Chapter 20

2123 Words
Matapos magpahinga nang ilang minuto sa fountain ay nagtungo na ang mga bagong Miden sa classroom ng mga ito. Sa isang malaking double door na silid sila iginiya ni Pharavee at nang makapasok ang mga estudyante ay isa lang ang nararamdaman nila matapos makita ang kabuoan ng kwarto. Paghanga. "Wow!" "Ang ganda!" "Dito talaga tayo magka-klase?" "Buti na lang talaga nakapasa ako sa pagsusulit!" "Gaganahan akong mag-aral dahil dito!" Isang magandang silid ang tumambad sa mga bagong mag-aaral. Gawa ang mahahabang pabilog na lamesa pati upuan sa makapal at matibay na kahoy. Nakapalibot ang mga ito sa isang malaking orb na kulay violet na lumulutang sa kalagitnaan ng silid. Bawat lamesa ay may kanya-kanyang lampara na gawa sa isang umiilaw na bulaklak na nagbibigay ng madilaw na liwanag. Bukod doon, malaki rin ang bintana malapit sa kisame kaya makikita ang napakagandang asul na kalangitan. "Maupo na kayo," utos ni Pharavee saka pumuwesto sa pinakagitna ng silid. Pinili ni Avanie na umupo sa pinakadulong upuan kung sa'n malayo siya sa mga kapwa estudyante. Hindi sa ayaw niyang makipaglapit sa mga ito pero kapag basta na lang siyang nakipag-usap baka kung ano na naman ang masabi niya. Ayaw rin niyang malaman ng kahit sino na marunong talaga siyang gumamit ng Maji, malamang na mag-usisa ang mga ito. Pag nagkataon hindi niya alam kung anong isasagot. "Nakahanda na ang mga librong gagamitin niyo, kunin niyo diyan sa drawer ng mesa sa inyong kinauupuan." Kinapa ni Avanie ang ilalim ng mesa niya at gaya nga ng sinabi ng pink na Dia, may mga libro nga doon. Kinuha niya 'yon at isa-isang binuklat. "Huh? Ano 'to?" inisa-isa niya lahat ng libro subalit lahat 'yon ay pare-pareho. Basic Maji... Maji para sa tanga... Unang hakbang sa pag-aaral ng Maji... "Ano tong mga 'to??" Palihim na tinatanong ni Avanie ang sarili. Marami na siyang nabasang libro tungkol sa Maji, lahat yun galing kay Yushka pero ito ang kauna-unahang beses na nakita niya ang mga ganitong uri ng libro. 'Gaya ng inaasahan sa Heirengrad! Hindi ko agad maiintindihan ang mga libro nila.' Iniisip niya na ang mga librong ito ay advanced at iba sa itinuturo ni Yushka ngunit ang hindi niya alam... ang mga librong ito ay para lang sa mga Numan na gustong magpataas ng Shi. Para kay Draul, alam niyang hindi na kailangan ni Avanie ang mga ganitong libro dahil mataas na ang kapangyarihan nito. "Ang bolang ito ay tinatawag na Benbo. Para sa mga Numan na limitado lang ang Shi, ginagamit ng Heirengrad ang Benbo para magbigay ng extrang Shi sa mga mag-aaral na makakatulong sa pag-aaral ng mga ito." Itinuktok ni Pharavee ang hawak na pink na staff sa sahig. "Dito, bilang isang Miden ay ituturo ko sa inyo ang mga hakbang kung pa'no mapapalakas ang inyong Shi at Maji. Tandaan niyong mabuti na hindi lang Maji ang kailangan ng isang Nindertal sa mundong ito. Kung mahina ang Maji niyo, bawiin niyo ito sa kaalaman at paganahin niyo ang inyong utak. Kahit na malakas ang isang nilalang kung hindi naman nito pinapagana ang isipan, madali itong matatalo. At para sa inyong mga Numan mas maigi na meron kayong kaalaman nang sa gano'n, wala man kayong malakas na kapangyarihan makakaya niyo pa ring talunin ang mas malakas sa pamamagitan ng kaalaman. Lahat sa mundong ito ay may kahinaan at kailangan niyong malaman ang mga kahinaan na yon para gamiting lakas laban sa mga kalaban. Kasabay nito, kailangan niyo ring pag-aralan ang sarili niyong kahinaan at unti-unti yon lampasan." Nakatingin lang si Avanie sa Dia. Kahit na masakit sa mata ang suot nito, napahanga naman siya sa mga sinasabi nito. Ito ang unang beses na pumasok siya sa isang eskwelahan kaya bago ang lahat sa kanya. Malayong-malayo ang paraan ng pagtuturo ni Yushka kay Pharavee. Gayunpaman, pareho silang magaling. "Para subukan ang inyong Shi, naghanda ako ng maliit na chant para makita kung hanggang saan ang kayang abutin ng mga Maji niyo sa ngayon." Isa-isang lumitaw ang maliit na bolang kulay puti sa bawat harap ng mga estudyante. "Magpasok kayo ng kaunting Shi sa loob ng bola, tapos ay sambitin niyo ang chant. Gies ne me tou com. Ipapakita sa inyo ng mga bolang yan ang mga bagay na konektado sa inyo. Depende sa lakas ng Shi, kapag mahina ang Shi, hindi maganda ang kalalabasan ng mga bagay. Ngayon simulan nyo na." "Gies ne me tou com!" chant ng isang babae, kasunod no'n ay umilaw ang bola at di nagtagal ay nahulma ito sa isang maliit na bahay. "Wow! Ito ang bahay namin." "Gies ne me tou com!" sumunod naman ang isa pa, sa kanya naman ay isang laruang sasakyan. "Gies ne me tou com!" naging ibon naman ang sa isang ito. "Gies ne me tou com!" isang hugis ng babae pero di nagtagal ay unti-unti itong natunaw na tila isang kandila. "Yan ang mangyayari kapag mahina ang Shi. Hindi nito makakayang gawin ng matagumpay ang mataas na Maji." Paliwanag ni Pharavee-dia. Abala ang lahat sa pagpapagana ng bola nang biglang... "Grroooowwwwllll!!!!" lumitaw ang isang may kalakihang dragon sa lamesa nung isang estudyante. Kakulay ito ng langis kaya sa tuwing nasisinagan ng liwanag ay bahagyang kumikinang. Pumagaspas muna ang pakpak nito bago tuluyang lumipad at nagpaikot-ikot sa loob ng silid. "Hahahahaha!" tawa ng isang babaeng estudyante. Kulay brown ang maikling buhok nito at nakapatong sa lamesa ang binti nitong balot ng itim na stockings. "Pharavee-dia! Nakagawa ako ng dragon at napalipad ko pa, ibig bang sabihin malakas ang Shi ko?" Kumunot ang noo ng Dia at halata sa ekspresyon nito na hindi nito gusto ang kaharap. "Viathel Zeis. Anong ginagawa mo dito?" Tama. Ang babaeng ito ay walang iba kundi ang pangalawang anak ni Bernon Zeis. Si Viathel ang Prinsesa ng Asturia. Kasalukuyan din itong nag-aaral sa Heirengrad kahit na malakas na ang Shi nito at walang nakakaalam kung bakit ito naroroon. Ngumisi si Viathel at humalukipkip. "Gusto ko lang naman makita ang mga bagong magiging alalay ko. Isa pa, nakakainip na sa lugar ng mga Jumi. Gusto ko namang makakita ng kakaiba." Samantala, walang pakialam si Avanie sa nangyayari. Pinipilit niya pa ring magpalabas ng Shi sa kamay niya kahit konti. "Wala kang makikitang maganda rito kaya bumalik ka na sa Jumi." "Inuutusan mo ba ako?" pumitik sa ere si Viathel, maya-maya pa'y bumaba ang dragon at mabilis na lumipad para sugurin si Pharavee-dia ngunit bago pa ito makalapit ng tuluyan ay naging abo na ito. Ayaw pa ring lumabas ng Shi sa kamay ni Avanie. "Inuutusan kita bilang isang Dia, bumalik ka na sa Jumi Viathel." "Oo na, oo na. Gagawin ko yon pero sa isang kondisyon. Ibigay mo sa'kin ang isa sa mga estudyante mo para maging alalay ko." Nainis na si Avanie kaya itinuktok niya ang bato sa lamesa niya. Sa awa naman ng kung sinong diyos na nasa paligid, umilaw rin sa wakas ang bola. Nag-anyong malaking agila ito at lumipad papunta sa direksyon ni Viathel. "Sa palagay mo, basta na lang akong papayag sa kondisyon na yan?" matigas na sabi ng Dia. "Hindi ko ibibigay sa'yo ang kahit isa sa mga Miden na nandito." "Kung ganoon...." itinaas ni Viathel ang isang kamay para sana patamaan ng Maji si Pharavee-dia subalit bago pa man niya magawa 'yon ay biglang may bumagsak na putik mula sa ulunan niya. "Aaahh!!!!???" Nanlaki ang mata ni Avanie. 'Patay!' Bumagsak sa ulo nung babae yung natunaw niyang ibon! Dali-dali siyang tumalikod para hindi siya makita nung babae. Hindi naman niya inakala na doon pa ito matutunaw. Wala siyang kasalanan, malas lang talaga yung babae. "Sinong gumawa nito!?" pinaghalong galit at pagkapahiya ang mababakas na eskspresyon sa mukha ni Viathel. "SINONG GUMAWA!?" 'Numero unong batas ng mga salarin: wag na wag aamin.' "Tama na yan Viathel. Hindi pa ba sapat sa'yo na napahiya ka sa harap ng mga bagong Miden?" malamig na sabi ni Pharavee. Namumula ang mukha sa galit na tinalikuran sila ni Viathel pero muli itong lumingon nung nakatayo na ito malapit sa pintuan. "Hindi pa tayo tapos mga basurang Miden. Hahanapin ko kung sinong gumawa nito at tinitiyak ko na magbabayad siya ng malaki!" Kinabahan si Avanie. 'Patatawarin niya kaya ako kapag binigyan ko siya ng isang Orie? T-Teka... wag mong sabihin na.... aabot yon ng sampung Orie?' Nanginig si Avanie sa naisip. Mahal ba ang kabayaran sa pagpapatawad? Kung gano'n, hinding hindi siya magpapahuli! ✴✴✴ Matapos ang klase, nagkaroon ng dalawang oras na break ang mga Miden. Sinamantala ni Avanie ang oras para hanapin ang silid aklatan at hindi naman siya nahirapan sa paghahanap. Sikat ang naturang aklata sa mga estudyante ng Heirengrad, kaya madali niyang natunton ito. Malapit lang ito sa kinaroroonan ng mga Iris. Palasyo ng mga libro. Yun ang tawag ng mga estudyante sa silid aklatan ng Heirengrad dahil kahit ang ding ding at kisame ng naturang aklatan ay punong-puno ng mga libro. Kung bibilangin, nasa limang libo ang kabuoang dami ng mga shelf na may laking dalawampung talampakan. Sa ibaba nito ay may mga nakaabang na maliliit na flatform na tumataas-baba para maabot ang librong kailangan. Magmula sa mga simpleng libro hanggang sa libro na hindi basta-basta makikita sa kahit anong kaharian ay narito sa aklatan kaya naman dinarayo ito ng mga Nindertal na mahilig magbasa. Yung iba pumapasok lang ng Heirengrad para sa silid aklatan na 'to. "Saan ko sisimulang maghanap?" palinga-linga siya sa paligid habang iniisip ko saan siya unang pupunta. Sa laki ng aklatan na 'to hindi malayong maligaw siya kakahanap sa librong kailangan niya. "Kung ganito kalaki ang lugar, meron naman sigurong talaan para sa lahat ng libro." "Kamusta!" Nagulat si Avanie nang may biglang babaeng lumapit sa kanya. May hawak itong apat na makakapal na libro at base sa badge na nakalagay sa kanang dibdib nito na kulay pilak, isa itong Iris. "Kasama ka ba sa mga bagong pasok na Miden?" Tumango siya. "Sabi na e! Hindi ka kasi pumunta sa desk ni Lowi-dia. Ah! Nalu nga pala, Nalu Morkin. Tumutulong ako rito sa aklatan. Kung may hinahanap ka wag kang mahihiyang magtanong." Napangiti si Avanie. Tamang-tama ang dating ng babaeng ito! "Alam mo ba kung saan makikita ang mga librong may kinalaman sa maalamat na kaharian ng Rohanoro?" "Oh, bibihira ang tumitingin niyan dito dahil sa nangyayaring p*****n sa labas ng Idlanoa. Buti na lang nandito tayo sa Heirengrad, ligtas tayo. Antayin mo 'ko dito, ibabalik ko lang ang mga librong 'to. Alam mo naman ang iba sa mga estudyante, tamad magsauli ng libro." Tumakbo na paalis si Nalu ngunit wala pang tatlong minuto nakabalik na agad ito. Ang bilis! Inilahad nito ang kamay kay Avanie tapos ay ngumiti. "Humawak ka sa kamay ko. Nasa pinakadulo yun kaya kakailanganin natin mag teleport papunta dun." "T-Teleport?" Kaya naman pala mabilis itong nakabalik. "Oo! Ako ang pinili nilang tumulong dito dahil na-master ko na ang teleportation. Mabilis akong nakakapunta sa kahit saang lugar dito sa aklatan. Tara!" Hindi lang ito basta marunong gumamit ng teleportation Maji, na-master pa niya! Si Nalu na mismo ang kumuha sa kamay ni Avanie dahil halatang nag-aatubili pa ito. "Aiktafaa!" Sabay silang naglaho. Ang tanging naiwan lang sa lugar na kinatatayuan nila ay ang mga kumikinang na alikabok. *Blink* Hindi pa nakakaranas magteleport si Avanie kaya sobra siyang nabigla. Kung sa pagsakay niya sa Aeroblaze pakiramdam niya hinahatak ang lamang loob niya, sa pag-teleport tila hinahatak naman ang kaluluwa niya palabas sa katawan. Wala siyang experienced sa teleportation kaya pagdating nila sa dulo ng aklatan bigla siyang napaupo at napasandal sa shelf sanhi ng matinding pagkabigla. 'Pakiramdam ko tumalon ako sa bangin!' "Nandito na tayo!" masayang sabi ni Nalu na nakataas pa ang kamay. "Whooo ngayon lang ako nakapunta rito. Ito kasi ang unang beses na naghatid ako ng estudyante dito sa huling shelf. Minsan kasi pag may naghahanap si Lowi-dia ang nag-aasikaso sa kanila o di kaya yung ibang tumutulong." Si Nalu ang klase ng Nindertal na kusang nagbibigay ng impormasyon. Magiging sikat na taga-ulat to panigurado. Inilibot ni Avanie ang mata sa buong paligid. Medyo madilim na sa parteng ito ng aklatan dahil nasa dulo na. Puno na rin ng alikabok ang mga libro at karamihan sa mga ito halatang luma na. Kukuha na sana siya ng isang libro pero biglang naglaglagan yung mga nasa itaas. Buti na lang nakailag siya agad. Mula sa isang libro ay may nahulog na kwintas. Akmang kukunin na niya sana ito nang biglang umurong ang kwintas at dumiretso yun sa isang kakaibang hugis sa sahig isang dipa lang ang layo sa kinatatayuan nila ni Nalu. Sumiksik sa butas ang kwintas at nakapagtatakang nagkasya yon doon. "Hala meron atang sapi ang kwintas na yan." Komento ni Nalu. "Pa'no pala no kung patay na yung may-ari niyan tapos nakulong sa loob ng kwintas yung kaluluwa? Naghahanap siya ng hustisya sa kanyang pagkamatay tapos hinahanap niya ang Nindertal na pumatay sa kanya. Tapos kung sinong makakuha ng kwintas, mahuhulog sa isang teribleng sumpa!" "Sumpa?" "Oo! Gaya ng mawawalan ka ng pera sa loob ng isang taon. Hindi ka makakabili ng mga gusto mo! Terible yon!" "............" 'Mas terible pa ring makulong sa loob ng itlog nang mahabang panahon.' Nakarinig sila ng mahinang 'tink' tapos no'n ay muling gumalaw yung kwintas. Umikot yun mula sa kinalalagyan at hindi nila napaghandaan ang sumunod na pangyayari. Umilaw ang sahig, nagkahiwahiwalay, lumikha yon ng isang malaking butas at nahulog silang dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD