Dinala ni Izari si Avanie sa isang maliit na bahay. Ang sabi nito ito daw ang magiging pansamantalang bahay nila habang narito sila sa Heirengrad.
Kinatok ni Avanie ang pader na gawa sa tablang kahoy. "Bakit gawa sa kahoy ang bahay na 'to samantalang yung iba gawa sa konkretong semento?"
"Yun po ang ipinag-utos ni Draul-Hono. Inutusan niya rin akong ipaalam sa inyo na habang narito tayo sa Heirengrad, hindi pwedeng malaman ng kahit sino na pamangkin kayo ng Duke ng Eldeter."
"Huh? Bakit naman?"
"Ayon sa kanya, mas makabubuting walang makaalam dahil paniguradong marami ang lalapit sa inyo at mahihirapan kayong itago sa lahat na kaya niyong gumamit ng Maji."
"Kunsbagay." Inilibot niya ang paningin sa buong bahay. May isang kwarto, banyo, sala, maliit na kusina at apat na bintana. Dalawa rin ang pinto. Isa sa likod at isa sa harap. Halatang bago pa kasi amoy barnis. Kumpleto na din ito sa kagamitan kaya wala na siyang magiging problema.
"Ilang metro lang ang layo nito sa paaralan kaya tiyak na hindi kayo mapapagod sa pag pasok kamahalan."
Ikiniling niya ang ulo at binuksan ang cabinet. "Hmm...nandito na rin ang mga damit at gamit ko."
"Tiwala naman po kasi si Draul-Hono na makakapasa kayo sa pagsusulit kaya ipinadala na niya ang mga gamit niyo isang buwan bago kayo pumunta dito."
'Kung gano'n sa umpisa pa lang balak na talaga niya akong ipatapon sa lugar na ito.'
"Kamahalan..."
Nilingon niya si Izari. Magkasalikop ang dalawang kamay nito at nahihiyang nakatingin sa kanya. Parang may gusto itong sabihin pero hindi alam kung sa'n sisimulan.
"A-Ano, ka..kasi pwede ko p-po bang...." Sa tatlong magkakapatid ito ang pinakamahiyain kaya hindi na magtataka si Avanie kung abutin man sila ng isang oras bago nito makumpleto ang gusto nitong sabihin. "An..ano po pwede ko p-po bang...." Hinga ng malalim. "Yung ano po..."
Kapag kaharap mo kahit sino sa magkakapatid na Dal kailangan mo talaga ng mahabang pasensiya.
"P-Pwede ko po...po bang ma-makita ang mga kapatid k-ko?"
Wah! Oo nga pala! Kailangan ng reunion! Bakit ba niya nakalimutan?
"Dal Satariano! Dal Fegariano! Labas na!" Umilaw ang kwintas at nagluwa ng dalawang bilog, makalipas ang ilang sandali...
Tenen! Reunion ng tatlong magkakamukha pero mag kakaibang ugaling nilalang.
Agad na yumakap si Fegari kay Izari, samantalang nanatili lang nakatayo si Satari sa likuran nito.
"Kuya!" Ngiting ngiti na tawag ni Fegari rito. "Matagal na rin nung huli tayong magkita! Marami kaming iku-kwento ni Satari sa'yo!"
Binalingan ni Izari si Satari. "Ikaw? Wala ka bang gustong sabihin sa'kin?"
"Makikinig ka?" Tumango si Izari. "Walang kwenta si kuya Fegari, bukod sa lagi niya akong pinapahamak hindi rin natatapos ang araw na hindi ako nakakatanggap ng kutos at batok mula sa kanya. Gusto niyang pumatay ng nilalang at sinabi rin niya na ibabalik niya ako sa lolo natin kung may pagkakataon. Muntik na rin kaming ma-iprito dahil sa kagagawan niya, binatukan niya uli ako. Palagi niya akong inaaway kuya."
Sinabi niya ang lahat ng 'yon ng walang kahit anong emosyon!
Pinanlisikan ng tingin ni Izari ang kapatid nito. "Lapastangan! Nagawa mo 'yon sa bunso natin?! Ikaw ang inatasan kong mag-alaga sa kanya kaya pa'no mo naatim na tratuhin siya ng gano'n? Kailangan kang maparusahan! Luhod!"
Naiiyak na lumuhod naman si Fegari. "Patawad na kuya! Hindi na mauulit!"
Sa gulat ni Avanie lumuhod din pati si Satari. 'Anong meron?'
"S-Satari? Bakit ka lumuhod?" natatarantang tanong ng panganay. "Si Fegari lang ang parurusahan ko."
"Wala akong sinabi na parusahan mo siya kuya. Hindi rin ako nagsusumbong. Sinasabi ko lang kung anong nangyari."
Hindi pa pala siya nagsusumbong ng lagay na 'yon? Pa'no na lang pag nagsumbong siya e di lumipad na ang ulo ni Fegari.
Dahan dahang umatras palayo sa tatlo si Avanie habang mataman nag-uusap ang mga ito. Bahala na ang mga ito sa kung anuman ang meron sila. Basta siya matutulog!
✴✴✴
Maagang lumabas—este tumakas si Avanie kinabukasan. Tulog pa ang tatlong Dal kaya maingat siyang umalis ng bahay. Panigurado kukulitin na naman siya ng mga ito kapag isinama niya sa pamimili. Maaga pa pero marami na siyang nakitang naglalakad sa paligid at karamihan sa mga ito ay may mga dalang armas. Meron ding mga naka kabayo at may mangilan ngilang razer na lumilipad sa paligid. Sa taas naman ay may lumilipad na malalaking barko.
Sa mga barkong 'yon karaniwan namamalagi ang mga maharlika na nasa Heirengrad. Paraan nila ito para kahit nasa ibang lugar ay makita ng mga normal na Nindertal na mas nakatataas pa rin sila sa mga ito.
Malapit lang ang pamilihan sa tinitirhan ni Avanie kaya hindi siya nahirapang mamili. Bukas na siya nakatakdang pumasok sa eskwelahan pero hindi niya alam kung bakit hindi siya excited. Mas gusto niya pa ang maglakbay kesa manatili rito.
Papaliko na siya sa isang cornered lot nang bumangga siya sa kung ano. "Waah—" Hindi siya natumba pero yung nabangga niya gumulong paibaba at nakarinig siya ng 'argh' nang tumama ito sa ding ding. Sinipat niya ito mula sa kinatatayuan niya. Hindi na ito gumagalaw kaya mabilis na bumaba si Avanie at tiningnan ang Nindertal na nahulog.
Isang babaeng may pulang buhok. Mukhang masama ang naging pagtama nito sa pader.
'Ang tanga mo talaga Avanie! Ikaw ang dapat na tinatawag na tanga hindi yung tangang Hari!'
Sa simpleng paglalakad lang nakasakit siya ng isang Nindertal. Makukulong siya ng walang ginagawa.
"A-Ayos ka lang?" Nag-aalalang niya sa babae. Umungol lang ito. Mukhang hindi ito ayos. Wala na siyang magagawa kaya binuhat niya na ito at dinala sa bahay.
Pag dating niya roon hindi na siya tinantanan ng tatlong Dal sa kakatanong pero nang makita nila ang babaeng buhat niya ay agad silang tumulong at inihanda ang kwarto. Naghanda ng mainit na tubig si Fegari, si Izari naman ayaw lumapit at si Satari? Tinulugan silang lahat.
"Kamahalan naman! Trabaho namin ang bantayan kayo kaya hanggat maaari pigilan niyo ang sarili niyo sa pag takas." Nangungunsuming turan ni Fegari.
"Naiintindihan ko po. Hindi ko lang talaga napigilan ang sarili ko."
Nakarinig sila ng mahinang ungol kaya nagmadali silang pumasok sa kwarto. Gising na 'yong babae na ngayon ay nakatitig lang sa kisame. Tumingin si Avanie sa kisame. Nang walang makitang kakaiba roon ibinalik niya ang tingin sa babae.
