Chapter 28

1431 Words
Maiksi ang pasensiya ni Lucrias Hamnigel. "Pasabugan niyo sa harapan!" utos ng isang tauhan niya sa mga kasamang gumagamit ng explosive type Maji. "Patamaan niyo hanggang sa masira ang barrier na nakapalibot sa mga karwahe!" Hindi siya ang tipo ng Nindertal na maghihintay lang. Kapag may nais siyang patayin, kailangan niyang magawa ito kaagad. Naiinis na itinulak niya ang isa sa tauhan at tumayo sa harapan. "Iyan lang ba ang kaya niyo? Gamitan niyo ng mas malakas pa!" "Pero mahal na Duke, kapag gumamit pa tayo ng mas malakas na explosive Maji, baka marinig na ng karatig bayan. Gagawa ito ng komosyon." "Wala akong pakialam! Sirain niyo ang barrier!" 'Isang malaking hangal si Draul Vhan Rusgard. Kung sana hindi na lang ito nakialam, walang mangyayaring masama rito.' Hanggat maaari ayaw ni Hamnigel na maugnay kay Draul pero dahil ito ang naatasang mag-imbestiga, malamang na ito pa ang maging dahilan ng pagkamatay niya. "Formation!" itinaas ng tumatayong leader ang kamay nito, mabilis namang bumuo ng mala-pader na harang ang mga tauhan gamit ang Maji. Huminto na ang tatlong karwahe pero hindi pa rin nila tinitigilan ang pag-atake. "Pasabugan niyo na!" mariing utos niya. Tumalima naman ang leader kahit pa may pag-aalinlangan ito. "Tira!" Kasunod no'n ay nagkaroon nang malalakas na pagsabog sa palibot ng karwahe. Napuno ng usok ang paligid nito at ngayon nga ay halos hindi na makita pero unti-unti rin iyong nahawi nang umihip ang hangin. Wala na ang barrier na nakapalibot dito at isa lang ang ibig sabihin no'n. "Nagawa natin!" sigaw ng isang Maji user. "Nagawa nating sirain ang barrier!" "H'wag muna kayong magsaya dahil ngayon pa lang magsisimula ang trabaho natin." "Palibutan niyo at h'wag niyong hayaang may makatakas!" utos ni Hamnigel. "Paano ang Hari ng Eldeter?" "Ako na'ng bahala sa kanya," sagot niya. "Bibigyan ko siya ng pagkakataong mamili sa pagitan ng buhay at kamatayan." Umabante ang mahigit sa isang daang Maji users at pinalibutan ang grupo ni Duke Draul Vhan Rusgard sa layong sapat lang para makapaghanda sila ng depensa kung sakali mang may biglaang atake mula rito. "Hmp! Mukhang natakot na sa atin ang walangyang Duke kaya ayaw nitong lumabas sa karwahe," wika ng tumatayong leader. Subalit iba ang nararamdaman ni Hamnigel. Hindi niya alam kung bakit pero kinikilabutan ang kanyang buong katawan. Pakiramdam niya may mali. Nananatiling alerto ang mga royal guards subalit nakapagtatakang hindi sumusugod ang mga ito. Ang nakakatakot pa ay wala siyang ideya kung anong susunod na mangyayari. SAMANTALA... Pinanonood lang ng walong Nindertal na nakasuot ng brown na cloak ang mga kaganapan mula sa batuhan na kanilang pinagtataguan. Nagsisimula nang dumilim kaya imposibleng mapansin sila roon. "Malinaw na ambush ang ginawa ni Hamnigel at malinaw rin na balak niyang tapusin ang buhay ni Vhan Rusgard," komento ni Mor. "Iyon din ang nakikita ko," Sang-ayon naman ni Awa. "Haha, hayaan niyong magkagulo! Palihim tayong susugod oras na magsimula ang laban," natatawang sabi naman ni Orbi. "Pero nakapagtatakang hindi pa rin kumikilos ang grupo nila? Anong nangyayari?" si Lanir "May hinihintay sila," simpleng sagot niya. "Hmmm... mukhang may binabalak si Vhan Rusgard. Ano sa palagay mo 13th Zu-in?" tanong ni Ranli. Hindi siya sumagot. Tinitingnan lang niya ang nangyayari. Hinayaang makatakbo ng grupo ni Hamnigel ang kawawang kutsero at ngayon nga ay hinihintay ng mga ito na lumabas mula sa karwahe si Vhan Rusgard pero nakalipas na ang ilang sandali ay wala pa ring kahit anong kilos mula rito. 'Nakakapagduda... h'wag mong sabihin na totoong tsismis lang na malakas si Vhan Rusgard?' Napangisi siya sa naisip. 'Kung gano'n madali kong matatapos ang buhay niya!' Tumayo si Trin sa ibabaw ng isang may kataasang bato at tumanaw sa malayo. "May paparating." "Reinforcement?" "Sa palagay ko hindi." Nilingon siya nito. "Mukhang mga mangangalakal." "Mangangalakal? Anong ginagawa nila rito? Hindi ito ang karaniwang ruta papunta sa kapitolyo," turan ni Palm. Ang nag-iisang babae sa grupo. Natigilan ang 13th Zu-in. Imposibleng mapadpad dito ang mga mangangalakal dahil masyadong malayo ang iikutan kung pupunta ang mga ito sa kapitolyo. May mas maiksi at ligtas na ruta, isa pa mabato ang daan na ito at pwedeng pagtaguan ng mga bandido. Kaya nga umiiwas sa bahaging ito ang mga mangangalakal. Teka nga sandali... 'Pero bakit dito naisipang dumaan ni Vhan Rusgard?'  Nanlaki ang mga mata ni 13th Zu-in. Mukhang alam niya na kung anong nangyayari rito. "Hehehe...HAHAHAHAHAHA!!!" "Huy Zu-in hono? Nabaliw ka na?" Binatukan niya si Lanir. "Mukhang nahulog si Hamnigel sa patibong ni Draul." Sandaling nanahimik ang pitong kasama niya, nakuha agad ng mga ito ang ibig niyang sabihin. "Aaah... narito ang mga mangangalakal na 'to para maging saksi tama ba?" Tumango siya. "Gustong palabasin ni Draul na na-ambush nga sila. Kahit patayin pa nila si Hamnigel ngayon, lalabas na depensa ang gagawin nilang pag-atake. Kung sakali namang makatakas si Hamnigel mula rito... sa kulungan pa rin ang bagsak niya." "At ang duke ng Eldeter?" "Makakaalis siya sa gulong ito ng walang pali-paliwanag." "Hmmm... mapanood nga kung anong klaseng ka-dramahan ang gagawin ng kinatatakutang Duke." Nakangising turan ni Mor. "Hindi rin masaya kung basta na lang matatapos ang gabing ito nang wala man lang kasiyahan." Naghikab si Ranli tapos ay naupo sa bato. "Pero ugali ba talaga ni Rusgard na mandamay ng mga sibilyan?" usisa ni Palm. "Mahigit isang daan ang dalang tauhan ni Hamnigel. Para hindi mahalata na isa itong patibong ginamit ni Vhan Rusgard ang mga nilalang na walang kinalaman sa nangyayari. Mapipilitan si Hamnigel na patahimikin ang mga mangangalakal at walang pagpipilian ang mga mangangalakal na ito kundi ang lumaban pabalik," paliwanag ng Zu-in. "May isa pang grupo sa kabila pero mukhang wala silang balak makialam. Nandito sila para manood." Bumalik na sa pagkakaupo si Trin tapos ay ipinatong ang baba sa tuhod. "Hoo... mukhang magiging isang malaking riot to!" sabik na sabi ni Awa. ✴✴✴ "Pinunong Rui, may natatanaw ako sa unahan natin," imporma ng isa sa kasamahan niya. "Mukhang may nangyayaring kaguluhan." 'Na naman? Kanina Baka ngayon naman kaguluhan? Lampas na kami sa oras ng usapan, siguradong malaki ang mawawala sa'min nito.' Inilabas ni Rui ang ulo sa bintana at tinanaw ang nangyayari sa daraanan nila. May isang malaking grupo ang nakapalibot sa kung ano pero hindi niya alam kung ano 'yon. Malapit na sila roon nang biglang humarang ang isang lalaking nakasuot ng metal na baluti. Matangkad ito at malaki ang pangangatawan bukod doon, malaki rin ang hawak nitong palakol. Napahinto ang grupo ni Rui, ilan sa mga kasamahan niyang nasa mababang class at rank ay dahan-dahang umatras at nagtago sa likuran. "Hindi ko inaasahan na may maliligaw na mga mangangalakal dito," simula nito. "Ang mabuti pa bumalik na lang kayo dahil hindi ko rin kayo hahayaang dumaan dito." Sa pagkakataong ito bumaba na mula sa karwahe si Rui at hinarap ang lalaki. Sa itsura pa lang nito alam na niyang isa itong malakas na Maji user. "Maaari ko bang malaman kung anong nangyayari?" tanong niya. "Hmp! Hindi mo na kailangang malaman pa. Sundin niyo na lang ang sinasabi ko." "Malayo ang inikutan namin para makarating rito kaya hindi kami basta na lang babalik nang hindi nalalaman ang dahilan kung bakit ayaw niyong magpadaan dito." Ibinagsak ng lalaki ang palakol nito sa lupa. Malinaw na pinagbabantaan sila nito. Naririnig ni Chance, Draul at Feer ang nangyayari. Ito ang hudyat na hinihintay nila. Naunang kumilos si Feer at lumabas ng karwahe. Naging alerto naman kaagad ang mga Maji user na nakapalibot sa kanila. Inilibot ni Feer ang tingin, halos lahat sa mga ito ay may dalang malalaking armas. Tumayo si Feer sa gitna, tumikhim at nagsimulang magsalita. "Aaah... aaah... tulungan niyo kami... napapalibutan kami ng mga armadong lalaki na inutusan ni Duke Hamnigel para paslangin si Draul Vhan Rusgard... aaah... tulong... tulong," walang kabuhay-buhay na arte ni Feer. Walang ekspresyon at wala man lang kagalaw-galaw! Natampal na lang ni Chance ang noo niya. "Ano yan!? Ni hindi yan papasa bilang panunumpa sa watawat!" "Wala na bang mas sasama sa pag-arte na 'yan Feer?" Nangungunsumi na si Draul. "Tulong! Tulong! gusto ko pang mabuhay, wala akong kinalaman sa Duke, pwede niyo na siyang patayin!" "Oy! Nagbebenta ka ba ng isda!?" hindi alam ni Chance kung magagalit o matatawa siya sa ginagawa ng kasama pero si Draul, isang-isa na lang masasaktan na nito si Feer. "Hindi natin dapat inaasahan si Feer sa mga ganitong bagay." Tinapik ni Draul si Chance sa balikat. "Galingan mo. Kailangang mapaniwala mo sila sa arte mo." "Ako pa! Maaasahan mo 'ko." Lumabas na rin si Chance at seryoso ang mukhang pumwesto sa tabi ni Feer. Muling naging alerto ang mga Maji user, itinutok nila ang dalang armas kila Feer at Chance, pero agad din namang napaatras nang biglang lumuhod si Chance. "Oh hindi! Hindi! Hindi! Hindi! Napapalibutan na kami ngayon! Kailangan namin ng tulong! Kung sino mang nilalang ang nandiyan na may mabuting puso! Nakikiusap ako iligtas niyo kami sa kamay ng walang kwentang Duke na si Hamnigel. Huhu...huhu...huhu!" arte ni Chance na parang namatayan. "Patatahimikin ko na ba ang isang 'to Draul?" kunot noong tanong ni Feer. "Dama kita, pero kakailanganin pa natin ang isang 'yan." "..............."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD