"Avanie!" nag-echo sa buong pasilyo ang boses ng tumatawag sa pangalan ni Avanie.
Napahinto si Avanie at agad na napalingon. Nakita niya si Cien na mabilis naglalakad palapit sa kanya. "Cien? Bakit nandito ka sa departamento ng Miden?"
"Aayain sana kitang kumain," sagot nito at sinabayan siya sa paglalakad. "Narinig mo na ba ang kumakalat na balita?"
"Anong balita?"
"Magkakaroon daw ng laban sa pagitan ng Prinsipe ng Asteloma at ng Hari ng Ishguria."
"Isang laban?"
"Nakatakda silang maglaban ilang linggo mula ngayon," sabi ni Cien. "Ang sabi pa, si Prinsipe Moon Siklogi daw ang humamon sa Hari ng Ishguria."
"Sinabi ba nila kung anong klase ang magiging laban?" nag-aalalang tanong ni Avanie.
Napaisip sandali si Cien bago magsalita. "Ang sabi labanan daw gamit ang Maji."
'Mqkikipaglaban ang tangang Hari gamit ang Maji?'
Bigla niyang naalala ang sinabi ni Regenni nung nasa kalagitnaan sila nang pag-akyat ng bundok Chunan.
"Malakas ang Shi ni haring Riviel pero hindi hiyang ang katawan niya rito kaya naman nagkakaroon ng kumplikasyon sa tuwing gumagamit siya ng Maji."
At ang sinabi ni Riviel.
"Na-ikuwento sa'yo ni Regenni na abnormal ang lakas na inilalabas na enerhiya ng katawan ko 'di ba? Kalahati ng enerhiyang yon kinakain ng Carvian kaya, napipigilan ang paglabas ng sobrang daming enerhiya na maaaring makasira sa aking katawan."
"Dahil kung hindi, maluluto ang lamang loob mo."
"Bakit ba ang hilig mo sa lamang loob? Matagal nang nakakulong ang Carvian na ito sa loob ko, marami na rin siyang nakain na enerhiya kaya pag lumabas ito, malamang na hindi ko ito mapasunod at maaari akong mamatay."
Alam ni Riviel na delikado para rito ang paggamit ng Maji, kaya anong dahilan at pumayag itong makipaglaban?
'Ang tangang Haring 'yon! Balewala ba sa kanya ang buhay niya?'
"Nasaan ang tangang Hari?"
"Tanga?"
"Nasaan si Haring Riviel?" galit na tanong niya.
"Nasa likod ng Clandestine... yata." Nakakunot ang noo at nagtatakang sagot ni Cien. Hindi niya alam kung bakit ganun ang naging reaksiyon ng kaibigan niya. Halatang biglang nag-iba ang timpla nito.
Nagmamadaling naglakad si Avanie para hanapin si Riviel. Hindi siya ang klase ng Nindertal na nakikialam sa ginagawa ng iba pero buhay ang pinag-uusapan dito. Buhay ng tangang Hari.
"Hoy teka! Hintayin mo 'ko!"
Clandestine building
Jumi Department
Lumiko si Avanie at Cien sa isang pasilyo papunta sa likod ng building. Wala siyang pakialam kung pinagtitinginan siya ng ibang mga Jumi. Kailangan niyang makausap si Riviel agad.
"Oy oy..." isang lalaking may kalakihan ang katawan ang humarang sa daraanan nila. Napahinto si Avanie pero hindi man lang tinapunan ng tingin ang lalaki. Sa ngiti pa lang nito, tila nakakita ito ng isang magandang bagay na pwedeng paglaruan. "Ang lakas ng loob ng isang Miden na pumunta sa departamento ng mga Jumi. Anong kailangan mo dito munting Miden?"
"Tabi," malamig na turan ni Avanie.
"Anong sinabi mo?"
"Hindi mo narinig? Ang sabi ko tumabi ka. Wala bang nagsabi sa'yo na ang pagharang sa daraanan ng isang Nindertal ay labag sa kagandahang asal?"
Naningkit ang mata ng lalaki at niyabangan siya ng tingin. "Malakas ang loob mo Miden pero may magagawa ka ba laban sa'kin? Ano kung gusto kong humarang sa daraanan mo?"