Napansin niya na matingkad na pula ang kulay ng buhok nito at malaki ang hinaharap. Kahit nakahiga ito hindi kaila na matangkad ito.
"Sinong nagdala sa'kin dito?" diretsong tanong nito sabay lipat ng tingin sa kanila.
"Sigurado po ba kayo na hindi siya isang masamang nilalang?"
"Ewan ko, hindi ko din alam." Pabulong na sagot niya kay Fegari tapos ay binalingan ang babae at nagtaas ng kamay. "Ako. Ako ang nagdala sa'yo dito."
Nagpumilit itong tumayo subalit humiga rin uli ng makaramdam ng sakit.
"Ah, mas makabubuting hwag ka munang gumalaw pansamantala." Sabi ni Izari. "Masama ang naging tama mo sa may tagiliran."
"P-Pasensiya na talaga! Hindi ko sinasadyang mabangga ka. Kasalanan ko kung bakit ka nahulog." Turan ni Avanie sa nanginginig na boses.
"Hindi mo kasalanan."
"Ha?"
".....Galing ako sa bundok Chunan." Itinakip nito ang isang braso sa mata. "Akala ko hindi na ako makakaligtas sa mga Ginx na 'yon. Buti na lang nagawa kong makatakas gamit ang teleportation stone na napulot ko."
Ibig sabihin malubha na talaga ito bago pa sila magkabanggaan? Napahinga siya ng malalim, akala niya talaga kanina nakapatay na siya ng Nindertal.
"Papasok ka rin ba sa Heirengrad?" usisa naman ni Fegari.
"Papasok?" Natawa ito. "Nagpapatawa ka ba? Sinong gustong pumasok sa basurang paaralan na 'yon? Pumunta ako dito para mag tago."
Tumayo at naalerto ang dalawang Dal. Yung isa tulog pa rin.
Palihim na niyugyog ni Fegari ang balikat ni Avanie at naiiyak na tumingin sa kanya. "Sabi na kamahalan! Nagdala ka ng masamang Nindertal dito sa bahay natin! Ano nang mangyayari ngayon? Panigurado hinahanap na siya ng mga gwardiya, pupunta sila dito at kapag nangyari 'yon masasangkot kayo, tapos wala na! Wala na! Tapos na tayong lahat!"
"Oy wag kang paranoid!" Kinaltukan niya si Fegari. "Hindi porket hinahabol masama na! Kumalma ka nga diyan baka ikaw pa ang unang mawala."
"Kamahalan?" tanong ng babae. Dahan dahan itong tumayo mula sa pagkakahiga. "Isa kang maharlika?"
"Uuuh ... " Sinamaan niya ng tingin si Fegari. "Hindi naman sa gano'n. Parang tawagan lang namin 'yon ng mga kasama ko. Para sa kanila isa akong prinsesa. Yun lang!"
Lumungkot ang mukha nito. "Ang akala ko maharlika ka."
"Anong kailangan mo sa mga maharlika?"
Tiningnan siya nito ng diretso. "Kung isa kang maharlika isama mo ko kung saan ka man pumunta."
'Ha? Ano, ano uli 'yong sinabi niya? Tama ba ang rinig ko? Siya isasama?'
"Nagmula ako sa kaharian ng Arondeho." Bungad nito. "Dating kilala ang pamilya namin doon pero nang dahil sa isang pangyayari, bumagsak at nasira ang buong pamilya namin. Namatay si ama at hindi ko na nakita si ina, nawalay rin sa'kin ang mga kapatid ko. At ngayon nga, hinahabol ako ng mga kamag-anak ko."
"Pero bakit?" Si Izari. "May ginawa ka bang kasalanan?"
Umiling ito. "Dahil na sa'kin ang susi ng lihim na silid kung saan nakatago ang yaman ng pamilya namin."
