Eldeter
Vhan Rusgard mansion
Maingat na sumilip si Avanie sa pintuan ng silid niya at tinanaw kung may nagbabantay ba sa labas. Mula sa kinalalagyan ay nakikita niya ang pulang carpet na nakalatag sa buong pasilyo na may makintab na sahig. May mga halaman sa gilid at naglalakihang painting ng kung anu-anong lugar.
Walang Nindertal. Walang bantay.
"Nagbabalak ka na naman bang tumakas?"
"Oo kaya h'wag kang magulo diyan. 'Pag naabutan ako ni Draul malamang na kalamay na naman ang labas ko." Sagot niya sa nagsalita ng hindi man lang ito nililingon.
"Oh... Pa'no yan? Nandito ako."
'Teka... Parang pamilyar yung boses...'
Nanigas siya sa kinatatayuan at dahan-dahang nilinga ang nilalang na nagsalita. Pakiramdam niya bawat segundong lumilipas ay katumbas ng isang libong taon. At kahit na mainit, pinagpapawisan siya ng malamig.
Tumambad sa kanya ang isang lalaking mukhang di nalalayo ang edad sa kanya. Platinum blonde ang kulay ng buhok nito na umabot hanggang balikat, kulay abo ang mga mata. Nakasuot ng puti mula ulo hanggang paa at may malambot na ekspresyon ang mukha.
"D-Draul."
"Kamusta Avanie-hana? Maayos na ba ang pakiramdam mo?"
"......."
"Balita ko napadpad ka sa kaharian ng Ishguria at natulog pa katabi ni haring Riviel." Nakangiti pero... parang sinasabi niya na 'Isang maling galaw mo lang ihahagis kita papuntang kalawakan!'
'Anak ng pitompu't pitong tupa! Pa'no yon nalaman ni Draul?? Yung kambal lang naman ang...'
Aaah... dudukutin niya ang mga mata ng kambal na 'yon! Pero teka, hindi kaya si Hu-an? Gising siya nung pumunta si Hu-an sa Kalaja pero hindi rin naman ito nagtagal kaya malamang na yung kambal ang salarin!
Kinapa ni Avanie ang pinto sa likuran niya. Hindi pa nawawala. Kailangan niyang makatakas!
tatakbo na sana siya nang biglang may pumulupot sa paa niya.
Nang tingnan niya kung ano yun nakita niya ang manipis na sinulid!
Hinila siya ng sinulid papasok at ibinitin ng patiwarik. Hindi pa naawa idinuyan pa siya at mula sa nakakalulang posisyon nakita niya si Draul na panay lang ang pag-aayos ng mga bulaklak sa mesa na katabi ng kama niya.
'Saan yun galing? Ibig sabihin kanina pa siya dun?'
Kaasar! Ba't di man lang niya napansin?
"Hoooooy! Ibaba mo 'ko!"
Biglang pumasok si Feer mula sa malaking bintana at Nakapamulsang lumapag sa carpeted na sahig. Bahagya pa nitong iniayos ang sinulid na galing sa kamay nito.
'Ba't nandito yan? Ang alam ko nasa Arondeho siya ah!'
"Bilang isang tagabantay, kailangan kong siguruhin ang kaligtasan mo Avanie-hana." Wika ni Draul. "Pero hindi ko inaasahan na matatakasan mo na naman ako sa pagkakataong 'yon."
"Oy lolo! Pwede ibaba mo muna ako bago mo 'ko bigyan ng mahabang mahabang sermon?"
Pumitik pataas ang isang kilay ni Draul at naaasar na tiningnan si Avanie. Nakangiti pa rin ito pero tila may lumalabas na itim na aura sa likod nito. Imahinasyon lang ba niya o talagang lumamig ang buong paligid?
"Mukha ba akong matanda sa'yo?" Tanong ni Draul na halatang nagtitimpi.
Pag ito nagalit ng tuluyan panigurado hahatiin siya nito sa lima.
"Bata ka lang tingnan pero matanda ka na talaga. Itatanggi pa kasi, tanggapin mo na, isa kang 'Lolo'."
"Binibining Avanie Larisla."
Ooops! Galit na si Draul!
"Hindi mo alam kung ga'no kami nag-alala nung bigla ka na lang nawala. Hindi lang yun, nagawa mo pang ikulong ang dalawang bantay mo, isakripisyo si Edamame para lang matakasan si Chance at iwan ang magkapatid na Dal sa isang laban." Marahas na napabuga ito ng hangin. "Sa tingin ko, kailangan mong humingi ng tawad sa mga nilalang na naabala mo."
Alam naman yon ni Avanie, hihingi siya ng tawad sa kanila pero kasalanan rin naman ni Draul kung bakit siya tumatakas. "Ikinukulong mo ako dito sa mansyon!"
Kumilos si Feer. Iwinaksi niya ang kamay at sa isang iglap lang hawak na siya nito at buhat na parang isang prinsesa.
"Hindi lang sila Avanie-hana. Nag-aalala din ako at si Draul para sa kaligtasan mo." Sabi nito sa malamig at mababang tinig. Tapos nun ay maingat na ibinaba siya nito.
"Wala pa ring linaw kung sino ang nagkulong sa'yo sa itlog at kung ano ang motibo niya. Hindi rin namin alam kung bakit bumalik ka sa katawan ng isang bata noong mga panahong yun na naging dahilan para hindi mo lubusang makontrol ang kapangyarihan mo." Naglagay si Draul ng isa pang bulaklak sa vase at nilingon si Avanie. "Hindi natin alam ang maaaring mangyari kaya gusto kong manatili ka dito sa mansyon hanggat wala pang resulta ang ginagawa naming pag-iimbestiga."
"Pero naiinip na ako! Gusto mo bang manatili ako rito ng walang ginagawa?"
"Marami ka namang maaaring gawin habang nandito ka." Tugon ni Draul sabay ngiti sa kanya. "Mag-aral, makipaglaro sa kambal na Dal at kay Chance."
'Makipaglaro?! Kala niya sa'kin bata? E, kung bigwasan ko kaya ang isang 'to?'
"Ayoko! Aalis pa rin ako kahit labag yun sa kagustuhan mo. Kung kinakailangan kong tumakas ng ilang ulit para makakuha ng impormasyon tungkol sa Rohanoro gagawin ko. Di mo ako mapipigilan!"
Napahalukipkip na lang si Feer at nasapo naman ni Draul ang noo niya.
"Gusto mo ba talaga ng impormasyon?" Si Draul.
"Yun ang dahilan kaya umaalis ako ng mansyon."
"Kung ganun makinig ka Avanie-hana."
Tumuwid si Avanie ng tayo at ibinigay ang buong atensiyon niya kay Draul. Kita mo yan, may nalalaman naman pala ito pero pinahirapan pa siya.
'Sadista talaga!'
"May isang lugar kung saan makakakuha ka ng impormasyon tungkol sa Rohanoro ng walang magtatangka sa buhay mo o papansin man lang sa mga ginagawa mo."
"Talaga? Saan? Saan?"
"Sa Heirengrad."
Tumaas ang dalawang kilay niya. "Heirengrad? E di ba yun yung paaralan kung sa'n nagpapalakas ng Shi ang mga Nindertal na gustong gumamit ng malakas na Maji? Pa'no magkakaroon ng impormasyon tungkol sa Rohanoro ang lugar na 'yon?"
"Sa Heirengrad matatagpuan ang pinakamalaking silid aklatan sa buong Iriantal. Bukod pa dun, karamihan sa mga Dia na nagtuturo doon ay maraming nalalaman tungkol sa kasaysayan ng buong Iriantal."
"Pero 'di ba para makapasok sa Heirengrad kailangan isa kang estudyante o di kaya'y nagta-trabaho sa loob ng paaralan?"
"Mabuti't alam mo. Kumuha na ako ng form para makapasok ka sa Heirengrad. Kailangan mo na lang sagutan ito at ipapasa ko bukas na bukas din."
Bakit tila yata may masamang kutob siya sa sinasabi ni Draul? Napakamot na lang siya ng kilay, duda siya sa sinasabi nito pero kung totoong may makukuha siya sa Heirengrad, kahit anong mangyari kailangan niyang pumunta doon!
✴✴✴
Kinagabihan pumasok si Chance sa opisina Draul, nakakagat sa ulo nito ang alaga ni Avanie na si Edamame. Sa likuran nito ay sina Feer kasama si Lou na himalang naka palda lang ngayon at hindi kumpleto ang buto sa katawan. Huling pumasok ang kambal na Dal. Hindi nila alam kung nasaan na naman si Fahnee. Hindi naman kasi napipirmi sa isang lugar ang batang 'yon at nagpapakita lang kapag ipinapatawag ni Draul. Pero malamang nandiyan lang yun sa tabi tabi.
Napako ang tingin ng duke sa maliit na bilog sa lamesa niya. Umiilaw ang loob no'n; senyales na may nakikinig sa kabilang dulo kung saan ito nakakonekta. Ito ang ginagamit nila para sa komunikasyon at ang bilog na 'to ay konektado kay Hu-an kaya naman naririnig nito ang usapan kahit nasaan man ito ngayon.
"Wala pa rin bang balita?"
Napabuntong hininga si Draul sa tanong ni Chance. "Hindi gano'n ka simpleng hanapin ang nilalang na nagtago kay Avanie-hana. Kung nagawa niyang itago sa'tin ang prinsesa ng gano'n katagal, ibig sabihin hindi siya isang simpleng nilalang at may hinala ako na hindi lang iisa ang may kagagawan nito."
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo Draul? Ipadadala mo ang mahal na prinsesa sa Heirengrad?" tanong ni Feer at naglakad palapit sa lamesa ni Draul.
"Walang ligtas na lugar dito para sa ating prinsesa alam nyo 'yan, at oras na masaktan siya alam nyo ang mangyayari." Huminga ng malalim si Draul at tumanaw sa labas ng bintana.
"Hindi mo pa rin ba sinasabi sa kanya ang katotohanan tungkol sa mga magulang niya?" tanong naman ni Chance.
"Hindi pa ito ang tamang panahon Chance."
Nilingon ni Chance si Feer na siyang sumagot sa tanong nito. "Bakit?"
"Kung ang mga magulang na inakala mong mga normal na nilalang ay nalaman mong Diyos at diyosa pala, anong mararamdaman mo?"
"Siyempre malilito ako." Sabat naman ni Fegari. "Tapos aalamin ko ang katotohanan, kapag napatunayan kong totoo nga na diyos at diyosa sila hihingin ko sa kanila na ibalik na si Satari sa lolo namin!" Pagkasabi nun ay inakbayan nito ang kakambal at tumawa ng malakas. "Nagbibiro lang ako kapatid! Alam mo naman na mahal na mahal kita."
"Kuya, hilingin mo na lang na ibalik na nila ako sa lolo natin."
Hindi pinansin ng Draul ang kambal. "Sa ngayon mas makabubuting isa lang ang pakay ni Avanie-hana dahil hindi natin alam ang maaari niyang gawin kapag nalaman niya ang katotohanan. Lilibutin niya ang buong Iriantal kung kinakailangan at trabaho natin ang ilayo siya sa kapahamakan lalong lalo na kay Bernon Zeis." Dagdag pa ang lapastangang nilalang na 'yon sa problema nila. "Hindi ko alam kung anong balak niya at gusto niyang makuha ang Quinra subalit base sa ugali ng sakim na Haring 'yon, hindi magiging maganda ang mangyayari kapag nakuha niya ang ating prinsesa."
"Totoo bang may impormasyon sa Heirengrad tungkol sa Rohanoro?"
"Hindi rin ako sigurado Feer. Pero sa ngayon, para maiwasan natin na masaktan ang prinsesa kailangan natin siyang ilagay sa lugar na hindi basta basta mapupuntahan ng mga kalaban." Seryosong hinarap niya ang apat. "Maging alerto kayo. Hindi magiging madali ang misyon niyo ngayon. Ang Heirengrad ay isang sikat na lugar kaya maraming matataas na tao ang nakabantay rito."
Natawa ng bahagya si Feer at saka humalukipkip. "Kapag nalaman nila na si Avanie-hana ang Quinra, paniguradong pag-aagawan siya ng mga walang kwentang nilalang dito sa Iriantal, ang mas masaklap pa pwede siyang gamitin sa masama. Di kaya mas lalo mo siyang inilalagay sa kapahamakan dahil sa desisyon mo Draul?"
Tama si Feer. Isang delikadong hakbang ang pagpapadala niya sa prinsesa sa Heirengrad. Bukod pa dun hindi rin nakasisiguro si Draul sa kaligtasan ni Avanie sa loob ng paaralan pero...
"Kahit na malaman pa nila na nasa Heirengrad nga ang Quinra, hindi sila basta basta makakapasok sa loob. Hinding hindi 'yon papayagan ng kasalukuyang tagabantay."
"Sinong tagabantay?" seryosong tanong ni Satari.
"Rihlia Svart Weirlich."
Pansamantalang katahimikan...
"Si Rihlia?!" dueto ni Chance at Fegari habang si Feer at Satari naman ay nanatili lang kalmado.
Ah ... nakalimutan nga pala niyang sabihin sa kanila na si Rihlia ang bantay doon. "Alam niyo ba na ang Heirengrad ay itinayo ni Rihlia dahil may kutob siya na mangyayari ang ganito?"
"Ano?!" sa pagkakataong ito apat na silang nag-react.
Nakalimutan niya rin bang sabihin ang tungkol doon? Teka, ang alam niya nabanggit naman niya yon kaya bakit nagulat sila?
Tumatanda na nga yata siya.
Simula ng ipinanganak ang Quinra wala ng makapantay sa lakas nito, gayunpaman nag-aalala pa rin ang Lolo nito kaya inatasan nito ang labing dalawang pinakamalakas na mandirigma para maging tagabantay nito. Hindi alam ni Avanie-hana na diyos ng kadiliman ang ama niya at diyosa naman ng buwan ang kanyang ina.
At higit sa lahat hindi niya alam na siya ang Quinra.
Kasama sina Feer, Hu-an, Fahnee, Chance, kambal na Dal at ng lima pang nakakalat sa buong Iriantal, binubuo nila ang personal na tagapagbantay ng Quinra.
Lumingon uli siya sa labas ng bintana at tiningnan ng masama ang kalangitan.
Sila ang tinatawag na Kaivan. Sumumpa sila na po-protektahan ang Quinra pero bukod sa pangakong 'yon may isang dahilan pa kung bakit hindi maaaring masaktan si Avanie. Oras na may mangyaring masama rito at nalaman ito ng isa sa dalawang diyos, tiyak na hindi sila magdadalawang isip na wasakin na ng tuluyan ang buong mundo ng Iriantal.
Muntikan ng mangyari 'yon nang mawala ang diyosa ng buwan. Napigilan lang nila ang diyos ng langit at diyos ng kadiliman nang mangako sila na hahanapin ang diyosa at ang Quinra. Pero magpasahanggang ngayon nasa dulo pa rin sila ng bangin at kahit anong oras pwede silang mahulog. Hindi lang 'yon, kapag nabigo silang hanapin ang diyosa... ...wawasakin ng dalawang nasabing diyos hindi lang ang Iriantal kundi pati na rin ang buhay nila.
"Siya nga pala Feer..." hindi makapag desisyon si Draul kung dapat ba niya itong itanong o hayaan na lang. Pero mas malakas ang kuryosidad niya kaya hindi niya na napigilan ang sarili na magtanong. "Bakit... may buto ng mais sa loob ng katawan ni Lou?"
Napaatras si Chance, Fegari at Satari.
Bumuntong hininga si Feer bago sumagot. "Sinabi ko sa kanya unti-untiin niya ang pagkain. Pero, nilunok niya ng buo yung mais. Kailangan ko na naman siyang kalasin."
"...."
'Kumakain pa pala ang buto-butong yan?' Pareparehong tanong ng isip ng apat na kasama ni Feer.
✴✴✴
Sa isang lihim na pagpupulong na ginaganap sa isang lihim na lugar, nagtipon ang pitong nilalang na nakasuot ng itim na robe. Natatakpan ng makapal na belo ang mukha ng mga nasabing nilalang at kahit sa bawat isa na kasama nila sa loob ng silid na yon ay inililihim nila ang kanilang tunay na pagkatao. Isang lugar kung saan hindi mo pwedeng pagkatiwalaan ang mga kaharap mo. Gayunpaman inaayunan nila ang layunin ng bawat isa lalong lalo na kapag pabor ang nasabing layunin sa kanila.
"Sa loob lang ng lsang daang taon, domoble na ang bilang ng mga nindertal na gustong manirahan sa kaharian ng Asturia." panimula ng isa. Halata sa tinig nito ang matandang edad.
"Hindi maliit ang Asturia." Wika ng isa pa.
"Alam ko. Pero kapag nagpatuloy ito lolobo ng husto ang populasyon ng Asturia."
"Hmmm... ipinagbabawal ni haring Bernon ang pagpapaalis sa mga bagong mamamayan ng Asturia dahil malaki ang nakukuha niyang buwis sa mga ito. Binabalak ba ng hari na palawakin pa lalo ang kanyang nasasakupan para doon patirahin ang mga bagong mamamayan ng Asturia?"
"Kapag nakakuha ng bagong lupain ang Asturia, hindi lang mamamayan ang makikinabang kundi pati na rin ang mga mangangalakal sa buong Iriantal. Kikita tayo ng malaki kung dodoblehin natin ang buwis sa mga mangangalakal galing sa ibang kaharian."
Sumang-ayon sa isiping ito ang anim.
"Kung gano'n, anong lugar ang pwede nating kunin para sa planong ito?"
Sa tanong na ito, sigurado na ang nilalang na nagsimula ng pulong sa kanyang isasagot.
"Walang hindi nakakakilala sa lupain ng Mizrathel."
Tumango ang iba pa.
Ang Mizrathel ay ang tinaguriang lupain ng mga Exile. Nasa bahaging norte ito ng Iriantal at dito ipinapatapon ang mga Nindertal na hinatulan ng mabigat na parusa dahil sa nagawa nilang kasalanan. Sa ngayon ang kabuoang bilang ng mga Exile ay umabot na sa dalawampung libong Nindertal at lahat sila ay hindi na nakakatanggap ng Shi mula sa Formica system. Bukod dun binasag na rin ang batong tumatanggap ng Shi sa bawat katawan nila.
Malaya ang mga Exile na naninirahan rito kaya nga hindi na nila iniisip na bumalik sa pinanggalingang kaharian.
"Hindi ba't doon ipinatapon ang itinakdang prinsipe ng Arondeho?"
"Hindi na siya prinsipe. Isa na lang siyang basura ng lipunan."
"Ano ang balak mo?"
Namutawi ang katahimikan subalit panandalian lang 'yon.
"... ...Kunin ang lupain ng Mizrathel .... at patayin ang lahat ng Exile."
Isang suhestiyon na sinang-ayunan ng lahat.
✴✴✴
Kinaumagahan ipinatawag ulit ni Draul ang mga tagabantay at si Avanie para sabihin sa kanila ang mga paghahandang kailangan gawin.
Sa totoo lang nung bata pa lang si Avanie mahirap na siyang alagaan ... Ngayong tumanda na siya mas LALONG naging mahirap siyang alagaan.
Tatanda talaga si Draul ng wala sa oras dahil sa pag-aalaga sa batang ito.
"Lolo!"
Darating ang pagkakataon na mababatukan rin ito ni Draul kahit isang beses lang!
"Bukod sa Heirengrad, wala na ba talagang ibang lugar kung sa'n may impormasyon tungkol sa kaharian?"
"Kung ayaw mong pumunta sa Heirengrad meron ka namang pagpipilian."
Nagliwanag ang mukha nito. "Talaga?"
"Oo, ang manatili sa mansyon, mag-aral at makipaglaro kay Chance at kambal na Dal."
Sumimangot si Avanie. "Bakit ba gustung gusto mong makipaglaro ako sa kanila? Hindi naman na ako bata at saka," Nilingon nito ang mga nabanggit. "Baka mapatay ko sila ng hindi sinasadya."
Nanigas ang tatlo at ng makabawi mabilis na nagtago si Fegari sa likod ang kakambal nito.
"A-Ayos ng pumunta ka sa Heirengrad kamahalan! W-Wag mo na kaming alalahanin! Malaki na kami para makipaglaro!" Kinakabahan at nanginginig na turan ni Chance. "Ibabalik ko na rin si Edamame para hindi ka malungkot dun."
"Ayaw mong mahati sa lima?" Tanong ni Avanie kay Chance.
"Salamat na lang..."
Huminga ng malalim ang dalaga at diretsong tumingin kay Draul. Sa simpleng pagtatama lang ng mga mata nila ay nakaramdam si Draul ng matinding kilabot. Ito ang mga pagkakataon na alam ng duke na seryoso na ang prinsesa.
"Hindi sa ayokong pumunta sa Heirengrad. Pero kapag pumasok ako dun kailangan ko ring mag-aral ng mga itinuturo nila, wala akong interes doon." Sabi ni Avanie. Halata ang pag-aalala sa mukha nito. "Ang gusto ko lang ay magkaroon ng sapat na oras para maghanap ng impormasyon. Gusto kong ... makita ang Rohanoro kahit nasaan mang lupalop ng Iriantal ito nakatago. Gusto ko lang naman na makauwi na tayo."
Naiintindihan nila si Avanie. Isa itong Lunarian at hindi nito alam kung meron pang mga kagaya nito sa Iriantal lalo na't ilang daang libong taon na ang nakakalipas. May nabubuhay pa kaya sa lahi nila o siya na lang ang mag-isang natitira?
Labing dalawa silang tagapagbantay ng Quinra pero ni isa sa kanila walang nakakaalam kung ano talaga ang tunay na nangyari nung gabing biglang naglaho ang kaharian ng Rohanoro.
Nung gabing yon nagkaroon ng pagtitipon sa Ishguria at inimbitahan lahat ng mandirigma. Kasamang dumalo noon si Avanie at ang labindalawang tagabantay niya.Matapos ang gabing 'yon nagising na lang ang labindalawang Kaivan na wala na ang Rohanoro at wala na rin ang Quinra. Wala silang ideya kung paano pinag planuhan ang pagpapawala sa kaharian. Nangyari ang lahat ng 'yon sa kabilugan ng buwan kung saan mahina ang mga Lunarian.
Pero paanong hindi nakita ng mga Kaivan na bilog ang buwan nang gabing 'yon? Simple lang ... may gumamit ng maji para linlangin ang lahat at palabasing kalahati ang buwan. Kaya naman may kutob sila na kung sinoman ang may kagagawan ... konektado ito sa isang diyos o kung hindi man ...
Isa rin itong diyos.
Sa sobrang galit ng diyos ng langit at diyos ng kadiliman, pinutol nila ang lahat ng koneksiyon sa mga Kaivan. Kikilalanin lang silang muli ng mga diyos kung mahahanap nila ang nawawalang diyosa at maibabalik ito sa langit. Hindi madali ang lahat para sa mga naiwang Kaivan lalo na't parang bomba na maaaring sumabog ang galit ng dalawang diyos at ang pin na humahawak dito ay ang Quinra.
"Makinig ka Avanie-hana. Sa oras na pumasok ka sa Heirengrad, hindi mo maaaring gamitin ang kapangyarihan mo."
Nanlaki ang mga mata ni Avanie sa sinabi ni Draul. "Kahit konti hindi pwede?"
"Kahit kaunti lang ay maaari pa rin magresulta sa isang hindi inaasahang pangyayari. Kaya hanggat kaya mo, kailangan mong pigilan ang sarili mo. Para rin ito sa kapakanan mo kaya sana h'wag mong masamain."
"Naiintindihan ko Draul pero may mga pagkakataong hindi ko rin makontrol ang sarili kong kapangyarihan." Aniya.
"Alam ko ang bagay na 'yan at napaghandaan ko na ito." Sabi niya kay Avanie at kinuha ang isang kahong gawa sa kahoy sa gilid ng lamesa niya. "Ginamit ko ang sarili kong kapangyarihan para gawin ito. Hindi sapat ang isang limiter kaya gumawa ako ng lima."
Lalo pang nanlaki ang mata ng dalagita. "Lima!? Bakit ang dami?"
Binuksan ni Draul ang kahon at tumambad ang isang pares ng pilak na hikaw na may maliit na pulang bato, dalawang bracelet na kulay itim. Gawa ito sa sinulid ni Feer at parehong may itim na bato na si Draul mismo ang gumawa. At isang kwintas. Isang dragon na nakabilog at kagat kagat ang isang asul na bato.
Ang kwintas na ito ay minana mismo ni Avanie sa kanyang ina. Binago lang ng ni Draul ng kaunti para hindi makilala pero kapag tinanggal ang Maji na nakapaloob dito, babalik ito sa dating itsura.
"Tatlo lang sa mga ito ang limiter at ang dalawa ay para sa kaligtasan mo. Ang kanang hikaw ay shield para sa mga hindi inaasahang magaganap. Limang beses lang ang gamit nito."
Tumango si Avanie-hana at kinuha ang hikaw.
"Ang kaliwang hikaw naman ay para hindi ka makilala agad ng nilalang na naghahanap sa'yo."
"Draul may napatunayan ako ngayon."
Ngumiti ang duke. "Hindi mo na ako kailangang purihin."
"Halimaw ka."
"... ...Nakakasakit ka ng damdamin."
"Sa galing."
"Yan! Ganyan dapat. Matuto kang pumuri ng dapat purihin."
"Di kaya naisama rin ni Draul ang kaluluwa niya sa loob ng mga limiter? Palagay ko nabaliw na siya." Bulong ni Chance kay Fegari na ikinatawa naman nito.
"Chance, Fegari, meron akong ticket ng Aeroblaze papuntang Asteloma. Baka gusto niyong mamasyal?"
"Aah... hindi ako papayagan ni Satari e," Pagdadahilan ni Fegari.
"Ayos lang sa'kin kuya. Kahit magtagal ka pa walang problema."
Naiiyak na lumapit si Fegari kay Avanie-hana at nagpaalo. "Kamahalaaan~ ayaw na sa'kin ni Satari!"
Hinawakan ito ni Avanie-hana sa ulo. "Hindi ko siya masisisi."
"Ako ayoko." Nakangiti pero kinakabahang sabi naman ni Chance. "Salamat na lang. Naalala ko marami pa nga pala akong gagawin."
Kinuha ng prinsesa ang mga limiter at isa-isang isinuot yun. Nang matapos ay humarap ito sa kanilang lahat, puno ng determinasyon sa mga mata at nakangiti.
"Ang sunod na destinasyon, Heirengrad!"