"Huwad na prinsesa?!" sigaw ni Riviel ng makilala kung sino yung babae.
"Tangang Hari!?" at sigaw naman ni Avanie nang makita ang kaharap.
'Urgh! Sa dinamirami ng pwedeng makakita at makita, 'tong isang to pa! Pag ang malas nga naman naglaro sunud-sunod.'
Napangiwi si Avanie ng maramdaman ang kirot sa likuran niya. Buti na lang nakapagpalabas siya ng mahinang pwersa kaya hindi siya tuluyang tumama sa pader, nasira nga lang ito sanhi ng matinding impact galing sa pwersa ng kapangyarihan. Ang isa sa hikaw na ibinigay ni Draul ay hinahayaan siyang magpalabas ng maliit na dami ng Shi para magamit niya kung kinakailangan. Pero nag-a-activate lang ito kapag nasa bingit siya ng kapahamakan gaya nang nangyari kanina.
Pero nasaktan pa rin siya! Bakit ba kasi gustong-gusto nila ang istilo ng biglaang pag sugod? Wala bang nakakaalam ng salitang 'Sandali'?
Dahan dahan tumayo si Avanie at tumingin sa kanyang harapan. Andyan na! Nakita niya ang anino ni Soligoban. Mabilis siyang tumalon papalayo, inilabas ang sarili niyang espada at naghanda sa paparating na pag sugod ng kalaban.
Lumabas si Shitarka sa alikabok, nakaamba ang espada at handa siyang hiwain. Sinalag ni Avanie ang espada nito gamit ang sarili niyang armas at lumikha 'yon ng malakas na 'Shing' na tunog nang magtama sa isa't-isa.
Tumalon palayo si Shitarka at muling sumugod. Sa pagkakataong yon pumuwesto na rin si Avanie para umatake.
Hindi pwedeng takbo lang siya ng takbo. Nasaktan din siya sa biglaang pagsugod nito kanina ah! Sinalag niya muna ang unang tira nito mula sa taas at nang makakita siya ng pagkakataon sinipa niya ito sa kanang tagiliran. Si Shitarka naman ang tumilapon at sumadsad sa sementadong sahig.
'Quits!'
"S-Sino ka?!" tanong ni Shitarka. "Paano mo nasasalag ang mga tira at atake ko?"
'Huh?'
Nagtatakang tiningnan ni Avanie si Shitarka. Mabagal ang kilos ng lalaking ahas kaya nakikita niya ang bawat galaw nito. Nagulat lang siya kanina kasi bigla itong sumugod at huli na para dumepensa. Hindi kaya siya nabigyan ng oras para makapaghanda!
"Siyempre! Sino ba'ng gustong mamatay agad? Kailangan ko ring lumaban." Sagot niya rito na ikina-kunot ng noo nito.
'Imposible! Paanong nasasalag ng batang ito ang mga tira ko? Noong una ko siyang inatake ang akala ko hindi na siya makakatayo pero mabilis siyang nakabawi!'
Hindi lang 'yon. Ginagamitan din ni Shitarka ng kaunting Shi ang espada niya pero sa batang 'to... wala siyang nararamdaman na gumagamit ito ng Shi.
Ibig sabihin purong lakas lang ang ginagamit nito? Imposible! Isa siyang kapitan at mataas ang rango niya sa pagiging Class 2 Maji user tapos matatalo lang siya ng isang bata?
'Naglolokohan ba tayo rito?'
"Hoy! Huwad na prinsesa anong ginagawa mo dito?"
Narinig ni Shitarka na tanong ng isang lalaki na nakilala niyang si ....
'Bakit nandito ang Hari ng Ishguria?!'
"Sinong tinatawag mong huwad tangang Hari?!"
"Sinong tinatawag mong tanga?"
"Kasasabi ko lang!"
"Avanie-hana, kamusta?"
"Oh! Regenni-hono ikaw pala!" Lumapit ang babae kay Regenni. "Anong ginagawa niyo rito?"
Tapos nag-usap na sila na parang walang nangyaring laban kanina lang.
Tumayo si Shitarka, lumapit sa Hari ng Ishguria at yumukod dito. "Ikinagagalak kong makita kayo kamahalan."
Nilinga naman siya ng Hari at nginitian. "O, kapitan Sinagoblan nandito ka pala."
'Soligoban...'
"Akalain mong magkikita tayo dito kapitan Sinogliban!" nakangiting turan ni Regenni.
