Kolas’s POV
Bwisit, ang sakit pa rin ng tagiliran at likod ko. Kada lakad ko may parang tumutusok sa aking sakit sa bawat parte ng katawan ko. Gaano katagal ko ba itong titiisin?
“Hahaha, kaya ng bata pa si Sesp, hiniling niyang malaman ang kalawakan ng mga lupa! Kung saan pinayagan maglakad ng langit ang mga buhay na papakpak, doon’y ay mapupugad ng siyang mga paa ni Sesp! Makikita niya ang mga hangaring hindi niya inaakala, doon’y siya nararapat magpunta!”
At eto, at eto ang dagdag sa kanina ko rin dapat tiisin. Kanina pa ata nagkwekwento ng tala ng buhay yan. Nga pala si Sesp rin ang nagsasalita. Napailing ako sa pagka-determinado niya sa pagkwekwento. Akala niya talaga ang daming nakikinig sa kanya, eh kung ako nga ang papapiliin, bakit naman ako makikinig? Wala naman kasing papauntungan yung mga binabanggit niya. Tsaka mukhang aliw na aliw rin siya sa kanyang sarili kaya bakit pa ako magtatanong o makiki-interest sa kwento niya? Sarili lang niya ang kailangan at tignan nyo, ang saya na niya. Samantalang ako naiinip na. Si Morha rin, tahimik at halatang naiingyan sa kanya.
“Hoy, bakit ganyan magsalita yan?” pansin ko kasi parang ang matalinghaga ng pagsasalita niya, parang hindi pang karaniwan. “Bakit gamit niya ang sarili niya sa kwento na parang ibang tao. Kung maka-‘Sesp’ siya, bakit parang hindi siya iyun? Eh diba pangalan niya Sesp? Bakit kailangan pa niyang banggitin?”
“Ganyan talaga magsalita ang mga Liwblus.” hindi nakatingin na sagot sa akin ni Morha.
“Eh ikaw, bakit hindi ko nakikinig na binabanggit mo ang pangalan mo pag nagsasalita ka?”
“Ayaw kong pag-usapan ang sarili ko, kaya ayaw kong isali.”
“Pero ganyan ka rin magsalita o sadyang may mga tao lang na gusto ibida ang sarili nila?”
“Liwblus.” seryosong hinarap niya ako. “Liwblus, hindi tao.”
“Oo nga, oo nga. Liwblus, eto oh. Pasyensya, tao lang nagkakamali.” nagtaas pa ako ng kamay sa akto na sumusuko. Edi sila na ang perpekto.
Umirap lang to. “Nagkakamali rin kami, pero kailangan mo na kaagad makuha ang pinagkaiba namin sa inyo. At nagsasalita rin ako ng ganun, nang binabanggit ang sariling pangalan sa bawat salita. Liwblus ako kaya anong magagawa ko? Ganun din ako magsalita.”
“Hindi ah. Gumagamit ka kaya ng ‘ako’, hindi ng pangalan mo. Ang labong nakinig ko na ang pangalan mo sa kahit anong isang pangungusap mo dati. May ganun, oo, pero sa hindi ka nagpapakilala? Imposible, hindi ka ganyan magsalita.”
“Gayan ako magsalita. Liwblus ako, dito ako lumaki sa mundo namin, saan mo pa ako inaasahang matutong magsalita ng kakaiba?” nagtapon siya sa akin ng masamang tingin.
Hay galit na naman siya.
“Ngayon, at mula pa nung nakilala kita, lahat ng pananalita mo sa akin malayo sa kung paano magsalita yung Liwblus na yun.” tsaka ko tinuro si Sesp ng di niya alam.
“Hindi mo ata naiintindihan. Naging ganito lamang ang pananalita ko dahil sayo. Kailangan kong magsalita sa alam mong paraan, dahil kung hindi, ano ang maiintindihan mo dito? Ano, gusto mo hayaan na lang kitang maging isang sanggol sa paghahanap mo ng pag-intindi sa mundong to?”
Wala akong masabi. Kung makapagsalita siya parang ang laki ng utang na loob ko sa kanya ah! Na porque nakakapagsalita siya sa kaya kong intindihin, di na kaagad ako mabubuhay, ganun?! Asa! Marunong akong magsarili, hindi ko kailangan ang lengguwahe nila! Matututo ako ng akin!
Tumuro ako sa bibig niya. “Ngayon, ngayon ka lang naging Liwblus. Sa dulo lang ng sinabi mo, dun ka lang naging medyo malalim pakinggan.”
“Anong sabi mo?!” biglang siyaw niya.
“Oh, ang lakas. Hinay-hinay lang. Pasyensya, kalma. Bawal pa akong makipagbatakan sayo sa sigawan. Ang sakit pa ng likod ko oh.” tumalikod ako para ipakita at ipaalala sa kanya ang kalagayan ko. Mas inirapan pa niya lalo ako.
“Tsk’, maghinay-hinay ka rin. Hindi mo alam niyang sinasabi mo. Iba kaming mga Liwblus magsalita. Hindi kami mabilis magbigay ng paggalang sa kahit na sino man. Wala kaming mga ‘po’ o ‘opo’ katulad ninyong mga tao. Tanging ang pagsabi ng respeto at paggalang lang ang binabanggit namin para matamo iyun ng gusto naming pagbigyan. Tumungo lang kami at tapos na, binigyan mo na sila ng karangalan. Sa ganung pagkakataon, inangat mo sila sa kanilang antas.”
“Ganun lang kadali iyun? Mas mataas na sila sa ordinaryong mamayanan?”
“Oo, kaya’t wag na wag kang magpapataw nun sa kahit sinong inakala. Kung matatamo ng iba ang respeto, nararapat lamang na gawin din iyun ng ibang nakakababa sa kanila.” biglang sagot ni Sesp na nakisali sa usapan, ngumiti ito sa akin at kumamot sa ulo. “Hehehe, naiintindihan ba ang paliwanag ni Sesp? Unang sinusubukan pa lang niya ang kakaibang paraan ng pagsasalita mo.”
Sinusubukan niyang magsalita sa lengguwahe ko?
“Naiintindihan naman kita ah. Bawasan mo nga lang yung mga malalalim mong pangungusap. Ang lalaim kasing pakinggan, medyo kakaiba lang. Siguro rektanin mo, wag mo nang guluhin pa yung mga salita.”
“Hindi niya kaya yun. Ngayon pa lang siya natututo sa lengguwahe mo, siguro dahil sa pakikinig.” tinapik ako Morha sa balikat, naagaw niya ang attensyon ko. “Hindi mo ba napapansin, may iba kaming lengguwahe, pero bakit mo naiintindihan?”
“Naiintindihan mo ang aming bigkas?!” masaya at hindi makapaniwalang tanong ni Sesp. Sinabayan niya ang malaking tanong sa utak ko.
“Paano ko kayo naiintindihan?!”
“Ang lakas ng boses niyong dalawa ha. Isa pang ganyan, kayo naman ang sisigawan ko.” pagbanta ni Morha at dinuro kami pareho. “Tsk’, nakaka-intindi ka dahil sa paglipat ko ng nalalaman ko sayo.”
“Ibigsabihin?” sabay namin ni Sesp na tanong. Yung seryoso, nakakatakot ang lalaking to. Parang nababasa niya ang lahat ng nasa isip ko.
“Ang dali-dali tapos hindi nyo makuha? Ang ibigsabihin nun, nasa iyo ang kalhati ng kakayanan kong magsalita sa lengguwahe namin. Ganun din ako, kinuha ko ang kakayanan mong magsalita sa lengguwahe niyo para maintindihan kita.”
“Pero hindi mo naman kinuha lahat ng mga kakayanan ko diba?!”
Tahimik niya akong nilisikan. Mas natakot ako, baka kinuha nga niya! Dahil sa kailangan ko ng sagot, inuga-uga ko siya sa balikat niya.
“Wag. Baka baliin ko yang kamay mo. Kita mo naman may sugat ka pa, baka talagang hindi ka na makalaban sa susunod.” masama niyang tinitigan iyun. Mabilis kong binawi ang sariling kamay. Mahirap na, baka mabawasan bigla ang parte ng katawan ko.
“Ano nga kasi? Bakit ka kuha ng kuha?!”
“Wag kang sumigaw! Pakinggan mo nga niyang sarili mo! Kung kinuha ko lahat, bakit nakakapagsalita ka pa rin ngayon sa nalalaman mo?!”
Hindi ako sumagot pero sinukat ko siya sa tingin. Naglalaban kami ng tahimik gamit ng mata. Ang yabang nitong babaeng to.
“Tama, walang hinala.” masayang pinatong ni Sesp ang kamay niya sa balikat ko. Ngumiti siya na naninigurado. “Sangayon si Sesp! Nagbabalagtas ka ng bigkas ninyong lengguwahe sapagkat may mga letra ka na hindi naangkop sa panibagong nalalaman ni Sesp!”
Ano daw? Bakit mas gumulo? Yung seryoso, ang kakaiba ng pananalita niya. Kahit sa pang tao siya nagsasalita, at nakakabuo ng mga salita, ang gulo pa rin ng ibigsabihin niya.
“Ha? Mas hindi ko maintindihan? Kung tama ako ng pagkakaintindi, bakit nakakapagsalita ka sa lengguwahe ko?”
“Nagsasalita si Sesp sa lengguwahe mo dahil sinusubukan niya, pero yung mga kawal na humabol sa atin kanina, hindi mo dapat sila maiintindihan dahil sa purong lengguwahe namin sila nagsasalita.” paglilinaw ni Morha.
“Hindi ah. Naiintindihan ko rin sila. Oo, may ibang hindi, pero naintindihan ko ang iba sa kanila.”
Sa pagkakaalala ko kinausap ko sila. Yung isa ngang nakipagyabangan pa sa akin, nakipagsagutan pa ako. Oh, edi ibigsabihin naiintindihan nila ako.
“Kaya nga, naiintindihan mo, pero dahil iyun sa kapangyarihan ko.” bumalik ang mga nanlilisik na tingin niya sa akin. May kasama rin iyong sama ng loob, ramdam ko. “Kaya pwede ba? Wag mo masyadong gamitin.”
Alam ko ang pinupunto niya. Sa sobrang diin ang bawat pagkakasalita niya, siguro sinisisi na niya ako. Pero di ko kontrol yun ha! Kusa na lang akong nakakaintindi! Paano ko gagamitin yun, eh wala nga sa kontrol ko!
Nauna siyang maglakad, mas mabilis kesa sa aming dalawa ni Sesp. Paniguradong gustong dumistansya dahil naiinis na naman siya, Ako, mabagal talagang maglakad dahil hindi ko kaya, pero si Sesp. Si Sesp? Paano ba si Sesp?
Ah....meron lang naman siyang malaking bagaheng dala, yung talagang para sa mga manglalakbay. Kulay kape rin iyun, may mga malalaking bulsa sa unahan, likod at gilid, tapos may mga bagay na bilog o papel ang naruon. Marami siyang bitbit pero hindi ko pa alam. Ang alam ko lang nasa kanya ang mga gamot ko. Mensahero siya kaya may daladala niya ang mga sulat, hanggang ngayon. Ewan ko nga kung paano niya ipapagpatuloy ang trabaho niya.
“Sigurado ka bang kaya mong ibigay ang lahat ng mga sulat na iyan?”
“Walang duda!” lumawak ang ngiti niya sa kasiguraduhan. “Ang lahat ng mga liham na ito ay may pag-uukulan! Lahat ito ay nilikha ng may tiyaga at hangarin sa purong kalooban, kaya’t hindi mawawaksi, makakarating sa sariling hantungan! Darating ito sa kamay ng dulo!”
Hantungan? Dulo? Grabeng pananalita yan, nakakatakot! Napakaweirdo nitong Liwblus na to!
“Oi Morha! Teka nga muna! Intayin mo ako!” pagtawag ko sa kanya. Hindi ko kakayaning maiiwan dito sa likod. Baka pag napakwento ulit to, mas lalong sumakit ang katawan ko sa pagkakamot. Hindi ko kayang intindihin ang mga sinasabi niya! Ito ngang paglalakad tinitiis ko na, tapos dadagdag pa siya?! Ay ewan ko sa kanila!
“Makukupad kayo!” sigaw ni Morha pabalik at mas binilisan pa ang lakad. Wala talaga akong maasahan sa kanya. Biruin yun, paalala lang ha! Sa kanya ko kaya nakuha ‘tong sakit ng katawan ko ngayon, tapos intayin lang ako hindi pa magawa?! Aba, pag naging tunay talaga iyang hari-hari na sinabi niya—makikita niya. Ultimo talaga sa bawat paglalakad ko magpapa-alalay ako!
“Kayong dalawa ay nagkakilala na sa mahabang panahon?”
Ayan na nga po, nagsisimula na ‘tong katabi ko! Kung ano-ano na naman ang sasabihin nan.
