Humarap si Lou kay Feer tapos ay tinapik ang butu-butong dibdib.
"Sigurado kang ikaw na ang bahala?"
Tumango si Lou.
"Sige, pero... Ingatan mong mabuti ang balikat mo. H'wag din malakas ang pagsipa baka matanggalan ka ng binti. At saka h'wag mong masyadong gawing panangga ang katawan mo, minsan kasi bumabaliko yung mga buto kaya medyo mahirap ayusin at higit sa lahat H'WAG KANG MAGHUHUBAD!"
'Seryoso ba ang Nindertal na 'to? Binibilinan niya ang buto-butong 'yan?' hindi makapaniwalang natawa si Palm. "Hoy siraulo! Hindi mo na kailangang bilinan ang kalansay na 'yan dahil babalik din naman siya sa lupa."
Tumalim ang tingin nito sa kanya at sandaling natahimik.
"Tama ako 'di ba?"
"Lou..." nilingon ni Lou si Feer. "Kalimutan mo na lahat ng bilin ko. Gawin mo lahat para ibalik sa lupa ang katawan ng babaeng 'yan, hindi ko palalampasin ang sinabi niya!"
Tumango si Lou saka umikot para harapin si Palm. Itinaas nito ang buto-butong hinlalaki tapos ay iginalaw yon paibaba (thumbs down). Pumitik paitaas ang isang kilay ni Palm sa sobrang asar. Pakiramdam niya iniinsulto ng kalansay na 'to ang lahat ng karne sa loob ng katawan niya.
Buto't buto na ito pero nakadamit pa rin. Walang mata, walang buhok pero may korona samantalang siya, may laman, nakadamit naman ng mahabang palda na may hati sa magkabilang gilid na umabot hanggang sa taas ng hita. Ang damit niyang pang-itaas ay sapat lang para takpan ang kanyang dibdib. May buhok siya, mahabang kulay itim pero bakit wala siyang korona!?
BAKIT MAS MAGANDA PA YONG DAMIT NUNG KALANSAY KESA SA DAMIT NIYA!?
Sumenyas si Lou na sumugod siya. Naasar na naman si Palm. Sisiguruhin niya talaga na walang matitira sa buto butong 'to!
✴✴✴
Mula sa pagkakaupo sa kama ay tahimik na nakatanaw si Riviel sa bintana na walang ibang tanawin kundi ang mga naglalakihang mansiyon ng mga katabi nila.
Sa Heirengrad, basta't may pera malayang umupa ng malalaking mansiyon ang mga Nindertal na nag-aaral dito gayunpaman, hindi malaking isyu ang pagkakaroon ng mataas na titulo.
Nakarinig si Riviel ng tatlong katok sa pinto niya bago pumasok at nagpakita si Regenni. May dala itong isang tray na may lamang isang basong gatas.
"Hindi ka makatulog?" tanong nito saka inilagay ang gatas sa maliit na mesa katabi ng kama niya.
Hindi siya sumagot. Pa'no siya makakatulog? Ang dami niyang iniisip. Ang Ishguria, ang mga ministro niya—na kung pwede lang matagal niya nang pinaghahampas ng pala at nang matauhan—si Moon Siklogi, at ngayon dumagdag pa ang huwad na Prinsesa.
Anak ng Idulan! Kulang na lang sumabog na ang utak niya sa labis na pag-iisip.
"Anong iniisip mo?" untag ni Regenni.
"Si Avanie."
Natigilan si Regenni.
'HaA? Seryoso ba 'tong pinsan ko? Umamin siya na iniisip niya si Avanie? Hindi kaya... teka, teka, teka! Anong gagawin ko? Kailangan ko na bang maghanda para sa gaganaping kasal? E, pero paano kapag hindi pumayag si Avanie na pakasalan si Riviel? ... ... aaah... maghuhukay na ba ako ng libingan para sa sarili ko o maghahanap ng gayuma para sa pag-ibig? Oo! Gayuma na lang!'
"Nakakapanibagong hindi ka makatulog dahil sa pag-iisip sa isang Nindertal," sabi niya.
Napabuntong hininga si Riviel. "Anong iisipin mo kapag umamin sa'yo ang isang Nindertal—"
"UMAMIN SIYA NA MAHAL KA NIYA!?"
Sinamaan siya ni Riviel ng tingin. "Isang segundo, kapag hindi ka lumabas ng kwarto ko ngayon hihiwain kita sa lima."
Napaatras siya sandali pero bumalik din agad sa pwesto. "Mali ba? Hindi siya umamin na may nararamdaman siya para sa'yo?"
"Saan mo naman nakuha ang ideyang 'yan?"
"Sinilip ko kaya kayo kanina, masyadong seryoso ang usapan niyo kaya hindi na ako nagpakita."
Huminga uli ng malalim si Riviel. "Anong tingin mo kay Avanie?"
"Babae." Binato siya nito ng unan. "Ano ba kasi ang ibig mong sabihin?"
"Iyong pagkanindertal niya ang tinutukoy ko."
"Iyon ba? Linawin mo kasi." Napaisip sandali i Regenni. "Matigas ang ulo niya, gayunpaman halata sa kilos at pananalita niya na isa siyang mabuting nilalang. Hindi niya gagawin ang isang bagay kung walang dahilan."
"Iyon din ang tingin ko." Matipid na ngumiti si Riviel. "Reg..."
"Kamahalan?"
"Hindi ko alam kung anong mangyayari sa hinaharap, hindi ko alam kung anong kahihinatnan ng laban namin ni Siklogi, pero kahit ano pa man ang mangyari, may makagawa man sa'kin ng isang malaking pagkakamali h'wag mo silang sisisihin."
"Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong niya.
"Mangako ka sa'kin Reg... na kahit anong mangyari... kay Avanie ka papanig, ipagtanggol mo siya at h'wag na h'wag mo siyang hahayaang mapahamak."
"Hindi kita maintindihan Riviel, anong gusto mong iparating?"
Pero hindi na sumagot ang pinsan niya. Tuluyan na itong nahiga at pumikit. Yumukod siya at muling kinuha ang gatas sa mesa.
Mukhang mas kakailanganin niya 'yon para makatulog.
✴✴✴
"Hachew!"
"Mukhang sisipunin ka kamahalan." Inabutan siya ni Izari ng panyo. "Hindi pa ba kayo matutulog?"
"Kailangan ko pang tapusin 'to. Anim na libro na lang ang kailangan kong ayusin tapos pwede na nating malaman kung ano talaga ang nilalaman ng mga librong 'to."
Tulog na sina Cien at Riri. Si Satari at Fegari naman tinutulungan siyang mag-ayos ng mga pahina ng mga libro na nakuha niya sa lihim na silid aklatan.
"Anong ginagawa nila Draul?"
"Kamahalan?"
"Kanina ko pa nararamdaman ang pagtaas at pagbaba ng enerhiya nilang tatlo. Nagsasanay ba sila ng dis oras ng gabi?"
Umiling si Izari. "Hindi ko rin po alam."
Nararamdaman ni Avanie ang enerhiya ng lahat ng Kaivan kahit ga'no pa kalayo ang mga ito sa kanya. At simula pa kanina, mas aktibo ang enerhiya nina Chance, Draul at Feer.
Hindi niya alam kung anong ginagawa nung tatlo ngunit medyo hindi maganda ang kutob niya.
'Magiging ayos lang kaya sila?'
"Waaah! Satari! H'wag kang matulog dyan!"
Napalingon si Avanie at nakita niyang bagsak na si Satari. Hinigaan na nito ang mga nakakakalat na pahina ng libro. Pinipilit itong itulak ni Fegari pero masyado yatang mabigat ang kakambal.
"Kuya tulong!"
Tumalima naman agad si Izari at itinulak nila palayo si Satari hanggang sa may sala. Tulog pa rin ang bunso, ni hindi man lang gumalaw.
Huminga siya ng malalim tapos ay ipinagpatuloy ang pag-aayos ng mga pahina. Umusog siya nang kaunti at hindi sinasadyang natabig ang isang panulat.
'Panulat?' Dinampot niya ito sabay sulyap sa natutulog na si Satari. 'Hehehe!'
Umitim ang aura sa palibot ni Avanie, doon pa lang alam na ng kambal ang binabalak ng amo nila.
"Pagbilang ko ng tatlo tatakas tayo kuya."
"Ako na'ng bahala kay Bunso!"
"Tatlo!"
"Oy—"
"......" Napakamot sa ulo si Avanie. Nakatakas na agad ang mga Dal. "May araw din kayo sa'kin!"
✴✴✴
Tinanggal ni 13th Zu-in ang espada niya sa lagayan nito.
'Ako... si Hadis Nimue Olanticart ang tatapos sa buhay mo Duke Vhan Rusgard.'
Mahinahon siyang naglakad papunta sa kinaroroonan ni Draul habang iniiwasan ang mga Nindertal na naglalaban sa daraanan niya. Isang Maji user ang di sinasadyang naitulak malapit sa kanya subalit imbes na tulungan, walang awa niya itong hinati gamit ang dala niyang espada. Patay ang Maji user, pinagpatuloy naman niya ang paglalakad na parang walang nangyari.
limampung metrong layo...
Tatlumpung metrong layo...
Sampung metrong layo...
Limang metrong layo...
'Tapos ka na!'
Bumuwelo siya tapos ay sinugod si Draul. Itinaas niya ang espada at handa nang patamaan ito nang biglang humarang sa harap niya ang isang skateboard, doon tumama ang espada imbes na sa Duke ng Eldeter.
"Hindi mo ba alam na sa isang patas na laban, labag ang tinatawag na pandaraya? Kasi nga hindi na magiging patas," sabi ng lalaking nakaupo sa ibabaw ng karwahe. "Alam mo, malakas ka naman e, bakit mandadaya ka pa? Bakit di mo na lang hamunin si Draul sa isang patas na labanan?"
Ngumisi si Hadis. "Wala akong pakialam sa 'patas na laban' dahil ang tanging utos sa'kin ay patayin ang Duke ng Eldeter."
"Pa'no ba 'yan? Nautusan naman ako na labanan ka."
Pumitik si Chance sa ere, kasunod no'n ay bumulusok paitaas ang skateboard nito. Tumayo ito sa ibabaw ng karwahe, tumalon at tinapakan ang balikat ni Draul. Ginamit nito 'yon para makabuwelo at makatalon ng mataas.
"Chance!" galit na sigaw ni Draul.
"Haha! Ang lapad kasi ng balikat mo!"
Pagkarating nito sa itaas ay agad itong sumakay sa skateboard nito at pinasibad 'yon pababa papunta sa kanya.
Agad namang gumawa ng barrier si Hadis para hindi tamaan. Bumangga ang skateboard sa barrier at lumikha yon ng malakas na impact. Nagliparan palayo ang lahat ng maliliit na bato sa paligid nila.
"Hindi pa 'ko tapos." Umangat ang sulok ng labi ni Chance.
Nanlaki naman ang mata ni Hadis nang makita niya ang paglabas ng isang mahabang talim mula sa skateboard, nagawa nitong mapasok ang loob ng barrier at kapag hindi siya gumawa ng paraan katapusan niya na!
"Elkulsiyo!"
Isa itong Maji na kayang lumikha ng barrier na kasing tigas ng bakal. Bumabalot ito sa buong katawan ng Maji user at nagtatagal ng dalawampung minuto. Ang tanging nakakagamit lang ng Elkulsiyo ay yung mga Nindertal na malakas ang Shi. Isa ito sa kakayahan ng mga Zu-in.
Hindi niya inakala na magagamit niya agad ang Maji spell na ito. Hindi maitatangging malakas ang kalaban niya. "... Aaminin ko, hindi ko inaasahan ang ganitong uri ng pag-atake mula sa isang Nindertal na naglalabas ng aurang kasing baba lang ng isang class 3 Maji user."
"Ibig sabihin lang no'n, hindi mo dapat minamaliit ang mga class 3," sagot ni Chance. "Kung ibabase mo sa nakikita at nararamdaman ang lakas ng kalaban mo, madali kang matatalo."
Lumundag si Chance palayo, tinanggal na rin ni Hadis ang isa pang barrier na nakapalibot sa kanya saka hinanda ang espada. Nagsisimula na siyang makaramdam ng excitement, nanginginig ang kamay niya pati na rin ang kanyang kalamnan.
"Minaliit kita noong una pero ngayon, gusto kong makita kung makakaya mo ba akong labanan!" turan ni Hadis.
"Ano pang hinihintay mo? Sugod!"
Iniangat niya ang kamay. "Inofroze!"
Lumikha siya ng isang asul na Maji circle at nag-umpisa itong bumuo ng matatalim at mahahabang yelo. Sabay-sabay niyang pinakawalan iyon papunta kay Chance.
Iginalaw ni Chance ang dalawang kamay at nagulat si Hadis nang huminto ang mga yelo tapos at lumutang lang sa harap nito.
"Isa sa kakayahan ko ang magmanipula ng mga bagay kasama na ang puwersa. Kaya kong manipulahin ang gravity, hangin, tubig pati na ang lupa. Nakakagulat ba? Pero may limitasyon ang lakas ko kaya h'wag kang matakot."
"Hah! Sinong takot?"
"Kung gano'n..."
Ginamit ni Chance ang tira ng kalaban at ibinalik ang mga yelo kung saan ito nagmula.
"Serenica!" Isang malaking bolang tubig ang nabuo sa harapan ni Hadis at ito ang ginamit niya para masangga ang mga yelo. Sumabog yon sa harapan nila kaya pareho silang nabasa.
"Oy! Wala namang basaan! Hindi kaya kumportableng kumilos ng basa ang damit!" Huminga muna nang malalim si Chance tapos ay ibinaba nito ang skateboard nito. Naglabasan ang talim sa palibot sa palibot ng skateboard at naging parisukat ito na may butas sa gitna bilang hawakan, bahagya rin itong lumaki. "Simulan na natin ang totoong laban!"
Pumorma si Hadis, bahagya siyang yumuko, sinusukat ang lakas ng kalaban. Itinutok niya kay Chance ang espada at humanda sa gagawing pagsugod.
Isa...
Dalawa...
Tatlo...
Sabay nawala sa kinatatayuan ang dalawa. Nagpalitan sila ng pagtira. Dahil sa bilis ng pagkilos, hindi makikita ng karaniwang Nindertal ang galaw ng mga ito. Ang paminsan-minsang pagtama ng dalawang metal sa bawat isa sa tuwing nagpapang-abot ang kanilang mga sandata ang pumailanlang sa paligid.
Shink! Shink! Shink!
Sa kalagitnaan nang nagkakagulong mga Nindertal ay dalawang nilalang ang naglalaban. Wala silang pakialam sa mga nasa paligid nila dahil ang tanging gusto lang nila nang mga oras na 'yon ay manalo laban sa kaaway. Ginamitan ni Hadis ng Maji ang espada niya, mula roon ay nakakaya niyang tumira kahit nasa malayo pa. Samantalang si Chance naman ay ginagamit ang manipulation para hindi tamaan ng mga tira nito.
Nagpalitan sila ng tira. Hindi magamit ni Hadis ang Inofroze dahil alam niyang gagamitin lang yon ni Chance laban sa kanya. Three element user si Hadis, kaya niyang kontrolin ang tubig, lupa at hangin kaya nahihirapan din si Chance na gamitin dito ang mga bagay na kaya nitong manipulahin.
"Kleriyo elkesh!"
Nagsimulang umangat ang lupa at mula roon ay nabuo ang sampung mahaba at matutulis na spear. Itinira iyon ni Hadis kay Chance at gaya ng ginawa nito kanina ay muli nitong minanipula ang gravity. Pero hindi doon natapos ang tira ni Hadis, sinundan niya pa 'yon ng Inofroze na lihim niyang pinadaan sa likuran. Itinira niya 'yon matapos ibalik ni Chance ang mga spear sa kanya.
'Hindi niya kayang manipulahin ang ilang bagay nang sabay. Kapag itinitira niya pabalik ang Maji na ginawa ko, nabibitiwan niya ang gravity sa paligid niya.' Napansin niya 'yon no'ng bumagsak ang mga bato sa paligid ni Chance nang itira nito pabalik ang Inofroze.
"Anong---"
Huli na para umilag, gayunpaman sinubukan pa ring kontrolin ni Chance ang mga yelo, nagtagumpay siya kaya lang nadaplisan pa rin siya ng ilan sa mga ito.
'Tch! Kung bilis at kapangyarihan ang pagbabasehan, pantay kaming dalawa. Ang problema lang, siya may utak ako wala.' Tiningnan ni Chance ang braso na ngayon ay dumudugo na. 'Hindi ko rin magawang manipulahin ang isip niya dahil sa barrier Maji.'
Ngumisi si Chance.
'Malapit na...'
Isa pa uling tira mula kay Hadis ang sinangga niya. Sa pagkaktaong 'yon ay mas tinalasan niya pa ang pandama niya para malaman kung may binabalak pa ito.
Huminga uli siya nang malalim bago ibinuka ang mga braso. Nagsigalawan ang tatlong malalaking bato sa itaas, di nagtagal ay lumipad ang mga ito palapit sa kanya.
"Ako naman!" minanipula niya papunta kay Hadis ang dalawang bato at nang malapit na ito sa lalaki ay pinalipad niya ang mga yon pataas. "Sa totoo lang masaya ka kalaban kaya lang nakakainip kung yun at yun na lang ang makikita kong tira mula sa'yo."
Sampu...
Siyam...
Walo...
"Hindi ko gustong natatalo sa isang laban," wika ni Chance. "Pero minsan malungkot din kapag hindi mo alam ang pakiramdam ng pagkatalo."
Pito...
Anim...
Lima...
"Balak mong ibagsak sa'kin ang mga batong 'yan? Yan lang ba ang kaya mong gawin?"
Apat...
Tatlo...
Dalawa...
"Mas mabuti nang subukan kesa sa tumayo lang ako at tanggapin ang lahat ng suntok mo." Ngumiti si Chance ng matamis. "Hanggat hindi zero ang posibilidad may tsansa akong manalo."
Isa...
Tapos na ang dalawampung minuto. Wala ng bisa ang Elkulsiyo.
Kasabay ng pagkawala ng barrier sa katawan ni Hadis ay ang pagkalaglag ng mga bato mula sa itaas.
Gumawa uli siya ng isa pang barrier para pigilang tumama sa kanya ang mga bato pero kumpara sa ginamit niya kanina mas mahina ang nagawa niyang barrier. Idagdag pang marami na rin siyang nagamit na Shi kaya hindi niya magagamit ang Elkulsiyo pansamantala.
'Bool! Sinadya niyang hindi lumaban! Hinintay niyang mawala ang barrier.'
"Lahat ng nilalang kailangang makaramdam ng pagkatalo para malaman nila na gaya ng iba pa, hindi rin sila perpekto. Nang sa gano'n... nanaisin pa nilang mas lumakas at lampasan ang bagay na tumalo sa kanila."
"Wala akong balak magpatalo sa'yo hangal na Nindertal! Kung inaakala mong matatalo mo 'ko nagkakamali ka!" mayabang na sabi ni Hadis.
"Pareho tayo. Wala rin akong balak magpatalo sa'yo. Nangako ako sa aking amo na po-protektahan ko siya hanggang kamatayan at kahit kailan hindi sumisira ang Kaivan sa sinumpaang pangako."
Nanlaki ang mata at namutla si Hadis dahil sa sinabi ni Chance. "I-Isa kang Kaivan?"
Tiningnan niya ng masama ang kaharap. Dinagdagan pa niya ang bigat ng bato, kailangan niyang sirain ang barrier nito. "Base sa reaksiyon mo, alam mo ang tungkol sa'ming mga Kaivan. Oo nga pala, isa kang Zu-in at kasama ka sa mga naghahanap sa Quinra."
"Nakakatawa. Hindi ko inaasahan na sa desisyon ko, makakaharap ko ang isang Kaivan."
"Sabihin mo sa'kin Zu-in, sa anong dahilan bakit niyo hinahanap ang Quinra?"
"Tanga ka? Bakit ko naman sasabihin sa'yo?"
"Heh... hindi bale, di magtatagal malalaman din namin ang binabalak niyo."
ititira na dapat ni Chance ang bato na hawak niya pero biglang bumangga si Lou sa kanya nang tumilapon ito mula sa ginawang pagtira ng Carvian ni Palm. Talsik silang dalawa at napasadsad sa mabatong lupa.
Napaaray sa sakit si Chance, hindi dahil sa pagkakasadsad sa lupa, tumusok kasi sa tagiliran niya yung matulis na siko ng kalansay.
"Aw aw! Lou, masakit! Yung siko mo nanunusok!" Tiningnan lang siya nito at binigyan ng hindi-ko-kasalanan-yon na tingin. "Alam kong mahal mo 'ko pero h'wag naman sa ganitong paraan. Ibang klase ka magmahal e, nakamamatay."
Naasar na ata ito kaya itinutok sa mata niya ang matulis na kuko nito.
"Biro lang ahaha!"