"May kailangan ka ba sa'kin?" tanong niya. "Kung wala kang kailangan sa'kin ano ang dahilan ng pagharang mo sa daraanan ko? Bigyan mo 'ko ng isang dahilan na matatanggap ko para huminto ako rito at kausapin ka. Kung wala kang maibibigay ang mabuti pa tumabi ka dahil hindi ikaw ang pakay ko."
Tumawa ng malakas ang lalaki pero halata na naiinis na ito. "Gusto ko ang lakas ng loob mo Miden. Kaya lang, dito sa Jumi, Jumi ang naghahari kaya wala ka sa lugar para patabihin ako."
"Saang batas ng Heirengrad nakasulat ang sinasabi mo?"
"Ikaw!"
"Oo, ako at ako. Ngayon pwede mo na bang sagutin ang tanong ko?"
Niyugyug ni Cien ang balikat niya. Para bang sinasabi nito na h'wag siyang gumawa ng gulo, pero huli na dahil masama na ang timpla ni Avanie.
"Bandam!"
Napalingon silang dalawa at kamuntik nang masapo ni Avanie ang ulo nang makita niya si Viathel Zeis. Sa sobrang pagmamadali niya kanina, nakalimutan niya na isa nga pala itong Jumi.
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Viathel kina Avanie at sa lalaking tinawag nitong Bandam. Sa likod ni Viathel ay nakatayo ang isa pang babaeng mahaba ang gray na buhok at ngumunguya ng bubblegum. May tattoo itong dragon mula sa noo pababa sa leeg.
"Viathel-hana!" halo ang gulat at takot na sabi ni Bandam.
"Anong nangyayari rito?" kunot noong tanong ni Viathel.
Tumayo ng tuwid si Bandam, inilagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib at marahang yumuko. "Pagpasensiyahan mo na ang kalapastanganan ng Miden na ito. Tinatanong ko lang po siya kung saan siya pupunta subalit hindi niya sinasagot ang aking katanungan."
Kinalabit ni Avanie si Cien. "Anong tanong niya?"
"Malay ko diyan," sagot nito. "Lakas makapagsinungaling. Upakan ko na ba?"
"Sandali lang." Hinarap niya si Vandam. "Tutal gusto mo rin lang na sagutin ko ang tanong mo e di sige. Saan ako pupunta? Hinahanap ko ang Hari ng Ishguria."
Natigilan si Viathel at naninigkit ang mga matang tiningnan si Avanie.
"Isa ka rin ba sa tagahanga ng Hari ng Isguria?" lumapit si Viathel at marahang inikutan si Avanie at Cien. "Hindi ko alam kung anong pakay mo kay Haring Riviel Qurugenn pero para sabihin ko sa'yo Miden, hindi siya ang klase ng Nindertal na maaari mong puntahan kung kailan mo gustuhin."
Tagahanga? Hala siya! Hindi naman gano'n kagaling ang Haring yon para hangaan. Yung mata pwede pa pero yung kabuoan...
'Sabihin ko kaya sa kanya na nangangagat yun pag tulog?'
"K-Kilala niya ang Hari ng Ishguria!" walang anu-ano'y nasabi ni Cien na agad din naitakip ang kamay sa bibig.
Binalingan ni Viathel si Avanie. "Kilala mo ang Hari? Imposible."
"Pa'no kung totoo ang sinasabi ng kaibigan ko?"
"Malalaman natin yan. Durin, halika rito."
Lumapit yong babaeng kanina pa ngumunguya ng bubblegum sa kanila at tinanguan si Viathel. "Ito si Durin Linwen, may kakayahan siyang pasukin ang isip ng isang Nindertal at silipin ang mga alaala nito. Ngayon malalaman natin kung nagsasabi ka ng totoo."
Kinabahan si Avanie. 'Kung may kakayahan siyang silipin ang mga alaala, malamang na makita niya na ako ang may sala kung bakit naligo ng putik si Viathel!'
Tumayo sa harapan ni Avanie si Durin tapos ay mataman siyang tiningnan sa mga mata.
'Tatakas na ba ako pagbilang ng tatlo?'
Nagkulay asul ang itim na mata ni Durin kasunod no'n ay lumiwanag ang dragon tattoo nito. Ilang segundo itong nanatili sa ganoong posisyon bago napahakbang patalikod.
'Hindi ko mapasok ang isipan niya!' hindi makapaniwalang sigaw ng isip ni Durin.
Sinubukan niya uli, pero imbes na magtagumpay ay nakaramdam siya ng hapdi na nagsimula sa talampakan at mabilis na umaakyat sa kanyang buong katawan. Unti-unti siyang napasigaw at sa gulat ng lahat nabalot ng mala tubig na shield si Avanie at Cien. Tumilapon naman si Durin sa malayo at bumagsak sa marmol na sahig ng pasilyo.
"Gah!"
"Durin!" marahas na binalingan ni Viathel si Avanie. "Anong ginawa mo!?"
"Wala akong ginagawa! Hindi ko rin alam kung anong nangyari!"
"Sinungaling!"
'Naniwala siya dun sa sinungaling na Bandam tapos akong nagsasabi ng totoo natawag na sinungaling? Saan ba nagtatago ang hustisya!?"
"Nagsasabi ako ng totoo!" wala naman talaga siyang ginawa e. Malay ba niyang mag-a-activate ang singsing ni Draul. Lumalaki na talaga ang perwisyo na ibinibigay sa kanya ng mga Limiter na 'to. Sa susunod malamang sa kulungan na siya pupulutin.
"Ikaw na mababang Miden! Masyadong malakas ang loob mo na pumunta rito at magsimula ng gulo kaya hinding hindi ko palalampasin ang bagay na ito."
'Ayan na. Hindi naman siguro niya hihilingin na magbayad ako no?'
"Pagbabayaran mo ang ginawa mo kay Durin!"
'Sabi ko nga, maniningil pa rin siya.'
Kailangan ba talaga niyang magbayad? Wala na siyang pambili ng pagkain mamaya. Sa dami ng nakatira sa bahay niya, kailangan niya ring magtabi ng mas malaking halaga para magkasya ang kakainin nila sa araw-araw dahil kung hindi magtitiis din sila sa patatas gaya ni Mume!
'Sa palagay ko kailangan ko na talagang kumita ng pera.'
Galit na tiningnan ni Viathel si Avanie at nagulat ang lahat nang ilabas nito ang espada at itutok sa kaharap.
"Dahil isa ka lang namang hamak na Miden, hindi kita gaanong pahihirapan."
'Sino ba gustong mahirapan?? Tingin mo sa'kin masokista?!'
Alam ni Avanie na wala siyang laban kay Viathel kung gagamit ito ng Maji pero kung ang kilos nito sa pakikipaglaban ang pagbabasehan... baka may pag-asa siyang manalo.
Kailangan niya lang hanapin ang kahinaan nito.
"Delmiero akim esperantel!"
Napaatras ang lahat ng nanonood at nahihintakutang tumingin kay Viathel. Ang kanina'y isang espada na hawak nito ay naging walo at lahat ng yon ay pumalibot sa katawan ng prinsesa.
'Gumagana pa rin ang barrier na gawa ng singsing pero hindi ko alam kung ga'no kalakas ang atake ng mga espadang 'yon. Patay ako nito kung gagamitan niya pa 'yon ng malakas na Maji.'
"Mukhang mapapasubo ata ako ngayon," sabi ni Cien sabay ngisi. "Hindi ako magpapatalo sa isang 'yan!"
"Sigurado ka Cien?? Malakas ang prinsesang 'yon," bulong ni Avanie sa kaibigan. "Tutal ako ang nagsimula ng gulo, dapat lang na ako ang tumapos nito. Pero kung may ideya ka kung pa'no ko lalabanan ang Prinsesang 'to, makatutulong nang malaki sa'kin yon."
"Nakita ko na siyang lumaban noong initiation, palagay ko matutulungan kita."
"Dito ka lang sa likod ko." Inilabas na rin ni Avanie ang espada niya. "Kapag pakiramdam mo na mapanganib na, umatras ka na, hayaan mong ako na ang humarap sa kanya."
"Wisedi!" nawala ang walong espada sa palibot ni Viathel, kasunod no'n ay napalibutan ng walong maliliit na magic circle sila Avanie at mula roon ay sabay-sabay na lumabas ang mga espada. Tumusok ang mga yon sa barrier pero muli rin umangat at sa ikalawang pagkakataon ay muling tumusok sa barrier.
'Hindi maganda 'to! Masyadong malakas ang Shi na ginamit sa mga espada kaya hindi tatagal ang barrier! Kailangan maialis ko rito si Cien kaagad!'
"Ginamit niya rin ang technique na yan noong initiation," turan ni Cien. "Ang mga magic circle ang nagpapagalaw sa mga espada, kaya nitong papuntahin at pagalawin ang espada ayon sa nagko-control dito at ang tanging paraan para mapahinto ito ay—"
"Asintahin ang mismong nagmamanipula."
"Tama ka Avanie, pero hindi ganoon kadaling makalapit kay Viathel. Kung hindi ka mag-iingat paniguradong mapupuno ng hiwa ang katawan mo bago mo pa matawid ang espasyo sa pagitan niyong dalawa."
"Alam kong may naiisip kang paraan," sabi ni Avanie habang alertong tinitingnan ang galaw ng mga espada.
"Meron. Pero kakailanganin ko ng limang minuto para magawa ang plano."
"Ano?"
"Kapag nagawa ko ito ng tama maaari nating lituhin ang Prinsesang yan."
"Heh... limang minuto huh? Sana lang hindi ako magmukhang karneng tinuhog bago mo magawa ang binabalak mo."
Ngumisi si Cien. "H'wag kang mag-alala!"
"Ngayon pa lang nag-aalala na ako! Sabihin mo lang kung katapusan na ng buhay ko ngayong araw para magkaron naman ako ng oras para magdasal!"
"Ito." Patagong iniabot sa kanya ni Cien ang isang Maji stone. "May Shi na nakapaloob sa batong 'yan na pwedeng makatulong sa'yo."
"Salamat!"
"Wisedi!" sigaw ni Viathel sunod no'n ay nawala ang mga espada nang ilang segundo, nagpalit ng puwesto ang mga magic circle at sabay-sabay na lumapag sa lupa, tapos no'n ay nag-sulputan mula sa marmol na sahig ang mga espada at muling tumusok sa barrier. Sa pagkakataong 'yon tuluyan ng nasira ang barrier pati na rin ang singsing na suot ni Avanie.
'Tatlong beses nga lang pala ang gamit nito.'
Unang nag-activate ang singsing noong naglaban sila ni Shitarka, pangalawa nang tinangkang pasukin ni Durin ang isip niya at ang barrier na ang ikatlo. Ngayon, wala ng kahit anong po-protekta sa kanya, sana lang wag niyang magamit ang Shi niya nang hindi sinasadya.
Gumalaw na naman ang mga espada at dahil wala na'ng barrier kailangan siya mismo ang pumrotekta kay Cien sa loob ng ilang minuto. Buti na lang kahit pa'no may natutunan na siyang kaunting Maji spell na pwede niyang magamit para makatagal sa loob ng ilang minuto. Hindi nga lang alam ni Avanie kung hanggang saan siya mapo-protektahan ng mga Maji spell na 'yon.
'Hindi ako pwedeng matalo.'
Tumaas ang mga espada at sabay-sabay na sumugod. Umikot si Avanie at sa abot ng kanyang makakaya ay sabay-sabay niya ring sinalag ang walong espada. Napanganga naman ang mga manonood.
"Paano niya nagawang salagin ang lahat ng 'yon?"
"Imposible! Kahit ga'no ka pa kabilis imposibleng masalag gamit lang ang isang tira ang walong espada!"
"Gumamit ba siya ng Maji?"
"Wala akong naramdamang pagtaas ng Shi!"
Iniangat ni Viathel ang kanang kamay para muling pagalawin ang mga espada. "Tingnan ko kung makakaya mo pang salagin ang mga tirang 'to."
Nanlaki ang mata ni Avanie nang pumalibot sa kanya ang mga magic circle kaya mabilis siyang lumayo kay Cien. Matapos ang ilang hakbang isa-isa ngunit mabilis na naglabasan ang mga espada mula sa magic circle. Dali niyang sinalag ang mga ito at sa sobrang bilis ng kanyang pagkilos ay halos hindi na ito makita ng mga estudyanteng nanonood. Tanging ang tunog lang mula sa mga bakal na tumatama sa isa't-isa ang maririnig sa buong lugar.
Nagtagis ang ngipin ni Viathel. Minaliit niya ang Miden na ito dahil ang akala niya ay wala itong alam sa pakikipaglaban pero sa nakikita niya ngayon, mas lamang ito sa kanya padgdating sa paggamit ng espada.
'Isa akong Class 2 rank 12 Maji user kaya hindi ako papayag na matalo ng isang mababang Miden!'
"Ylna Mongindra!"
Mula sa pagiging isang simpleng gumagalaw na espada, nagsimulang bumuo ang mga ito ng apoy sa bawat dulo ng talim. Lahat ng yon ay nakatuon kay Avanie at paniguradong tinuhog na inihaw ang kalalabasan niya kapag natamaan siya ng mga 'yon!
'May mas lalala pa ba dito?' humanda si Avanie. 'Kakailanganin ko ng Maji spell.'
"Hylkia!" malakas na sigaw ni Avanie.
Ibinaba ni Viathel ang kamay na tila ba hinati niya ang hangin, sunud-sunod na itinira ng mga espada ang apoy sa talim ng mga ito. Malakas ang mga naging pagsabog at halos wala nang makita ang lahat dahil sa kapal ng usok. Nanginig sa takot ang mga estudyante. Sa lakas ng pagsabog imposibleng may makaligtas pa roon o kung may makaligtas man tiyak na nasa kritikal na kalagayan.
Tahimik ang lahat. Nag-aabang sa kung anong nangyari sa Miden na natamaan ng pagsabog. Nang mawala ang makapal na usok ay nakita ng lahat ang babaeng nakaluhod sa ngayon ay basag ng marmol na sahig. Tumutulo ang dugo sa kaliwang balikat nito at may sugat sa noo.
"Nakaligtas siya!"
"Ang galing!"
"Paanong..."
Pero hindi rito nagtatapos ang pagkamangha ng madla dahil makalipas ang ilang sandali ay dahan-dahang tumayo ang babae at nginisihan si Viathel. "Saan ka nakatingin?"
Naramdaman ni Viathel ang aura mula sa kanyang likuran subalit huli na para makailag kaya wala na siyang nagawa kundi saluhin ang tadyak ng babaeng may pulang buhok mula sa likuran niya. Naitulak siya pero mabilis niyang nai-preno ang paa sa sahig para hindi tuluyang matumba. Naisahan siya ng mga ito!
'Nagawa niyang makalapit bago ko pa maitira ang Ylna Mongindra! Malamang na ginamit niya ang concealing Maji para maitago ang aura niya.' Tumayo nang tuwid si Viathel at tiningnan ng masama si Cien. "Tapos na ang laro. Binabati ko kayo dahil nagtagumapay kayo na galitin ako ng husto. Kaya ngayon, hindi na ko magpapakita ng awa! Ang lakas ng loob nyong saktan ang isang prinsesang gaya ko?"
"Pwede ba tama na? Hindi ako nagpunta rito para makipag-away!" sigaw ni Avanie kay Viathel. Pero hindi man lang siya pinansin nito.
Itinaas ng Prinsesa ang dalawang kamay at sinimulang pagalawin ang balakang. "Sina ishka alleirle harel mihoni, kruhutan meita itohi senti, vestael pelhuni Viathel bevel sarem, Morcan geill!"
Namuo ang isang itim na anino sa kinatatayuan ni Cien. Kinabahan siya kaya mabilis siyang kumilos para makaalis pero sa hindi malamang dahilan, hindi niya maigalaw ang katawan.
Unti-unting umahon ang anino at pinuluputan ang katawan ni Cien, dahan-dahan siyang umaangat sa lupa at nararamdaman niya ang marahang paghigpit ng anino sa katawan niya.
"Aaaahh!!"
"Cien!" nanlaki ang mga mata ni Avanie nang makita ang itim na anino ng isang malaking babae. Nakapulupot ang mahabang galamay nito kay Cien at nag-aapoy ang pulang mata habang ang buhok na tila likido ay nagsasayaw sa paligid nito. "Isang Carvian..."
"Ito si Morcan, ang alaga kong Carvian. Sinusunod niya ang lahat ng utos ko kaya hindi siya magdadalawang isip na tapusin ang buhay ng babaeng ito kapag ginusto ko," nakangising turan ni Viathel na ngayon ay humahakbang palapit kay Avanie. "Ngayon, ano ang ibibigay mong kapalit para sa buhay ng kaibigan mo mababang Miden?"
"Wala akong ibibigay na kahit ano Viathel Zeis!" matigas na sabi ni Avanie. "Para sa isang Prinsesang lumaki sa isang kinikilala at mataas na pamilya, inaasahan ko na ang pangmamaliit mo sa kapwa mo pero hindi ako papayag na maging buhay ang kapalit ng kasakiman mo."
Hinawakan ni Avanie ang suot niyang kwintas at kinakabahang tumingin sa paligid niya. Maraming mga estudyante ang nakapaligid sa kanila, kapag gumamit siya ng Maji rito hindi siya sigurado na walang masasaktan sa mga ito. Pero tiyak naman na masasaktan si Cien kapag hindi siya gumawa ng paraan.
'Kaasar!'
"Wala sana akong balak makialam sa away ng dalawang babae kaya lang hindi ko maatim na tumayo na lang at manuod habang may nasasaktan."
"Ha... Haring Riviel Qurugenn!"
Asar na napakamot si Riviel sa batok at naglakad patungo kay Avanie. "Oy huwad na Prinsesa, may sumpa ka ba? Parang kahit sa'n ka magpunta hinahabol ka ng kamalasan."
'Hoh... para na rin niyang sinabi na isang malaking kamalasan si Viathel Zeis.'
"Mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng Heirengrad ang pakikipaglaban sa kapwa estudyante, hindi niyo ba alam?"
Yumukod muna si Viathel bago nahihiyang nag-iwas ng tingin. "A-Alam ko ang bagay na 'yon mahal na Hari."
"Pero nakipag-away ka pa rin. Hindi ba't parang inamin mo na rin na sinadya mong lumabag sa batas?" binalingan ni Riviel si Avanie.
"Ikaw na naman ba ang nagsimula ng gulo?"
"Na naman? Tingin mo sa'kin laging nanggugulo?"
"Hindi ba? Kung gano'n nagpunta ka ba rito para sa mansanas?"
"Gusto kitang makausap. Pero bago ang lahat pwede bang sabihin mo sa Prinsesang yan na pakawalan niya ang kaibigan ko?"
"Inuutusan mo na ko ngayon?" taas ang kilay na sabi nito.
"Nakialam ka na rin lang, lubuslubusin mo na," sagot ni Avanie.
"May kapalit."
"Kapalit?"
"Malalaman mo pagkatapos natin dito." Ngumisi ang Hari bago bumaling at naglakad papunta kay Viathel. "Bilang mga maharlika itinuturo sa atin ang pagkakaroon ng mahabang pasensiya at malawak na pag-unawa. Hindi ka naman siguro nag-aaral ng Maji para manakit ng kapwa."
"Pero sinaktan niya si Durin!" katwiran ni Viathel.
"May kasalanan din ang Miden, pero sa nasaksihan ko, sa grupo niyo nagsimula ang lahat." Napabuntong hininga ang Hari. "Tama na ang away na 'to. Hindi na kayo mga bata at alam niyo na ang tama at mali. Nasa sa inyo na kung hihingi kayo ng tawad sa isa't-isa."
"Ano!? Isa akong prinsesa at hindi ako hihingi ng tawad sa isang mababang uri ng Nindertal!" galit na tinalikuran sila ni Viathel tapos ay nagmamadaling umalis.
Hinarap ni Riviel si Avanie at binigyan ng hand chop sa ulo.
"Ow!"
"Sa susunod matuto kang makipaglaban ng tama."
"HaA??"
"Tch! Mag-ingat ka sa susunod."
Hinatak na siya ng Hari, sumunod naman sa kanila si Cien. Hindi alintana ang mga mata ng estudyanteng nagtataka at nagbubulungan.