"Hoo..."
Namewang si Regenni, iginalaw ang balakang at nag-inat ng mga braso. Umupo naman si Avanie sa tabi ng bukal at naghilamos para mawala nang kaunti ang nararamdaman niyang pagod. Palubog na ang araw, nagsisimula na ring maglabasan ang mga alitaptap.
Gumamit si Regenni ng Maji at nagpalabas ng bolang ilaw, kasalukuyan itong lumulutang ngayon at nagbibigay ng liwanag na kulay orange sa paligid nila. Inabot sila nang limang oras sa paglalakad bago nila narating ang nasabing bukal. Nagpasya sila na dito na magpalipas ng gabi, halata kasing pagod na rin ang Hari at masama rito ang mapwersa nang husto ang katawan.
Tiningnan ni Avanie ang Hari ng Ishguria. Naka kamiseta lang ito at simpleng itim na pantalon. Kung titingnan hindi naman ito mukhang mahina dahil sa laki ng katawan nito.
"Regenni-hono."
Lumingon si Regenni. "Hmm?"
"Talaga bang mahina ang katawan ng Hari niyo?" sinulyapan niya uli si Riviel na ngayon ay nakahiga na sa lupa. "Hindi halata."
"Ah..." tumawa ito sabay upo sa kanyang tabi. "Hindi naman sa mahina ang katawan niya. Alam mo naman siguro ang tungkol sa mga Naturale no?"
Tumango si Avanie. "Sila yung mga Nindertal na pagkasilang pa lang malakas na ang enerhiya. Kaya nilang gawing Shi ang enerhiya nang hindi humihingi nang tulong sa Formica system."
"Malakas ang Shi ni Haring Riviel pero hindi hiyang ang katawan niya rito kaya naman nagkakaroon ng kumplikasyon sa tuwing gumagamit siya ng Shi."
"Pero ayos lang ba na pumasok siya sa Heirengrad? Kung mag-aaral siya hindi niya maiiwasan ang pag gamit ng Shi 'di ba?"
Tumango si Regenni. "Pero hindi kami pumunta sa Heirengrad para mag-aral."
"Huh?"
Kung gano'n ano pala?
"Dahil hindi pwedeng gumamit ng Shi ang mahal na Hari, madali siyang ma-target ng mga Nindertal na gustong agawin sa kanya ang trono." Tumingala si Regenni subalit imbes na kalangitan puro dahon at sanga lang ang nakita niya. "Ulila na si Riviel. Namatay ang mga magulang niya bata pa lang siya at simula no'n marami nang nagtatangka sa buhay niya. Nito lang nakaraan muntik na siyang patayin ng isang tagapag-alaga ng kabayo at nakita mo naman 'di ba? Ikaw ang humuli sa dalawang assassin na gustong pumatay sa kanya."
"Pero bakit sa Heirengrad?" takang tanong ni Avanie.
"Tiwala ako sa seguridad ng paaralan at bukod dun, mas mababantayan ko siya ng mabuti. Kapag nasa Kalaja kaming dalawa, may mga nilalang na gumagawa ng paraan para magkahiwalay kami kahit sandali lang. Kung minsan ginagamit nila ang problema sa kaharian ng Ishguria."
"Alam niyo, hindi ako kumportableng pinag-uusapan ng iba ang buhay ko." Sabat ng Hari mula sa kinahihigaan nito. Ayos ah! Lakas ng pandinig niya. "Hindi mo dapat sinasabi sa kanya ang mga bagay na 'yan Reg, espiya ang babaeng 'yan."
Nginitian ni Avanie si Regenni. "Ako na tatapos sa buhay niya pwede?"
"Bakit nga ba kasi pupunta ka ng Heirengrad?" tanong pa nito. "Mukha namang hindi ka marunong gumamit ng Maji."
"Kaya nga 'ko pupunta do'n para mag-aral. Para matuto pong gumamit ng Maji kamahalan." Sarkastikong sabi ni Avanie. Kung wala lang siyang limiter tinira na niya ito ng apoy. "Malaki naman siguro ang Heirengrad, malas ko na lang pag nagkita pa tayo do'n."
Umingos si Riviel.
Gaya nito pupunta rin si Avanie sa Heirengrad hindi para mag-aral. Alam niyang hindi gano'n kadaling maghanap ng bakas sa pagkawala ng Rohanoro. Tatlong buwan na siyang walang tigil na naghahanap at sa nakaraang mga panahong 'yon wala man lang nabigyang linaw sa mga katanungan niya. Lalo lang itong dumami.
Ano ang Quinra?
May kinalaman ba si Bernon?
At kung sino ang may kagagawan ng lahat?
Mga bagay na gusto niyang itanong sa dalawa pero hindi niya magawa dahil alam niyang titingnan lang siya ng mga ito na parang may sapak sa ulo.
Makaraan ang ilang sandali may naramdaman siyang di kanais nais. Mukhang naramdaman din ito ni Riviel dahil sabay pa silang napabalikwas ng bangon. Na alerto naman agad si Regenni.
"May paparating." Usal ni Riviel.
"Sa harap." Pagkasabi no'n ni Avanie ay lumabas nga ang isang malaking halimaw na may tatlong paa at tatlong kamay. Meron itong ulo na kamukha nang sa Buwaya at gaya ng isang leon matalas din ang mga pangil nito!
Inilabas ni Avanie ang kanyang espada, sumunod naman ang dalawang lalaki sa likod niya. Likod? "Hoy! Bakit ako ang nasa harap?!"
"Kasalanan ba namin kung gusto mong maunang mamatay?" Sabi ni Riviel at binigyan siya ng Hwag-ka-kasing-tatangatanga-na tingin.
'Sasakalin ko na talaga ang Haring 'to! Pigilan niyo 'ko! Baka mas mauna ko pa siyang masaktan kesa sa halimaw sa harap ko!'
Naaasar na hinarap ni Avanie ang halimaw. Sumugod ito gamit ang kamay at tinangka silang hawiin, buti na lang mabilis ang mga kasama niya kaya nakailag silang lahat. Ganun ulit ang pangalawa nitong atake, sa pagkakataong 'yon sumugod na rin si Riviel at iwinasiwas ang espada nito sa halimaw, natamaan ang kalaban pero dahil matigas ang balat nito kaunting galos lang ang natamo nito mula sa espada!
"Level 2 Ginx, Ishganiya tulad sa buwaya ang balat nito! Hindi ko alam ang kahinaan nila!" Imporma ni Regenni sa kanila.
"Ayos ah nakuha mo pang magbigay ng data tungkol sa kalaban." Tumalon si Avanie sa gilid para hindi matamaan kaya lang sa pag-ilag niyang yon, muntikan naman siyang bumangga sa isang malaking bato.
Tumalon nang mataas ang Ishganiya, pinagsalikop nito ang tatlong kamay at nagpormang parang bola sa ere.
"Delikado! Pag natamaan tayo nyan pisa tayong lahat!" Lumundag si Avanie sa isang ugat para magtago, si Riviel at Regenni naman ay kapwa nagmadali papunta sa isang malapad na puno.
Nakaramdam sila ng malakas na pag yanig ng lupa nang bumagsak ang Ishganiya, kasunod no'n ay nagtumbahan ang ilang puno sa paligid nito at kumawala sa bukal ang nananahimik na tubig.
Sumilip si Avanie at nakita niya ang dalawang kasama na palihim na lumalapit sa Ishganiya. Buhay pa ang bolang ilaw ni Regenni kaya nakikita nila ang kalaban.
Suminghot singhot ang halimaw. May liwanag pero... sandali...
"Hindi siya nakakakita pag may liwanag!" sigaw niya sa dalawa. "Kailangan natin ng malakas na ilaw!"
"Akong bahala!" Sagot ni Regenni. Ibinalik nito ang espada sa lagayan, ikinuyom ang kamao at saka pumikit.
'Anong binabalak niyang gawin?'
"Dio ivi nasconvame! Menim ilantre esefi ve emerem so edin," unti-unting lumabas ang liwanag mula sa ilaw ng bola at umikot ito sa katawan ni Regenni. "Regenni bevel sarem, Belarus geill!"
Nanlaki ang mga mata at napanganga si Avanie nang makitang unti-unting nagkaron ng katawan ang liwanag. Ilang sandali pa, tuluyan na itong naging isang nilalang. Isang lalaki na halos kasing laki ng halimaw. Malaki ang katawan nito na nababalutan ng gintong armor at nag-aapoy ang buong katawan. May hawak itong isang malaking armas, hindi lang makita ang mukha nito dahil natatakpan ng helmet.
"Hasani mo refiniar!" Kasunod ng sigaw ni Regenni, nagpakawala ng maraming bolang apoy ang nilalang sa likod niya. Tumama ang lahat ng 'yon sa Ishganiya. Dahil nasaktan at walang makita sanhi ng liwanag, nagsimula nang magwala ang halimaw.
Sinamantala naman ni Riviel ang pagkakataon para sumugod. Tumalon siya sa binti ng Ishganiya, mula roon ay tumalon siya uli at saka isinaksak ang espada sa puso ng kalaban. Pero hindi sapat ang atake ng Hari dahil buhay pa rin ito! Dali-daling tumakbo si Avanie palapit dito, tumalon ng mataas at lumapag sa ulo ng nagwawalang Ishganiya.
Bumuwelo si Avanie tapos ay itinarak ang kanyang espada sa ulo ng Ishganiya. Isang malakas na iyak ang gumulantang sa buong lugar, gumewang ang tayo ng kalaban at mukhang tutumba na ito anumang sandali, ngunit bago pa man bumagsak ang halimaw nagpalabas ito ng kung anong usok mula sa bibig nito na agad kumalat sa paligid ng bukal.
Tumalon si Avanie pababa para lang makita ang dalawang kasama na hirap sa pag hinga. Unti-unti na rin nalalanta ang lahat ng halaman sa paligid ng bukal
"Masama 'to! Kailangang mai-alis ko sila dito kagad! May lason yung usok!"
Walang pag-aatubiling tumakbo siya palapit sa kanila. Inuna niya si Regenni na tuluyan nang nawalan ng malay, binuhat niya ang lalaki na parang isang sako at ipinasan sa balikat niya. Isusunod na sana niya ang tangang Hari pero nakita niyang nagpupumilit pa ring tumayo ito, ginawa nitong tungkod ang sariling espada para hindi tuluyang matumba.
"A-Ano ka ba talaga? Bakit hindi ka naapektuhan ng l-lason?" nanghihina at nahihirapang tanong ni Riviel kay Avanie.
"Hindi... ko rin alam." Simula pagkabata bihira na siyang tablan ng lason, pwera na lang kung malakas ito at idederekta mismo sa katawan.
"Heh... suko na 'ko, t-tanggapin ko na lang na kakaiba ka."
Napailing siya. Grabe ang katigasan ng ulo nito! Abot hanggang langit. "Kakaiba ka rin mag-isip."
Napaluhod si Riviel at tuluyan nang nawalan ng malay.
Hinatak na rin ito ni Avanie at pinasan sa kanang balikat niya. Wala siyang dapat aksayahin na oras dahil maaaring manganib ang buhay ng dalawa.
Napansin niya ang dalang gamit ng mga ito. Uuh ... pa'no ba? Dahil pareho na silang buhat ni Avanie imposibleng mabitbit niya pa ang mga gamit nila.
"Iwan ko na lang kaya? Pero baka magalit si Regenni. Ah alam ko na!"
"Edamame!"
Agad na nagpakita ang mink. "Bunya!"
"Pakibuhat naman ng mga gamit nila. Hindi ko madadala ang mga 'yon."
Ilang beses tumango si Edamame bago lumipad palapit sa gamit. Bumuka ang bibig nito at isinubo lahat ng mga yon. Naging triple ang laki ni Edamame na ngayon ay nagmukhang lumilipad na malaking lobo.
"A-Ayos ka lang?"
"Brrrrrr...."
Iniwan niya na ang bukal. Tutal naman, walang malay ang dalawa naisipan niyang talunin na lang ang mga ugat sa daan. Mas mabilis kapag ganito at nakakaamoy siya ng tubig ilang kilometro lang ang layo. Binilisan niya ang pag-akyat.
Dug dug dug dug...
'Ano 'yon?'
Lumingon siya sa likod at...
"Oh diyos ng bundok kung sino ka man wag mo naman akong pahirapan! ANAK NG PITOMPU'T PITONG IDULAN!"
Ang lalaki ng mga Ginx na humahabol sa likuran niya! Tatlong Ishganiya at hindi niya alam kung ano pa yung iba pero ang dami nila!
"Waaaaaaaaaaaaaahhhhhh!!!!!"
Nagulat si Edamame sa biglaang pagsigaw ni Avanie kaya 'di sinasadyang nabangga ito sa isang sanga, gumewang ang lipad nito at tumama kay Avanie. At dahil nga malaki si Edamame idagdag pang mas malakas ito kumpara sa karaniwang Mink, tumalsik pataas si Avanie! Sa sobrang bilis ng mga pangyayari, namalayan niya na lang na umangat na sila ng husto mula sa lupa at lumilipad na!
"Teka marunong nga pala akong lumipad! Game lipad!" subalit walang nangyari. "TEKA MERON NGA PALA AKONG LIMITER! MAHUHULOG AKO!"
Ilang segundo silang huminto sa itaas bago bumulusok paibaba. Dumulas si Regenni sa kamay niya buti na lang nahablot niya kagad ang mahabang buhok nito.
"Waaaaaaaaaaaaaahhhhh!" Maluha luha na si Avanie at mapakla na rin panlasa niya dahil sa nahuhulog na pakiramdam! Pag bumagsak sila sa baba hindi lang lasug lasog ang katawan nila, panigurado patay rin sila!
Nahulog nga sila, diretdiretso sa mga sanga. Napunit ang ilang bahagi ng damit niya dahil sa matatalas na sanga. Kaunti na lang malapit na nilang maabot ang lupa!
Pumikit siya ng mariin para sana gumamit ng Maji pero agad din siyang napatigil ng maramdaman si Edamame. Nasalo sila nito pero gawa ng masiyado itong mataba at mala goma ang balat tumalbog silang tatlo.
Diretso sa putikan...