"Kung gano'n naghahanap ka ng masasamahang maharlika para maprotektahan ang sarili mo tama ba?" tanong dito ni Avanie.
"Oo. Kapag nasa ilalim ako ng isang maharlika, hindi nila ako basta basta makukuha at masasaktan."
"... ...sinasabi mo bang payag kang magpa-alipin ma-protektahan lang ang yaman ng pamilya niyo?" tanong niya uli.
"....Parang gano'n na nga."
"Tsk...tsk...tsk! Kahit na isa akong maharlika tatanggihan pa rin kita." Walang emosyong sabi niya. "Nakahanda kang magpa-alipin para sa kayamanan pero hindi mo man lang naisip kung kasing halaga ba ng mga kayamanan na 'yon ang buhay mo? Para sa isang maharlika na mataas ang pride, sa palagay mo kukupkop ako ng isang nilalang na hindi pinapahalagahan ang kanyang buhay?"
"Anong gusto mong gawin ko?!" Naiiyak na sigaw nito. Napabalikwas naman ng bangon si Satari sa upuan na tinutulugan nito. "Ang mga kayamanan na 'yon lang ang tanging bagay na maaari kong gamitin para mabuhay uli ng payapa! Kukunin ko ang mga kapatid ko, hahanapin ko si ina at... at magsisimula kaming muli."
"Bago mo gawin 'yan, isipin mo muna ang sarili mong buhay. Sa palagay mo, kapag namatay ka habang pino-protektahan ang kayamanan na 'yan matutuwa ang pamilya mo? May mga bagay dito sa mundo na hindi kailangan ng pera para makuha." Humalukipkip siya. "Natatakot ka."
"Natatakot?"
"Natatakot kang pag nahanap mo na sila, iiwan ka rin nila dahil hindi mo sila kayang buhayin." Sagot ni Avanie na ikinatigil naman nung babae. "Natatakot ka na baka sa susunod na magkita kayo nasa malubha silang kalagayan at wala kang magagawa para tulungan sila. Gagamitin mo ang sinasabi mong maharlika para kahit pa'no makahingi ng tulong. Kapalit no'n mababaon ka sa matinding utang at muli... ibibigay mo ang buhay mo bilang kapalit."
Hindi ito umimik pero nakita niyang humigpit ang pagkakahawak nito sa kumot..
"Ayos lang na matakot ka. Natural 'yan dahil may pakiramdam ka. Ayos lang din na protektahan mo ang mga bagay na mahalaga sa'yo pero sana isipin mo rin ang sarili mo dahil gaya ng pino-protektahan mong pamilya, may buhay ka rin."
"Iyon lang ang naiisip kong paraan para hindi nila ako makuha."
Nginisihan ito ni Avanie. Mababaw mag-isip ang babaeng ito dahil wala itong lakas ng loob. "Kesa maging alipin ng isang maharlika, hindi ba't mas magandang maghanap ng kakampi? Isang kakampi na handa kang tulungan na walang hinihinging kahit anong kapalit."
"Pero saan naman ako hahanap ng kakampi?" naguguluhang tanong nito. "Hindi ko alam kung may nilalang na papayag na makasama ang isang gaya ko."
"Hindi mo na kailangang maghanap!" Natutuwang sabi ni Avanie. "Bukas ang maliit na bahay na 'to para sa'yo. Hindi ko kailangan ng alipin pero mas matutuwa ako kung magkakaroon ako ng bagong kaibigan."
Nanlaki ang mga mata ng babae at sa wakas nagliwanag na rin ang malungkot na mukha nito. "Talaga?! Tinatanggap mo 'ko?"
Nahihiyang napakamot naman sa pisngi si Avanie. "Ang totoo niyan, hindi ko alam kung hanggang saan ang makakaya kong itulong sa'yo, gayunpaman, gusto kitang tulungan!"
Alam ni Avanie na papasok na naman siya sa isa pang gulo oras na tulungan niya ang babaeng ito. Pero nakikita niya sa mga mata nito ang determinasyon. Handa itong ibuwis ang sariling buhay para lang makuha ang hinahangad kahit pa malaki ang magiging kapalit. Sa panahon ngayon, kahit alikabok may bayad at alam niya ang pakiramdam ng mawalan. Kaya naman kahit na alam niyang delikado at hindi niya lubusang kilala ito, gusto pa rin niyang tumulong.
"Salamat..." Nakangiting sabi nito. Tatayo pa sana ito pero agad itong pinigilan ni Fegari at pinahiga uli. "Ako nga pala si Cien Ares Harizeth."
"Ikinagagalak kitang makilala, ang pangalan ko'y Avanie Larisla."
✴✴✴
Capital of Asturia: Osteron
Castiellu Asturia
Isang daan at anim na pu ang lahat ng silid sa palasyo ng Asturia na kung tawagin ay Castiellu Asturia. Sa 160 silid na 'yon limam pu ang ginagamit para sa mga pagtitipon o kaya pagpupulong. Subalit kahit na bakante ang maraming silid, sa isang tagong kwarto na ginawa sa isang sikretong lugar na matatagpuan sa ilalim ng palasyo naisipang makipagkita ng limang Zu-in.
Bakit? Dahil hindi maaaring marinig ng kahit sino ang magiging pag-uusap na ito.
Sa loob ng madilim na silid isang bilog na lamesa ang pinalamutian para sa pulong subalit paniguradong hindi rin naman 'yon mapapansin ng mga dadalo.
Una: balewala sa kanila kahit ano pa ang maging itsura ng silid na pupuntahan nila. Ikalawa: Paniguradong mas interesado sila sa paksang pag-uusapan.
Bumukas ang malaking pinto at pumasok ang isang matangkad na lalaking may ginintuang buhok, green na mata at nakasuot ng baluti na gawa sa titanium. Walang kahit anong emosyon ang mababakas sa mukha nito. Siya si Caydern Zeis. Ang panganay na anak ni Bernon at siya ring tagapagmana ng trono.
Yumukod si Caydern bago magsalita. "Ama Narito na po ang limang Zu-in."
Hindi nagsalita ang kanyang kausap. Panay lang ang pagtuktok nito ng daliri sa lamesa na tila ba yon ang paraan nito para mabawasan ang nararamdamang pagka-inip. Hinintay lang ng kanyang ama na makapasok ang limang bisita.
Nagkanya-kanya na nang upo sa bakanteng upuan ang mga Zu-in. Lahat sila ay nakasuot ng mahabang itim na kimono at parisukat na sumbrero na may mahabang itim at makapal na belo na tumatakip sa mukha ng mga ito.
Nang maayos na ang lahat ay saka dumiretso ng upo ang kanyang ama. "Makakaalis ka na Caydern."
Yumukod uli si Caydern at walang lingon likod na lumabas ng silid.
"Napaka guwapo talaga ni Caydern. Matalino na, isa pang Class 1 Maji user." Komento ng isa sa mga Zu-in.
"Gaya ng inaasahan sa isang prinsipe." Dagdag naman ng isa pa.
"Ngunit totoo bang wala pa rin siyang mapapangasawa hanggang ngayon?" Usisa naman ng ikatlo.
"Sa katulad niyang maabilidad at mas nakakataas kaysa sa iba, natural lang na mahirapan si Bernon na maghanap ng maipa-pareha sa kanya." Wika naman ng ikaapat.
"Hindi kaya tumanda siyang binata ng dahil diyan?" natawa ang naunang apat sa sinabi ng ika-lima.
"Sigurado akong hindi kayo nagpunta rito para pag-usapan ang anak ko."
Tumahimik ang lahat.
Kumpara sa limang Zu-in na bisita, di hamak na mas malaki si Bernon. Sa tangkad nitong walong talampakan at malaking pangangatawan, isang sulayap lang dito ay manginginig na agad ang kalaban. Malamig din itong makitungo at ni may kakaibang kahulugan ang kanyang mga ngiti. At sa kabila ng katandaan hindi yon halata sa mukha ng Hari.
