Chapter 21

2441 Words
Panay ang paghawi ni Avanie sa harapan niya para maalis ang mga nagliparang alikabok nang bumagsak silang dalawa ni Nalu sa semento. Humakbang siya, kasunod no'n ay nagtunugan ang mga tuyong dahon nang matapakan niya. "Ang lamig dito." Komento ni Nalu. Gawa kasi sa pinagpatong patong na bloke ang maliit na lugar na kinalalagyan nila ngayon. Puno ang mga ito ng halamang lumot pati na mga maliliit na ugat na galing sa mga puno na malamang ay nasa labas. Mabuti na lang may tumatagos na sinag ng araw sa maliliit na crack kaya bahagyang may liwanag sa paligid, kung hindi mangangapa sila sa dilim. Walang ideya si Avanie kung saang lupalop sila inilaglag ng walangyang butas. "Nasaan na ba tayo?...ubo! ubo!" Tumingala si Nalu, tinatanaw ang butas sa itaas. "Hindi ko makita yung pinanggalingan natin! ubo! ubo!" "Kung kanina pakiramdam ko nahulog ako sa bangin, ngayon nahulog na talaga ako... ubo! ubo! ehem! ehem! Grabe, di man lang nagbigay ng babala talagang inihulog tayo ng walang paalam!" "Buti nga hindi tayo nasaktan. Sa taas ng pinanggalingan natin pwede tayong mabalian o anupaman." Maingat na itinago ni Avanie ang kamay niya sa likod. Namumula 'yon sanhi ng matinding init nang gumamit siya ng Shi para palutangin ang sarili at si Nalu. Totoo. Mataas talaga ang pinanggalingan nila at kung hindi siya gagamit ng Maji, hindi lang pagkabali ng buto, magpapaalam pa sila sa katawang lupa nila. 'Hindi naman siguro malalaman ni Draul na gumamit ako ng Shi.' "Nasa... isang lumang aklatan tayo." Turan ni Nalu na nakaagaw ng atensiyon ni Avanie. Luminga siya sa paligid at tama ang kasama, nasa lumang aklatan nga sila pero maliit lang ito. Mayroon lang pitong shelf na balot ng sapot, apat sa mga ito ay walang laman. "Akalain mong may aklatan sa ilalim ng isang aklatan." Excited na lumapit si Nalu sa isang shelf at kumuha ng libro, tahimik lang na sumunod si Avanie. Alerto siya. Sa nangyari sa kanila kanina, di malayong maulit yon at kapag hindi nag-ingat baka mapadpad na sila sa ibang mundo. "Ang itinakwil na diyos..." basa ni Nalu sa titulo ng libro. "Parang pamilyar sa'kin ang librong to. Teka... saan nga ba? Ah! May nakita akong kapareho nito dun sa pang ika-dalawang daang shelf. Kukunin ko nga yun mamaya at mabasa. Mukhang interesante e." "May kinalaman din sa Rohanoro ang mga libro rito." "Oo nga no? Gaano ba talaga ka-hiwaga ang maalamat na kahariang yon at kinailangan pang itago ang mga libro na may kinalaman dito?" Sa titulo pa lang malalaman na agad na tungkol sa nawawalang kaharian ang nakapaloob dito. Lahat ng libro na nakalagay sa shelf ay may kanya-kanyang numero subalit hindi nakaayos ang mga ito ayon sa pagkakasunud-sunod at aakalain na basta na lang itong iniwan sa shelf ng kung sinoman ang may-ari. Siguro inilagay ang mga libro sa isang tagong lugar dahil na rin sa nangyayaring p*****n sa labas ng Idlanoa. May napansing kakaiba si Avanie habang binabasa ang mga nakasulat sa loob ng mga libro. Magkaiba ang pabalat ng mga ito subalit halos pare-pareho lang ang nilalaman pero... 'May nadadagdag na impormasyon kada libro. Hindi lang ang numero ng pagkakasunod-sunod kundi pati na rin ang nilalaman nito gulo-gulo. Kung sisiyasatin mabuti, mukhang sinadyang guluhin nung nagsulat ang mga impormasyon para hindi agad malaman ng makakabasa kung anong itinatago ng mga libro.' "Tingnan mo Miden! Tungkol naman ang isang to sa paghahalo-halo ng mga sangkap. Siguro mahilig magluto ang mga Lunarian?" kumuha uli si Nalu ng isa pa. "At ito naman sa pagsasalin ng mga... ano yung onodero?" "Hindi ko rin alam. Ngayon ko lang din narinig ang salitang yan e," pinagkukuha niya lahat ng libro at pinagpatong-patong 'yon. "Teka, anong gagawin mo dyan?" nagtatakang tanong ni Nalu. "Hihiramin ko." "Huh? Sa dami niyan pa'no mo bibitbitin lahat?" "Madali lang yan. Edamame!" agad na nagpakita si Edamame. Kumakawag pa ang buntot nito at halatang tuwang-tuwa. "Nganga." Sumunod naman ito at sa gulat ni Nalu, inilagay ni Avanie lahat ng libro sa bibig ng kawawang Mink. ".........." "Ngayon, ang kailangan na lang natin isipin ay kung pa'no makakaalis dito." "Uuuh...baka nakakalimutan mo." Itinuro ni Nalu ang sarili. "Teleport." Nanigas si Avanie sa kinatatayuan. Mukhang hindi pa matatapos ang kalbaryo nya ngayong araw. 'Ang sabi nga nila, ang buhay ay puno ng karanasan. Para masanay ka kailangang ulit-ulitin kahit ga'no pa kapangit sa pakiramdam, kailangang tiisin.' Nanginginig na inabot niya ang kamay ni Nalu sabay pikit ng mariin. Tapos ng ilang sandali muli silang naglaho. ✴✴✴ Eldeter Grisiliss Bar Ang Grisiliss bar ay matatagpuan sa bungad ng isang maliit na bayan sa Eldeter, kaya ang karaniwang customer nito ay mga manlalakbay na galing sa malalayong lugar. Dito rin nagtitipon ang mga Nindertal na gustong mag-inom, mga gutom o kahit yung mga gusto lang magpalipas oras. Maliit lang ang Grisiliss, may labing dalawang lamesa lang sa loob nito na may tig-aapat na upuan. Tatlong tagasilbi, dalawa sa mga ito ay babae. Kakaunti lang din ang kaya nitong papasukin, magkagayunman, sikat ang bar na ito sa buong Iriantal. Sa lugar kasi na ito nagaganap ang pinakamalaking palitan ng impormasyon. Hindi pangkaraniwang manlalakbay ang tumitigil sa bar. Karamihan sa kanila ay pumupunta sa Grisiliss para lang makakalap ng impormasyon na hindi ibinabalita sa publiko. Nagpapalitan sila ng mga nalalamang impormasyon at ibenebenta naman nila yon sa mga Nindertal na nangangailangan ng impormasyon sa bawat kaharian. Hindi ito ilegal dahil impormasyon lang naman ang tangi nilang nailalabas. Kung minsan pa nga may mga Nindertal na dumadayo sa Grisiliss at nagbabayad ng malaki para lang magpakalat ng mali-maling balita. "Nabalitaan mo na ba? Nagpa-plano ang Asturia ng isang malaking paglusob sa Mizrathel." "Isang paglusob?" "Isa na namang pagpapalawak ng nasasakupan. Dumating na ang anim na put libong mga bagong sundalo ng Asturia." Sabi ng isang lalaki sa kaharap na panay ang kain ng pulutan na hindi naman siya ang nagbayad. "Oo, may nakakita na dumaan sila sa bundok para lang hindi makita ng mga Nindertal sa Asturia. Patago rin ang pagpasok nila sa loob ng kaharian." "Napakalaki ng ginagawang paghahanda ng Asturia para sa paglusob sa Mizrathel." Sabat naman ng isa mula sa di kalayuang lamesa. "Ano pa bang aasahan mo sa notorius na pinuno ng mga ito? Hindi sasantuhin ni Bernon ang mga Exile. Bukod sa dumating na anim na put libo, may mga idinagdag pa ang mga ka-alyansang kaharian kaya lalong dumami ang mga sundalo." "Kawawa naman ang mga Exile. Wala na nga silang ibang mapuntahan, maaagaw pa ang tanging lugar na tinutuluyan nila." "Walang gustong umapila dahil takot ang lahat kay Bernon." Pinalo ng lalaki ang kamay ng kaharap. "Wag mong ubusin yang pulutan!" "E, ang duke ng Eldeter na si Vhan Rusgard? Yun lang ang isa sa mga namumuno na alam kong kayang kalabanin si Bernon bukod sa batang hari ng Ishguria." "Hindi makikialam si Vhan Rusgard sa mga bagay na wala siyang kinalaman." "Kung halimbawang makialam siya?" "Pupunta ako ng Mizrathel para panoorin ang isang napakagandang laban!" Kumalansing ang nakasabit na wind chime sa pintuan, senyales na may bagong dumating. Pumasok ang isang matangkad na lalaki. Natatakpan ng hood ang ulo nito kaya hindi nila makita ang mukha. Umupo ito sa pinakasulok at inabutan ng bag na may lamang pera ang lalaking tagasilbi ng bar. "Yun lang ba ang gagawin ko?" natutuwang tanong ng tagasilbi. Hindi nagsalita ang lalaki, tumango lang. Ngumisi ang tagasilbi at sinimulan na ang pagsasalita. "Talaga? Ginawa yun ng duke ng Arondeho?" aniya sa malakas na tinig sapat para marinig ng mga nasa loob. "Ang lakas naman ng loob niyang bastusin ang simbahan ng Amizade." Nanahimik ang mga Nindertal sa loob ng Grisiliss at nakinig sa tagasilbi. Lahat nag-aabang ng bagong balita. "Ah! Talaga? Ang duke ng Arondeho ang nag-utos sa Barona na patayin ang mga nilalang na magkaka-interes sa maalamat na kaharian? Inutos niya ito para palabasin ang nawawalang diyosa ng buwan? Oooh!" Ang alam ng lahat ay patay na ang diyosa ng buwan at ayon pa sa ibang kwento ay nananahimik na ito sa langit. Ang pag-uusap ng ganito sa isang patay na diyos ay isang kalapastanganan sa simbahan na kinabibilangan nito. Kapag nakarating ang balitang ito sa simbahan ng Almiryad, tiyak na hindi nila ito basta-basta mapapalampas at ang tatanggap ng lahat ng paratang ay walang iba kundi ang nabanggit na Nindertal na walang iba kundi ang tinutukoy na duke ng Arondeho na si Lucrias Hamnigel. Marahang tumayo ang ibang kumakain at lumabas na. Hindi na kailangang hulaan kung anong gagawin ng mga ito. 'Sige, humayo kayo't ikalat ang maling balita.' Unti-unting sumilay ang nakakalokong ngiti sa labi ng matangkad na lalaki na walang iba kundi si Levic Venrior. ✴✴✴ Marahang isinara ni Avanie ang pinto ng classroom nila tapos ay maingat siyang naglakad papunta sa upuan niya. Nahuli siya dahil sa nangyari sa silid aklatan. Buti na lang pwede nyang i-uwi ang mga libro. Ayon kay Nalu, ang mga librong hindi nakatala sa record ay hindi pagmamay-ari ng aklatan. Kailangan nya nga lang yun itago sa iba. Malamang na mapagalitan siya kapag may nakaalam ng ginawa nya. Pero hindi naman siya natatakot. Isa pa wala namang batas ang Heirengrad na hindi maaaring mag-uwi ng libro mula sa aklatan ang isang estudyante. Saka hihiramin nya lang naman at ibabalik rin oras na malaman nya ang mga impormasyong nakatago sa mga libro. "Gaya nga ng ipinaliwanag ko, nagkakaroon ng maikling paglalakbay ang lahat ng estudyante sa Heirengrad at nagaganap yun kada tatlong lingo." Paliwanag ni Pharavee. "Totoo po ba na pupunta tayo sa lugar na maraming halimaw?" tanong ng isang estudyante. "Tama. Ito ay para masubok ang kakayahan nyo. Pero wag kayong mag-alala dahil trabaho ng isang Dia na piliin ang area na pupuntahan ng mga estudyante. Ang mga Jumi at Iris lang ang pinapayagang pumunta sa masusukal na bahagi habang ang mga Miden naman ay sa ligtas na lugar inilalagay. Kayo ang magiging taga-gamot ng mga nasaktan, kasama na rin ang pagluluto at paglilinis ng mga tutuluyan." Napuno ng reklamo ang buong silid. Isasama lang ata sila para may katulong ang mga ito. "Wag kayong mag-alala dahil bibigyan rin naman kayo ng pagkakataong makapunta sa masukal na bahagi sa kondisyon na sasamahan kayo ng ilang mga Jumi." 'Lalaban sa mga halimaw? Kaysa pag-aksayahan ng oras ang mga nananahimik na nilalang ba't di na lang gumawa ng mga aktibidad na pwedeng gamitan ng Maji?' Hindi lahat ng Ginx gustong makipaglaban at napatunayan yun ni Avanie nung paakyat sila ng bundok Chunan. Malamang na gaya ng mga normal na Nindertal, pino-protektahan lang nila ang lugar na kanilang tinitirahan. Napahinga na lang siya ng malalim. Gusto man nyang umapila, sino ba naman siya para pakinggan ng isang Dia? At saka matagal ng ginagawa sa Heirengrad ang paglalakbay. Bagay na hindi basta-basta mababago. "Hahatiin kayo sa tatlong grupo. Bawat grupo kailangan may anim na miyembro, bahala na kayong pumili ng mga Nindertal na sasamahan nyo. Ginagawa ang grouping ng mas maaga para pagdating ng paglalakbay, hindi na kayo mahihirapang kumilos sa paligid ng isa't-isa." Talaga naman... umiiwas nga si Avanie sa ibang estudyante para itago ang sikreto nya pero heto't kailangan niya pang maki grupo ngayon. Nagsitayuan na ang ibang mga estudyante at nagsimula nang bumuo ng grupo. Yumukod lang si Avanie sa lamesa. 'Sana walang matira para ako lang mag-isa.' Sa kasamaang palad... hindi dininig ang hiling nya. "Kamusta ako si Lorfiet Nemorin." Bati kay Avanie ng isang payat lalaki na may light green na buhok at green na mata. "Kulang pa kami ng dalawang miyembro, gusto mong sumali?" Tiningnan nya ang mga nakuhang miyembro ni Lorfiet. Isang matabang lalaking hugis itlog na panay ang kain, isang may katandaang babae, isang mukhang mahiyain na babae. Si Lorfiet lang ata ang mukhang normal sa grupo. Palihim na iginala ni Avanie ang tingin at napansin nyang lahat ay may ka-grupo na liban na lang sa kanya at sa isa pang lalaki na malaki ata ang galit sa mundo dahil ang lalim ng pagkakakunot ng noo. Pustahan, siya ang unang nilapitan ni Lorfiet dahil takot ito dun sa lalaki. "Sige." May pagpipilian pa ba siya? "Aah..." lumunok si Lorfiet at nahihiyang tumingin sa kanya. Sa itsura pa lang may kutob na si Avanie sa susunod nitong sasabihin. "Kung pwede sana, pakitanong naman yung lalaking yun kung gusto nyang sumali sa grupo?" 'Sabi ko na! Balak akong ipain ng isang to e!' 'Kamahalan! Tutusukin ko mata ng lalaking yan! Sino sya para utusan kayo? Isusumpa ko yan! Isusumpa ko talaga yan!' Nag-echo ang boses ni Fegari sa isip niya. 'Saba! Ang ingay mo Fegariano!' saway dito ni Izari. 'Nasaan si Satari?' 'Ah, natutulog po kamahalan.' Tulog na naman ang bunso. Bakit ba siya tulog ng tulog? Dumadalo ba ito ng kasiyahan gabi gabi nang hindi nila nalalaman? O ganun lang talaga ito dahil lumalaki? Tumayo na si Avanie at lumapit sa lalaki. Ewan ba niya kung bakit siya ang naisipang ibala dito ni Lorfiet. Mukha ba siyang malakas? Sa oras na bantaan siya ng lalaking ito makakalaban ba siya? Baka matulad na naman to sa nangyari sa Idlanoa nung kinalaban niya si Shitarka Soligoban. "Uuuh ... kamusta?" bati ni Avanie sa lalaki. Ni hindi man lang siya nilingon nito. "May ka-grupo ka na ba? Kung wala pa baka gusto mong sumali sa grupo namin at saka.... mukhang ikaw na lang natitira." "Gawin niyo ang gusto niyo. Basta ba walang haharang sa dadaanan ko." Malamig na sagot nito. 'A...yos. Hindi naman pala siya mahirap kausap. Nakakatakot lang talaga ang itsura niya.' "Masusunod. Pero bago ang lahat kailangan ko rin malaman ang pangalan mo." "Mume." "Ako si Avanie Larisla. Kung may tanong ka lapitan mo na lang yung tumatayong leader ng grupo." "Ako ang magiging leader ng grupo." "H-Ha?" "Bingi ka? Sabi ko, ako ang magiging leader ng grupo. Ayokong sumusunod, gusto ko ako ang masusunod." 'Avanie-Hana, hayaan mong hatiin ko sa lima ang lalaking yan.' Sa pagkakataong 'to boses naman ni Satari ang narinig niya. 'Kalma hijo. Hindi ka pwedeng gumawa ng gulo rito.' "K-Kung yan ang gusto mo, pero mas mabuting kausapin mo yung iba pa." "Inuutusan mo ba ako?" galit na tanong ni Mume. "Bakit kailangan ko silang kausapin? Ikaw ang magsabi no'n sa kanila. Hindi mo ba ako kilala? Miyembro ako ng Barona!" 'Barona na naman...' Bakit ba kahit saan siya magpunta lagi na lang may Barona? Gaano ba kalaki ang populasyon ng mga ito at nagkalat sila kung saan-saan? Para silang kabute. Sulpot ng sulpot. Napahinga na lang ng malalim si Avanie tapos ay bumalik sa grupo. Sinabi niya sa mga ito ang gusto ni Mume. Pumayag naman si Lorfiet pero hindi ang kasama nitong itlog--este mukhang itlog. "Bakit siya ang magiging leader? Ga'no ba siya kagaling? Ga'no ba kalakas ang kapangyarihan niya?" "Tama na yan Oroba. Di naman ako nagrereklamo. Isa pa, kung titingnan mukhang mas malakas si Mume kesa sa'kin kaya mas maigi na rin na siya ang maging leader ng grupo." Kahit nakangiti si Lorfiet, halata pa rin ni Avanie ang panghihinayang sa tinig nito. "Hindi ako papayag! Hindi ko siya kikilalanin bilang leader!" Kung galit si Oroba kay Mume, hindi magkakasundo ang dalawa. Mahiyain at matanda pa ang kasama niya bukod dun, wala silang idea kung pa'no mamuno ang si Mume. Mukhang ayos na ang ibang grupo at nagkakasundo na ang mga ito, maliban siyempre sa grupo nila. 'Hindi pa nag-uumpisa ang lahat problema na agad.'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD