“SAAN ka galing?” tila militar na sita ni Rico kay Audrey. Nasa labas ito ng gate at walang dudang nag-aabang sa kanya. “Sa clubhouse. May tinawagan ako,” kaswal na sagot niya. “May telepono naman ako sa bahay, ah. Bakit hindi ka na lang sa akin nakitawag?” tila naninita pa ring sabi nito. Sa kanilang dalawa ni Rico, ito lang ang nagpakabit ng landline. Ito na rin ang nagsabi sa kanya na hindi na niya kailangang gumastos pa ng para sa sariling linya dahil malaya naman siyang makigamit doon. “May bisita ka po. Ayokong mapagsabihan mo akong asungot!” Pumasok na siya sa bakuran pero hinayaan niyang nakaawang ang gate dahil alam naman niyang susunod pa ito. Hindi nga siya nagkamali. Pumasok na nga rin ito pero itinrangka muna ang gate bago tuluyang sumunod s

