Pagkatapos mailagay ni Avanie ang lahat ng gamit niya sa pansamantalang tutuluyan, lumabas siya sandali para maghanap ng makakainan.
Maraming naka hilerang kainan malapit lang sa tinutuluyan niya at nang makalanghap siya ng masarap at mabangong amoy, sinundan niya 'yon. Di nagtagal ay napadpad siya sa isang maliit na kainan.
"Ang bango!"
"Binibini! Tuloy ka!" isang matabang babae ang sumalubong kay Avanie at iginiya siya nito sa isang lamesa na may dalawang magkaharap na upuan. "Maupo ka rito."
Tiningnan niya ang matabang babae. Nakangiti ito, mukhang mabait.
"Bago ka lang ba dito? Kukuha ka rin ba ng pagsusulit sa Heirengrad?" tanong nito.
"Pa'no niyo po nalaman?"
Tumawa ito. "Halos lahat ng mga dayo dito iyon ang pakay. Pero tatlumpung porsiyento ng mga aplikante hindi nakakapasa."
'Ganun ba talaga kahirap ang pagsusulit na ibibigay nila? Grabe lang!'
"Ano pong nangyayari sa mga Nindertal na hindi nakakapasa?"
"Ano pa e 'di umuuwi sa kanikanilang bayan mayroon ding namamatay sa pag-akyat ng bundok Chunan."
Napanganga si Avanie sa narinig. "Po?! Namamatay?!"
"Aba oo! Hindi biro ang bundok na 'yan. Maraming nag-aakala na makakaya nila ang mga Ginx na nakatira sa bundok pero marami ang nabigo." Tinapik ni manang ang balikat niya at ngumiti uli. "Dahil dyan ipagluluto kita ng pinakamasarap na putahe ko para na rin pampa suwerte."
Naiwang nakatulala at nag-iisa sa mesa si Avanie. Hindi niya naisip ang posibilidad na maaari siyang mamatay sa pagtawid ko ng bundok.
'Ina kung nasaan ka man ngayon... parusahan mo sana ng matindi si Draul! Mukhang bangkay ko na lang talaga ang makakaabot sa Heirengrad!'
Siyempre biro lang!
Napapabuntong hiningang luminga siya sa paligid. Maramirami ring kumakain sa kainan ni Manang at hindi maitatago na nagmula sila sa malalayong lugar at patunay ang mga naglalakihang bag na dala nila.
Napakunot ang noo niya nang may biglang pumasok na tatlong lalaki na malalaki ang katawan. Mukhang mga sanggano at tila hindi gagawa ng maganda. Puno ng tatoo ang magkabilang braso ng tatlong bagong pasok at parepareho silang nakasuot ng itim na damit na walang manggas. Dalawang espada ang nakasabit sa kanan ng isa habang ang mga kasama nito ay sa likuran nakalagay ang armas.
Hindi alam ni Avanie kung anong armas meron sila o kung kukuha rin sila ng pagsusulit sa Heirengrad pero isa lang ang sigurado:
Hindi magiging tahimik ang tanghalian niya.
Inilabas no'ng tumatayong leader ang armas nito at tumawa ng nakakaloko.
"Bigyan nyo kami ng pagkain." Malakas na sabi nito para marinig ng lahat. "At para masaya ibigay niyo na rin ang lahat ng Orie na meron kayo."
'Hala siya! Libreng pagkain tapos may regalo pa? Ano siya sinuswerte? Hindi nga ako bumigay sa malokong tindero, sa kanila pa kaya?'
Napansin si Avanie ng isa sa mga bagong dating at natatawang lumapit ito sa kanya. Nak naman talaga ng.... sa dinamirami ng nilalang dito siya pa talaga ang napansin? May karatula ba siya sa noo na may nakalagay na 'Ako ang unahin niyo'?
"Binibini... sa tingin ko naman naintindihan mo ang sinabi ng boss namin." Inilahad nito ang kamay at nakangising tiningnan si Avanie. "Akina ang pera mo."
Bigla tuloy niyang naalala yong manang na binilhan niya ng mansanas.
Dumukot si Avanie sa bulsa at inilagay sa kamay ng lalaki ang isang pirasong Orie.
"Ito lang!?" bulyaw nito.
Aba't talaga! Ito na nga ang binigyan ito pa ang may ganang mag reklamo!
"At bakit ko naman ibibigay sa'yo ang lahat ng pera ko? Kung makapagsalita ka parang may utang ako sa'yo ah."
"Binibini ibigay mo na lang! Mga pirata ang mga 'yan!" bulong nang kung sino sa likod niya.
'Mga pirata pala ha?'
Binasa niya ang kanyang labi at nginitian ang nakatayong pirata sa harap niya.
"Ayo.ko. Pero kung gusto mong kunin bakit di mo subukan?" Lumingon lingon siya sa paligid. Marami nang nindertal ang lumabas at tumakas.
Namataan niya si Manang na nakatayo sa may pintuan ng kusina bitbit ang pagkain na alam niyang para sa kanya. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito.
Hmmm...
"Ibibigay ko sa'yo ang lahat ng pera ko pati na rin ang espada at kwintas na suot ko kung matatalo mo ako sa laban."
Mukhang nagulat ang pirata sa sinabi ni Avanie pero mayamaya "Pffffftttt... Hahahahahahaha! Ikaw? Lalabanan ako? Gusto mo na bang mamatay binibini?"
Ang totoo niyan ayaw talagang labanan ni Avanie ang lalaking 'to. Kaya lang naaawa siya kay manang. Oras na ibigay ng mga customer nito ang pera sa mga Nindertal na ito wala ng kikitain si Manang at tiyak na malaki ang mawawala sa rito. Bagay na hindi maaaring palagpasin ni Avanie ng basta na lang.
"Sa labas tayo." Aniya sa pirata na nginisihan lang siya. Kasunod no'n ay pinatunog nito ang mga daliri sa kamay.
Lumabas na sila at naghanap ng maluwag na pwesto. Napansin niya rin na sumunod sa kanila ang ilang nilalang sa kainan at dahil do'n nakakatawag na sila ng pansin kaya naman ng marating nila ang isang malawak na plaza—tama plaza na naman!—marami ng Nindertal ang naipon para makiusyoso sa nangyayari.
Kinuha ni Avanie ang sumbrero sa bag at isinuot 'yon. Kahit na meron siyang hikaw delikado pa rin na may makakilala sa kanya rito.
"Mabilis lang 'to boss!" sabi no'ng pirata sa boss niya na nakahalukipkip lang at mukhang natutuwa sa nangyayari.
Haaay... bakit ba napasok na naman siya sa ganitong gulo? Mas mabuti ba na binayaran na lang niya ang tatlo, pakiusapang umalis at hwag ng manggulo? Sinulyapan niya ang mga pirata.
'Hahay! Malabo ata ang iniisip ko.'
Tumayo si Avanie may ilang dipa ang layo sa piratang ano. Mukhang di hamak na mas malakas 'to kay Levic kaya kailangang mag-ingat.
"Simple lang ang kondisyon ko. Kapag nanalo ka ibibigay ko sa'yo ang lahat ng meron ako pero kapag natalo ka aalis ka ng tahimik at hindi na manggugulo pa."
"Hindi ko maipapangako 'yan binibini."
Kunsabagay. Mahirap bumalik sa tuwid na daan lalo na kapag naliligaw ka na.
"Osya, osya wala na akong pakialam sa gagawin mo pagkatapos nito pero pag nanalo ako susundin mo ang kundisyon ko."
Ngumisi ang pirata at biglang nawala sa kinatatayuan nito. Sa isang iglap lang naramdaman ni Avanie na nasa likod ko na niya ito.
Ang bilis!
Akmang susuntukin siya ng kalaban mula sa likuran pero mabilis siyang nakakapit sa malaking braso nito, ginamit niya 'yon na suporta para makatayo ng pabaliktad sa itaas. Nag bend siya papunta sa likuran at tinadyakan ng ubod lakas sa likod ang pirata gamit ang kaliwa niyang paa.
"Gah!" Napabuga ito ng laway at dirediretsong bumagsak sa semento. Kasunod no'n ay malakas na singhap galing sa mga manonood. Hindi na gumagalaw ang kalaban.
'Patay... nasobrahan ata... Patawad...'
Pero maya maya lang ay hirap at dahan dahan itong tumayo. Mabigat ang pag hinga ng pirata at halatang iniinda nito ang sakit mula sa sipa niya.
Mula sa likuran ay binunot nito ang espada at itinutok kay Avanie.
Sinuntok niya uli ito at sa ikalawang pagkakataon natumba na naman ang pirata. Dahan-dahan napangiti si Avanie at sinimulang sampal sampalin yung mukha nung pirata hanggang sa mawalan ng malay.
"Anong kaguluhan to? Hindi niyo ba alam na bawal manggulo dito sa teritoryo ko?" anang isang tinig at mula sa kumpulan ng mga Nindertal ay lumabas ang isang lalaking may kaliskis na gaya ng sa ahas.
Berde ang kulay ng balat nito at mata. Kalbo ang kanang bahagi ng ulo at sa kaliwa naman ay mahaba ang brown na buhok.
Nakasabit lang sa leeg nito ang brown na cloak kaya kita ang damit nito na gawa rin sa natuyong balat ng ahas na tinernohan ng pants na brown at mataas na boots.
"K-Kapitan Shitarka Soligoban!" Gulat na sabi ng boss ng mga pirata.
'Sino daw? Sinilaban?'
"Sino? Sino ang mga lapastangang nanggugulo rito?" galit at sa delikadong tinig na tanong ni Shitarka. "Ang lalakas din naman ng loob niyong manggulo sa Idlanoa sa presensiya ko."
Narinig ni Avanie na tinawag siyang 'Kapitan' kung gano'n siya ang namamahala sa lugar. Urgh! Gulo pagkatapos ng gulo!
"S-Siya po!" Itinuro si Avanie no'ng leader.
Nanlaki ang mata ni Avanie at dahil nga hawak pa niya ang ngayon ay wala ng malay na pirata, pinanlisikan siya ng tingin ni Shitarka.
'Patay kang Avanie ka! Huli ka sa akto!'
"Hoy! Anong ako? Kayo tong biglang pumasok at nanghingi ng pera tapos ako ituturo niyo?? Binigyan ko na nga ng isang Orie yang kasama niyo nagreklamo pa! Mga walang buto! Tapos tinatawag niyo ang mga sarili niyo na pirata? Grabe gusto kong maiyak! Mga uhuging magnanakaw!"
'Kaasar tong mga 'to! Makaturo wagas!'
"Wala nang turuan!" sigaw ni Soligoban. "Ikaw binibini! Halatang halata ang ginagawa mo pero ang lakas ng loob mong magsinungaling!?"
Tiningnan siya nito ng masama at do'n pa lang alam niya na...
Lagot na talaga!
✴✴✴
Naisipan ni Regenni na maglakad-lakad muna pagkatapos nilang kumain ni Riviel. May dalawampung minuto na silang naglalakad sa port pero hanggang ngayon kumakain pa rin ang kanyang pinsan. Kasi naman bawat tindahang nadadaanan nila ay namamakyaw ito ng pagkain, kulang na lang pati tindahan bilhin.
"Anong oras ang alis natin bukas kamahalan?" tanong ni Regenni kay Riviel.
"Ika-anim ng umaga." Kumuha uli ito ng isang biskwit pero hindi pa man nito iyon naisusubo ay nahagip na ito ng isang rumaragasang bagay.
!!
Natangay lahat ng pagkain at tumama ang lumilipad na bagay sa pader ng isang tindahan. Bahagyang nawarak ang pader, nagkalat ang alikabok at humalo sa hangin.
"Awawaw! Ansakit no'n ah!" Daing no'ng bagay?
'Anong...'
Humupa ang alikabok at natambad sa kanila ang babaeng nakahiga sa tumpok ng nasirang bloke.
Nakasuot ito ng dark green na may mahabang manggas, light brown short at mataas na boots. Tumabingi ang suot nitong sumbrero dahil sa pagkakatama sa pader.
'Kilala ko 'to ah!' sigaw ng isip ni Riviel.
Napatingin ito sa kanila at parehong nanlaki ang kanilang mga mata ng magtama ang paningin nila.
"Huwad na prinsesa?!"
"Tangang Hari!?"
Magkasabay na sabi ni Riviel at Avanie na nakaturo pa sa isa't-isa.