan ng Barona at ng nawawalang diyosa. Oo at naroon siya nung magbigay ng kautusan si Bernon sa pinuno ng Barona na si Levic Venrior.
Kakaunti lang ang nakakaalam na ang hakbang na ito ay isang pain para mapalabas ang anak ng dalawang diyos.
Ang paninira sa kanya ng ganito ay isang bagay na hindi gagawin ni Bernon dahil maaari niyang sabihin sa lahat ang mga plano nito, isa pa pinagkakatiwalaan din siya ng Hari ng Asturia.
Maingat si Bernon sa mga kilos nito kaya sigurado si Hamnigel na hindi ito ang may kagagawan.
"Narito sa Arondeho ang isa sa pinakamalaking simbahan ng Almiryad. Kung ang pakay ng nagpakalat ng balita ay siraan ako sa simbahan, malamang na magtagumpay ito."
Malaki ang pakinabang ng mga kaharian sa simbahan dahil mayroon silang kapangyarihan na galing sa kanilang diyos na nagbibigay sa kanila ng tatlumpung porsiyento ng lakas ng Shi bukod pa sa ipinamamahagi ng Shired tower. Kaya naman mas malakas ang Maji na nagagamit ng kaharian na may simbahan kumpara sa mga wala.
Gayunpaman, sensitibo ang simbahan pagdating sa usapin ng mga diyos at hindi sila mangingiming talikuran ang Nindertal na nagkasala sa simbahan nila.
Lalong humigpit ang pagkakakuyom ng kamao ni Hamnigel. "Kailangan ko itong gawan ng paraan. Kung sinoman ang gumawa ng hakbang na ito, dapat ko siyang patayin. Kung nagmula ang balita sa Eldeter, hindi kaya may kinalaman si Vhan Rusgard?"
Umiling siya. Walang maisip na dahilan si Hamnigel para makialam si Vhan Rusgard sa usaping ito. Sa pagkakakilala ng lahat sa Duke ng Eldeter, hindi ito nakikialam sa mga bagay na wala itong interes.
Pero sandali...
Sumilay ang isang nakakatakot na ngiti sa mukha ni Hamnigel.
Hindi ba't isang magandang oportunidad ito para tapusin ang mayabang na Duke? Kung gano'n, gagamitin niya ang pagkakataong ito para patayin si Draul Vhan Rusgard. Kapag nagawa niya 'yon...
Kikilalanin siya ng lahat!