SCYTHE'S POV
MULA SA malayo ay nakatanaw lang ako kay Marcus. Hindi pa man nagsisimula ang tugtog ay wala na akong ibang naririnig sa paligid ko. Ang buong atensyon ko ay napukaw sa kaniya at hindi ko magawang alisin iyon. Hindi ko kayang alisin. Dahil tila awtomatiko nang nakapako ang paningin ko sa kaniya. Parte na siya ng katawan at utak ko na sa oras na makita ko siya, awtomatikong nasa kanya na agad ang atensyon ko.
Huminga ako nang malalim kasabay ng pagpatak ng luha sa mga mata ko. I miss him. I miss him so much.
Kung pwede ko lang ibalik ang nakaraan, hindi na sana ako nakipaghiwalay sa kaniya. Hindi ko sana siya iniwan. Hindi ko sana pinili na saktan siya. Sino ba naman kasi mag-aakala na makaka-survive pa ako sa palagian kong pagsugod sa hospital? Sino ba ang mag-aakala na buhay pa ako matapos ang lahat?
Kahit sa malayo, ramdam na ramdam ko pa rin ang t***k ng puso ko sa kaniya. Minsan nga, gusto ko na lang na magmakaawang balikan niya ako. Gusto ko na lang sabihin sa kaniya na may sakit ako kaya ko nagawa iyon. Gusto ko na lang lumuhod at piliting balikan niya ako. Pero hindi ko ginagawa. Hindi ko magawa. Lalo ngayon na alam kong nakatagpo na siya ng babaeng hindi ko katulad.
Iyong babaeng malakas at hindi sakitin katulad ko. Iyong babaeng sexy, hindi patpatin na tulad ko. Iyong kayang sumabay sa pagod niya, hindi hingalin na tulad ko. At iyong babaeng alam ko na walang-wala ko.
Naaalala ko pa noon kung papaano kami nag-umpisang dalawa. Hindi ko pa rin nakakalimutan kung saan at kailan kami unang nagkakilala.
— Flashback —
"Hoy, Scythe! Ano na? May napili ka na ba?" tanong ni Eury sa akin nang makita niya akong abala sa harap ng bulletin board. Sinisipat ko kasing maigi kung saang club ako mapupunta. At kung anong club ang pakiramdam ko, kakayanin ng oras ko.
Bukod kasi sa pag-aaral, tumatambay pa ako. Ang hirap kayang pagsabayin ng dalawang iyon. Kumakain masyado ng oras ang pagtatambay kaya minsan, wala na akong oras sa pag-aaral.
Ayoko masyadong pahirapan ang sarili ko sa pag-aaral. Kung hindi lang naman required ang club, hindi ako sasali. Dagdag lang ito sa iintindihin ko, eh.
"Maghintay ka riyan, ah. Baka sapatusin kita," pagbibiro ko na tinawanan naman niya.
Si Eury, high school bestfriend ko. Pero hindi kami pareho ng kursong kinuha ngayon sa college. Hindi naman niya kasi hilig ang hilig ko. Kumbaga, napakalaki ng pagkakaiba naming dalawa.
Kung ako, maging sa music, arts and photography, siya naman ay gustong maging nurse. Sobrang layo ng gusto namin sa isa't isa kaya nga nagtataka ako kung bakit naging magkaibigan kaming dalawa, eh, wala namang bagay ang pinagkakasunduan namin. Halos magka-iba nga ang taste namin lalo sa pagkain.
"Bakit hindi mo i-try sumali sa music club?" tanong niya. "Hindi ba't hilig mo naman ang kumanta kahit wala ka sa tono at tumugtog kahit hindi ka naman marunong?"
Gusto kong baltukan ng solid pa sa solid si Eury nang sabihin niya iyon. Mula sa pagiging abala ko sa pagsipat sa bulletin board ay dahan-dahan kong pinihit ang aking sarili paharap sa kaniya nang may matatalim na mga mata.
"Baka gusto mong ihampas ko sa iyo 'tong gitara ko?" pananakot ko sa kanya atsaka kunwaring tinanggal ang strap ng guitar bag sa balikat ko.
Lagi kong dala ang gitara kong ito dahil sabi ko nga,as marami ang oras na iginugugol ko sa pagtambay. At kasabay ng pagtambay ko ay ang paggigitara ko. Isa itong libangan ko pagkatapos at bago ang pasukan. Tumutugtog ako bago ang klase upang gumaan ang mood ko dahil sigurado akong nakaka-stress na naman ang mga ituturo. Pagkatapos naman ng klase ay tumutugtog ulit ako, para mawala ang stress.
"Bawal mag-joke, fren? Bawal?"
Ihahampas ko na sana sa kaniya nang pabiro at mahina ang gitara ko nang maiwan iyon sa ere dahil nabigla ako nang may marinig kaming isang matining na pito.
Napatingin ako sa paligid. Doon ay nakita ko si Frin. Ang baklang Student Council President at male vocalist ng banda na The Revolution. Ang banda nila ay under ng school. Sila rin ang head ng music clubs. Paminsan-minsan ay tumutugtog sila kapag may mga pagdiriwang at aktibidad dito sa university ngunit madalas, nasa ibang eskwelahan sila. Iyong drummer ng banda ang itinuturing nilang leader pero hindi ko naman ito kilala. Si Frin lang ang kilala ko sa kanilang lahat. The rest, hindi na. Lalo na iyong leader. Tapos drummer pa pala, talagang hindi ko siya mapapansin.
Binaba ko ang gitarang hawak at pinanood si Frin na lumapit sa gawi ko. Teka, sa akin ba siya nakatingin?
Tumingin ako sa paligid. Doon ay nakita kong halos lahat ng estudyanteng naghahanap din ng club na sasalihan nila ay nakatingin na sa akin. Teka. Ano bang ginawa ko?
Baka inaakala ni Frin, nakikipag-away ako. Hindi ba niya alam na mag-bestfriend kami ni Eury? Well, hindi naman ako iyong sikat dito sa university kundi iyong kaibigan ko. Kaya sigurado akong halos lahat, alam na magkaibigan kami ng babaeng ito at hindi ko naman sasaktan.
"B-Bakit?" Hindi ko maiwasang hindi mautal nang makarating si Frin sa harap ko.
Matangkad siyang bakla. Hindi naman katabaan ngunit may laman ang pangangatawan. Hindi rin siya payat pero hindi rin maskulado. Halatang walang pakialam sa katawan.
"Tumutugtog ka ba?" tanong niya sa akin at binaling ang paningin sa nakababa ko nang gitara. Dahan-dahan ko namang itinago sa likuran ko ang gitarang hawak.
"Oo, bakit?"
"Kumakanta ka?"
Kumunot ang noo ko dahil sa tanong niya ulit. "M-Medyo." Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.
What's with the sudden question?
"Ay true ba?" Gusto kong tumawa anng bigla ay magbago ang boses ni Frin. Mula sa maskulado boses nang una siyang magtanong. Hanggang sa pambakla nitong tinig.
"Oo?" Hindi ako sigurado sa sagot ko pero siguro naman, wala na silang pake roon? Hindi naman nila mabubuksan ang isip ko.
Totoo namang kumakanta ako. Minsan ay may gig ako, sinasamahan naman ako ni Eury sa ganoong bagay kapag wala siyang duty sa hospital as a student nurse. O kaya kapag walang pasok.
Totoo rin namang tumutugtog ako. Pero hindi ko alam kung bakit ako tinatanong nang ganito ni Frin.
"Hala, mars. Kukunin ka yata sa music club," dinig kong bulong ni Eury sa tabi ko kaya siniko ko siya nang mahina. Saglit ko pa itong sinulyapan at pinangkunutan ng noo at muling ibinalik kay Frin ang atensyon.
"Ayan! Tamang-tama. Kulang kami ng isa."
Nanlaki ang mga mata ko sa tinuran niya. Kaya napakamot ako ng ulo nang makabawi. "Ah, eh, marami naman diyan."
Hindi ko alam kung bakit tumatanggi ako ngayon. Pero isa lang ang sigurado ko, feeling ko, hindi pa talaga kaya ng oras ko.
"Pero ikaw ang gusto ni Marcus."
Kumunot ang noo ko. "Marcus? Sino 'yon?"
"Ayun, oh!"
Kasabay ng pagkakasabi niyang iyon ang pagturo niya sa kinaroroonan ng Marcus na sinasabi niya. Nang tingnan ko ito ay nakita kong nakatingin na siya sa akin kaya naman, agad kong iniwas ang mga tingin ko. Grabe! Para siyang humihigop ng kaluluwa.
Teka… Marcus? Iyon ba ang drummer nila? Bakit ako ang gusto niyang kunin?
Muli ko siyang tiningnan. Ganoon pa rin ang hitsura niya, seryoso at walang bahid ng emosyon. Kaya naman, agad kong natutop ang bibig ko.
Hala!
— Flashback Ends —
Iyon ang oras na una niyang nakuha ang atensyon ko. Matapos iyon ay hindi na siya nawala pa sa isip ko. At awtomatiko na siyang pumasok sa buhay ko nang walang pasabi. Basta niya na lang ginulo ang buhay ko at pumayag naman akong guluhin niya iyon.
But we both ended up happy… before.
Hindi tulad ngayon. Ni tanawin siya, para ng isang krimen.
Hindi ko na talaga yata siya mababawi. Siguro kailangan ko na lang tanggapin ang katotohanang iyon.