'Soligoban...'
"Magkakakilala kayo ni kapitan Sinilaban?"
'Soligoban! Wala bang makakatama ng apelyido ko!?'
"Mukhang may nangyayari dito ah, may hindi ba kami nakita?" tanong ni Regenni.
"May nanggugulo sa teritoryo ko at siya ang itinuro." Simpleng sagot ni Shitarka.
"Sinabi nang hindi nga ako 'yon! Kinalaban ko lang 'yong mga pirata dahil nanggugulo sila sa kainan!"
Oh..
"Pasensiya na. Gano'n ba ang nangyari?"
"Kanina ko pa sinasabi! Hindi mo naman ako pinapakinggan sugod ka lang ng sugod!" naiinis na napakamot ito sa ulo. "Kasi naman, bakit ba sumali ka pa sa gulo? Gusto ko lang namang paalisin yong mga pirata sa kainan ni Manang. Hindi na nga ako nakakain dahil sa pagtulong tapos balak mo pa akong paslangin dahil sa maling akala."
"Kilala mo ba siya kapitan?"
"Huh?" nagtatakang tiningnan ni Shitarka si Regenni.
"Siya lang naman nag-iisang pamangkin ni Draul Vhan Rusgard."
Nanigas siya nang marinig ang pangalan ng Duke ng Eldeter. 'Siguro nga dapat ko nang palitan ang apelyido ko...'
Takot ang lahat kay Duke Vhan Rusgard dahil masyadong matalino ito, tuso at malakas.
Hindi kabilang sa labing tatlong Zu-In ng Iriantal si Vhan Rusgard pero ayon sa mga bali balita kasing lakas nito ang isang Zu-in kaya nga walang gustong kumalaban dito. Ang nakapagtataka lang wala itong titulo bilang isang Maji user at piniling maging isang Platina. Walang gustong makaharap si Rusgard o maging kaaway nito. Kahit ang Hari ng Eldeter sa kanya sumasandal kapag nagkakaroon ng problema sa kaharian nito.
Natatarantang yumukod si Shitarka sa babae.
Hindi niya lang sinigawan ang anak ng isang maharlika, sinaktan niya pa! Kapag nalaman ito ng Duke at ng Heirengrad Zu-in malamang na matanggalan siya ng trabaho kaya ngayon pa lang kailangan niyang makabawi.
"Paumanhin binibini, hindi ko alam ang ginagawa ko. Bilang kapalit," nginitian niya ito ng ubod tamis. "Ililibre kita ng makakain."
"Talaga? Sabi mo ha? Hindi ako tatanggi kapitan! Kanina pa 'ko nagugutom."
"Lagi ka bang gutom?" tanong ni Haring Riviel sa dalaga. "Sa tuwing nagkikita tayo pagkain ang hinihingi mo."
"Oy, nanghingi lang ako no'n kasi wala pa talaga akong kinain, saka kasalanan mo rin naman kung bakit ginutom ako ng husto. Ibitin mo ba naman ako ng patiwarik e."
"At sinong may sabi na ilabas mo ang kinain mo sa damit ko?"
"Ano? Pati pagsuka kailangan hihingi pa ng permiso? Ilang beses ko ba kailangang sabihin sa'yo na kasalanan mo nga 'yon?"
Sinulyapan ni Shitarka si Regenni, tumingin lang din ito sa kanya at sumenyas na hwag siyang maingay.
"Tumalon ka sa hot spring ko." Sabi uli ng Hari.
"Hindi pa rin ba tayo tapos diyan? Nakalipas na 'yon, wala ka bang kinabukasan?"
"Ano ba kasi ang ginagawa mo dito sa Idlanoa? Sinusundan mo ba 'ko?"
"Oy, Mangarap ka! Nandito ako para kumuha ng pagsusulit sa Heirengrad, at saka ano naman ang mapapala ko sa pagsunod sa'yo? Sapat na ang nakuha kong trauma ng kagatin mo 'ko habang tulog ka?"
"Umalis ka na lang basta ng palasyo, ni hindi mo man lang ako kinausap."
"Bakit ko naman gagawin 'yon? Ayaw mo nga akong paalisin di ba? Kaya nga tumakas ako sa'yo. Sa tingin mo babalik pa ako matapos mo akong pagbantaan na paparusahan? Naghahanap ka ba ng away?"
Nanlaki ang mata ni Shitarka sa narinig sabay lingon uli kay Regenni. Kumikislap na ang mga mata nito habang abot tenga ang ngiti pero naka senyas pa rin na hwag siyang maingay.
Pustahan, nasisiyahan ito sa naririnig nito. Pero bakit nga kaya? Kung mag-away ang dalawang ito para silang ... ... mag-asawa?
✴✴✴
"Tch!" palatak ni Riviel habang naglalakad na sila pabalik ng inn. Busangot ang mukha nito at halatang inis na inis. "Ni hindi man lang siya nagpasalamat para sa nagawa ko sa kanya."
"Ikinulong mo siya sa tore."
"Dahil akala ko isa siyang espiya!"
Lihim na natawa si Regenni. Sa tagal nilang magkasama ni Riviel ngayon niya lang ito nakitang nainis sa isang babae. Isa siyang Hari at simula pagkabata tinuruan na ito kung pa'no gumalang at intindihin ang mga babae sa paligid nito kaya nga kahit naaasar na si Riviel hindi nito ipinapakita 'yon. Pero pag kaharap nito si Avanie, wala itong pakialam kung makita man ng babae ang di magandang ugali nito.
Para kay Regenni isa lang ang ibig sabihin no'n. Komportable si Riviel sa paligid ng babaeng 'yon.
Biglang sumeryoso ang mukha ni Riviel. "Nakita mo 'yon kanina 'di ba?"
Malamang na tinutukoy nito ang laban sa pagitan ni Avanie at Shitarka.
"Kahit simpleng nilalang hindi magagawang kalabanin ang isang kapitan. Sa tingin ko hindi kilala ni Avanie ang kinalaban niya."
"Isa si Shitarka sa pinakamalakas sa mga Class 2 maji user, kung lakas ng katawan at kapangyarihan ang pag-uusapan mas angat siya sa iba pero nakapagtatakang napabagsak siya sa isang tira lang." Sang-ayon si Regenni sa sinabi nito.
Isa rin siyang Class 2 ngunit di hamak na mas mataas ang rank niya kaysa kay Shitarka. Kaya masasabi niyang hindi niya rin magagawang mapabagsak si Shitarka sa isang tira lang kaya paano 'yon nagawa ni Avanie.
"Isa siyang Platina." Ani Riviel.
"Gaya ng tiyuhin huh?"
"Reg, isasama natin siya sa pag-akyat ng bundok Chunan." Seryosong wika ni Riviel. "Gusto kong makita kung ano pa ang kaya niyang gawin."
✴✴✴
UMAGA
Bundok Chunan.
"Uuuh ... teka," laglag ang dalawang balikat na tiningnan ni Avanie ang Examiner na kaharap niya. Nakasuot ito ng mahaba at itim na cloak kaya bahagya niya lang naaaninag ang mukha nito. May hawak itong bolang kulay green at masama ang tingin nito sa kanya. "Pwede isa pa?"
"Binibini, nakatatlong ulit ka na pero pareho lang ang resulta. 3% lang ang Shi mo at ang itinakdang Shi para makapasa ay 20% ni hindi ka man lang umabot sa kalahati."
"Sige na! Isa na lang, pangako tataas na 'to!" pamimilit pa ni Avanie.
"Niloloko mo ba 'ko? Imposibleng tumaas ang Shi ng isang nilalang ng ganun ganun lang!"
"E pa'no pag nagawa ko?" nginisihan niya ang Examiner. "Kapag nagawa ko ang sinasabi mong imposible papapasukin mo ako at didiretso na ko sa ikatlong pagsusulit! Pag hindi naman, hindi mo na ako makikita kahit kailan!"
'Sobra naman ang ginawang limiter ni Draul. Ni hindi man lang niya binigyan ng kahit kaunting Shi para makapasa ako dito. Wala na akong pagpipilian, hindi ako pwedeng umalis ng Idlanoa ng walang nakukuhang kahit ano.'
Labing limang segundo muna ata silang nagtitigan ng Examiner. Nakita nitong wala balak sumuko si Avanie kaya wala na itong nagawa kundi magpalabas ng hangin mula sa ilong.
Asar na talaga ito kay Avanie. Pareho sila ni Draul ng itsura pag gusto siya nitong itali sa puno ng patiwarik.
Nanggigigil na ibinagsak ng Examiner ang bolang hawak sa lamesang katabi niya at tinaguan siya.
'Pasensiya na Draul pero kailangan e, sermonan mo na lang ako pag-uwi.'
Kinuha ni Avanie ang bola at hinawakan yon gamit ang dalawang kamay. Mataman lang siyang tinitingnan ng Examiner na para bang sinasabi nito na 'hindi mo magagawa 'yan'. Huminga siya ng malalim at pinilit magpasok ng kaunting Shi sa loob ng bola kasunod no'n naramdaman niyang uminit ang suot niyang bracelet.
Umilaw ang bola. Nang tingnan niya, may nakita siyang parang tubig sa loob na nagsisimula ng tumaas. 1/4 ng bola ang napuno nito, dahil dun binigyan niya ang examiner ng mayabang na ngiti.
"I-Imposible!" gulat na sambit nito. Nag-aatubili pa ito pero makalipas ang ilang sandali may lumilipad na bilog na parang ... mata ang lumapit dito at bumulong. Tumango ang examiner sabay baling kay Avanie. "Dumiretso ka na sa ikatlong bahagi ng pagsusulit."
'Ahaha! Wagi ako!' Dali dali siyang tumakbo palapit sa malaki at soooobraaaang taas na pintuan na gawa sa semento.
"Sa likod niyan ay ang pinaka baba ng bundok Chunan." Wika ni Examiner.
Marami pa itong sinasabi pero hindi na nakikinig si Avanie.
Nakatingala lang siya sa mataas na pinto. May mga simbolo kasing nakasulat roon at ang iba sa mga 'yon ay pamilyar sa kanya. Hindi niya nga lang mabasa dahil kupas na ang iba sa mga ito subalit may naintindihan siyang isang salita.
Ang salitang BABALA.
Marahang bumukas ang pinto, nilingon ni Avanie ang Examiner na nakatingin pa rin sa kanya at kinawayan ito bago pumasok sa malaking pinto.
"Whoa..." yun lang ang nasabi niya nang tuluyang makapasok sa pinto.
Isang madilim at sagana sa nagtatabaang puno ang lugar na bumulaga sa kanya. Malaki ang mga ito, baluktot ang mga sanga at nababalutan ng makapal na baging.
"Bungad pa lang 'to ah. Pa'no pa kaya sa kalagitnaan ng bundok?"
May naririnig din siyang mga kaluskos sa bawat direksyon. Maraming puno na sa sobrang taba ay halos matumba na. Bahagyang basa ang lupa dahil hindi gaanong nasisikatan ng araw. Nilapitan ni Avanie ang isang puno at hinawakan ang sanga nito.
"Magiging problema din sa pag-akyat ang mga malalaking ugat sa dadaanan."
Hindi maganda 'to. Umaga pero dito sa lugar na 'to parang malapit ng dumilim. May mga huni ng ibon at tunog ng kuliglig. Balot din ng manipis na hamog ang buong paligid kaya kung titingnan para kang kakainin ng buhay ng lugar na ito.
Nakakatakot.
"Kanina ka pa namin hinihintay."
"Iiiiiiiiiiiiiiihhhh!" napatalon si Avanie sa likod ng puno nang biglang may magsalita sa likuran niya. Ikiniling niya ang ulo para silipin kung sino 'yon pero wala siyang nakita.
"Sino ba'ng sinisilip mo dyan?"
Tingala. "Waaaaaaaaaaaaaaahhhhhhhhh!!!!!!"
Pinitik siya nito sa noo.
"Arekunaman!"
"Kung makasigaw ka parang nakakita ka ng halimaw ah." Halo ang asar at pagkamangha na sabi ng tangang Hari.
"Kaya nga ako sumigaw e, nakakita ako ng halimaw." Hinimas niya ang nasaktang noo. Ang lakas nitong pumitik, pero seryoso, natakot talaga siya kay Riviel. Sabi kasi ni Draul may kakayahang manggaya ang mga Ginx kaya akala niya nagpapanggap lang ito.
"Naranasan mo na bang maisabit sa tuktok ng Shired tower?" tanong ng Hari.
"Hindi pa bakit?"
"Isasabit kita do'n paglabas natin dito." Hinila nito ang kamay ni Avanie. "Nasa kabila lang si Regenni, tara."
Hinatak niya pabalik ang kamay niya. "Teka, hinto muna. Kaya kong maglakad mag-isa."
"Himala, hindi ka nagwawala ngayon." Nang-aasar na sabi ni Riviel sabay lagay ng kamay sa bulsa.
"Saka na. Kailangan ko ng kasama," Inilibot niya uli ang tingin sa paligid. "Ayokong maglakbay ng mag-isa sa bundok na 'to."
Ang totoo niyan kelangan niya talaga ng kasama kasi nga hindi siya pwedeng gumamit ng Maji. Siguro naman isa sa kanilang dalawa, gumagamit ng Shi. Tutulong na lang siya sa laban.
Matapos ang may dalawang minutong paglalakad nakita na nila si Regenni. Ngumiti ito at binuhat na ang ilang gamit na dala ng mga ito. May dala rin maliit na bag si Avanie, tinapay at tubig lang ang laman. Kapag ganitong klase ng paglalakbay hindi magandang mag dala ng sobrang daming gamit. Sagabal lang.
"Nakakuha ako ng mapa sa isang nilalang na mapagkakatiwalaan." Sabi ni Regenni nang makalapit sila. "Isang kilometro mula dito may makikitang isang bukal. Kailangan nating makarating do'n bago dumilim."
Tumango si Avanie at sinimulan na nila ang paglalakad.
Habang pinapasok nila ang masukal na bahagi ng bundok palaki rin ng palaki ang mga ugat sa daanan. Hindi lang 'yon, tuluyan ng dumilim at mas makapal na ang hamog kaya bahagya na lang nilang nakikita ang kanilang nilalakaran.
Makailang beses dumulas ang paa ni Avanie sa pagtapak sa malaki at madulas na ugat ng puno. Buti na lang makapal ang sapatos niya, kung hindi sugat sugat na ang paa niya.
"Kumapal na ang hamog, malayo na rin ang nalakad natin." Medyo hinihingal na sabi ni Riviel. "Maging alerto kayo, may nararamdaman akong kakaiba."
Sang-ayon si Avanie rito. May hindi magandang aura na lumulutang sa hangin.
"Gagamit ako ng Maji para pansamantalang mahawi ang hamog."
Ibinaba ni Regenni ang isang bag at mula roon ay kumuha ng isang dilaw na bato. Inihagis niya 'yon sa unahan nila.
Makalipas ang ilang sandali, sinimulang higupin ng bato ang hamog sa paligid at parepareho silang nagulat at napaatras nang mawala ng bahagya ang hamog at matambad ang mga nakapalibot sa kanila.
"Mukhang alam nila kung pa'no magbigay ng mainit na pagsalubong." Naaasar subalit nakangiting turan ni Riviel.
Hindi lang iisa, marami ang mga ito at ang masama pa nakapalibot na sa kanila ang isang grupo ng Ginx.
"Level 2 Ginx. Mag-ingat kayo marunong silang lumaban." Imporma ni Regenni.
Ilang segundong nakatayo lang ang grupo nila Avanie sa puwesto nila, inaantay ang pag sugod ng mga ito. Gumalaw ang isa, paika-ikang naglakad palapit habang kumakaway. Mukha itong kabute na may matabang mukha.
"Pepepero pero! Pepero pero! (Sandali lang mga Nindertal! Wag kayong gagalaw.) " Sabi nito na panay ang galaw ng mala dikyang braso. "Pepero pero! (Hindi kami lalaban!)"
Muntik nang mapasigaw si Avanie nang biglang lumabas si Edamame mula sa bag niya.
"Bunya bunya! Bunya? (Maaari niyo ba kaming padaanin?)"
"Pepero pero. (Oo naman)"
"Bunya! (Salamat!)"
Nag-uusap ... sila?
"Bunya bunya bunya? (Hindi ba kami susugurin ng iba pa rito?)" Nagpapaikot-ikot si Edamame sa katawan ng Ginx na tila ba nagtatanong, kung anuman 'yon wala silang ideya.
"Anong nangyayari?" Bulong ni Regenni.
"Mukha bang naiintindihan ko ang pinag-uusapan nila?"
"Pepepero pepero peroooo!!!! (Mag-ingat kayo sa iba pa! Di kami magkakatulad!)" Yumukod ang kabute sa kanila at sa gulat nila isa-isang tumabi ang mga Ginx para magbigay daan.
Nagtatakang nagkatinginan ang tatlo at pare-parehong nagkibit balikat.
"Mas mabuti na 'to kesa makipaglaban 'di ba?" Nakangiting turan ni Regenni.
"Parang ... ... ang dali naman ata." Sabi naman ni Riviel.