Tatlong taon mula nang itayo ni Elijah ang Aria Developments.
Mula sa iilang low-cost housing sa probinsya, lumawak ito sa mga karatig na lalawigan — Laguna, Batangas, Pampanga, at Bulacan.
Lahat ng proyekto nila ay laging sold out, kilala sa kalidad, at higit sa lahat, abot-kaya.
Sa tuwing may ribbon-cutting ceremony, palaging naroon ang media.
Ang dating simpleng dalagang probinsiyana na halos walang makain noon, ngayon ay isang CEO na tinitingala.
Sa unang pagkakataon, lumabas ang pangalan ni Elijah Aria sa isang national business magazine na may pamagat:
“Ang Babaeng Nagpapayanig sa Real Estate Mula Probinsya.”
At doon nagsimulang umingay ang kanyang pangalan sa Maynila.
Sa isang matayog na gusali sa Makati, sa opisina ng Villareal Properties, hawak ni Lucas Villareal ang nasabing magazine.
“Aria Developments…” mahinang bulong nito habang nililipat ang pahina.
“Ang bilis nilang lumago. In just three years.”
Napatingin si Clara, na noon ay abala sa kanyang desk.
“Aria? Hindi ko pa naririnig ‘yan. Probinsya-based lang siguro,” malamig niyang tugon, habang pilit na hindi ipinapahalata ang kaba.
Ngunit may kakaibang kutob si Lucas.
“Ma,” ani nito, “nagsisimula na silang sumali sa mga bidding para sa mga proyekto sa Maynila. Kung hindi natin sila babantayan, baka maging direct competitor natin.”
Bahagyang napatigil si Clara. May malamig na kilabot na dumaan sa kanyang katawan — hindi niya alam kung bakit, pero tila may aninong paparating.
“Then make sure they won’t last,” mariin niyang sagot.
Ngunit sa kanyang isipan, paulit-ulit ang pangalang iyon.
Aria. Aria. Aria.
Samantala, sa kanilang bagong opisina sa Bulacan, pinagmamasdan ni Elijah ang mapa ng Metro Manila na nakadikit sa pader.
Isa-isang naka-pin ang mga lugar na target nilang pasukin: Quezon City, Taguig, Pasig, at sa huli — ang mismong Makati, kuta ng mga Villareal.
Lumapit si Rafael, may hawak na folder.
“Lumalakas na ang ingay natin sa industriya. May mga investor mula Maynila na gusto nang pumasok,” wika niya.
Tumango si Elijah, malamig ang titig.
“Gusto ko pag sumabak tayo sa Maynila, hindi lang basta tayo kakumpitensya… kundi banta.”
Tahimik silang nagkasundo.
At sa mga ilaw ng opisina, makikita sa mga mata ni Elijah ang apoy na matagal nang pinipigil.
“Simula pa lang ito,” bulong niya sa sarili.
“Kapag nakapasok na tayo sa Maynila… doon na magsisimula ang tunay na pagbagsak nila.”