Chapter 29

2516 Words
"Hindi sila normal," seryosong wika ni Awa. "Abnormal," sagot naman ni Ranli. "Sa sitwasyon nila ngayon, dapat takot na sila." "Tama ka Trin. Pero gaya nang sabi ni Awa, hindi sila normal." Namewang si Orbi sabay tinapunan ng masamang tingin sina Feer at Chance. "Gaano kataas ang aurang nararamdaman mo mula dun sa dalawa?" tanong ni Lanir kay Palm. "Kasing taas lang ng pangkaraniwang Class 3 na nasa mababang rank," sagot ng babae. "Hmmm... hindi kaya sadyang hangal lang ang dalawang 'yan kaya hindi nila alam kung ga'no kasama ang sitwasyon na kinalalagyan nila ngayon?" Napaisip si Ranli at Trin sa sinabi ni Mor. Posible 'yon dahil kahit ga'no pa kalakas ang concealing Maji na ginagamit ng isang Maji user, mararamdaman pa rin nila ang totoong lakas nito. "Abnormal nga kasi," giit ni Ranli. Matapos ang karimarimarim at walang kwentang performance ni Chance at Feer ay naging tuliro at alerto na ang lahat, kasama na ang grupo ni 13th Zu-in. "Sa oras na magsimula ang laban, susugod tayo," kunot ang noo at seryosong sabi niya sa mga kasama. ✴✴✴ "Ilabas niyo si Vhan Rusgard!" utos ni Hamnigel kay Feer at Chance. Nagkatinginan muna ang dalawa bago nagsalita si Feer. "Sa pagkakaalam ko, hindi kami sumusunod kahit kanino maliban sa aming amo. At sa pagkakaalam ko rin hindi ikaw ang among yon." "Hindi mo ba ko kilala!?" sigaw ng Duke. "Kilala ka namin! Ang sabi ni Draul, mula ulo mukha kang paa!" pang-aasar ni Chance. "No'ng una ayokong maniwala pero ngayon... napatunayan ko na minsan nagsasabi rin ng totoo si Draul." Lalo pang uminit ang ulo nito nang makitang wala man lang pagbabago sa ekspresyon nilang dalawa. Nakatingin lang sila sa Duke na para bang isa itong malaking tanga. "Sa totoo lang, hindi ko gusto ang ganitong uri ng trabaho," turan ni Feer. Itinaas niya ang kanang kamay na nababalutan ng itim na gloves saka ikinuyom ang kamao. Sa ginawa niyang yon, sampu agad sa mga Maji user ang natumba sa paligid nila. "Pero kailangan kong gawin to para sa aming amo." Pumitik si Chance, kasunod no'n ay ang pag-ilaw ng mga mata niya. Isa sa mga Maji user ang gumalaw tapos ay sinuntok nito ang walang kamalaymalay na katabi. "Anong ginagawa mo!?" galit na bulyaw ng kasamahan. "H-Hindi ko rin alam! Kusang gumalaw ang katawan ko!" pagkasabi no'n ay muling gumalaw ang katawan nito at tinira ang katabi. "Aah!" sigaw ng Maji user nang matamaan. "Hindi sila mga pangkaraniwang Nindertal! Tirahin niyo ngayon na!" utos ng pinuno na humanda na rin para makipaglaban. Inilabas nito ang armas. Isang malaking karit na walang hawakan. "Gida! H'wag kang magtitira ng kahit sinong pwedeng maging saksi rito! Patahimikin mo lahat ng mga mangangalakal na yan!" "Masusunod pinuno!" sigaw ng lalaking nakatayo sa harap ni Rui. Marahang umatras si Rui pagkatapos ay lihim na inabot ang sarili niyang armas na nakatago sa kanyang likuran. Mukhang hindi na sila makakaatras ngayon. Naramdaman din niya ang paghanda ng mga kasama niya, sinenyasan ng mga malalakas ang mahihina na pumwesto sa likuran dahil tiyak na hindi kaya ng mga ito ang ganitong uri ng laban. "Narinig niyo naman siguro ang utos sa'kin," mayabang na turan nito habang binubuhat ang malaking armas. "Tapusin ang lahat at walang ititirang saksi." "Alam mo ba kumbakit pinili kong maging isang mangangalakal?" mula sa likuran ay hinatak niya ang mahabang itim na karit at saka humanda sa pakikipaglaban. "Yon ay dahil ayokong makaharap ang mga kagaya mong kalahating tanga kalahating halimaw." "Anong sinabi mo!?" galit na nilusob siya ng lalaki at akmang hahatiin siya gamit ang malaking armas nito. Pero mabilis si Rui. Madulas ang mga maliliit na bato sa tinatapakan niya kaya madali siyang nakapagpadulas patungo sa ilalim ng kalaban. Nang makahanap ng tamang tiyempo, malakas na iwinaksi niya ang karit at hinati sa dalawa ang lalaki. Bagsak sa lupa ang Maji user. Nanginig pa ang katawan nito bago tuluyang bawian ng buhay. "Masyado nang malaki ang perang nawawala sa'tin." Ipinatong niya ang karit sa balikat at hinarap ang mga kasama. " Kapag hindi tayo nakrating ngayon malulugi tayo. Kaya naman... tatapusin natin ang lahat ng haharang sa daraanan natin. Isa pa..." tiningnan niya ang karawahe ng grupo ni Draul. "Mukhang makakakuha tayo ng malaking halaga sa isang 'yon." ✴✴✴ Sumugod ang tumatayong leader ng grupo ni Hamnigel, tumalon naman si Chance palayo. Hindi niya lalabanan ang Nindertal na ito dahil ang pakay niya ay ang Zu-in na kanina pa nanonood sa may batuhan. Kanina pa siya naiinip pero kailangan niyang magtimpi. Minsan nga lang hindi niya maiwasan kaya ginagamit niya ang kapangyarihan para pag-awayin ang magkakampi. Kaya hayun, may tatlong Maji users na nagsusuntukan sa likod ni Feer. Pwede niyang gamitin ang manipulation para matapos na agad ang gulo kaya lang... siguradong ipapako siya ni Feer, ayaw nitong may nakikialam sa laban nito lalo na kapag nag-umpisa na itong malibang. Bumalot ang sinulid ni Feer sa mga Maji users at sabay-sabay nitong iniangat ang mga yon sa ere saka malakas na ibinagsak sa lupa. Malakas na sigawan ang pumailanlang sa buong paligid. Kasunod no'n ay bumulusok ang malalakas na tira ng mga explosive Maji at iba pang Maji spell sa kinatatayuan nito pero bago pa man tumama rito ang mga yon ay sabay-sabay na iyong sumabog. Napahinto ang mga Maji user. Hindi na nila makita si Feer dahil nabalot na nang makapal na usok ang kinatatayuan nito. Humangin nang malakas at nahawi ang usok at lahat natigilan nang makita ang unti-unting paglitaw ng isang hindi inaasahang nilalang. "A-Anong klaseng halimaw 'yan!?" "Kalansay!" Si Lou. Napangisi si Chance. Lagi na lang kinukuha ng kalansay na 'to ang spot light. Palaging may grand entrance. Tinalo pa si Draul. "Itaas niyo ang depensa!" Subalit hindi na nakakilos ang mga Maji users dahil mabilis nang napuluputan ni Lou ng sinulid ang iba't-ibang bahagi ng katawan ng mga ito. Umikot si Lou, bumuwelo tapos ay inihagis sa malayo ang mga nahuli. Tumama ang katawan ng mga ito sa matitigas na bato. "Argh!" "Ack!" "Gah!" Halos lahat nawalan ng malay, ang iba naman ay nawalan ng lakas para gumalaw. Sa isang iglap kalahati ng mga Maji users ang nadali ng kalansay. 'Nakakainggit naman... kailan kaya balak magpakita ng Zu-in na yon? Anong petsa na o? Paubos na mga Nindertal dito!' "Caarrviaaaann!!!" Limang Maji users ang luminya at sabay-sabay na nagdasal. "Lauron Geill!" "Xeronty Geill!" "Colson Geill!" "Anwel Geill!" "Reven Geill!" Limang Carvian din ang sunud-sunod na nagpakita. Magkakapareho ang itsura pero nagkakaiba sa kulay. Lahat ay nagtataglay ng kapangyarihan ng isa sa apat na elemento. "Lugi tayo nito, wala tayong ganyan," natatawang sabi ni Chance na ngayon ay nakaupo na sa ibabaw ng karwahe ni Draul. "Draul hono mukhang kailangan mo na ring lumabas." "Ayoko ngang pawisan," sagot nito. "Kanina ka pa hinihintay ng tagahanga mo—yung Duke na mukhang paa." "Hindi ako tumatanggap ng panget na tagahanga." "Hindi mo siya pwedeng paghintayin ng matagal, tutubuan yon ng alipunga. Sige ka, ikaw rin, lalaban ka sa isang alipunga na nagkatawang Nindertal." Asar na napahinga ng malalim si Draul. Kahit kailan wala itong panama sa kakulitan ni Chance. Bumukas ang pinto ng karwahe at marahang lumabas mula roon si Draul. "Narito na ang pinaka-importanteng panauhin ng lahat." Pero hindi pa man ga'nong nagtatagal si Draul sa labas ay umatake na mula sa taas si Hamnigel. Sinalag naman ni Draul ang espada nito gamit lang ang kanang braso. Lumikha yon ng malakas na impact, bahagyang nawarak ang tinatapakan nila at malakas na bumuga ang hangin dahil sa pwersa. Napakapit nang mahigpit si Chance sa bubong ng karwahe pero kahit 'yon mukhang malapit na ring bumigay. "Kamusta Duke Lucrias? Mukhang nasa kondisyon ka ngayon para makipaglaban," nakangiting wika ni Draul. Tumalon paatras si Hamnigel. Alam nitong delikado ang kaharap, naramdaman naman ni Chance at Draul ang pagtaas ng protective Maji na nakabalot sa buong katawan nito. 'Hmmm... mukhang magiging magandang laban to!' excited na siyang makita kung pa'no makipaglaban si Draul. Nilingon niya ang kinaroroonan ni Feer. Busy na rin ito sa pakikipaglaban sa mga Maji users at Carvian. Mas exciting para sa kanya ang laban ni Draul kaya nagpasya siyang manatili na lang sa bubong. "Mukhang natunugan mo ang plano ko Rusgard." "Nagkakamali ka diyan," sagot ni Draul. "Gusto ko ang lakas ng loob na mo Hamnigel, dahil diyan bibigyan kita ng isang pabuya. May aaminin ako sa'yo, masyado kang kampante Duke Hamnigel, pa'no na lang kung ang hinuhuli mong daga ay may sarili ring bitag para hulihin ang humahabol sa kanya? Naaalala mo ba?" Natagilan si Hamnigel pagkatapos ay nanlaki ang mga mata. "Ikaw!" "Sinabi ko naman di ba? Isa kang malaking hangal. Ikaw na mismo ang tumalon sa bitag na ginawa ko." "Heh... tama nga ang usap-usapan tungkol sa'yo, tuso ka." Humanda uli ito para sumugod. "Wala na 'kong pakialam sa rason kung bakit mo ginagawa ito dahil dito na magwawakas ang buhay mo! Seitir!" Itinaas nito ang espada, sa dulo no'n ay namuo ang asul na bolang gawa sa purong Shi at bawat segundong lumilipas ay palaki ito nang palaki. "Oras na matamaan ng Seitir ang kahit sinong Nindertal paniguradong tapos ang buhay nito." Iwinasiwas ni Hamnigel ang espada at itinira ang Seitir. Mabilis na pinuntirya ng bola si Draul na hindi gumagalaw sa kinatatayuan. Nang ilang metro na lang ang layo ng bola kay Draul ay dali nitong itinaas ang kaliwang kamay. Umilaw yon, lumikha ng isang malaking Maji circle at hinigop ang Seitir. Sa isang iglap nawala ang bolang tatapos sana sa buhay ng mga Nindertal. "Imposible!" nakangangang bulalas ni Hamnigel. Hindi ito makapaniwala sa nasaksihan. "Pa'nong ang ganong kalakas na Maji ay nahigop nang ganun kadali ng isang Maji circle?" "Dahil may kakayahan akong higupin ang Maji ng ibang nilalang at gawin itong sampung ulit na malakas kesa sa orihinal na lakas nito. Tama na ba ang paliwanag ko? Tandaan mong mabuti ha? Makakalimutin ka pa naman." Napaatras ang kalaban. Sino ba namang hindi? Ikaw kaya tamaan ng Maji na gawa mo na alam mong malakas tapos gawin pang sampung ulit, di ka matatakot? "Binigyan mo 'ko ng isang napakagandang regalo, marapat lang na may ibigay rin ako pabalik." Pinakawalan ni Draul ang Seitir na hinigop ng Maji circle nito at itinira pabalik kay Hamnigel. Nakailag kaagad ang Duke sa takot na mapuruhan subalit hindi nakaligtas ang dalawang Carvian at limang Maji users sa likuran nito. Naabo silang lahat. "Draul, hindi ako nanghihingi ng tulong," reklamo ni Feer. "Pasensiya na, umilag yung target ko e." "Galingan mo Feer! Nandito lang ako para sa'yo!" sigaw ni Chance na kumakaway pa. "Kung ayaw mong mawala manahimik ka dyan." "Sungit!" ✴✴✴ Lumundag nang mataas si Feer at itinali ang sinulid sa matataas na bato para manatili sa taas. Sunod no'n ay pinuluputan niya naman ang isa sa tatlong Carvian na natira. Hindi ito makagalaw at kahit anong spell ang gamitin ng may-ari nito ay hindi ito makawala. Dug! Dug! Dug! 'Ano yon?' Mabilis na lumingon si Feer sa likuran kung saan nanggagaling ang tunog, dalawang Carvian ang humahangos patungo sa kinatatayuan niya pero nagtaka siya nang lampasan lang siya ng mga ito at sa halip ay sinimulang labanan ang dalawa pang Carvian mula sa grupo ni Hamnigel. "Ooooy! Oooooooy!" Tumingin siya sa ibaba, isang lalaki ang nakita niyang tumatakbo at kumakaway sa kanya. "Nandito kami para tumulong! Kami na'ng bahala sa mga Carvian na 'to!" sabi ng lalaki, sa itsura at suot pa lang nito halata na isa itong mangangalakal. Sumugod ang Carvian ng mangangalakal at nakipagbuno sa kapwa nito Carvian. Nagsimula na ring atake-hin ng grupo ang natitirang Maji users at nakakagulat na lamang ang mga ito. Lalo na ang lalaking may itim na buhok na bihasa sa paggamit ng karit. Carvian laban sa Carvian at Maji users laban sa mga mangangalakal na hindi rin magpapahuli sa paggamit ng Maji. "Laban mga kasama!" sigaw ng isa. "Para kay pinunong Rui!" sabi ng isa pa. "Para sa mga halamang gamot na malapit nang masira!" "Para sa malaking halaga ng orie na nawala!" 'Ang lalim ng pinaghuhugutan.' Napakamot na lang sa ulo si Feer at binalikan ang iba pang mga Maji users ngunit saktong pagbaba niya ay siya namang pagsugod ng dalawang hindi kilalang nilalang sa magkabilang gilid niya. Mabuti na lang at dali siyang nakatalon kaya sa lupa tumama ang armas ng mga ito. 'Aah... ang mga hindi imbitadong bisita.' Kasama ito sa mga Nindertal na nagtatago sa batuhan. Yung kanina pa nanonood sa kanila. "Akin ang isang ito Ranli!" mayabang na wika no'ng isa. "Heh... pa'no ba 'yan, Mor? Gusto ko ring makita kung hanggang saan ang ibubuga ng Nindertal na ito." Tumayo ng tuwid ang tinawag na Ranli at itinusok ang hawak na spear sa lupa. "Ranli Wen, Class 1 rank 30 at itong kasama ko naman ay si Mor Bibli, Class 1 rank 14. Bago magsimula ang laban na 'to maaari ba naming malaman ang pangalan mo?" "Tch! Kailangan mo pa ba talagang magpakilala?" reklamo ni Mor. "Siyempre no!" ngumisi ang lalaki. "Para maisama ko ang pangalan niya sa listahan ng mga napatay ko." "Hindi mangyayari 'yan dahil ako ang papatay sa kanya!" Tinitingnan lang ni Feer ang dalawa. Kulay green ang buhok ng nagpakilalang Ranli at Brown naman kay Mor. Katamtaman lang ang pangangatawan ng mga ito subalit hindi maikakailang malakas ang taglay na Shi. "Feer Sterren," aniya na ikinatigil ng dalawa. "Isang Kaivan." "Isang Kaivan?" Nagkatinginan si Mor at Ranli bago sabay na tumawa ng malakas. "Galing mong magpatawa! Hahahaha! Alamat lang ang mga 'yon at kahit kailan hindi nabuhay sa mundong 'to!" tumatawang turan ni Ranli. Nagpunas pa ito ng luha sa mata tapos ay ipinunas naman sa katabi ang kamay. "Masyado ka yatang nagpapaniwala sa alamat ng Quinra. Kinain ka na rin ba ng mga librong binabasa mo?" tanong ni Mor. "Gising gising din sa katotohanan pag may panahon!" Hindi pinatulan ni Feer ang pang-aasar ng mga ito. Hindi siya nagpunta rito para makipag-asaran, baka mamaya pag nagsalita siya mapikon pa ang dalawa kaya h'wag na lang. Tinatamad din siya. Tumigil sa tawanan si Mor at Ranli tapos ay pinukol ng masamang tingin si Feer. Kitang kita niya sa mata ng dalawa ang pagkauhaw sa dugo at mukhang wala sa bokabularyo ng mga ito ang salitang awa. Humangin ng malakas dahilan para magliparan ang mga alikabok sa paligid. Nang Huminto ang hangin ay siya ring sabay na sugod ng dalawa kay Feer. Suntok dito, sipa roon. "Alkiryon!" malakas na sigaw ni Ranli bago itinuktok ang hawak nitong spear sa lupa. Yumanig ang tinatapakan nila, umangat ang mga nawarak na bato at ginamit nito iyon para paulanan ng tira si Feer. Panay lang ang ilag ni Feer sa mga bato. Ang iba ay sinasalag niya gamit ang sinulid sa kamay. Lumitaw si Mor sa kanyang likuran at tinangka siyang saksakin gamit ang long sword nito pero mabilis niyang napuluputan ng sinulid ang armas, pati na ang katawan nito at inihagis papunta sa kasama nito. Sinalo ni Ranli si Mor gamit ang Maji at mabilis na ibinaba ito. Muling sumugod ang dalawa. Mabilis ang kilos ni Mor samantalang si Ranli naman ay panay ang pagpapaulan ng mga bato sa kanya. Naramdaman ni Feer ang aura ng isa pang papalapit na Nindertal. Sa likod ito nagmumula at di nga nagtagal ay lumabas ang isang babaeng may dalang staff. "Lucandrai!" isang malakas na kapangyarihan ang kumawala sa staff nito. Si Feer ang puntirya, sa kasamaang palad, hindi iyon umabot dahil naharangan agad ni Lou. Humarap si Lou kay Feer tapos ay tinapik ang butu-butong dibdib. "Sigurado kang ikaw na ang bahala?" Tumango si Lou. "Sige, pero... Ingatan mong mabuti ang balikat mo. H'wag din malakas ang pagsipa baka matanggalan ka ng binti. At saka h'wag mong masyadong gawing panangga ang katawan mo, minsan kasi bumabaliko yung mga buto kaya medyo mahirap ayusin at higit sa lahat H'WAG KANG MAGHUHUBAD!" "........." "Nakakadiri ang usapan nila," sambit ni Mor. "Sang-ayon ako," kinikilabutan naman na turan ni Ranli.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD