"H'wag kang lumaban."
Taas ang dalawang kilay na hinarap ni Riviel si Avanie. Salubong ang kilay ng babae na para bang may kinaaasaran ito. Kung ano man yon, wala siyang ideya.
"Malakas din makasagap ng balita yang antenna mo ah," aniya sabay yuko at dampot sa dalawang walis na nasa gilid ng maliit na fountain na nakatayo sa gitna ng hardin.
Sa isang hardin sa likod ng Jumi niya ito dinala dahil madalang magpunta rito ang iba pang mga estudyante. Hindi na sumama sa kanila 'yong babaeng may pulang buhok. Nahalata yata nito na kailangan nila ng privacy.
Pinamewangan siya ni Avanie. "Tanga ka ba o sadyang tanga lang talaga? Ikaw na mismo ang nagsabi na pwede kang mapahamak kapag gumamit ka ng Maji, tapos pumayag ka sa gusto ng Prinsipe ng Asteloma?"
"Wala akong pagpipilian," sagot niya.
"Ang sabihin mo naisahan ka lang."
Naging gloomy ang aura ni Riviel at nahihiyang tumalikod.
"Naisahan ka nga. Tsk... tsk... tsk! At dahil kasing taas ng bundok Chunan ang pride mo siguradong hindi ka aatras tama?"
Pakiramdam ni Riviel nanliliit na siya.
Alam niya naman yun e, kaya lang huli na nung maisip niya na naisahan nga siya nung Prinsipeng yun.
Binunot ni Avanie ang sariling espada at itinutok kay Riviel. "Mauuna na 'ko. Tatanggalin ko yang mata mo, h'wag ka ng pumalag, mamamatay ka rin naman."
"Oy, sa pagkakatanda ko isa akong Jumi at isa kang Miden. Sa'n na napunta ang respeto?"
"Sa talampakan. Kasi naman masyado kang padalos-dalos. Halatang may binabalak si Prinsipe Moon Siklogi, ano kusang loob kang tatalon sa ginawa niyang patibong? Ang bait mo naman."
"Sinong may sabing gagawin ko ang gusto niya?"
"May naiisip ka bang paraan?"
"Wala pa."
"Wala... wala pa!?"
"Ikaw, may naiisip ka ba?"
"Teka, bakit ako ang tinatanong mo?" suminghap ito at bahagyang lumayo. "H'wag mong sabihin na ako ang ibabala mo?"
"Wala ka ngang laban kay Viathel, kay Moon Siklogi pa kaya?" hinagis niya rito ang hawak niyang walis. "Ganito ang ginagawa ko kapag gusto kong mag-isip."
"Hindi ako maglilinis at hindi ako mag-iisip."
Tinaasan niya ito ng kilay. "Ito ang kapalit."
Natahimik ito sandali at nang makabawi ay nag-umpisa nang magwalis. Napangisi na lang si Riviel.
"Alam ko na minamaliit ako ng iba pang mga namumuno sa ibang bansa dahil hindi ako gumagamit ng Maji. Dahil din dito kaya iniisip nila na madali nilang makukuha ang Ishguria sa namumuno rito ngayon." Inumpisahan niya na rin ang paglilinis. "Wala akong balak patulan ang Prinsipeng 'yon pero dahil magiging isa siyang malaking banta para sa Ishguria kapag naupo na siya sa trono, kailangan kong gumawa ng paraan para hindi mapahamak ang kaharian ko."
"Kung di ka lang Hari, hinampas na kita ng walis." Huminga ng malalim si Avanie. "Maraming ibang paraan para maprotektahan mo ang Ishguria at huli roon ang pagsasakripisyo sa sarili mong buhay."
"Hindi ako aatras," matigas na sabi niya.
"Alam mo, gusto kitang saktan. Pabigyan mo na ako o, gusto ko lang ma-satisfied."
Pinalo niya si Avanie ng walis. "Makakaisip rin ako ng ibang paraan?"
"Umatras ka na lang kasi."
"Ayoko nga."
"E, kung patulugin ko na lang si Prinsipe Siklogi para hindi na siya makapunta sa laban niyo?"
Binigyan niya uli ng chop sa ulo si Avanie.
"Ow!" daing nito at hinimas ang nasaktang ulo.
"Sa tingin mo ganun yun kadali? Isang Class 2 rank 3 ang alalay niyang si Ropontoni Pogen at Class 2 rank 1 naman si Moon Siklogi. Palagay mo uubra ka sa mga 'yon? Baka nga di ka makalapit sa kanila."
"Oy masyado mo naman ata akong minamaliit."
"Bakit, kaya mo?"
"Hindi."
Ipinatong ni Riviel ang dalawang kamay sa hawakan ng walis at matamang tiningnan si Avanie. "Lumalaki na ang nasasakupan ni Bernon. Kapag hindi pa ako kumilos, magiging madali para sa kanya ang paglusob sa kaharian ko. Kailangan kong matalo si Siklogi para makabuo ng alyansa sa bansang Asteloma."
"Teka nga, binigyan mo 'ko ng walis para maglinis at mag-isip... Teka... Gusto mong mag-isip ako ng paraan?"
Suminghap si Riviel sabay takip ng kamay sa bibig. "Ngayon mo lang napansin?"
Asar na iwinasiwas ni Avanie ang hawak nitong walis at akmang hahampasin siya, pero mabilis siyang nakailag.
Sumugod uli ito pero alam na ni Riviel ang gagawin nito kaya sinalag niya ang walis nito gamit ang walis niya.
"Gumawa ka nang kalokohan tapos mandadamay ka ng iba!?" inis na sabi nito tapos ay sumugod uli.
"Bakit mo pa ako hinanap kung hindi mo rin naman ako tutulungan?" sinalag niya ang tira nito.
"Nagpunta ako rito para sabihin sa'yo kung ga'no ka ka-tanga, hindi para tumulong!"
"Kaunti na lang hahatulan na kita ng parusang kamatayan!"
"Hah! Yun ay kung makakaligtas ka ng buhay sa laban!"
Para silang mga tanga na nag-e-espadahan gamit ang kawawang walis. Sumugod uli si Avanie pero masyado yatang napalakas ang paghampas nito kaya naputol ang walis at tumalsik sa malayo.
"..." pumikit si Avanie nang ilang sandali. "Akina kamay mo."
"Bakit?"
"Puputulin ko. Basta, akina ang kamay mo."
Kumunot ang noo ni Riviel pero ibinigay niya rin kay Avanie ang kamay niya. Sa totoo lang, sobrang nawi-wirdohan siya sa babaeng ito.
Pero mas wirdo siya dahil kahit ayaw niya sinusunod naman niya ang gusto nito.
Pumikit si Avanie sandali at pinakiramdaman ang takbo ng aura ni Riviel. Kung wala siyang makitang paraan kailangan niyang maghanap sa katawan mismo ng Hari.
Nararamdaman niya ang bawat paggalaw ng mga muscles at lamang loob nito pati na ang t***k ng puso. Pero mayamaya pa ay nakaramdam na siya ng kakaiba. Mula sa magkahawak na kamay nila ay dumaloy ang mga pangitain na hindi niya inaasahang makikita mula sa Hari.
Parang mga pelikula na pilit pinapasok sa isipan niya. Malinaw ang lahat ng 'yon na para bang naroon siya at saksi sa mga pangyayari.
Lalabanan ni Riviel si Moon Siklogi, may mangyayaring masama at... nakita rin niyang nakaratay ito sa higaan hanggang sa huling hininga nito.
Biglang napabitiw si Avanie at hinihingal na tumingin kay Riviel.
"Anong nangyari?" nalilitong tanong nito.
"H-Hindi ko alam... may, may nakita akong mga pangitain."
"Pangitain?"
Marahan siyang tumango.
"At anong nakita mo?"
Nag-alangan siyang sabihin dito ang mga nakita niya pero sa tingin niya kailangan itong malaman ni Riviel.
"M-Mamamatay ka."
Katahimikan.
"Seryoso ka ba sa sinasabi mo?"
"Mukha ba akong nagbibiro?!" naiinis na tanong niya. Gusto niya nang pitikin sa noo ang Haring ito sa totoo lang.
"...Matagal ko nang tanggap na kakaiba ka. Sa palagay ko may kakayahan kang makita ang hinaharap." Tumingin si Riviel sa baba. "Kung gano'n matatalo ako ni Prinsipe Moon Siklogi."
"Iyon... iyon ay, hindi iyon ang mangyayari. Hindi si Prinsipe Moon ang papatay sa'yo."
"Hindi siya? Kung gano'n, sino?"
"...."
"Avanie."
"...."
"Bilang pinakamataas na miyembro ng maharlikang angkan sa bansang Ishguria at bilang Hari ng isang bansa, inuutusan kitang magsalita," seryosong sabi ni Riviel.
Wala nang nagawa si Avanie. Isa pa, kahit anong mangyari, kailangan niya talagang ipaalam dito ang magaganap sa hinaharap.
Matamang tinitigan ni Avanie si Riviel bago nagsalita.
"Ako."
✴✴✴
Palubog na ang araw at nagkukulay orange na ang paligid. Matapos ang pulong sa mga Cleric at Hari ng Arondeho ay patungo na ngayon sa paliparan ng Aeroblaze ang grupo ni Haring Neljin Inclair. Hindi pa sila lubusang nakakalayo sa Den Mara pero nakalampas na sila sa isang may kalakihang baryo, hudyat na dadaan na sila ngayon sa isang malawak na kapatagan sa pagitan ng dalawang bundok.
Nakatanaw lang si Draul sa labas ng bintana ng sinasakyan nilang karwahe at pinagmamasdan ang papalubog na araw, samantalang ang katabi niyang si Feer ay panay naman ang pag-aayos ng mga sinulid sa kamay nito.
"Tapos na si Chance, nagawa niya nang maayos ang trabaho niya," imporma ni Feer kay Draul. "Ilang sandali na lang makakasalubong na natin ang grupo."
"Hangal ang dukeng 'yon kung inaakala niyang hindi ko malalaman ang plano niya."
"Ikaw ang dahilan kumbakit pumasok sa isip ni Duke Hamnigel na paslangin ka. Ginalit mo siya nang husto."
Ngumisi si Draul. "Nakita mo ba ang itsura niya kanina? Kung wala lang kaming ibang kasama sa loob ng silid, malamang na sinugod niya na ako."
"Wala sa ugali mo ang unang sumugod kaya inaasahan ko na 'yon," komento ni Feer tapos ay huminga ng malalim. "Pero para sa isang mahinang Nindertal na gaya ni Hamnigel, kailangan ba talaga nating gumawa ng ganito kalaking preperasyon?"
Matagal nang kilala ni Feer si Draul kaya bago para sa kanya ang ginagawa nito ngayon. Kadalasan kasi hindi ito nagpapatumpiktumpik sa isang plano pero simula nang makita nila ang Quinra, nag-iba na rin ang estilo ng mga ginagawa nito.
"Para malaman ang galaw ng kalaban kailangang simulan ang pag-atake mula sa ibaba. Hindi sila kikilos kung walang magpapagalaw sa kanila. Bago mo tirahin ang pinaka pundasyon, kailangan munang tibagin ang harang na nakapalibot dito."
"At ang una sa listahan ay si Lucrias Hamnigel. "
Tumango si Draul at nangalumbaba. "Hindi man lang niya naisip na ang nangyayari ay isang patibong. Inutusan ko si Levic na magpakalat ng maling impormasyon na maaaring maglagay kay Lucrias Hamnigel sa isang alanganing sitwasyon. Alam natin pareho na malaki ang kaugnayan niya kay Bernon Zeis at kapag nabunyag 'yon iisipin ng simbahan na totoo nga ang maling balita."
"Sigurado akong nakarating na sa Hari ng Asturia ang maling impormasyon," sabi ni Feer. "Malamang na kumikilos na sila para patahimikin ang Duke ng Arondeho."
"Walang magagawa si Bernon kundi paslangin ang isang nilalang na nagbibigay sa kanya ng malayang acess sa kalakaran ng Arondeho." Tumawa si Draul. "Subalit alam mo ba Feer?"
"Ang alin?"
"Na bukod kay Lucrias Hamnigel, meron pang isang Nindertal ang nakikipag-ugnayan kay Bernon Zeis."
Kumunot ang noo ni Feer at nagtatakang tumingin kay Draul. "Sino?"
"Zoloren Feverentis."
"Ang Hari ng Arondeho?" gulat na tanong ni Feer.
Hindi niya inaasahan ito. Kung totoo ngang may kaugnayan si Zoloren kay Bernon...
"Hindi para kay Hamnigel ang planong ito. Balak mong hulihin ang Hari ng Arondeho!"
"Wala akong mapapala sa isang Nindertal na mababa ang katungkulan sa isang bansa. Kapag namatay si Hamnigel, madali siyang mapapalitan ni Bernon subalit kung ang Hari ng Arondeho ang makukuha natin, tiyak na magiging malaking kawalan ito para kay Bernon."
"Tatapos na naman ba tayo ng buhay ng isang nilalang?"
Sandaling katahimikan.
"Habang narito tayo sa lupa... isa ito sa mga bagay na hindi natin maiiwasan," sagot ni Draul. "Itinakwil tayo ng langit dahil sa kakulangan natin kaya sa ngayon hindi tayo kasama sa batas na naaayon sa mga mandirigma ng langit. At para maprotektahan ang Quinra, kailangan natin gawin ang lahat ng paraan na mayroon para masiguro ang kaligtasan niya."
"Alam ba ito ng lahat ng Kaivan na nasa lupa?"
"Oo, maliban sa tatlong Dal. Sila ang madalas na kasama ng Kamahalan kaya pinili kong h'wag nang ipaalam sa kanila. Tiyak na malulungkot ang Prinsesa kapag nalaman niya ang ginagawa natin ngayon."
Tumahimik na si Feer at muling pinagdiskitahan ang sinulid sa kamay nito ngunit hindi pa man nagtatagal ay nakarinig na sila ng isang malakas na pagsabog sa harapan ng karwahe. Nasa likuran lang nila ang karwahe ni Haring Neljin Inclair. Hindi nila magiging problema ang Hari dahil ginamitan ito ni Feer ng malakas na sleeping Maji kanina lang.
"Nandito na sila."
May kumatok sa pintuan, mayamaya pa'y pumasok si Chance. "Namiss niyo ba 'ko? Alam ko namiss niyo 'ko, wala man lang bang yakap ng pagbati?"
"Gusto mong makatanggap nang malugod na tadyak galing sa'kin?" asar na turan ni Feer. Kahit kailan talaga napaka-ingay ng isang 'to. "Anong balita?"
Ngumuso si Chance. "Ilang sandali na lang makakarating na rito ang mga mangangalakal, bukod dun meron pang mga dumating na bisita. Isang grupo na may limang miyembro at isa pang grupo na binubuo naman ng walo. Magkaibang kaharian ang pinanggalingan ng dalawang nila. Yung isa siguradong mga utusan yun ni Haring Zoloren Feverentis, pero yung ikalawang grupo hindi ko alam kung saan galing. Sa narinig ko kanina si Draul ang pakay nila."
Isa na namang pagsabog, sa tagiliran malapit sa karwahe naman ito nagmula.
"Heh... balak nilang gamitin ang kaguluhan para maisahan ako? Ilan ang tauhang dala ni Duke Lucrias Hamnigel?" tanong ni Draul kay Chance.
"Higit sa isang daan. Kaunti lang ang Class 1 Maji user, yung iba Class 2 na may matataas na rank."
"Kailangan ba nating mag-ingat?" tanong ni Feer.
"Hmmm... yung isang miyembro ng ikalawang grupo—yung may walo ha—nagtataglay ng kahinahinalang aura," sagot ni Chance. "May palagay akong kasing lakas ko siya."
"Isang Zu-in," turan ni Feer.
"Mukhang mas marami tayong makukuha kesa sa inaasahan," natutuwang wika naman ni Draul. "Chance."
Nagliwanag naman ang mukha ni Chance. "Seryoso ka? Hahayaan mong ako ang lumaban sa Zu-in na 'yon?"
"Bakit, ayaw mo?"
"Sinong tatanggi sa imbitasyon na yan? Ako pa! Maaasahan mo ako kahit kailan!"
"Sabi mo kasing lakas mo siya. Ayaw mo bang makita kung sino ang mas malakas sa inyong dalawa?"
"Siyempre gusto!" ikinuyom nito ang kamao tapos ay sinuntok ang sariling palad. "Mawawala na rin ang pagkabagot ko. Oras na para magsaya!"
"Maghinay-hinay ka. Baliw ka pa naman pag excited," sabi ni Feer.
"Nagsalita ang hindi! Mas baliw ka sa'kin! Nakita kitang pinupunasan bawat buto ni Lou noong nakaraang araw."
Binigyan ni Feer nang malamig na tingin si Chance. "Sinong may sabi sa'yo na sumilip ka sa kwarto ko?"
"Uuhh.... k-kasi ano...."
"Kapag hindi mo natalo ang kalaban mo pagpipirapirasuhin ko ang katawan mo Chance." Banta ni Feer at muli nang inayos ang mga sinulid sa kamay.
Samantala...
Hindi na alam ng kutsero ang gagawin. Kanina pa nagkakagulo sa paligid. Naging alerto na rin ang mga royal guard ni Haring Inclair pero ang mga sakay niya... kung mag-usap parang nagta-tsaa lang.
'Hindi ba sila natatakot? Gusto ko nang umuwi!' lihim na hinaing ng kawawang kutsero.