“ABA AT narito na pala ang galing ng honeymoon,” biro kay Rachel ng kanyang mga kasamahan nang bumalik na siya sa trabaho. “Ang bilis naman yata ng balik mo. Isang linggo lang?” tanong pa ng isa sa mga ito. Ngiti lamang ang isinagot niya. Kung siya lamang ang masusunod ay malamang na noong isang araw pa siya pumasok. Ngunit hindi kaagad pumayag si James. Kahit na gusto niyang panindigan ang nais ay waring hindi rin niya kayang magpilit kapag nahimigan niya ang awtoridad sa tinig nito. “Hoy, Rachel, sigurado ka bang kaya mo nang mag-duty?” biro naman ni Lea. “Baka naman nanginginig pa `yang mga tuhod mo dahil sa sobrang puyat?” “Hay, naku, tigilan n’yo nga ako,” saway na lamang niya na napapailing. Alam na alam niya kung ano ang tinutukoy ng mga biro nito. Halos

