Chapter 25

1696 Words
Tanghali. Katamtaman lang ang liwanag na tumatagos sa may kaliitang bintana sa loob ng isang silid kung saan nagaganap ang isang pulong. Nakapalibot sa parihabang lamesa ang pitong Nindertal na pawang nakasuot ng itim na belo na tumatakip sa kanilang mukha. Gaya nang naunang pagpupulong kung saan pinag-usapan ang paglusob sa Mizrathel, narito ang mga Nindertal na ito para pag-usapan ang isang namumuong problema. "Hindi ko akalain na uutusan ng mga Cleric ng Almiryad si Draul Vhan Rusgard para mag-imbestiga sa kasong ito. Maaaring isang tauhan lang sa atin si Lucrias Hamnigel gayunpaman alam natin kung hanggang saan ang nalalaman niya." "Tama ka. Hindi natin hawak ang isip ng Nindertal na yon kaya may tsansang makipag kasundo siya kay Vhan Rusgard para pagtakpan ang kanyang pagkakamali." "At sa palagay mo ba tutulungan siya ng Duke ng Eldeter? Kilalang hindi kumukunsinte ng katiwalian si Vhan Rusgard kaya maari niyang tanggihan si Lucrias, kaya lang..." tumikhim ito bago muling nagsalita. "Maaari rin siyang pumayag lalo na kung may mapapala siya sa isang usapan." "Masyado nang lumalaki ang sakop ng kapangyarihan ng Duke ng Eldeter. Kung titingnan, mas mataas ang paggalang na nakukuha niya kesa kay Haring Neljin Inclair." "Ilang beses na natin siyang inanyayahan na sumali sa ating samahan subalit lagi niya itong tinatanggihan. Dahil hindi siya kasama sa samahan, magiging isang malaking balakid sa mga plano natin si Vhan Rusgard pagdating ng araw." "Masyado na rin maraming tagasunod ang Dukeng iyon. Mas mapanganib siya kesa sa ibang malalakas na Class 1 maji user na maaaring kumalaban sa atin." "Totoo yang sinabi mo." "Kung gano'n... Kailangan na nating kumilos, kailangan nating alisin ang magiging balakid." "Tapusin si Vhan Rusgard." Sumang-ayon ang lahat sa sinabing iyon. "Alam nating lahat na malakas siya at hindi kakayanin ng pangkaraniwang Class 1 Maji user na talunin ang Duke na 'yon." Sandaling katahimikan ang bumalot sa buong silid na agad din namang binasag ng Nindertal na nakapuwesto sa pinakadulong upuan. "Ako na ang lalakad." Napalingon ang anim sa lalaki. Hindi na gaanong abot ng liwanag galing sa bintana ang bahaging iyon kaya bahagya lang nila nakikita ang kabuoan nito. Hindi rin nila makita ang ekspresyon sa mukha ng lalaki, subalit nararamdaman nila ang sabik na aura na nagmumula rito. Isa ito sa mga Nindertal na hindi mapipigilan kapag may napagpasyahan nang gawin kaya kahit tumutol pa sila, hindi rin ito makikinig. "Sigurado ka na ba 13th Zu-in? Hindi birong kalaban si Vhan Rusgard." "Mawalang galang na pero... Para sa'kin isang malaking kasinungalingan ang lalaking 'yon. Wala pang nakapagpapatunay na totoong malakas nga si Vhan Rusgard. Lahat ng balita tungkol sa kanya ay nagmula lang sa mga hakahaka." "May punto ka 13th Zu-in." "Kung gayon, ikaw ang aatasan namin para tapusin siya. Makakarating ang balitang ito sa iba pang Zu-in at hangad naming lahat ang tagumpay mo." Sa ilalim ng itim na belo ay unti-unting sumilay ang isang nakakatakot na ngiti sa labi ng 13th Zu-in. Matagal na rin noong magkaroon siya ng isang matinding laban. Kaya ngayon unti-unti niya nang nararamdaman ang pananabik. Excited na siyang makaharap si Draul Vhan Rusgard at tapusin ang buhay nito. 'Oras na para magkaroon ng munting kasiyahan.' ✴✴✴ Mula sa itaas ng isang matayog na puno ay tumayo si Chance at nag-inat. "Tototo! Nakakabagot naman ang trabahong 'to. Kailan ba ako magkakaroon ng makakalaban? Namimiss ko na si Feer, wala akong mapaglaruan dito." Minanipula niya ang sariling timbang at bumitin nang pabaliktad sa sanga ng puno. "Hmmm... ga'no ba kabagal maglakad ang mga 'yon? Bakit ang tagal nila?" Mag aapat na oras na simula no'ng pumwesto siya sa itaas ng puno para maghintay. Isa ito sa trabahong iniutos ni Draul sa kanilang dalawa ni Feer. Pero dahil magkaiba ang dapat nilang gawin, kailangan nilang maghiwalay. At para kay Chance, nakakabagot ang kumilos mag-isa. Pakiramdam niya namumuti na ang mga mata niya pero wala pa rin ang kanyang hinihintay. "Sino ba kasi ang matutuwang maghintay sa kalagitnaan ng isang gubat? Natural hindi ako!" huminga siya nang malalim, inilapat ang isang kamay sa katawan ng puno at saka pumikit. Nararamdaman niya. Isang grupo ng Nindertal ang kasalukuyang naglalakbay at papalapit na ang mga ito. "Labing lima lahat sila..." Tumayo si Chance sa makapal na sanga, mula roon ay tinanaw niya ang bukid na puno ng naglalakihang baka isang daang metro lang ang layo. Sakto lang ang lugar niya para sa plano. Ang kailangan niya na lang gawin ay hintaying makarating ang grupo sa kinaroroonan niya. "Kamusta na kaya si Avanie-hana? Kung hindi lang dahil sa utos ni Draul susunod ako sa Heirengrad para pahirapan ang tatlong Dal." Nakarinig siya ng mga yabag kaya umayos na siya ng pagkaka-upo sa puno. "Sa wakas dumating din! Simulan na ang trabaho!" Makalipas ang ilang minuto, lumitaw ang isang grupo na sakay ng apat na karwaheng hinihila ng mga malalaking ibon na may tatlong ulo. Duljie ang tawag sa mga ito na kadalasang ginagamit sa mahabang paglalakbay dahil sampung beses ang lakas ng resistensiya nila kumpara sa mga kabayo. Ang iba naman sa mga Nindertal ay naglalakad sukbit ang malalaking bag na puno ng iba't-ibang klaseng bagay at nakasuot ng cloak na yari sa balat ng Ishganiya. "Pinunong Rui, malapit na po nating maabot ang Den Mara," imporma ng isang naglalakad. Bumukas ang bintana ng karwahe at inilabas ng isang lalaki ang ulo mula roon. Bahagyang kuminang ang itim na buhok nito nang tamaan ng sinag ng araw. "Ilang oras pa bago natin marating ang Den Mara? Marami tayong dalang sangkap na malapit nang malanta kaya kailagan nating bilisan." Ang ruta na tinatahak nila ngayon ay ang pinakamaiksi at ligtas na daan papunta sa capital ng Arondeho: Ang Den Mara. "Aabutin po tayo ng isa pang oras," sagot nito. "Bilisan na lang natin," turan ni Rui at muling umupo sa loob ng karwahe. Bawat bansa sa Iriantal ay may mga mangangalakal na naglalakbay para maghatid ng mga kalakal sa mga pamilihan na hindi naaabot ng mga may-ari ng tindahan. Masasabing ang pagiging isang mangangalakal ay trabaho para sa mga Nindertal na marunong gumamit ng mataas na level ng Maji dahil hindi biro ang pagkuha sa mga bagay na ino-order sa kanila ng mga kliyente. Karamihan ay sangkot ang pakikipaglaban lalo na kapag mahahalagang bato ang usapan. Kaya nga halos lahat ng mga mangangalakal ay may rank bilang Maji user. Kung minsan kumikilos sila ng grupo pero mas marami ang pinipiling mapag-isa. Kapag marami ang kasapi sa isang grupo malaki ang hatian pagdating sa porsyento ng kinikita kaya yung iba hindi bale nang mag-isa basta't malaki ang kinikita. "Hoo... mukhang mahuhuli pa kayo ng ilang oras," bulong ni Chance sa sarili. "Nakokosensiya tuloy ako na malulugi ng malaking halaga ang mga mangangalakal na to pero patawad dahil kailangan ko rin gawin ang trabaho ko." Pumitik siya sa ere. Nawala ang hangin at tumahimik ang pagaspas ng mga dahon. Bigla ring huminto ang huni ng mga ibon na para bang hinatak paalis ang lahat ng tunog sa buong paligid. Napansin 'yon ng lahat kaya napahinto ang grupo ng mga mangangalakal. Masama ang kutob ni Rui kaya humanda siya. "Sabihin mo sa lahat mag-ingat," utos niya sa kutsero. ilang sandali pa dumagundong ang lupa at maririnig ang sabay-sabay at mabibigat na yabag mula sa kalayuan. Palapit ito nang palapit hanggang sa... "Mga Baka!" sigaw ng ilan sa mga mangangalakal. Nagwala ang mga Duljie dahil sa biglaang pagsulpot ng mga baka mula sa kaliwa. Tila wala sa katinuan ang mga ito at siguradong makakapanakit kapag hindi iniwasan. "Atras! Umatras tayo ngayon na!" Wala nang nagawa ang mga mangangalakal kundi ang umatras at takbuhan ang mga galit na baka sa daanan. Hindi bale nang mahuli sila at masiraan ng mga paninda. Mas mahalaga pa rin para sa kanila ang kaligtasan ng lahat. "Hanggang sa muli! Paalam!" nakangising sabi ni Chance na kumakaway pa. Lumingon siya sa harapan kung saan dapat papunta ang mga mangangalakal. "Ngayon naman..." ✴✴✴ "Bakit kaya?" huminga ng malalim si Avanie at naiinis na isinubsob ang mukha sa sariling lamesa. "Bakit kaya hindi nasusunod ang mga bagay na gusto mong gawin at nasusunod naman ang mga bagay na ayaw mong gawin? Isa ba itong patunay na pwedeng pagbali-baliktarin ang mundo?" Dahil nakasubsob ang mukha sa lamesa, hindi nakikita ni Avanie ang katabi niyang babae na kanina pa nakatingin sa kanya. Dahan-dahan itong umurong palayo at binigyan siya ng natatakot na tingin. Nararamdaman ni Avanie ang titig ng babae at hindi ito nag-iisa. Napansin niya rin na panakanakang sumusulyap sa kanya ang iba pang kaklase at kasalanan lahat yon ng palyadong limiter. Inakala rin ni Avanie na tutulungan siya ni Pharavee-dia para pagtakpan ang nangyari pero wala itong sinabing kahit ano nung makabalik sila. "Tapos sasabihin niya na protektahan ko ang mga Nindertal na 'to kay Viathel? Ako nga ang numero unong hinahanap no'n tapos ako pa ang gagawing pader?" lihim na himutok niya. Marami siyang kailangang gawin at hindi kasama dun ang pakikipagharap kay Viathel Zeis. Namo-mroblema na nga siya kung pa'no itatago sa mga ka-grupo niya na marunong siyang gumamit ng Maji tapos may dadagdag pa. Buti na lang nakakita na siya ng mga bakas tungkol sa Rohanoro kahit papaano. Gayunpaman, hindi pa rin tapos ang gagawin niya dahil kailangang ayusin pa ang pahina ng mga librong 'yon. Umayos siya ng upo. Ang bawat isa sa librong yon ay siguradong naglalaman ng lihim tungkol sa mga Lunarian at sa kaharian ng Rohanoro. Masaya siya na nakahanap siya ng bakas pero sa tuwing naiisip niya ang mga librong 'yon, hindi niya maiwasang hindi mapalagay. Na para bang kung anuman ang mababasa niya roon ay magdadala sa kanya sa bagong katotohanan. Isang nakakatakot na katotohanan. "Sa ngayon, ito na muna ang ituturo ko sa inyo. Sa mga susunod na araw ituturo ko naman kung pa'no kontrolin ang Shi para makagawa ng iba't-ibang klase ng Maji." Nagtaas ng kamay si Mume. "Dia! May Maji ba na nakakagawa ng pagkain? Puro patatas lang kasi kinakain ko nitong mga nakaraang araw." "Patatas?" "Oo patatas! Masarap ang patatas pero kapag laging kinakain nakakasawa rin." Kumunot ang noo ni Pharavee. "Hmmm... may tamang Maji para makagawa ng pagkain pero... kakailanganin ng mataas na Shi." Natigilan si Mume tapos ay napakamot sa batok. "Mukhang patatas pa rin ang kakainin ko sa mga susunod na araw," bulong nito. "Wala bang nagsabi sa'yo na libre ang pagkain dito sa Heirengrad?" "L-Libre!?" gulat na tanong ni Mume. "Wala talagang nagsabi sa'yo?" pangungumpirma ni Pharavee. "W-Wala..." "Ibig sabihin nagtiis ka sa patatas sa loob ng ilang araw?" "... Gano'n—na nga." "...." "Hindi mo binasa ang aklat tungkol sa Heirengrad?" "May ga'nong klaseng libro?" tanong ni Mume. 'May ga'nong klase ng libro?' isip ni Avanie.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD