Chapter 11

2112 Words
Mula sa bubungan ng isang may kataasang tindahan ay tahimik na pinanonood ni Feer ang mga kaganapan sa ibaba. Sa tabi niya ay lumulutang ang kalansay na si Lou na tahimik din nagmamasid. Wala sana silang balak makialam pero hindi na napigilan ni Fahnee ang sarili nito nang makitang natamaan si Avanie ng patalim mula kay Levic. Sa umpisa pa lang wala ng laban ang grupo ng Barona dahil si Avanie ang kalaban ng mga ito, pero dahil hindi pa ito lubusang magaling mula sa lason, nag-aaalala sila na baka may mangyaring hindi maganda. Hindi siya bababa dahil siguradong tatakas na naman si Avanie oras na makita siya nito. Naroon naman ang kambal na Dal at si Fahnee kaya kung may mapapagalitan man ni Draul, hindi siya kasama do'n. "Masarap sanang manood habang may kinakain." Nilingon niya si Lou. "Gusto mo ng mais?' ".........?" "Bibili ako. Ilan ang sa'yo?" Sumenyas si Lou at ipinakita ang dalawang daliri nito. "Sigurado ka dalawa lang?" ✴✴✴ Iwinasiwas ni Fahnee ang hawak na staff at pinaghahampas si Levic na nawalan ng balanse dahil sa matinding gulat. "Hindi kita mapapatawad sa pananakit mo sa kamahalan! Ikaw na payatot ka! Humanda ka sa'kin!" Lumiwanag ang hawak na staff ni Fahnee at nagsimulang bumuo iyon ng bolang hangin. "Pupulbusin ko ang buto mo hanggang sa maging kasing lambot ng dikya!" Nanlaki ang mga mata ni Levic habang pinagmamasdan ang bolang hangin na nagsisimula ng lumaki ng lumaki. "Maji user!" Kapag tumama sa kanya ang bolang hangin na binubuo ng bata, malamang magpapaalam na siya sa mundong ito! Sinubukan niyang umatras pero hindi siya makagalaw dahil sa matinding takot. "Wuuuu!!! Sige Fahnee! Tapusin mo na ang isang 'yan!" Sigaw ni Fegari na ikinalingon ng kakambal nito. "Iyon ay ... hindi ba't delikado ang bolang hangin na iyon kuya?" Tumawa lang si Fegari at tinapik ang balikat ni Satari. "Hayaan mo. Para malaman ng mga nilalang na 'yan na mali ang kinalaban nila. Gusto kong makita ang pagtakbo nila na parang asong bahag ang buntot at talunan!" Muli itong tumawa ng malakas. "Ako rin kuya pero masiyadong malakas ang pinapakawalang kapangyarihan ni Fahnee ngayon. Kapag itinira niya ang bolang hangin na 'yan mawawasak ang buong plaza. Isa pa nakadepende ang kapangyarihan niya sa kamahalan. Kapag nagkataon ... mapapahamak din ang prinsesa, bukas nasa kawali na tayo at ipi-prito." Natigil sa ere ang tawa ni Fegari. Nang makabawi ay kinaltukan nito ang kapatid. "Bakit ngayon mo lang sinabi?!" Nagsimula nang matakot ang ibang mga ka-grupo ni Levic. May mga tumakbo at umalis na samantalang ang iba naman ay naghanap na ng mapagtataguan. Naramdaman ni Avanie ang pananakit ng likod niya. Nakalimutan niya na ang sugat na dulot ng palaso, hindi pa nga pala iyon lubusang magaling. Nanghihina na rin ang tuhod ng dalagita sanhi ng gutom. Hindi pa siya kumakain simula kaninang umaga. Bahagya siyang napayuko ng muli na namang kumirot ang sugat niya sa likod. Sa pagyuko niyang iyon ay tuluyan na siyang nawalan ng malay. Agad namang tumakbo papalapit kay Avanie si Satari at tiningnan ang kalagayan nito. "Kailangan niyang magpahinga." "Humanda ka sa'kin panget!!" sigaw ni Fahnee sa lalaking kaharap. Ititira na sana niya ang bolang hangin ng bigla na lang iyong naglahong parang bula. "Huh?" Ibinalik ng bata ang staff at itinaktak iyon. "Hala! Huh? Huy! Anong nangyari? Bakit bigla kang tumigil?" Narinig niyang tumawa ng nakakaloko ang kaharap na lalaki. "Mukhang naubusan ka na ng suwerte bata! Ako naman ngayon~" Pinatunog nito ang mga buto sa daliri at dahan-dahang lumapit kay Fahnee. Natakot at Nagpanic si Fahnee. Siya naman ngayon ang napaatras. Wala siyang lakas kapag wala ang staff niya! Kailangan niya na bang gamitin ang isa niya pang kapagyarihan? Pero hindi pwede! Tiyak na mas malaki ang magiging pinsala kapag ginamit niya ang kapangyarihan na 'yon. Bilang isang tagabantay, hindi nila maaaring gamitin ang kanilang kapangyarihan sa mga normal na Nindertal dahil pwedeng ikamatay ng mga ito 'yon. "Fahnee!" Sakto naman na papalapit sa kanya ang isa sa kambal na Dal. Mabilis niyang hinatak ito at itinulak sa harap ng lalaking mukhang tingting. "Ikaw na bahala diyan!" sabi niya sabay takbo. "Wah—hoy! Hindi mo basta pwedeng iwan ang kalaban mo! Pasaway na bata!" reklamo nito. "Ang sama mo! Wala kang puso! Maaatim mong saktan ako ng panget na 'yan?! Wala kang kaluluwa! Nakakasakit ka ng damdamin!" "Nagda-drama ka pa? Iyan napapala mo kakapanood sa halimaw na kulay ube na walang ginawa kundi tumalon at sumayaw!" "Anong sabi mo panget na labanos?!" "Wag mo siyang sabihan na panget Fahnee." Sabat ni Satari. "Nasasaktan ang damdamin ko." "Salamat Satari!" sigaw ng kakambal nito. "Mahal na mahal mo talaga ako!" "Hindi kuya, pinoprotektahan ko lang ang sarili ko. Magkamukha kasi tayo."  "Ano ba'ng problema ng kambal na 'to? Ang hirap basahin ng ugali nilang dalawa." Tumakbo siya papunta kay Avanie at Satari. Nang makita niyang nakalugmok ito sa sahig, mabilis niyang kinuha ang alagang Mink na si Ping Ping mula sa bag niya. "Anong lagay niya?"  "Kailangan niyang magpahinga. Hindi pa lubusang nawawala ang lason ng Arsonia." "Babalik na kami sa mansyon. Kayo na ang bahala sa mga lamok na yan." Tumango si Satari. "Ping Ping! Teleportation!" Sambit ni Fahnee at mabilis na nagpakita ito, inikutan sila ni Ping Ping kasunod no'n ay naglabas ito ng usok. Pagka-alis ni Fahnee at Avanie, tumayo na si Satari at Nilingon ang lalaking may asul na buhok na kaharap ni Fegari. Hindi problema ang mga nilalang na ito para sa kambal dahil kung tutuusin kaya nila itong talunin sa isang pitik lang. Gayunpaman hindi sila maaaring magpadalos dalos sa ganitong pagkakataon. Kahit na mukhang mahina ang kalaban hindi pa rin sila dapat na husgahan base sa nakikita lang ng mga mata. Isa pa leader ito ng Barona kaya inaasahan na nila ang pag gamit nito ng maruming taktika. Na kay Fegari na ang desisyon kung pa'no ito lalabanan kaya tumayo lang si Satari sa isang tabi at nanood. Isa pa delikado kapag humarang siya sa daan ng kuya Fegari niya. Maikli pa naman ang pasensiya ng kakambal. Pero alam niya na hindi nito maaatim na paslangin ang mga Nindertal na ito. Labag yon sa kasunduan nila bilang mga Kaivan. Subalit may pagkakataon na kailangan talaga nilang tapusin ang buhay ng kalaban lalo na kapag halimaw. Ang malas nga lang nung kalaban ni Fegari dahil kapag nagsimula na itong lumaban mahirap na itong pigilan. Pinalibutan si Fegari ng mga alagad ni Levic. Bawat isa sa mga ito ay may kanya kanyang dalang armas habang si Fegari naman ay itinago ang sarili niyang espada. Para sa kanya, hindi kailangang gamitin sa mga ito ang espada niya. "Sabi nga ni Avanie-hana, pag walang armas gamitin ang lakas!" Lima ang unang sumugod ngunit hindi man lang natinag si Fegari sa kinatatayuan nito, nagpalabas lang siya ng pwersa galing sa loob ng katawan niya at agad na tumilapon ang mga kalaban niya sa malayo. "No'ng una, ang akala ko may ibubuga kayo dahil masyado kayong maingay. Nagkamali ata ako ng hinala." Naiinip na turan ni Fegari. Napaatras ng ilang hakbang ang mga kalaban niya. Tila nagdadalawang isip sa pag sugod pero matapos ang ilang sandali tumakbo palapit kay Fegari ang ilan. Nakaamba ang sandata at handang magpakamatay. Itinaas ni Fegari ang kanang paa at sunod sunod na pinagtatadyakan ang mga susugod. Hindi pa siya nakuntento isinama na rin niya pati ang mga nakatayo at dahil sa malakas na pwersa mula sa sipa nito ay lumipad sa di kalayuan ang ibang miyembro ng Barona. Tumalon siya ng mataas at nagpaikot-ikot sa ere bago ikinuyom ang kamao at sinuntok ng malakas ang sementadong sahig. Nawarak iyon at bahagyang lumubog dahilan para matumba ang mga nakatayo roon maliban kay Levic na agad nakatalon pataas. "Eurus asante sani de reberenov!" Tumingala si Satari at nakita niyang nakalutang sa hangin si Levic. "Maji user." "Ngayon alam ko na kung saan mo nakukuha ang yabang mo." Nakangising sabi ni Fegari. "Baka gusto mong ipakita sa'kin kung gaano ka kalakas?" "Pagsisisihan mo na kinalaban mo ang grupo namin." Nanggigigil na turan ni Levic. "Hindi ikaw ang magdedesisyon kung pagsisisihan ko ang mga ginagawa ko. Pero gawin mo ang lahat para mangyari ang sinasabi mo." Tumalon rin si Fegari at sinipa ng malakas si Levic. Nakailag ito sa sipa pero hindi sa suntok ng kalaban na tumama sa kanang pisngi nito. Lumapag si Levic at ginamitan niya si Fegari ng Maji. "Vjetar Ostrica!" nagpalabas siya ng mga matatalas na hangin na may kapasidad na humiwa ng kahit ano. Inihagis niya iyon sa kalaban subalit sa gulat niya ay hindi man lang yon dumaplis dito. "Imposible!" Bulalas nito. "Paanong..." "Alam mo bang simula pa lang nang kalabanin mo si Avanie-hana talo ka na? Hindi mo na sana kami hinayaang makalabas dahil may posibilidad na pumatay kami ng mga nilalang." "Bawal yon kuya."  "Pagbigyan mo naman ako kahit isa lang Satari! Ngayon lang! Gustong gusto ko ng tirisin ang kutong lupang 'to!" "Hindi pwede. Kapag ginawa mo yan itatakwil kita bilang kakambal at hahayaan kong iprito ka ni Draul sa malaking kawali." "Bakit masiyado kang marahas sa'kin? Mabait naman ako sa'yo ah!" Ipinakita ni Satari ang dalawang daliri nito kay Fegari. "Dalawang beses mo kong binatukan." "Nagtatanim ka na ng sama ng loob??" naiiyak na tanong niya pero binigyan lang siya ni Satari ng malamig na tingin. Binalingan nito si Levic. "Suwerte ka bata. Hindi kita papatayin dahil labag yon sa kasunduan. Pero hindi ibig sabihin no'n na hindi kita maaaring bugbugin! HAHAHAHAHAHAHAHA!!" "Nabaliw na ang kuya ko. Pipigilan ko na ba? Mamaya na lang siguro. Tinatamad ako." Makalipas ang limang minuto... "Anong balak mong gawin diyan?" nagtatakang tanong ni Satari kay Fegari habang nakatingin sa nakatali at bugbog saradong si Levic. Namamaga na ang mukha nito dahil sa mga suntok ni Fegari. Malas niya dahil siya pa ang napaglaruan nito. "Dadalhin ko siya sa mansiyon." "Bakit?" "Ano ka ba? Nang dahil sa atin nasaktan si Avanie-hana kaya tiyak na kakalbuhin tayo ni Draul." Inilapit ni Fegari ang mukha kay Levic at ngumiti. "Sa tingin mo hahayaan kong mangyari yon? Sasama ka sa'min at gagawin kitang peace offering." "Kunsabagay may punto ka Kuya. Isa pa ... may binanggit siya na pangalan na may kinalaman sa Rohanoro." "Hindi nga lang ako sigurado kung makakatakas kay Draul ang isang 'to." ✴✴✴ El Runa Ishguria Kalaja Malamig sa veranda ng palasyo kaya hindi sinasadyang napahigpit ang hawak ni Riviel sa green na kapa niya. Ibinaba niya ang hawak na baso sa lamesa at tumingin sa ibaba. Gabi na ngunit abala pa rin ang mga dama sa ibaba, mukhang wala pa silang balak magpahinga. Hindi naman siya ganun kasama ah ba't ayaw nilang magpahinga? Hindi naman niya kakaltasan ang sahod ng mga ito. "Kamahalan?" Nilingon niya si Regenni na kanina pa nakatingin sa kanya, hawak hawak nito ang isang pirasong papel na hindi niya alam kung anong nilalaman. Ano na nga ba uli yo'ng pinag-uusapan nila? Hindi niya na maalala. "Hindi pa rin ba siya bumabalik?" si Avanie ang tinutukoy niya. Magmula noong umalis ang pambihirang babaeng 'yon hindi pa rin ito nagpapakita hanggang ngayon. Malapit ng maghating gabi. "Nag-aalala ka ba?" "Saan mo naman nakuha ang ideyang 'yan?" Nginitian siya ni Regenni. "Kilala na kita mula pagkabata kaya h'wag mo ng balakin na maglihim ng kahit ano sa'kin." "Ano naman ngayon?" naiiritang tanong niya. "Nakatanggap ako ng balita na nakabalik na siya ng Eldeter kaya wala ka ng dapat na isipin pa. Kaya naman," inilagay nito ang papel sa ibabaw ng bilog na lamesa. Kunot noong kinuha ni Riviel ang papel at binasa 'yon. Lalong kumunot ang noo niya at tiningnan ng masama si Regenni. "Anong ibig sabihin nito?" "Gaya ng nababasa mo, isa itong form para sa eskwelahan ng Heirengrad. Nagpasya akong ipasok ka sa paaralan hanggat hindi pa naaayos ang problema dito sa Kalaja." "Alam mong wala akong balak na iwan ang palasyo ko!" "At alam mong wala akong balak na manahin ang trono kung sakaling may mangyaring masama sa'yo!" Huminga ito ng malalim at mataman siyang tiningnan. "Wala akong interes sa politika ng Ishguria at alam natin pareho na hindi tatahimik ang ibang maharlika hanggat meron silang nakikitang oportunidad para wakasan ang linya ng mga maharlika sa kahariang ito." Hindi nakaimik si Riviel sa sinabi ng pinsan. Maliban kay Bernon Zeis, maituturing niya ring kalaban ang ibang maharlika sa Ishguria. Haay... Ang mga matandang hukluban na amoy lupa na wala ng ginawa kundi ang pagbagsakin ang nakaupo sa trono para lang magkaroon ng sariling kapangyarihan. Gusto niyang pagsusuntukin ang mga ito at gawing target para sa pana! "Bakit mo pa ipinakita sa'kin yan? Hindi mo rin naman ako papayagang tumanggi." Turan niya saka kinuha uli ang baso at inubos ang laman no'n. "Ipapaalam ko lang sa'yo na aalis tayo sa susunod na linggo papunta sa isla ng Idlanoa." "Aalis na agad?! Ni hindi mo man lang ako binigyan ng tsansang makahanap ng rason para tumanggi??" Umiling si Regenni. "Kahit ano pang rason mo, hindi ka rin makakalusot." "Halimaw ka!" "Sabi nga nila." Kinilabutan si Riviel nang ngumiti si Regenni ng pagkatamis-tamis. Kumikinang pa ang paligid nito akala mo hindi gagawa ng masama. Ang totoo niyan, mas nakakatakot kalaban ang pinsan niya! Akala mo ngumingiti yan pero sa isip niya, ilang beses ka na niyang pinatay!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD