Chapter 17

2063 Words
"Meron bang gustong magpaliwanag kung bakit balot tayo ng putik at sira sira ang damit natin?" madilim ang mukha at nagtatakang tanong ni Riviel. Nag-iwas ng tingin si Avanie. "Wah!" gulat naman na sigaw ni Regenni nang makita ang maraming hibla ng buhok nito na sumama sa suklay. "Bakit nalagas ang pinakamamahal kong buhok?!" Tingin sa kaliwa't kanan. Tatahimik lang siya...wala siyang sasabihin na kahit ano! Ba--wal! "Avanie." Sabay na tawag ng dalawa. "Ha?" "Anong nangyari habang wala kaming malay?" sabay pa ring tanong nilang dalawa. Nakangiti lang si Avanie pero ang totoo pinagpapawisan na siya ng malamig. Daig niya pa ang nilalang na nakatakda ng bitayin dahil sa lakas ng kaba na kanyang nararamdaman. "Uuuh ... kasi ... m-may Ginx..." "Di bale na." Sabi ni Riviel. "Wala kaming balak na pwersahin kang magpaliwanag, pero ayos ka lang ba?" "Huh?" Nagtatakang tumingin siya sa Hari. Umuklo si Riviel at hinawakan ang kaliwang paa ni Avanie. Napangiwi naman ang dalaga nang makaramdam ng sakit. Hindi niya napansin na na-sprain pala ang kaliwa niyang paa at ngayon nga ay namamaga na ito. "Mahihirapan kang umakyat kung ganyan ang lagay ng paa mo." Tumalikod ito sa kanya. "Sakay." "Ha?" itinulak niya ito. "Ayoko nga! Kaya ko pa namang maglakad." "Sakay." Naaasar na turan nito. "Ayoko nga!" "Ang tigas ng ulo mo, abot hanggang langit!" 'Hool parang kanina lang sinabihan ko rin siya ng gano'n ah.' Sinilip niya si Regenni, minamasahe nito ang ulo. Hanggang ngayon masakit pa rin ang anit nito dahil sa paghila ni Avanie sa pinakamamahal nitong buhok. Tumingin ito sa kanya at tumango. Napahinga na lang ng malalim si Avanie. Sa bagay may punto naman si Riviel at tutal nararamdaman niyang malapit na sila sa tuktok ng bundok, hindi na rin siguro masamang mag patulong. "Salamat sa gamot para sa lason." Narinig niyang sabi ng tangang Hari habang umaakyat sa matarik na bahagi ng bundok. "Iniligtas mo na naman ang buhay ko." Pakiramdam ni Avanie masusuka siya. Di ba parang nakakasuka? Mas sanay kasi siyang nag-aaway silang dalawa kesa sa nagsasalita ito ng gano'n. "Natural lang naman na tumulong kung may nangangailangan. Kung may magagawa ka para sa kanila gawin mo." "Ayokong may utang na loob kaya babayaran kita kahit anong mangyari." "Pasensiya na pero, hindi ako interesado sa lamang loob mo." "Gusto mong ihulog kita dito?" Sumimangot siya. "Patawad, hindi na mauulit." Tumingala siya at nakita ang nakasilip na ulo ni Regenni. Nakarating na ito sa taas at hinihintay na lang silang makaakyat. "Tama na siguro itong kabayaran." "Ano?" "Kung hindi ako nabalian e di sana kanina ka pa nakaakyat sa taas. Kaya hwag mo ng bawasan ang lamang loob mo. At saka, hindi naman ako humihingi ng kapalit. Wag kang mag-alala hindi kita sisingilin o susumbatan pag dating ng araw." "Heh... 'yan ba ang tinatawag na kawang gawa?" Bahagya itong natawa. "Sa totoo lang hindi masarap sa pakiramdam." "Bakit? Kasing taas ba ng bundok Chunan ang pride mo?" "Pa--rang gano'n na nga." "O di sige, kung mapilit ka. Ibili mo na lang ako ng mansanas pagdating natin sa Heirengrad." Kumapit si Riviel sa isang makapal na ugat at itinapak ang kanang paa sa isang bato. "Pagkain na naman? Wala ka na bang ibang hihingin bukod sa pagkain?" "Pag hiningi ko ba ang mata mo ibibigay mo?" "Sira ka ba? Siyempre hindi!" "E di manahimik ka na lang at ibili mo 'ko ng mansanas." "Hindi mo talaga alam ang salitang 'pag galang' ano?" "Gumagalang ako kung kinakailangan." "At hindi mo nakikitang karapatdapat akong galangin gano'n?" "Ganun ka rin naman sa'kin ah. Quits lang tayo." "Ihuhulog talaga kita dito." "Sige lang, isasama kita." Napangiti si Avanie. "Pero matanong ko nga. Ano yung lumabas na nilalang sa likuran ni Regenni kanina?" Tumikhim ito bago nagsalita. "Hindi mo alam ang tungkol sa mga Carvian." "Carvian?" "Ang mga Carvian ay kopya ng mga Kaivan. Ayon sa kwento, kilalang tapat ang mga Kaivan sa lahi ng Lunarian. Kahit talikuran pa sila ng buong mundo, hindi nila magagawang pagtaksilan ang lahi na pinagsisilbihan nila. Sa kagustuhan ng mga Zu-in na magkaroon ng mga nilalang na tapat gaya ng mga Kaivan, gumawa sila ng paraan para magkaroon ng katawan ang purong kapangyarihan na susunod lang sa amo nito." Nagulat si Avanie sa sinabi ni Riviel. Inakala siguro ng mga Zu-in na sa loob ng katawan ng mga Lunarian nabubuhay ang Kaivan. Pero hindi. Nilalang ang mga Kaivan, humihinga at tulad din ng mga pangkaraniwang Nindertal ang itsura ng mga ito. "Pa'no nakakakuha ang isang Nindertal ng Carvian?" "Sa oras na kinilala ang isang Nindertal bilang isang malakas na Maji user, dadaan sila sa isang pagsusulit na magpapalabas ng kanilang purong lakas na isinasalin naman sa isang buto. Kakainin ng Maji user ang buto at unti-unti itong lalaki sa loob ng katawan na walang ibang kinakain kundi ang enerhiya ng Nindertal na nagmamay-ari rito." "Pero... hindi ba't delikado 'yon? Sa oras na wala na itong makuhang enerhiya baka kainin nito pati na ang enerhiya na natitira sa nagmamay-ari rito." "Kaya nga mga Naturale lang ang pinapayagang magkaroon ng Carvian. Kapag ipinamahagi ito sa mga Exiter, maaari nilang ikamatay ang paghahawak ng isang Carvian." "Isa kang Naturale 'di ba? Ibig sabihin meron ka ring hawak na Carvian?" "Meron, at ang Carvian sa katawan ko ang dahilan kung bakit hanggang ngayon buhay pa rin ako. Na-ikuwento sa'yo ni Regenni na abnormal ang lakas na inilalabas na enerhiya ng katawan ko 'di ba? Kalahati ng enerhiyang yon kinakain ng Carvian kaya, napipigilan ang paglabas ng sobrang daming enerhiya na maaaring makasira sa aking katawan." "Dahil kung hindi, maluluto ang lamang loob mo." "Bakit ba ang hilig mo sa lamang loob? Matagal nang nakakulong ang Carvian na ito sa loob ko, marami na rin siyang nakain na enerhiya kaya pag lumabas ito, malamang na hindi ko ito mapasunod at maaari akong mamatay." "Kapag namatay ka pwede bang akin na lang yang mata mo?" Dumulas ang isang paa ni Riviel at muntik na silang mahulog. "Avanie!" "Biro lang, ito naman." Tumahimik na siya para hindi masira ang konsentrasyon ni Riviel sa pag-akyat. Ayaw niyang mahulog sila mula dito. Pero nag-iisip pa rin siya. Carvian, Ginx, Vanquir, at higit sa lahat Quinra. Mga salitang bago sa kanya patunay na maraming bagay na ang nagbago sa mundo ng Iriantal habang nakakulong siya sa loob ng itlog. Makalipas ang may ilang minuto narating na rin nila ang tuktok. Nanginig si Avanie nang umihip ang pang umagang hangin, wala rin siyang ga'nong makita sanhi ng hamog na bumabalot sa tuktok ng bundok Chunan. Wala gumagalaw sa tatlo dahil hindi nila alam kung saan pupunta dahil hindi malinaw ang dadaanan. Pero pagkatapos nang ilang sandali, marahang sumisikat ang araw. Unti-unting nagkalat ang liwanag dahilan para makita nila ang nagtatagong lugar sa likod ng makapal na hamog. Mula sa kinatatayuan nila ay matatanaw ang isang malaking siyudad na pabilog ang hugis. May walong tulay na gawa sa bubog na naka paikot dito at lahat ng yon ay naka konekta sa bawat bahagi ng bundok Chunan. Isang malaking gusali na mukhang palasyo ang nakatayo sa pinaka sentro ng buong siyudad at may palagay si Avanie na 'yon ang eskwelahan ng Heirengrad. Makikita rin ang mga nagkalat na lumilipad na barko "Hindi ko akalain na isang patay na bulkan pala ang bundok Chunan at nakatayo sa bunganga nito ang Heirengrad." Turan ni Avanie. "Ito ang pinaka siyudad ng isla Idlanoa." Wika ni Regenni. "Halo halo ang mga nakatira rito pero karamihan sa kanila mga estudyante ng Heirengrad. Sa dami kasi ng gustong mag-aral dito hindi kakayanin ng eskwelahan na patirahin silang lahat sa dorm." "Tara na. Gusto ko nang magpahinga." Nagpatiuna ng maglakad si Riviel, sumunod naman si Regenni. Marami silang nakakasabay sa daan at siguradong umakyat din ang mga ito ng bundok dahil gaya nila marurumi din ang suot ng mga ito. May iba naman na puno ng sugat ang buong katawan. "Siguro naman may pagamutan dito." Sabi ni Avanie habang nakatingin sa mga kasabay nila. "Kumpleto sa facilities ang Heirengrad." Sagot naman ni Riviel. "Walang dapat alalahanin ang mga nilalang dito. At hindi rin totoo ang balibalitang marami ang namamatay sa bundok." "Talaga!?" "Wag kang sumigaw sa tenga ko. Naririnig kita!" "Talaga?" Ulit niya sa mas mahinang boses. "Hindi mo man sila nakikita pero may mga nagbabantay na Maji user sa bundok. Kapag nasa bingit na ng kamatayan ang isang nilalang, tinutulungan nila ang mga ito. Sa kasamaang palad, minsan hindi pa rin maiwasan na may hindi sila mailigtas." "Teka nga, di ba hindi ka pwedeng gumamit ng Shi? Pa'no ka nakapasa sa unang pagsusulit?" nagtatakang tanong ni Avanie. "Maraming paraan para makapasa ro'n ng hindi gumagamit ng Shi." "Gaya ng?" "Pera." "....... NANUHOL KA????????" Halos matulig sa lakas ng boses ni Avanie si Riviel nang sumigaw ito. Grabe! kung nakamamatay lang ang sigaw kanina pa siya bumulagta. Nagtinginan ang mga nilalang na kasabay nilang naglalakad papunta sa entrada ng Heirengrad. Nagsimulang mag bulungan ang mga ito. "Di ba siya ang hari ng Ishguria?" "Oo nga. Anong ginagawa niya rito?" "May narinig akong suhol. Sinong nanuhol?" "Alam mo naman ang mga maharlika, gagawa ng paraan yan para lang makapasok kahit pa magbayad ng malaki." "Class 1 Maji user na siya kaya anong ginagawa niya rito?" 'Class 1? Sa'n naman nila napulot ang balitang 'yon? Sa pagkakaalam ko wala akong rango bilang isang Maji user dahil hindi ako pwedeng gumamit ng Shi.' Sinabunutan si Riviel ng buhat niyang babae. "Wala ka talagang kwenta! Ikaw na mandaraya ka!" "Aray! Aray! Tigilan mo nga!" "Avanie!" Tinangka itong pigilan ni Regenni, pero nang subukang hablutin ni Avanie ang buhok nito mabilis itong lumayo. "Pasensiya na kamahalan subalit ... mas mahalaga ang buhok ko." "Traidor ka!" Gaano ba kalaki ang halaga ng buhok niya? Ang sarap gupitin! "Kung alam ko lang na pwedeng mag bayad e di sana hindi na ako naghirap na palabasin ang Shi sa katawan ko kahit sagad na!" "Kahit sino maaaring gawin 'yon! Ang kailangan mo lang paghandaan ay ang ikalawa at ikatlong pagsusulit!" Sabi ni Riviel dito. "Pag di mo tinigilan yang paghatak sa buhok ko ihuhulog talaga kita sa bangin!" "Patawad, hindi na mauulit." Nanahimik ito sandali. "Pero... ...mahirap ba ang ikalawang pagsusulit?" "Huh?" "Matapos kasi nilang sukatin ang Shi ko, dumiretso na 'ko sa ikatlo." Si Riviel naman ang nagulat sa sinabi ni Avanie. "Oy oy, seryoso ka ba sa sinasabi mo?" "Oo naman no! Gumamit ako ng magandang taktika para makatakas sa ikalawang pagsusulit." "Avanie-hana." Pareho silang napalingon sa tumawag kay Avanie. Isang lalaki ang ngayon ay nakatayo ilang pulgada lang ang layo sa harap nila. Hindi man lang napansin ni Riviel na nakalapit na pala ito. Kumunot ang noo niya at hinigpitan ang pagkakahawak kay Avanie. Kaya nitong itago ang sariling aura. Tiningnan uli ni Riviel ang lalaki. Nakaputi ito, malaki ang suot na sumbrero, may hikaw na kruz at parang sa genie ang pants. Pamilyar ang itsura nito. "Izari!" Yumukod ang lalaking tinawag na Izari tapos ay lumapit sa kanila. "Kanina ko pa po kayo hinihintay Avanie-hana." Binalingan siya nito, ngumiti at inilahad ang kamay. "M-Maaari ko na ba siyang kunin mahal na Haring Riviel?" Hindi kumibo si Riviel, hinayaan niya lang itong kunin si Avanie sa likod niya. Maingat ang bawat kilos ng lalaki at halatang iniiwasan nitong masaktan si Avanie. At kahit saang anggulo niya tingnan pamilyar talaga ang mukha nito. "Nagkita na ba tayo dati?" di na napigilang tanong ni Riviel dito. Nagtataka naman tumingin si Izari kay Avanie na ngayon ay buhat na nito. "Ah! Oo nga pala, sa pagkakaalala ko nakilala mo na ang magkapatid na Dal." "...?" "Gising ako nung nagpunta si Hu-an sa Kalaja. Nakapag-usap na kayo ng kambal na Dal 'di ba? Siya si Dal Izari. Ang pinaka panganay sa tatlo. Pangalawa si Fegari at bunso naman si Satari. Triplets sila." Paliwanag niya. "Ikinagagalak kong makita kayo ng personal haring Riviel." 'Ng personal? Gaano ba karaming kwento ang narinig nito tungkol sa'kin?' "Ikaw lang kasi ang tanging nilalang na gustong pulbusin ni Draul hanggang sa makuntento siya." Dugtong pa ni Izari. "Hindi ko alam ang dahilan kung bakit galit sa'yo si Draul pero ngayon pa lang babalaan na kita. Mag-ingat ka sa kanya." 'HaA?' "Anong ibig mong sabihin Izari?" Kunot noong tanong ni Avanie. "Galit si Draul sa tangang Hari?" "Sinong tinatawag mong tangang Hari?" Ngumiti lang si Izari bilang sagot at nakapagtatakang hindi na uli nagsalita pa si Avanie. "Pa'no? Mauna na kami sa inyo." Itinuro siya ng pasaway na babae. "Hoy tangang Hari! Hindi ko kakalimutan yung mansanas! Sa susunod na magkita tayo kailangan meron kang dalang mansanas! Naiintindihan mo?" Napakamot na lang si Riviel sa ulo. "Ang ingay mo. Umalis ka na nga." Binalingan nito si Izari na napansin niyang masama ang tingin sa kanya. "Ibaba mo na ako. Maglalakad na lang ako." "Pero Prinse-" "Ayos lang ako Izari!" Iginalaw-galaw pa nito ang paa para patunayan ang sinasabi. "Kitams?" Binigyan uli siya ni Izari ng nakamamatay na tingin bago nito binalingan si Avanie at ngumiti. 'Problema nito?' "Mukhang dumadami ang kaaway mo kamahalan." Komento ni Regenni sabay tapik sa balikat niya. "Kaya mo 'yan. Galingan mo." 'Anong problema ng mundo?'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD