Prologue
Nakatingin lamang ang disi-sais anyos na si Lucas sa mga batang naglalaro sa park. Ilang oras na rin siya sa park na iyon na madalas niyang puntahan. Malapit lang kasi ito sa exclusive subdivision kung saan siya nakatira. Bagamat may palaruan din sa loob ng subdivision nila ay mas pinili niya ang park sa labas. Mas nakakaaliw dahil bukod sa mga bata na naglalaro, may mga katulad niyang edad na kababaihan ang naliligaw sa park at madalas ay nagpapa-pansin sa kanya.
Sa edad na disi-sais ay habulin na ng babae si Lucas. Nagbibinata pa lamang siya ay agaw pansin na ang taglay na kaguwapuhan niya. Ngunit sa edad niya, kahit magkandarapa ang mga babae na kaedad niya na magpapansin sa kanya ay wala siyang balak seryosohin ang mga ito. Si Lucas ang tipo ng lalaki na walang balak magseryoso kahit dumating ang araw na tumuntong na siya sa tamang edad. Iyon ang tinatak niya sa kanyang isipan.
Ngunit sa hindi inaasahan na simpleng pangyayari, kahit sabihin mapaglaro siya sa mga babae, sa isang babae lamang tumutok ang atensyon niya na hindi pa niya nagagawa sa iba. At naganap iyon sa mismong araw na nasa park siya.
Hindi kalayuan ay may nakita siyang batang babae na nakamasid lang din sa mga batang naglalaro. Sa hula niya ay nasa edad walong taong gulang ang batang babae.
Mayamaya lang ay tinungo nito ang swing at umupo. Hanggang sa nakita niya na may grupo ng kabataan ang lumapit sa kinaroroonan ng batang babae at sapilitan na ginalaw ang swing. Nagsisigaw ang batang babae para patigilan ang mga ito ngunit hindi nagpapigil ang mga bata.
Dahil hindi kayang tingnan ni Lucas na binubully ng mga ito ang batang babae ay lumapit siya at tinapunan niya ng masamang tingin ang mga ito. Pagkatapos ay nagmamadaling tumakbo palayo.
Nang sulyapan niya ang batang babae ay nakatingin ito sa kanya. Kapag-daka'y umalis sa pagkakaupo sa swing at tinalikuran siya.
"Salamat, ha," sarkastikong saad niya sa batang babae.
Nilingon siya nito ngunit wala man lang itong binitawan na salita. Hanggang sa muli siyang tinalikuran. Napailing na lamang siya dahil sa ugali na pinakita ng batang babae. Naisip niya, kaya siguro wala itong kalaro dahil pangit ang ugali nito.
Paalis na sana ng park si Lucas ng makasalubong niya ang batang babae na niligtas niya kanina sa mga bully na bata. Tila ba hinihintay siya nito.
"What's your name, kuya?" tanong ng batang babae kay Lucas.
"I'm Lucas, and you?"
"Are you an American?"
"My father is German but my mom is filipina."
"Do you speak tagalog?" she asked.
"Yes. Why do you ask?"
"Tinatanong ko lang. Masama ba magtanong?" sarkastikong sagot nito dahilan para matawa ang binatilyo.
"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, ano'ng pangalan mo?" tanong niyang muli sa bata na titig na titig sa kanya. Sa isip ni Lucas, maging ang batang ito ay hindi naiwasan na humanga sa kaguwapuhan niya.
"My mom said, don't talk to strangers," sagot nito na ikinaawang ng labi ng binatilyo. Kalaunan ay natawa siya.
"Hindi ba at ikaw ang unang nag-approach sa 'kin? Sinagot lang kita. Ako naman dapat ang sagutin mo sa tanong ko," nakangiting sabi niya sa batang babae.
Nagsalubong ang kilay ng bata. Kapag-daka'y hinawakan ang kamay niya. "Bago lang kasi kami dito. Pwede ba kita maging kaibigan?" bagkus ay tanong nito.
Napakamot na lamang sa ulo si Lucas. Wala siyang nagawa kung 'di ang tumango.
"So, paano ba 'yan, magkaibigan na tayo. Pwede mo na ba sabihin sa akin ang ginto mong pangalan?"
Nagbabakasakali siya na baka sabihin na ng bibong bata ang pangalan nito.
"Hindi ginto ang pangalan ko, kuya. Jaydee ang pangalan ko. Tandaan mo, ha, Jaydee," pag-uulit pa nito sa pangalan.
Natawa si Lucas sa tinuran ng bata.
Habang si Jaydee ay nakatingin lamang sa tumatawang binatilyo.
"Mag-isa ka lang?" tanong ni Lucas kay Jaydee.
"I'm with Manang Fe. Ayon, oh," turo ni Jaydee sa kasama nito hindi kalayuan.
Palinga-linga ang matanda kaya sa isip ni Lucas ay baka umalis ang bago niyang kaibigan sa tabi nito.
"I see. Ihahatid na kita sa kasama mo. Kanina ka pa yata hinahanap," suhestyon ni Lucas at akmang kakargahin si Jaydee ngunit lumayo ito sa kanya.
"Malaki na ako para buhatin mo. Hindi mo naman ako kapatid para buhatin mo ako. Magkaibigan tayo, hindi ba?" pagpapaalala nito sa binatilyo.
"Oh, sorry. So don't call me kuya, dahil hindi tayo magkapatid, okay?" paglilinaw ni Lucas kay Jaydee.
Tumango si Jaydee at ngumiti.
"Hmm, is it okay if I call you, Dee?" suhestyon ni Lucas sa bagong kaibigan.
Lumawak ang pagkakangiti ni Jaydee sa sinabing iyon ni Lucas. Mabilis siyang tumango bilang pagsang-ayon.
Simula ng araw na iyon ay naging matalik na magkaibigan ang dalawa. Nalaman din nila na magkakilala pala ang kanilang mga magulang kaya hindi naging mahirap sa kanila na makibagay sa pamilya ng bawat isa.
Habang lumalaki si Jaydee ay abala naman si Lucas sa pagpoprotekta sa kaibigan.
"Hoy!" nakasimangot na tawag ni Jaydee sa kanyang kaibigan na si Lucas habang papasok ng sasakyan nito at pabalya na binigay rito ang hawak na sulat.
Galing ang mga sulat na iyon sa mga kaklase niya na may paghanga sa kanyang kaibigan.
"What's this?" maang na tanong ni Lucas sa hawak na mga sulat.
"Bakit hindi mo tingnan para malaman mo?" salubong ang kilay na sabi ng dalaga.
"Ang sungit," natatawang tugon ni Lucas sabay hagis sa backseat ng mga sulat.
"Kitam. Bakit ba kasi ang titigas ng ulo ng mga kaklase ko? Sinabi ko na nga sa kanila na hindi ka interesado, padala pa rin ng padala ng sulat," reklamo niya habang kinakabit ang seatbelt.
"Eh, bakit tanggap ka pa rin ng tanggap?" katwiran naman ng binata.
"Nagpupumilit sila, eh. May magagawa pa ba ako. Nakakapagod mag-isip ng dahilan, ah," nakataas ang kilay na muling reklamo ng dalaga.
Si Lucas naman ay kahit alam ng naiinis na ang kaibigan ay tinatawanan na lang ang reklamo nito. Hindi niya ito masisisi kung parati na lang itong nagrereklamo dahil simula ng makita siya ng mga kaklase nito ay wala ng humpay ang pagpapadala ng mga ito ng sulat sa kaibigan niya para lang ibigay sa kanya.
"Don't worry, last mo ng makakatanggap ng sulat ngayon," sabi niya na may ngisi sa labi.
"Ewan! Sa susunod na may magpadala ng sulat sa 'kin, hindi ko na tatanggapin dahil ikaw na mismo ang kukuha," nakairap na sabi ng dalaga na tinawanan lang ng binata.
"No problem, sweet cake. Ako ang kukuha," makahulugang sambit ni Lucas at pinaandar na ang sasakyan.
"At talagang gustong-gusto mo naman. Makakarating talaga kay Lola Amor iyang pinaggagawa mo Lucasensio. Sa dami ng babaeng gusto magpapansin sa 'yo, wala ka pa napili na ipinakilala kay lola at tita. Hindi na ako magtataka kung tumanda kang binata dahil sa pagiging babaero mo," sermon ni Jaydee sa kaibigan.
Sa edad niyang disi sais anyos ay daig pa niya ate kung makasermon sa kaibigan niyang si Lucas. Sa kanilang dalawa, siya pa ang mas matured mag-isip samantalang walong taon ang tanda ni Lucas sa kanya.
"Sinermonan na naman ako ng ale," natatawang sambit ni Lucas habang nakatuon ang atensyon sa daan. "Paano ko nga ipapakilala kay lola at mama, eh, wala pa ako napupusuan. Gusto mo ba na ipakilala ko sila kahit hindi pa ako sigurado?"
"Sila? Silang lahat talaga?" eksaheradang tanong ni Jaydee saka pinanlakihan ng mata ang kaibigan dahilan para muling tumawa ang binata.
"Of course not. Kung sino lang 'ang deserving. Anyway, bago ko naman ipakilala kay lola at mama, syempre, dadaan muna sa 'yo. Ikaw ang kakaliskis ng isda na mabibingwit ko," biro pa ng binata.
"Baliw ka! Dinamay mo pa ako. Kung ako ang papipiliin mo, mas mabuti ng i-reject ko sila kaysa mapunta sa 'yo!"
"Ouch. Ang sakit, Dee, ha," sabi ni Lucas at hinawakan pa ang dibdib na animo'y nasaktan.
"Huwag mo ako artehan, Lucas. Totoo lang ang sinasabi ko," mataray na sagot ni Jaydee.
"Oo na. As if naman na papayag si lola na may iharap ako sa kanya. Wala naman ibang gustong babae iyon kung 'di isa lang."
Sa narinig ni Jaydee ay napabaling siya ng tingin sa binata. Hindi niya akalain na may napupusuan na pala ang lola ng kaibigan niya.
"Sino?"
"Huwag mo ng alamin. Tiyak na hindi mo rin magugustuhan."
"Hmp! Pangit," sambit ng dalaga sabay irap sa kaibigan.
"Pogi."
"Pogi na mayabang," sagot pa ng dalaga.
"I'm your bestfriend pero grabe mo ako pintasan," nagtatampo na sambit ni Lucas.
"Kaya nga kaibigan mo ako dahil ako ang magsasabi ng mga kapintasan mo. Sabi nga ng karamihan, ang tunay na kaibigan ay nagsasabi ng totoo. So, iyon nga ang ginagawa ko, ang magsabi ng totoo mismo sa harap mo," paliwanag ng dalaga at sinulyapan si Lucas na gusot na ang mukha.
Kahit naiinis ang dalaga ay napawi ang lahat ng iyon dahil sa reaksyon na nakita niya sa kaibigan. Para lang mawala ang tampo nito sa kanya ay hinawakan niya ang kamay nito at nilaro-laro ang daliri. Gawain na niya iyon pampakalma sa kaibigan niya kapag galit o kaya nagtatampo ito.
Lihim naman na napangiti si Lucas dahil kaunting tampo lang ay lalambingin na siya ng kanyang kaibigan. Kahit madalas maasar ang dalaga ng kaibigan ay hindi naman nito matiis ang binata.
"Dee."
"Hmm?"
"Date tayo," pilyo ang ngiti sa labi na sabi ni Lucas.
"Date o chaperone?" pagtatama naman ng dalaga.
Madalas kasi kapag lumalabas sila magkaibigan, amg tarabaho lang ng dalaga ay bilang chaperone sa date ng kaibigan niya.
"Nope. It's a date bestfriends. Ang tagal na nating hindi lumalabas. Busy ka sa studies mo dahil malapit ka na magtapos. Ako naman, busy sa opisina. So, we need a rest."
"Rest ba 'yon eh, lalabas tayo. Makakapag-rest ka ba kung sa paglalakad pa lang pagod ka na?" katwiran ni Jaydee at pinagsalikop ang kanilang mga kamay.
"You are my rest, Dee."