Hindi alam ni Avanie kung gaano katagal siyang nakatulog, nagising na lang siya nang maramdaman ang malagkit na bagay na nakadikit sa pisngi niya. Gumagalaw 'yon at basa.
Imunulat niya ang mga mata ko para lang tumambad sa kanya ang pisting hari! DINIDILAAN NITO ANG MUKHA NIYA! PARA ITONG ASO!
"Biskwit, sopas, tinapay, cake.....tsokolate.....PAGKAIN!" Hindi pa ito nakuntento. Nangagat pa talaga!
"ARAY! Ano ba! Lumayo ka nga sa'kin!" Itinulak ito ni Avanie ng pagkalakas-lakas kaya hahulog ito sa kama at nagising.
"Aray...sinong—ikaw na naman?! Kailan ka ba talaga titigil ha?"
Siya na naman ang may kasalanan? Sisipain na talaga niya ang isang to e! Kumuha si Avanie ng unan at pinaghahampas si Riviel bago siya umalis sa kama at tumakbo palabas ng kwarto.
"HOY! BUMALIK KA DITO BABAE KA!"
Agad naman siyang tumakbo palayo rito. "Kahit anong sabihin mo hinding-hindi ako babalik diyan hanggat nandiyan ka!"
Tumakbo na rin ito palabas. Hindi alintana ang mga matang nakamasid dito. Sino ba naman kasi ang hindi mapapatingin? Nakabukas ang suit at polo nito at naghuhumiyaw ang humahataw na katawan!
"SINABI NANG BUMALIK KA DITO!"
"SINABI NANG AYOKO E!"
"Ang aga aga nagsasaya ang mahal na hari." Abot ang tengang ngiti ng isang damang nadaanan nila.
"Tila maganda ang gising niya ngayon."
"Oo nga." Sang-ayon naman ng isa pa.
"Kapag hindi ka bumalik dito makakatikim ka talaga sa'kin!" Pagbabanta nito habang tumatakbo.
Nagpadulas si Avanie sa malapad na hawakan ng malaking hagdanan para mas mabilis na makababa. Patalon na hinakbang niya ang isang baitang nang makarating siya sa pinakababa. Huminto siya at nilingon ang hari na ngayon ay nasa kalagitnaan na ng hagdan at mabilis na bumababa.
"Bleh!" At nagpatuloy na siya sa pagtakbo palabas ng Kalaja. Nakakita siya ng isang kabayo, mabilis siyang sumampa roon at pinasibad ito paalis.
"Kamahalan! Saan kayo pupunta?" Biglang sumulpot ang kambal na Dal sa magkabilang gilid niya. Parehong lumilipad ang dalawa at kitang-kita sa mukha ni Fegari ang pagkalito. Asa ka naman sa ekspresyon ni Satari.
"Saan ba kayo nanggaling at ngayon lang kayo nagpakita? Kailangan kong makapunta sa bayan at maghanap ng nilalang na maaaring sumagot sa mga tanong ko. Mauubos ang oras ko kapag hindi pa ako kumilos ngayon. Bumalik na kayo sa kwintas ngayon din."
"Masusunod po." Naging bolang ilaw ang dalawa at magkasunod na pumasok sa loob ng kwintas niya.
✴✴✴
Mataas na ang araw nang marating ni Avanie ang isang bayan. Kahit na malayo ang bayan na ito sa Kalaja, tanaw pa rin ang palasyo. Nakatayo kasi ang palasyo ng Ishguria sa may kataasang bundok na napapalibutan ng mga palayan at punong kahoy na hitik sa bunga.
Gusto sana niyang manguha ng prutas pero wala siyang makitang mansanas. At dahil na rin sa takot niya na baka nag-utos si Riviel na habulin siya, mabilis na pinatakbo niya ang kabayo para makalayo kaagad.
Bumaba siya sa kabayo at tiningnan ang paligid. Marami na ang mga nilalang na namimili at namamasyal. Marami ang mga nagtitinda sa tabi-tabi at marami rin ang mga halatang dayo.
Gaya sa kaharian ng Eldeter at Pentorel halo-halo rin ang mga nilalang dito. Hindi naman kasi pinipili kung sino ang pwedeng pumunta dito at hindi. Malayong malayo sa Asturia, Asteloma at Nanoham na kailangan munang makakuha ng passes para makapasok sa kaharian nila.
"Masiyadong maraming tao. Saan ba ako magsisimula?"
Naalala niya nung una silang nagkita ni Urdu...may sinabi ito tungkol sa mga mas matataas na miyembro ng Barona.
"P-Patawad! Pero m-may nag-utos lang sa amin na patayin ang kahit sinong interesado sa kaharian ng Rohanoro."
Hinawakan niya ito sa damit at hinatak palapit. "Sino?"
"H-Hindi po namin alam. Ang mga nakakataas lang po sa grupo namin ang nakakakilala sa kanila."
"Nasaan sila?"
"N-Nasa kaharian ng Ishguria."
Iyon ang naaalala niyang sinabi ni Urdu at isa lang ang paraan para magpakita ang Barona sa kanya. Sumampa siya sa nakitang fountain bago tumikhim para maagaw ang atensiyon ng mga taong dumadaan.
"Ang pangalan ko ay Avanie Larisla! Naririto ako ngayon para magtanong at malaman kung sino sa inyo ang may alam tungkol sa kaharian ng Rohanoro." Hindi niya alam kung may kahihinatnan nga ang ginagawa niya pero mas mabuti ng subukan kaysa sa maghanap sa mga nilalang na mahirap hanapin.
"Sino sa inyo ang may alam tungkol sa kaharian ng Rohanoro? Nakikiusap ako, lumapit kayo sa'kin at sabihin ang inyong nalalaman!" Inilapit niya ang dalawang kamay sa bibig at nilakasan pa ng husto ang pagsigaw. "Kung may alam kayo, sabihin niyo sa'kin. Muli nakikiusap ako."
"Sino ba 'yan?" Tanong ng isang dumadaan.
"Ewan ko. Mukhang hindi siya taga rito."
Hindi naitago sa mukha ng mga dumaraan ang gustong sabihin ng mga ito. May nakaismid kala mo maganda. May natatawa kala mo perpekto. May galit ang itsura. Inabot na siya ng hapon sa kakasigaw pero wala pa ring nagpapakitang Barona.
"Haaay....tama na muna siguro ito sa ngayon. May bukas pa naman, sigurado akong makikita ko rin sila." Gamit ang palad ay kumuha siya ng tubig sa fountain at saka naghilamos. "Hindi ako titigil hanggat hindi ko nakakausap ang kahit isa sa kanila." Wala na ring tao sa plaza kaya sino pa ang tatanungin niya?
Sumampa siya sa kabayo at pinalakad na ito ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay pinalibutan na siya ng pitong armadong nindertal. Tatlo sa mga ito ay babae na mukha na ring lalaki dahil sa laki ng muscles, puno rin ng mga hikaw ang magkabilang tenga ng mga ito.
Uso ba sa Ishguria ang paglalagay ng maraming hikaw? Kahit si Haring Riviel marami rin nito o baka naman ito ang ginagaya ng grupo?
Naniningkit ang mga matang sinuri niya ang pitong nindertal na humarang sa kanya. Sa itsura pa lang ng grupo alam na ni Avanie na miyembro ang mga ito ng Barona.
"Siya ba ang sinasabi niyo?" tanong ng pinakapanget.
"Siya nga 'yon boss."
"Hindi ko alam na babae pala ang tinutukoy niyong interesado sa Rohanoro."
Kumunot ang noo niya nang tingnan ang isa pang nagsalita. Natatakpan ng hood ang ulo ng binata kaya hindi niya gaanong makita ang mukha nito.
"Siguradong hindi ka tagarito babae dahil hindi mo alam ang mga nangyayari sa mga nilalang na nagtatanong tungkol sa nawawalang kaharian." Sabi uli ni panget.
Sa wakas nagpakita na rin ang mga nilalang na hinahanap niya. Bumaba siya sa kabayo at tinapik ang puwetan nito para mauna ng maglakad. Pinadaan naman ito ng mga lalaking nasa harap.
"Oooh... matapang ka binibini. Hindi ka ba natatakot sa'min?"
"HAHAHA! Sabihin na nating wala na siyang pagpipilian kundi ang harapin tayo." Nagtawanan ang mga ito.
"Kanina ko pa kayo hinihintay, gano'n ba kabagal ang balita dito sa Ishguria at ngayon lang kayo nakarating?" Para sa nag-iisang babae masiyado silang marami. Wala ba talagang nakakaalam ng salitang balance?
"Anong sabi mo?" Asar ng turan no'ng isang babaeng maitim at tayu-tayo ang buhok. Susugod na sana ito pero pinigilan ng lalaking naka hood.
Lumapit ito at noon lang nalaman ni Avanie kung gaano kalaki ang agwat ng tangkad nila. Ni hindi siya umabot sa balikat nito at sigurado siya na kayang-kaya siya nitong tirisin kung nagkataong wala siyang alam sa pakikipaglaban.
Tiningala niya ito. "Narinig mo ang sinabi ko. Kanina ko pa kayo hinihintay."
"Sinadya mo bang umakyat sa fountain at sumigaw para makuha ang atensiyon ng isa sa mga ka grupo namin. Alam mong makakaabot sa'min ang balita at hahanapin ka namin hindi ba?"
Hindi siya nagsalita.
"Kung gano'n, ano ang sadya mo at nais mo kaming makita?"
"Levic! Hindi pa ba natin tatapusin ang isang 'yan? Kanina pa nangangati ang kamay ko at gustong-gusto ng makatikim ng espada ko ng sariwang dugo."
"Oo nga! Matagal-tagal na rin noong huli tayong pumatay ng nilalang!"
Itinaas ng tinawag na Levic ang isang kamay nito para patahimikin ang mga nagsasalita. "Sumagot ka binibini."
"Gusto kong malaman kung sino ang nag-utos sa inyo para gawin ang pagpaslang sa lahat ng mga nilalang na magkaka-interes sa nawawalang kaharian. Kung bakit niya iyon ginagawa at ano ang motibo niya?"
"Gusto mo ba talagang malaman?"
Tumango siya.
"Sumunod ka."
Nakapamulsang naglakad na ito. Sumunod dito ang iba pa nitong kasamahan. Hindi na alintana ni Avanie kung saan ang punta nila basta't ang mahalaga ay may malaman siya. Iyon ang iniisip niya sa ngayon. Malayo rin ang nilakad nila bago sila napadpad sa isang tagong lugar sa kaharian ng Ishguria. Madilim roon at marumi. Halatang dito nagkukuta ang mga ito.
Hindi pa man siya lubusang nakaka-adapt sa lugar ay bumunot na ng espada ang tinawag na Levic at tinangka siyang tamaan nito. Mabuti na lang at mabilis siyang naka tumbling paatras kaya hindi siya natamaan. HINDI PATAS 'YON!!!! ANG DADAYA TALAGA NG MGA NILALANG NA ITO! ITO ANG MASAMANG MODELO NILA URDU!!
"Ito na nga ba ang sinasabi ko e, hindi ko malalaman ang totoo ng gano'n lang kadali. HOY IKAW PAYAT NA LALAKING MUKHANG PUGO! Hindi ka dapat basta-basta nanghihiwa ng hindi humihingi ng pahintulot sa hihiwain mo!"
"Tapusin mo na 'yan Pinunong Levic! Ang daldal e," sigaw ng ilan.
"Tapusin!"
"Tapusin!"
"Tapusin!"
"Tapusin!"
"Ang bilis niyo naman! Wala pa ngang nauumpisahan tatapusin na agad?" Hinugot niya na rin ang dalang armas.
"Kutsilyo?" Tila hindi ito kumbinsido na makakayang lumaban ng isang babae gamit lang ang maliit na kutsilyo.
"Ugh!" Pa'no ba niya nakalimutan na kutsilyo nga lang pala ang meron siya ngayon? "Walang armas, e di gamitin ang lakas!"
itinutok niya sa lalaking nagngangalang Levic ang hawak niyang kutsilyo. "Wala akong gustong saktan. Gusto ko lang malaman ang katotohanan."
"Heh? Sasabihin ko sa'yo, binibini. Pag patay ka na!"
"Hoho! 'Yon ay kung mapapatay mo ako!"
Sumugod si Levic pero agad niyang nasalag ang espada nito. "Heh? Malakas ka. Interesante."
Sumugod uli ang lalaki at sa pagkakataong 'yon tumapak ito sa pader para makatalon ng mataas. Nagpaikot-ikot ito sa ere at bumagsak sa likuran ni Avanie. Iwinasiwas nito ang espada, nakayuko naman siya agad. Tinangkang tisudin ni Avanie si Levic subalit mabilis itong nakatalon. Akmang sasaksakin uli siya nito kaya mabilis siyang gumulong palayo at tumayo sa may di kalayuan.
Noon niya lang naalala, hindi pa nga pala siya naliligo! "Ang dumi-dumi ko na talaga!"
"Haaaaaaaaaaaaaaaahhhhhh!"
Nakaamba ang armas na sumugod sa kinatatayuan ni Avanie si Levic. Hindi siya tumakbo. Sinalag niya ang espada nito at doon na sila nag-umpisang magpalitan ng pagtira. Kutsilyo sa espada. Nasasalag niya ang mga tira nito at nasasalag naman nito ang mga tira niya. Ngunit sa laban na ito, halata na dehado si Levic. Dahil na rin sa tangkad ng binata, madaling nalalaman ni Avanie ang mga kilos nito.
Isa pa, sa bawat pagtira ni Avanie ay lumalabas ang malakas na puwersa niya. Kahit anong gawin niyang pigil ay hindi niya 'yon ma-kontrol.
Bumabagal ito ng ilang segundo kapag iwinawasiwas ang espada kaya napag-alaman ni Avanie na mabigat 'yon para kay Levic. Hindi nito pino-protektahan ang ibabang parte ng katawan kaya bukas 'yon para sa kahit anong pag-atake.
"Tama na'ng laro!" sigaw niya sabay tadyak sa tiyan ni Levic na ikina-uklo nito. Hindi na siya nag-isip pa at mabilis na itinutok sa leeg ng binata ang kutsilyong hawak. "Wala na akong panahong makipaglaro sa inyo. Ngayon? Sabihin mo sa'kin ang gusto kong malaman! Sino ang nag-utos sa inyo para gawin ang pagpaslang sa lahat ng mga nilalang na magkaka-interes sa nawawalang kaharian. Kung bakit niya iyon ginagawa at ano ang motibo niya?!"
Napaupo ito sa semento. "Hehehe....ahahahahahahahahahaha!!!!" Tinanggal nito ang hood sa ulo kaya natambad kay Avanie ang itsura ng lalaki. Deep blue ang kulay ng buhok nito at mata, sakto lang ang jaw line at matangos ang ilong. "Ngayon lang ako nakatagpo ng isang nilalang na masiyadong interesado sa Rohanoro. Balak mo bang ibuwis ang buhay mo para lang sa isang walang kwentang kaharian?"
"Walang kwenta?" Pwede niya bang tuluyan ang isang 'to?!
"Iyon ang sinabi ni Bernon Zeis. Isang walang kwentang kaharian ang Rohanoro kaya ito pinalubog. Naatasan kaming paslangin ang mga nilalang na interesado sa Rohanoro para pagtakpan ang usapin tungkol sa asawa niya na nabuntis ng isang kawani."
Iyon rin ang sinabi ni Urdu.
"Hangal siya kung inaakala niyang paniniwalaan ko ang rason na 'yon."
Kumunot ang noo ni Avanie at tinanong niya si Levic kung anong ibig nitong sabihin. Tinawanan lang siya ni Levic. "Hindi 'yon ang katotohanan. Sigurado akong ginawa niya yon para palabasin ang isang nilalang."
"Nilalang? Anong ibig mong sabihin?"
"Ang nilalang na matagal ng hinahanap ng mga Zu-in. Ang tinatawag nilang Quinra!"
"A...no?" 'Hindi ako makasunod sa sinasabi ng isang 'to? Ano 'yong Quinra? Tunog masarap ah.'
"Sinasabing nagmula ang Quinra sa lahi ng mga Lunarian, at ayon sa kanila ang nilalang na ito ang pinakamalakas sa buong Iriantal. At may palagay si Bernon na kapag gumawa siya ng komosyon gamit ang maalamat na kaharian lalabas ang Quinra." Tumawa ng bahagya si Levic. "Ang haring 'yon. Nagawa niyang gamitin ang sarili niyang asawa para sa sarili niyang ambisyon."
Humigpit ang pagkakahawak ni Avanie sa kutsilyo niya. "Kung inaakala mong nagkakaiba kayo ni Bernon mag-isip ka uli. Inutusan niya kayong pumatay ng mga inosenteng nilalang para sa ambisyon niya pero sa palagay mo? Sinong mas lumalabas na masama?"
"Anong gusto mong iparating?"
"Simple lang. May pagkakataon kang tumanggi pero hindi mo ginawa."
"Wala na ring saysay na sabihin mo ang lahat ng ito dahil ... dito ka na rin mamamatay!" Biglang tumayo si Levic at hinagisan siya ng mga patalim. Nakailag si Avanie sa isa pero dumaplis sa balikat niya ang pangalawa. Nagsimula na rin siyang palibutan ng iba pang miyembro ng Barona. Nadagdagan pa ang bilang ng mga ito na nagmula sa iba't-ibang panig ng madilim na lugar.
"Hindi ko alam kung bakit interesado ka sa nawawalang kaharian binibini pero gaya nga ng alam mo, pinapatay namin ang mga nindertal na nagiging interesado rito." Naglabas si Levic ng isa pang patalim at pinaglaruan ito. "Kung sana nanahimik ka na lang, hindi ka makakaranas ng kahit anong hirap!" Inihagis nito ang patalim at sa pagkakataong 'yon lumabas na ang kambal na Dal at sinalag ang patalim.
"Ah~ah...ilang beses ba natin kailangang makipaglaban sa loob ng isang araw kamahalan?" Nangungunsumi na talaga ang itsura ni Fegari.
"Magandang ensayo 'to kuya kaya wag ka ng magreklamo." Muling inilabas ng kambal na Dal ang malalaking espada ng mga ito at humanda sa pakikipaglaban.
"Kamahalan?" Ngumisi si Levic. Tila ba may nalaman itong maganda na magpapagaan ng buhay nito. "Isang maharlika? Tiyak na malaki ang makukuha kong gantimpala mula kay Bernon kapag nadala ko sa kanya ang bangkay mo."
"Bangkay mo muna ang uunahin ko!" mula sa itaas ay may tumalon isang maliit na batang babae at hinampas ng sobrang lakas si Levic gamit ang staff nito. "Sino ka? Sino ka! Para saktan si Avanie-hana?"
"Fahnee?!" sabi ni Avanie.