"Hindi ako nagmamadaling maipakasal ang anak ko sa kung sinong maharlika. Ang tanging interes ko lang ngayon ay ang Quinra."
"Tama. Ang Quinra." Sang-ayon ng ikatlo. "Wala pa rin bang balita tungkol sa kanya?"
"Mag-a-apat na buwan na rin ang nakalipas nang mag malfunction ang tower at katangi-tangi lang ang nilalang na makakapaglabas ng ganoong kalakas na kapangyarihan. Dahil doon napatunayan natin na buhay nga ang Quinra." Diretsong wika ni Bernon sa mga ito.
Palihim na naikuyom ni Bernon ang kamao. Ang Shired Tower ay matatagpuan sa Osteron; ang kapitolyo ng Asturia. Ni hindi sumagi sa isip niya na maaaring itago roon ng kung sinoman ang may kagagawan ang Quinra. Ang lakas ng loob ng mga itong linlangin siya!
"Kung ganon nga, saan at paano natin hahanapin ang nilalang na 'yon."
Panandaliang tumahimik ang lahat. Bawat isa ay nag-iisip sa kung anong dapat gawin makalipas ang ilang sandali isa ang nagsalita.
"Anong plano mo Bernon?" tanong ng ikalawa.
"Maraming bagay ang hindi natutupad kapag pina-plano." Sagot niya sa tanong nito.
"Hihintayin mo na lang na lumapit siya sa'yo yun ba ang ibig mong sabihin?"
Natatawang tumango si Bernon. "Likas sa mga Lunarian ang pagiging mausisa at bilang anak at tagapagmana ng Rohanoro, may palagay akong hahanapin niya ang katotohanan sa pag lubog ng kanyang kaharian. Subalit ang hindi niya alam, sa bawat paghahanap niya, palapit rin siya ng palapit sa'kin."
"Hindi ko alam kung anong binabalak mo," sabi ng ikalima. "Pero maraming bagay ang maaaring maiba ang takbo kung maghihintay ka lang."
"Hwag kang mag-alala. Dahil kahit anong mangyari, alam ko kung nasaan ang hinahanap ng Quinra."
"Dumako tayo sa iba pang usapin. Ga'no kalaki ba ang ginagawa mong paghahanda para sa gagawing pagsugod sa Mizrathel?"
"... Tama na ang anim na pung libong sundalo galing sa mga ka-alyansang kaharian."
"Hindi ba't masyadong maliit ang bilang ng ipadadala mong sundalo? Hindi mo dapat minamaliit ang mga Exile."
"Gagamitin ko ang mga Cartacos."
Natahimik ang lahat.
"Hindi ako mag-aaksaya ng buhay na tauhan para sa paglusob sa isang maliit na lugar kaya gagamitin ko ang mga Cartacos."
Ang mga Cartacos ay mga nilalang na wala ng buhay at pinapagalaw na lang ng Shi. Gayunpaman, marunong pa ring mag-isip ang mga ito at sumusunod sa utos. Brutal ang mga Cartacos, hindi nagdadalawang isip na pumaslang. Ilegal ang paggawa nito kaya nga maingat nilang itinatago ang tungkol sa mga ito.
"Pero kapag nalaman ito ng iba pang kaharian paniguradong magagalit sila. Hindi pinapayagan ang paggamit ng mga Cartacos sa kahit anong kaharian. Anong binabalak mo?"
Kapag nalaman ng simbahan na gumamit sila ng Cartacos, malamang na mawalan ang mga ito ng tiwala sa kaharin ng Asturia. "Wala na akong pakialam sa iisipin nila. Oras na ... para malaman ng lahat kung ga'no kalakas ang kaharian na pinamumunuan ko."
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo?"
"Kailan ba ako nagdalawang isip?"
Ang desisyon na gamitin ang mga Cartacos ay nangangahulugan lang na walang ititirang buhay si Bernon sa mga Exile.