“Ang ibigsabihin mo ba ay kung matagal na kaming magkakilala?”
Patanong kasi ang tunog niya ngunit parang normal sa pasalita lang niya binanggit yun. Tunog parang may napansin lang siya tapos gusto lang niyang sabihin. Yung tipong wala lang. Hindi nagtataka o hindi nagkwekwento. Wala lang, parang bigla lang niyang nasabi.
“Gayun na rin. Parehas nga.” pagtango niya.
“Hindi, kanina lang rin. Siya ang nagdala sa akin dito, kaya siya rin yung una kong nakausap.”
“Ngunit sa pangalan ay napili mong magtawag.”
“Pangalan niya? Yung bang sa pagtawag ko? Bakit? May iba ba dapat? Yun ang pangalan niya diba? Kaya yun ang ginamit ko.”
Wag nilang sabihing pati sa pangalan may karangalan rin?! Pag nag-oo talaga siya, ititigil ko na ang pagtratrabaho ko, at mag-iipon na lang ng karangalan. Aba, ang daming simpleng bagay ang nagagawa ko para bigyan sila—-natural, manghihingi ako ng kapalit. Dyan pala ako yayaman eh!
“Hindi saklaw ng kaalaman ni Sesp ang ngalan ng babae.”
“Oh, edi alamin mo.” napailing ako. Siya nga pala si Sesp, damay nga pala lagi ang pangalan niya. Hay, Liwblus. Buti ang talino ko at hindi ako nalilito sa inyo. Ang dali-dali, tapos papahirap ang sarili. Ay ewan.
“Iyun ay para pa sa nararapat na mahabang nag-iintay na panahon. Kalakip ng ngalan—-ang pagtawag sa ngalan ng isang Liwblus ang pagtanggap at pagkilala sa ginintuang tiwalang nakapako sa sumpang buhay. Iyun ay iyong natanggap rin kanina sa pagbanggit mo ng ngalan niya.”
“Teka, hindi ko maintindihan. ‘Ginintuang tiwala’? Tapos ‘sumpang buhay’? Alin sa dalawa ang dapat kong isipin? Kasi parang hindi ata magkaparehas ang ibigsabihin ng dalawang iyun. Ang swerte nung una, pero mas nag-alala ako doon sa huli mong sinabi. Kung pagsasamahin sila sa iisang pangungusap, parang away ko na lang mamili. Ang dami palang kapalit eh.”
“Gayun na nga. Iyun ang kalakip na kapalit ng pagbanggit ng ngalan ng isang Liwblus.”
“Talaga?” nagulantang ako. Talaga?! Bakit hindi kaagad sa akin sinabi ni Morha?! Kaya pala wala siyang sinasabi, gusto niyang mapahamak ako!
Tsk’, ang hirap niya talagang pagkatiwalaan. May isang minutong ang sabi ililigtas daw ako, yung pala siya ang gustong tumudas sa akin!
“Panigurado, walang bahid. Kaya’t nasa palad niya ang suwerte sapagkat mahirap matamo iyun.” mas nakangiti pa niyang pagpapaliwanag. Pero walang maliwanag! Ang gulo!
“Suwerte siya?! Bakit? Pwede ba, simplehan mo nga ang pananalita mo. Lumilipad na sayo yung usapan oh!”
Napakamot siya sa ulo, naguluhan rin ata siya sa akin. Ang pagtingin niya sa taas ang nagpahiwatig na sinusubukan niya pang mag-isip ng ibang paraan para magkaintindihan kami.
“Ang gustong ipahiwatig ni Sesp ay kung kanyang ngalan ang gamit mo.” sabay turo nito sa gawi ni Morha. “Iyong—-iyong angkop na tinggap siya ay kilalanin sa—sa kanyang tiwala. Sa madaling salita, ‘ginintuang tiwala’ sapagkat iyun ay walang kapantay na pagkilala sa kanyang katapatan! Hangang sa kanyang katapusan, ito ay kanyang kasunduang hindi ka niya pagtataksilan, at mananatili sa tabi mo! ‘Nakapako sa sumpang buhay’, dahil kailangan man hindi pwedeng limutin o bahidan!”
Ngumiwi ako sa pagtango niya. Kung makatango siya parang may nagbago sa pagpapaliwanag niya. Tsaka, ayos ah. Ramdam na ramdam niya yung pag-intindi niya sa sarili niya.
Tsk’, mahaba-habang panahon pa bago ko siya maiintindihan. Mga Liwblus oh, ang hihirap intindihin.
Si Morha walang pagkakalagyan ang ugali. May minsan akala ko okay siya at kalamado, pero sa isang segundo, bigla siyang naninigaw at magagalit. Minsan ang tino kausap, minsan ayaw magsalita. Minsan babaeng babae sa galaw, pagkatapos ayun, may espada na at nagwawala. Ang gulo diba?
Idagdag pa ‘tong Sesp na to. Hay, wala pa akong maintindihan sa kanya. Parang siyang isang konyo pero hindi talaga. Siya yung tipong unang klase pa lang sa sariling literatura, biglang nagmarunong na uma-accent pa pero lipad yung mga sinasabi at walang tuwid na gustong sabihin. Kung kamag-aral ko siya, siguro binagsak niya ang grado sa paksa ng Pilipino.
“Naiintindihan ko na. Pero sino ang tumanggap ng ‘ginintuang tiwala’ para sa ‘sumpang buhay’, ako ba o yung babaeng yun?” tinuro ko ang nangunguna sa amin.
“Kinig kita! Bwisit ka, babaliin ko ang kamay mo! Wag niyo akong pag-usapan!”
Umurong ang paa ko sa sigaw niya. Pati si Sesp ay ganun din. Sinipat ko ng tingin ang pagkakaurong ng paa niya. Aba, masamang pangitain. Parang parehas ata kami nitong matatakot sa babaeng yun ah.
“Siya, siya ang binigyan mo ng karangalan. Siya dapat ang maglilingkod sayo na hindi ka pagtataksilan sa kanyang kabuoang alay na buhay.” mahinang sagot ni Sesp na medyo nakangiwi na rin pero sa takot. “Ngunit bakit tila ata ikaw ang siyang mapupunta sa kanyang kalagayan. Bakit ikaw ay pinagbabantaan?”
Huh? Si Morha ang may ginintuang tiwala, tiwala na binigay ko daw, pero bilang kapalit kailangan niyang hindi magtaksil sa akin sa buong buhay niya. Walang duda, tama nga siya, sumpa nga iyun.
Tinapik ko siya sa braso. “Naku, ganyan talaga magsalita yan, napakabarako at angas. Kita mo na, kaya ako naguguluhan sa mga sinasabi mo. Hindi dahil sa pagsasalita mo, kundi dahil iba yung nangyayari.” umiling ako sa pagdradrama.
Siya na lang ata ang pwedeng makaintindi sa akin kaya bakit hindi. Pwede kaming maging magkaibigan, magandang may napapagsabihan ako ng mga weirdong bagay na nararanasan ko. Pakiramdam ko magkatulad kami nitong si Sesp, napakabait niyang Liwblus. Binabawi ko na ang lahat kong sinabi tungkol sa kanya. Buti pala at napasama siya sa paglalakbay na to. Hindi siya maligalig katulad nung isa doon sa unahan na pabida-diba sa lahat.
"Pero kahit sino pwedeng magbigay ng karangalan sa kahit na sino?" pagbalik ko sa usapan.
“Imposible, hindi naiibigay iyun. Inaani talaga. Ngunit ikaw ay nagbibigay ng hindi pinaghihirapan? Wala ka pang natatanggap na kanyang pinanghahawakan galing sa babaeng binibigkas natin?”
Hindi ko alam kung ano ang pwede kong isagot. Ewan ko kung ano ang natanggap kong pagtulong galing kay Morha na pwedeng sabihing ‘kanyang pinanghahawakan’.
“Ah, hindi ko pwedeng sagutin yan. Ang gusto ko lang malaman kung kahit ba ang normal na mamayanan kayang magbigay ng karangalan sa mga mas matatas sa kanila.”
“Punto yan, panigurado. Ngunit sa ordinaryo, sila ay mas mababawasan sa pagbibigay. Sa nakakataas ng iba, ikakababa naman ng sarili. Ngunit kung ikaw ay ordinaryo at tumanggap sa kawal o sa mga nasa lingkod ng kaharian, malaking pagbabago ng estado ang iaakyat mo. Ngunit walang sadyang ikakabawas sa kanila ang pagpataw.” bumaling siya sa akin. “Ikaw ba ay walang ideya sa kasunduang iyun?”
“Kasunduan? Wala akong alam dyan. Bakit, kailangan bang ibigay ang pangalan para pagkatiwalaan?”
“Para sa isang Liwblus, hindi basta ang pagpapakilala. Katulad ni Sesp kanina, siya’y nagpakilala, ngunit hindi tatawagin siya ng iba sa pangalan nila upang hindi mawalan. Ang siyang tatawag ng pangalan ang mawawalan. Ang tinawag ang iaakyat kasama ng pang makadulong pangako sa kanilang buhay. Pero bakit ibinigay sayo ng babae iyun ang ngalan niya? Bakit siya pumayag na tumanggap ng mapang buhay na pangako para sa karangalan mula sa iyo? Buhay niya ang paglilingkod na ipinataw niya sayo.”
Sa tono niya, ang laking bagay ng ginawang pagtanggap ni Morha sa ibinigay ko. Ibigsabihin kung hahayaan nilang may tumawag ng pangalan nila, kailangan din may paglilingkod silang ibinibigay, tapos pang buong buhay pa nila. Ang komplikado pala maging Liwblus.
Tinaasan ko ng kilay ang babaeng kanina pa namin pinag-uusapan. Inis niyang winawahi gamit ng kapit niyang patpat ang mga halamang nakahara sa dinadaanan niya, minsan ay sinisipa din niya. Para siyang may kinakainisan, yun ay kung hindi ko siya kilala. Sus, si Morha pa, laging galit yan sa maliliit na bagay at sa mundo. Pero ayos ha, yung tipo pa niya ang pumayag na maglingkod sa akin. Talagang pinaninindigan niya ang pagiging kawal niya. Tignan nga lang namin kung hanggang saan ang kakayanin niya.
Ang laking pagkakamali kung sa maling tao siya magbubuwis ng buhay niya. Sayang kung hindi pa sa hari, may oras pa naman siyang hinahabol. Malaking pagkakamali talaga 'tong pag-aaksaya niyang oras sa akin.
"Siguro hindi na niya napapansin iyun. May ugali kasi akong tumawag sa mga ta--Liwblus ng kung ano-ano. Mahilig ako sa mga palayaw." nakangiti kong saad kay Sesp.
Wala naman pakielam si Morha, baka nauunawan niya ako sa pagiging tao ko. Tinamad siguro siyang ipaalam sa akin ang tungkol dun. Okay, ako na ang magbabago para hinidi siya magkameron ng obligasyon sa akin.
"Palayaw? Hindi naiintindihan ni Sesp iyun, ano ang bagay na iyun?"
"Ah basta, tatawagin ko na lang siyang 'kawal', tapos ikaw---ano ba ang bagay sayo? Siguro tatawagin kitang...Bata!" pagbibiro ko. Naalala ko sa kanyan yung mga makukulit na estudyanten sa eskwelahang pinagtratrabahuhan ko noon. Hahaha, yung mga nasa elementarya. Hahaha, bagay na bagay talaga sa kanya.
"Si Sesp ay pumapayag!" masaya niyang kinuha ang kamay ko at nakipagkamay, bagkus tumungo pa. "Kinagagalak ni Sesp ang bagong titulo na binigay mo sa kanya! Si Sesp ay magiging tawag 'Bata' na ngayon!"
"Ha? Seryoso ka?" nawala ang tawa ko. Akala ko kakainisan niya yung pagbibiro ko, pero kinatuwa pa niya? Ibinabalik ata ng mga Liwblus ang mga inaakla kong panloloko sa matinong usapan. "Pa--palayaw lang yun."
"Imposible! Iyun ay isang titulo!"
"Titulo? Paano ako makakapagbigay ng titulo sa iyo? Ordinaryo lamang akong nilalang."
Mas lumawk lalo ang ngiti niya. "Ikaw ay kaibigan na ngayon ni Sesp. Ang lahat ng ipapataw mo sa kanya ay tatanggapin lahat ni Sesp! Ikaw man ay ordinary o hindi, si Sesp ay tatanggap ng kahit anong galing sa iyo at tatanawin niyang ikakataas ng kaniyang karangalan!"
Grabe ang hanep niya. Hindi man kami magkaintindihan mismo pero buti nagtutugma ang panananaw namin. Sigurado ba siyang hindi siya tao? Baka tao to na pinanganak lang dito. Malakas ang kutob kong puwede niya talaga akong maintindihan kung hindi lang sa lengguwahe ng Liwblus siya natututong magsalita. Meron kasi eh, meron akong nararamdamang magkatulad ang tingin namin sa mga bagay-bagay. Sa opinyon pa lang niya oh, pakikipagkaibigan? Ayos yun, kunting bali pa sa paniniwala niya, magiging ganap na rin siyang ugaling tao!
Para sa akin, walang titulo-titulo sa pagbibigay ng koneksyon. Ang palayaw ay simbolo ng pagkapamilyar. Yun ang ibigsabihin ko.
“O sige, Bata. Tayo ay maglalakbay, saang daan?! Ituro mo!” natatawa kong pag-akbay sa kanya. Tumawa ako ng malakas kaya medyo parang may bumuka sa parte ng baga ko. Biglang nagka-espasyo doon. Napangiwi na lang ako sa sakit. Nga pala, hindi pa ako okay.
“Hahaha, si Sesp ang siyang bahala! Gamit sa buhay na pakiramdam sa lupa, siya ni Sesp ituturo!”
Si Sesp ay mas bata, halata naman sa itsura at galawan, pero mukha kaming magkumpare ngayon. Hahaha, kung kasing idad ko siguro siya, baka tropahin ko to at dalhin kayna Mang Karding. Siguradong magkakasundo sila. Mukha siya yung tipong, kung ihahalintulad ko sa estudyante, siya yung magtuturo ng sagot sa akin. Honor student kumbaga. Oh diba, kung nakilala ko siya nung kolehiyo, baka nakapagtapos ako ng pag-aaral. Hahaha, mukha siyang matalino at ako naman yung kontrabidang mapang-api na estudyante.
Magiging masaya ang paglalakbay na to.
"Hoy Mor--Babaeng kawal! Maghinay-hinay ka ng sa paglalakad!" sinigawan ko siya dahil napapasobra na naman ang pagdere-deretsyo niya. Kunting layo pa, hindi na namin siya masusundan. Mabagal ako, hindi pwede sa akin ang tumakbo. Ang dami pang mga malalaking sangga sa nilalakaran namin, dagdag oras iyun para laktawan ko. Syempre, siyam-siyam bago ko maiangat ang paa ko. Buti nga naandito si Sesp. Di niya ata halata pero nagpapatulong na ako. Ako ang nakaakbay sa kanya, pero di niya ako inaalalayan. Manhid ata sa pakiramdam para sa mga nangangailangan ng tulong 'tong lalaking to. Pagkatapos sa salita, sa ugaling pang tao ko talaga siya sunod na tuturuan.
"Siya ay lumingon, may bangang apoy sa kanyang mga paningin." bulong niya, nakatungo kasi akong naglalakad at tinitignan ang daanan kung saan may hindi masyadong lupog na parte. Madahon dito, at hindi pantay ang lebel sa lupa, kaya pag may naapakan akong medyo lubog, bigla ring nalalaglag ang katawan ko. Masakit kaya iniiwasan ko.
"Ang alin?"
"Siya na nakatingin sa iyo."
Hinanap ko ang tinutukoy niya. Wala ng iba pa dito kundi, si Morha lang, at di nga ako nagkamali. Nakahakbang ang isa niyang paa papaunahan, ngunit tila ba napatigil ito para lumignon sa amin. Ano kayang problema niya? Bakit siya ganyang makatingin?
"Tsk', babaeng kawal ka dyan." bulong niya bago nagpatuloy ulit.
Anong problema nun? Bakit siya galit dyan? Sa pagkakantanda ko tinawag niya akong 'Taong lupa' at 'Duwag' nung may tinatakbuhan kami. Tapos siya natawag lang ng ganun magagalit na? Bwisit na babae yun! Bakit, akala ko nasa dignidad niya ang pagiging kawal?! Oh, hindi ba siya kawal at babae?! Tama naman ako ah! Bakit siya nagagalit dyan?!
"Ang hirap niya talagang basahin." gigil kong bulong. Ayaw kong ipakinig kay Sesp to at baka isipin niya nag-aaway kami. Mabuti na yung inaakala ninyang naglalakbay kaming tatlo dito ng may kapayapaan sa pagitan namin. Aming problema ni Morha ang ugali niya, matutuklasan rin yun ni Sesp sa maigsing panahon. Bahala na siyang magpigil ng galit katulad ko.
"Teka lang oi!" pagtawag ko ulit. Ayaw niyang tumigil kaya masisigawan ko stalaga siya. "Pag di ka tumigil, bubuka na 'tong mga sugat ko dito kakalakad! Oi! Babaeng kawal, ang tigas ng ulo mo!"
Pagkabanggit na pagkabanggit ko sa huling sinabi, tsaka lang siya tumigil. Susunod rin pala, gusto magpapasigaw pa.
"Sa--isip pa-palagay ni Sesp da-pat hindi mo siya bi-binigyan ng ganung titulo." kinakabahang ani ng katabi ko.
"Ha? Titulo ka dyan?"
Kailan ako nagbigay ng titulo?
"May hindi magandang paparating, ramdam ni Sesp." nakatitig siya sa unahan at tsaka lumunok.
"Ano bang sinaabi mo, yung tungkol sa 'babaeng kawal' ba? Ang ganda nga at bagay na ba----"
"Tigas ulo?! Ako ba ang tinutukoy mo?!!!" sigaw ni Morha.
Sa tingin ko alam ko na kung ano ang tinutukoy niya.
Gumalaw ng mabilis ang mga dahon sa paligid ko, pabilog na nilipad iyun, at ako ang nasa sentro. Mali, kami pala ni Sesp. Parang nakita ko na to kanina, ito ata yung ginamit ni Morha sa mga kalaban.
Ha-ha-ha, kay Morha palang kakayanan ito, akala ko sa iba. Yari ako.
"Sa susunod ayusin mo yang pananalita mo kung ayaw mong mapahamak! Kung ano ang desisyon mo para sa sarili mo, mag-isip ka muna! Hindi yung basta-batsa ka na lang dyan maghahamon! Anong akala mo, papalagpasin kita?! Matitikman mo ang kapangyarihan ko pagkatapos ng mga sugat mo!" gumuhit ang ngisi sa labi niya. "Mag-intay ka lang. Kunting pagdawit pa sa akin sa mga pagkakamali mo, makakaranas ka rin. Naiintindihan mo ba?!"
Lumunok ako at kunting tumango. "Ah--oo. Si-sige."
Tumalikod ulit siya. Tumigil din naman kaagad ang pagbuo ng hangin sa gilid namin ni Sesp, naiwan kami parehong nakatulala sa pagmartiya niya. Grabeng babae yun, ang taray-taray! Pinagbantaan pa ako ha, kung hindi lang talaga ako may nararamdaman ngayon, makikita niya! Makikipagsigawan talaga ako sa kanya!
"Bwisit yun, wala talagang magandang bagay ang lumalabas sa bibig niya. Ano nga, Bata?" nilingon ko siya pero hindi pa rin nagagalaw ang pagkakatigil niya. Nabato ito sa pagkakatayo, di rin nakurap. May tingin siyang namamangha pero mas malaki ang kaseryosohan sa pagtatanong. "Anong nangyari sayo? Bakit hindi ka nagsasalita? Para kang nakakita ng multo. Wag kang mag-alala si Morha lang yan, masasanay ka rin."
"Ang kakaiba ninyong dalawa, may angkop kayong hindi pinagkakasunduan o pinag-uusapang paniniwala at pakataran sinusundan sa inyong pagitan na wala sa kaalamanan ni Sesp. Matindi ang kaugnayan ninyong dalawa, hindi masukat sa kahit anong pagbabaseng mahanap ni Sesp. Meron lamang kayong hindi makapang mundo itong nalalaman. Tila ba may iba pa kayong lugar na pinagsinilanganan."
Napansin niya ang pinagkaiba ko sa kanila. Hindi pa niya ata alam na tao talaga ako at hindi isang Liwblus. Akala ko nakuha na niya iyun sa pagsasalita ko kanina, ngunit kung iisipin man, hindi ko pa nga nababanggit sa kanya ang bagay na iyun. Imposible ring banggitin sa kanya iyun ni Morha.
Ngayon nag-aalinlangin akong mapadikit sa kanya, hindi ko alam kung ligtas ba ako sa pananaw niya. Baka mamaya hulihin rin niya ako katulad ng mga kawal na humabol sa amin.
Dapat ko bang sabihin pa? Okay na kami nagyon, baka masira pa iyun. Malaki pa naman ang usapang tiwala sa mga Liwblus, ayaw kong masira ang pakikisama namin sa isa't isa.