Chapter 19

2262 Words
Pinalo ni Avanie ang kamay ni Satari nang makita niya itong kumukuha ng biskwit na niluto niya. Ewan ba naman niya sa isang 'to kung bakit sumisiksik sa maliit na kusina. Kasalukuyan siyang nagluluto ng agahan dahil--sa kamalasan--walang marunong magluto sa apat na kasama niya. "Hindi pa ako tapos." Sermon niya kay Satari. "Matuto ka maghintay!" "Nagugutom na ako Avanie-hana." "Wag kang magulo. Makakakain ka rin naman pag tapos ko dito. Konti na lang maluluto na 'to, umupo ka muna ro'n." Magpo-protesta pa sana si Satari pero nang makita niyang seryoso si Avanie, laglag ang balikat na umupo na ito sa tabi ng mga kapatid nito. Hinalo niya ang nilulutong nilaga. Mamaya lang ay papasok na sila sa Heirengrad. Nagpasya siyang isama na rin si Cien dahil kung meron mang paraan para mas ma-protektahan nito ang sarili, yon ay ang palakasin ang Shi nito para makagamit ng mas malakas na Maji nang sa gano'n, hindi na nito kailangang umasa pa sa mga maharlika. "O, luto na 'to. Maghanda na kayo ng mga plato. Kakain na tayo." Agad namang tumalima ang tatlo at nagkanya-kanya ng kuha ng plato, kutsara, tinidor, at baso. Lumabas na rin si Cien at sinaluhan silang kumain. Matapos ang magulo at masayang agahan, dumiretso na silang lima sa eskwelahan. Bakit lima? Tatlo na ang nasa loob ng kwintas niya dahil ayaw magpaiwan ni Izari. 'Tsk! Akala ko pa naman makakakilos ako ng maayos dito. E daig ko pa ang nanay na may tatlong makukulit na anak!' "Anong klaseng nilalang ang mga Dal? Bakit nakakaya nilang pumasok sa loob ng kwintas mo?" usisa ni Cien. "Yun ba? Pangkaraniwang nilalang lang sila. Ginamitan ko lang ng isang uri ng Maji para makapasok sila sa kwintas. Alam mo naman kung ga'no ka-kulit ang tatlong 'yon kaya kailangan bantayan sa lahat ng oras." "Hmmm...para ka palang nanay nila." 'Sige gatungan pa... kanina ko pa gustong umiyak.' Pagdating nila sa Heirengrad ay marami nang mga nilalang ang pumapasok doon. Yong iba naka-uniform na pero mas marami ang hindi. At gaya sa port ng Idlanoa, halo halo rin ang mga nilalang dito. Wala naman kasing limitasyon ang Heirengrad sa pagtanggap ng estyudante ngunit sinasala pa rin nila ang mga papasok dito. Isang malaking fountain ang nakatayo sa bungad pagpasok sa mataas na ginintuang gate. Maraming Nindertal ang nakapalibot roon at mukhang may nagaganap. "Nagbibiro ba kayo!?" sigaw ng isang boses na nagmula sa gitna ng kumpulan. "Tinawid ko ang bundok Chunan at nakarating dito tapos sasabihin niyo sa'kin na hindi ako makakapasok? Kilala mo ba kung sino ako?!" "Wala akong pakialam kahit sino ka pa. Balewala ang estado mo sa buhay kapag narito ka sa Heirengrad!" sagot naman ng isa pang boses. "Hindi mo pa rin maitatago na nandaya ka para makarating rito." "Inaakusahan mo ba ako!?" Sumiksik si Avanie at Cien sa kumpulan ng mga Nindertal papunta sa unahan. Sakto namang bumukas ang isang malaki at lumulutang na monitor nang makarating sila sa harap. Ipinapakita roon yung mukha nung lalaking nagrereklamo. Nasa loob na ito ng gubat pero maya maya lang ay kumuha ito ng bato at mula do'n ay lumabas ang isang razer. "Pwede pa lang ilagay ang razer sa loob ng isang bato?" namamanghang turan ni Cien. "Ipinagbabawal ang pagdadala ng kahit anong sasakyan sa loob ng bundok. Malinaw itong ipinaliwanag sa mga nakatapos ng ikalawang pagsusulit." Paliwanag ng isang matandang Gnome na hanggang tuhod lang ni Avanie ang laki. "Dahil nilabag mo ang patakaran at malinaw na nandaya ka, hindi ka makakapasok sa Heirengrad ngayong semestre. Kung gusto mong makapasok, kumuha ka uli ng pagsusulit pagkatapos ng limang taon." Akmang susugurin ng lalaki ang Gnome pero isang pitik lang nito tumalsik na sa malayo ang lalaki. "Matuto kang gumalang sa mga mas nakakatanda sa'yo." Sabi nito tapos ay bumalik na sa pwesto sa taas ng fountain na parang walang nangyari. "Ang lakas niya para sa isang Gnome." Komento ni Cien. "Espisimo Banuelos at Bivins Majika." Isang lalaki at isang babae ang lumapit sa harap at tumayo ng tuwid sa dalawang bilog sa pagitan ng Gnome. Umilaw ang dalawang bilog pero magkaiba ng kulay. Green sa babae at pula naman sa lalaki. "Espisimo Jumi, Bivins sa Iris ka." Matapos sabihin 'yon ng Gnome umalis na ang dalawang Nindertal sa harap at muli siyang tumawag ng dalawang nilalang. "Anong ginagawa nila?" tanong ni Cien. "Hindi ko rin alam." Sagot ni Avanie. "Mga bago lang kayo no?" singit ng isang babae na may deep brown na buhok at dilaw na mata. Pumagitna ito sa kanila ni Cien. "Ngayon lang kayo nakakita ng Sorting?" "Sorting?" sabay pang tanong Avanie at Cien. Tumango ang babae. "Kung may class ang mga Maji user may class din dito sa Heirengrad. Kita niyo yong dalawang bilog na yon? Akorenbo ang tawag dun at yon ang ginagamit na panukat ng Shi at kapangyarihan ng isang Nindertal." "May class din dito sa loob ng eskwelahan?" tanong ni Avanie. "Jumi ang pinakamataas, Iris ang sumunod at Miden ang pinakamababa. Kapag Jumi ka ibig sabihin malakas ang kapangyarihan mo at handa ka ng matutunan ang advanced Maji. Sa Iris naman itinuturo ang medium class Maji samantalang sa mga Miden naman ... ang pagpapalakas ng Shi. Bawat grupo ay may kanya-kanyang kulay ng badges. Sa Jumi kulay ginto, sa Iris pilak at sa mga Miden, kulay abo. Wag kayong mag-alala walang bumabagsak sa Sorting." "Bakit alam mo? Dati ka na bang nakapasok sa Heirengrad?" tanong ni Cien. Tumawa lang ang babae. "Hindi, pero dito nag-aral ang kuya ko. Ako nga pala si Riri," inilahad niya ang kamay kay Cien. "Riri Asceltis." "Aah ... Cien Harizeth." Nakipagkamay dito si Cien. "Siya naman si Avanie Larisla." Kinawayan lang ito ni Avanie. "Avanie Larisla at Cien Harizeth." Dinig nilang tawag nung Gnome. Kinakabahang naglakad ang dalawa sa harap at pumasok sa loob ng bilog. Napalunok si Avanie nang makitang bumaba yung Gnome sa puwesto nito at nilapitan siya. Mukha yatang may mangyayaring hindi maganda! "Avanie Larisla..." matamang tiningnan siya nito. "Bilang isang baguhan malakas ang loob mo para makipagpustahan sa isang Examiner." Napalunok si Avanie. Nakita pala nito 'yon! Patay na! "Subalit, nang dahil sa ginawa mo nakita ko ang yamot na ekspresyon sa mukha ni Beren." Humalakhak ito. "Kung may pagkakataon ipagagawa ko uli yon sa'yo." 'Anoo—daAw?' Pumitik sa Ere ang Gnome at umilaw ang bilog ni Cien. Kulay pula ang kanya pero 'yong kay Avanie ... hindi umilaw. Kumunot ang noo ng Gnome tapos ay pumitik ulit, ngunit hindi talaga umilaw. "Hmmm..." napahawak ang Gnome sa baba nito at naguguluhang tumingin kay Avanie. 'Hwag naman sana akong mapatalsik! Hindi ko alam kung may ibang paraan pa kapag ako bumagsak dito. Pero teka? Di ba wala namang bumabagsak sa Sorting?' "Ito ang unang beses na hindi umilaw ang Akorenbo." Sabi ng Gnome kay Avanie. "Sa palagay ko, gaya ko tumatanda na rin ito." Sandaling katahimikan. "Cien Jumi, Avanie Miden." Nakahinga siya ng maluwag. Ayos lang sa kanya na mapunta sa Miden. Tutal ang sabi ni Draul 'Iwasang makatawag ng pansin'. At kapag nasa Miden siya, mas magkakaroon siya ng maraming oras para pumunta ng silid aklatan. "Sandali lang po." Pigil ni Cien. "Pwede bang sa Miden niyo na lang din ako ilagay?" "Hmmm..." Sumulyap ito kay Avanie sunod kay Cien. "Malakas ang kapangyarihan mo at sayang naman kung mapupunta ka sa Miden." "Wala pong problema sa'kin yon." "Cien!" umiling si Avanie nang lingunin siya ng kaibigan. "Nakalimutan mo na ba ang napag-usapan natin? Kailangan mong matuto ng malakas na Maji para maprotektahan ang sarili mo." Hindi ito nagsalita. Alam nito ang sinasabi niya kaya hindi nito pwedeng ipilit ang sariling kagustuhan. "Wag kang mag-alala. Magkikita pa rin naman tayo sa bahay." Napipilitang tumango ito at humawak sa braso niya. Pagkatapos ng Sorting, nagkanya-kanya na sila ng pila sa mga grupo na kabibilangan nila. At kumpara sa Jumi at Iris, kakaunti lang ang mga bagong estudyante sa Miden. Hindi pa umabot ng labing lima. Magkasama si Riri at Cien sa Jumi kaya may palagay si Avanie na magiging ayos lang ito. Nagsimula nang lumakad ang mga Jumi at Iris patungo sa magkaibang direksyon. Ang mga Miden naman ay naiwang nakatayo sa gilid ng fountain. Walang ideya si Avanie kung anong hinihintay nila. "Yo!" isang babaeng nakasuot ng mahabang gown na pink at may gintong linings ang tumayo sa harapan ng mga bagong dating na Miden. Mahaba rin ang pink nitong buhok at makintab ang pink na mata. Puro glitters ang pink na sapatos at iwinawagayway ang pink na panyo. Kung may pamantayan ng matingkad na kulay ngayong araw, siya na 'yon at wala ng iba! "Ayos lang ba kayong lahat?" abot tenga ang ngiting tanong nito. ".........." "Pharavee-dia! Ano na naman yang suot mo?" biglang sulpot ni Gnome sa tabi ng babae. 'Dia? ISA SIYANG DIA? Hindi ako makapaniwala! Ayokong maniwala!' Para kay Avanie, ang mga Dia ay iginagalang na guro kaya ang makita ang isang ito na mukhang palamuti na pwedeng ilagay sa taas ng fountain ay nakapagpalito sa kanya. "E kasi ... ang sabi nila kailangan daw mag-ayos kapag babati sa mga bagong estudyante kaya nagsuot ako ng ganito." Nahihiyang pagdadahilan nito. Gustong sabihin ni Avanie rito na 'ayos lang mag-ayos wag lang sobra'. Sa kaso nito masama ang ma-sobrahan kasi nagmukha itong palamuti. Nasapo na lang ng gnome ang noo nito at naiiling na nagsalita. "Sige na, sige na. Gawin mo na ang dapat mong gawin." Pumalakpak ang tinawag na Pharavee at agad lumitaw ang mahabang PINK na staff nito. Iwinasiwas nito 'yon at lumikha 'yon ng PINK na ulap. Umiiyak na ang mga mata ng estudyante! Kaunti na lang luluha na sila ng dugo! Daig pa nito ang ilaw! Sumakay si Pharavee-dia sa ulap tapos ay nakangiting bumaling sa kanila. "Bago ang lahat, hayaan niyong ipakilala ko ang sarili ko. Pero tandaan niyo! Isang beses ko lang sasabihin ang pangalan ko kaya makinig kayong mabuti! Pharavee Naktipan Pamililantipey. Ako ang in-charge sa mga bagong Miden at siyang magiging tagapagturo niyo. Para sa mga bagong Miden. Sundan nyo ako. Tandaan nyo kapag nawala kayo sa pila tanggal na kayo sa klase ko, maliwanag ba?" Hindi naman ito masyadong malupit no? Kasi naman—tumingin si Avanie sa likod—pito sa mga kasama niya ang sooobrang payat at dahil inilagay sila sa Miden ibig sabihin no'n mababa rin ang kapangyarihan nila. Kung matatanggal sila ng dahil lang hindi sila makasunod sa Dia eh di parang hindi naman patas 'yon! Umandar ang ulap. Sa umpisa mabagal lang ito pero habang patagal ng patagal bumibilis ang takbo nito kaya nagsimula na rin silang tumakbo. "Dia! Anong klaseng leksyon ito?" tanong ng isa sa likod ni Avanie habang tumatakbo. Gaya ni Kapitan Shitarka Soligoban, meron din itong balat ng ahas. "Kailangan ba talaga namin tumakbo sa unang araw ng klase?" "Nagrereklamo ka ba?" walang lingon likod na sabi ng PINK na Dia. "Para mapalakas ang Shi ng isang nilalang, kailangan niya ng malakas na resistensiya. Pwera na lang kung isa kang Naturale. Kung ito lang hindi niyo pa kaya, ngayon pa lang sasabihan ko na kayo na bumalik na lang kayo sa susunod na semestre." Tumango tango si Avanie. May punto naman ito kahit pa'no. "Para maabot ng mga Numan ang titulong Exiter, kailangan niyong dumaan sa matinding pagsubok. Hindi biro ang pagpapalakas ng Shi kaya kung magrereklamo ka, umalis ka na lang." Alam nila na hindi sila pwedeng sumagot sa isang Dia kaya wala ng nagtangkang magsalita. Lahat sila tahimik habang tumatakbo kaya naman mas nakita ni Avanie ng maayos ang buong kapaligiran. Malaki ang loob ng Heirengrad at mayroong malawak na damuhan. May mga malalaking puno na napapalibutan ng bilog na sementadong upuan. Mga bench at bukod pa do'n gawa sa puting semento ang daanan. Sa loob naman ay makikitang gawa ang sahig sa makapal at makinis na marmol. Mataas din ang bubong na kulay blue green at ang pader ay may makintab na gintong linings. May mga lumulutang na Maji orbs kahit saan, may palagay siyang ginagamit ang mga ito bilang surveillance para sa buong eskwelahan. Marami ring puno at mga halaman ang nagkalat sa paligid. Napansin ni Avanie na pinagtitinginan na sila ng iba pang mga estudyante at hindi malabo ang mata niya para hindi makitang pinagtatawanan sila ng mga ito. "Nakakahiya naman." "Malamang kinukutya na nila tayo." "Bakit kasi kailangang tumakbo?" Naririnig niya ang bulungan sa likod pero wala siyang pakialam. Hindi mahalaga para kay Avanie ang sinasabi ng iba dahil kapag binigyan niya ito ng pansin, paniguradong makakasira lang yon sa kanyang konsentrasyon. Kinakabisado niya kasi ang bawat daan na madaanan nila, nang sa gano'n hindi siya maligaw sa oras na hanapin niya ang silid aklatan. Tinatandaan niya rin ang mga Nindertal na kailangang iwasan. Maraming sikat na personalidad sa loob ng eskwelahan at kahit na sinabi nung Gnome na balewala ang estado ng buhay sa loob ng paaralan, hindi pa rin naiiwasan ang heiarchy. Kung kinakailangan niyang maging tuldok para hindi mapansin ng mga ito gagawin niya! Matapos ang walang tigil na pagtakbo sa loob ng tatlong oras, huminto na rin ang ulap na sinsakyan ni Pharavee at nakabalik na sila sa harap ng fountain. Halos hindi na makahinga sa sobrang pagod ang mga bagong estudyante maliban kay Avanie. Umupo lang siya sa may fountain at tiningnan ang iba niyang kasama. May humiga at napaupo sa sahig habang naghahabol ng hininga, meron pang isa na naglublob ng ulo sa fountain. 'Hindi naman gano'n kalayo ang tinakbo namin 'ah.' "Magaling." Pumalakpak si Pharavee. "Kahit na napagod kayo, wala pa rin sa inyo ang bumitiw. Bukod sa lakas ng pangangatawan, ginagawa ko ang simpleng pagsusulit na ito para malaman kung gaano ka tibay ang determinasyon niyong matuto. Isa yon sa mga kailangan para umabante kayo." Tahimik lang na nakikinig si Avanie. "Maraming nangyayari sa loob ng Heirengrad at karamihan sa mga ito ay hindi niyo inaasahan. Nagpunta kayo rito para matuto kung pa'no mapapalakas ang Shi niyo kaya walang lugar ang reklamo. Kung mahirap ang pagdadaanan niyo sa lugar na ito, sasabihin ko, mas malupit ang mararanasan niyo sa labas. Kaya naman mga bago kong estudyante, gawin niyo ang lahat para makapasa. Hindi ako papayag na may bumagsak sa klase ko. Naiintindihan niyo ba?" "Opo!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD