"MALAPIT NA BA TAYO?"
Nakangusong angal ni Princess nang maramdaman na niya ang mga lamok na kumakagat sa binti niya.
Alas sais na ng gabi at hanggang ngayon ay papasok pa rin sila sa campsite. Noong una ay excited pa siya dahil first time niyang mae-experience ang night camping pero ngayon ay hindi na siya natutuwa. Lalo na nang malaman niyang walang signal sa mismong lugar kung saan sila magka-camping.
"I think we are almost there." Anas ni Natee at saka pa siya nginitian para pagaanin ang loob niyang kanina pang namimigat sa inis.
Bukod sa napakalayong lugar kung saan sila eksaktong magka-camping, dumagdag din sa inis niya ang nakikita niya ngayon. Masugid kasing inaalalayan ng boss niyang si King ang admin nila.
Actually, hindi siya naiinis, nagseselos siya.
Dumagdag pa ang pagiging uneasy niya dahil sa laki ng camping bag na dala. Napakarami naman kasing abubot ang dinala ni Princess.
"Sana nga'y malapit na tayo. Gusto ko na kasing matulog tapos kinabuksan na ang gising para uwian na." Sumimangot pa ang dalaga na ikinatawa ni Natee.
"Look at that," itinuro ng binata ang liwanag sa 'di kalayuan, "That's our bonfire. It means that we are near."
"Tsk!" Muling asik ni Princess, "Nagugutom na 'ko."
Bahagya namang tumawa si Natee at saka pa ginulo ang buhok niya, "Kaya pala para kang dragon sa galit mo."
"Everyone, listen to me." Hindi na muling nakapagsalita si Princess nang marinig ang boses ni Miss Dawn, isa rin sa mga empleyado ng museum. Lahat sila ay saglit na napatigil sa paglalakad, "Did you notice that light?" Muling anas nito, may hawak pa itong megaphone kaya rinig siya ng lahat.
Halos lahat naman ng empleyado ay tumango at lahat din ay nakatingin kung saan nakaturo si Miss Dawn.
"That's our bonfire. It means that we are in the center of this forest. We are at our campsite!!"
Ang lahat naman ay napa-ohh, halos manghang mangha sa sinabi ni Miss Dawn. Samantalang si Princess ay kunot ang noo at pasimple pang tumitingin sa gawi ng boss niya.
Kasama pa rin nito ang admin at isa pang empleyado ng museum.
"Anyway, tumingin kayo sa paligid, " at kagaya nang sinabi ni Miss Dawn, sinunod iyon ng mga empleyado, "May mga maliliit na green flags ang nakatusok sa lupa. Those flags are for us to know the boundaries that we can wander. Hindi tayo pwedeng lumagpas sa mga flags na iyon para walang maligaw sa atin."
"This is exciting," bulong ni Natee na hindi nakatakas sa pandinig ni Princess.
"Follow me, guys. Doon tayo sa bonfire. May nakapalibot na logs doon, we can talk there. Malamok kasi rito," tumawa pa ito.
"Wow!"
"This is great!"
"Pang IG!"
Iba't ibang papuri ang narinig ni Princess nang makarating sila sa pinakang gitna kung nasaan ang malaking bonfire.
Maski ang dalaga ay hindi napigilang mamangha nang makita ang paligid nito.
Una niyang napansin ang tents na magkakahanay, may nasa kaliwa at ganon rin sa kanan. Napansin din niya ang flags na kaninang nabanggit ni Miss Dawn. At karamihan sa mga flags na iyon ay halos hindi na niya matanaw sa layo. Ibigsabihin, pwede kaming pumunta hanggang sa malayong bahagi na 'yon?
May mahahabang table din na kasalukuhang inaayos ng iba pang empleyado.
"PS, doon tayo sa tabi nila Angela." Akmang mauupo na Princess sa log na una niyang nakita nang bahagya siyang hilahin ni Natee.
Nakita naman niya sa tapat nila si Angela na kasama ang isa ring intern. "Tara." Nag-aalangan wika ng dalaga. Halos katabi na kasi ng pwesto nila Angela si King at ang Admin.
"Angela, my bebe girl!" Halos pasigaw na anas ni Natee nang makalapit kila Angela. Ito na naman ang kaybigan niya sa kakulitan nito.
"Hey, what's up?"
"Pwede patabi kami ni Princess?" Tumawa ang binata.
"Oo naman, sus!" Natatawang sagot ni Angela at saka pa tinapik ang katabing log para doon maupo sila Natee at Princess.
Pilit namang napapikit si Princess nang mapagtantantong halos katabi na rin ng pwestong iyon ang log kung saan nakaupo ang boss nila.
"Hello, everyone!" Muling nakuha ang atensyon nila nang si Miss Eva naman ang magsalita. Kung baga sa rank nito sa museum, pareho sila ng rank ni Miss Dawn. "Alam nyo ba kung para saan 'tong night camping natin?"
"Hindeeee!"
"Alam po, Miss!"
"For our celebration!!"
Natatawang muling nagsalita si Miss Eva, "Bukod sa celebration, plinano rin ang camping na ito para mas makapagbonding pa tayo. Palagi na lang kasi tayong nakakulong sa Museum, right?" Biro nito na ikinatawa ng lahat. "But for now, let's eat our dinner! Hinanda na ng team ang dinner natin, and after that, we will play some games!"
Muling lumakas ang ingay nang marinig ang salitang dinner. Hindi na magpapahuli sa ingay na yon si Natee na ngayon ay tumayo na para pumunta sa mahabang mesa. Lintek talaga!
"PS, Angela my bebe, let's go! It's dinner time!" Anas pa ng binata na ikinailing na lang ni Princess.
Bago siya tumayo ay saglit pa siyang lumingon kay King na seryosong nakikipag-usap sa Admin. Base kasi sa ekspresyon ng dalawa ay mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila.
"ANG TAKAW MO." Matatapos na silang kumain ng hapunan nang biglang natawa si Natee. Kanina pa niya pinagmamasdan si Princess at napansing madami na ang nakakain nito.
"I can't help it." Inis na angil ng dalaga. Siguro dahil sa nararamdaman niyang selos ay idinaan na lang niya sa pagkain.
"Gusto mo ng co---" hindi na natapos ni Natee ang sasabihin nang may kamay na humarang sa pagitan nilang dalawa. Ang kamay na iyon ay may hawak na baso na nasisigurado nilang kape ang laman. At ang kamay na iyon ay kamay ng Boss nila!
"Coffee?" Preskong anas ng boss nila, kay Princess lang din ito nakatingin dahilan nang pagpula ng mukha ng dalaga. Alam kasi niyang sa kanila na nakatingin ang lahat ng tao sa hapag.
"Sir?" Pakiramdam ni Princess ay required sabihin ang salitang Sir na may question mark sa tuwing nawawalan siya ng sasabihin sa boss.
"Do you want a cup of coffee, or me?"
"W-What?" Halos wala nang boses na tanong ng dalaga. Parang lahat ng inis at selos na naramdaman niya kanina ay bigla na lang naglaho nang dahil lang sa simpleng tanong na iyon. Napakadaya!
"Here. Drink it." Ngumisi pa si King at saka inilapag ang kape sa mesa.
Ilang beses pang kumurap si Princess at saka bumaling sa boss niyang naglalakad palayo.
"Whew," Napabaling si Princess kay Natee nang biglang magsalita ang binata, "Akala ko'y paaalisin ulit ako."
"Tsk! Halika na nga at bumalik na tayo sa bonfire." Anas na lang ni Princess. Mukha kasing marami pang sasabihin ang kaybigan.
"Nandon lang kasi si Boss kaya gusto mo nang bumalik." Tinignan niya lang ng masama si Natee pero mukhang wala itong epekto dahil tinawanan lang siya nito.
"NAKAPAGPAHINGA NA BA ANG LAHAT?"
Ilang minuto mula nang makabalik at maupo sa logs nang muling magsalita si Miss Eva. At gaya kanina, halos lahat ay sumagot sa tanong niya.
"Since lahat tayo ay nakapalibot sa bonfire, pwede na ba tayong magsimulang maglaro?"
"Yes, Miss Eva!" Nangungunang sigaw ni Natee na sinundan pa ng ilang empleyado.
Magkatabi si Natee at Princess, katabi naman niya si Angela at iba pang empleyado. Nagmistulang malaking bilog nang pumalibot ang mga empleyado sa bonfire.
At dahil sa nakakalokong pagkakataon, tadhana pa yata dahil sa lahat ng tao sa campsite, ang boss niya ang saktong naging katapat niya.
Mula sa kakarimpot na liwanag na nanggagaling sa bonfire, mula sa kinauupuan ni Princess ay kitang kita niya pa rin ang pares ng mata ng boss niyang nakapako sa kaniya.
Kahit may selos na nararamdaman dahil magkatabi ang boss niya at ang admin, pilit na kinumbinsi ni Princess ang sarili. They are best friends, remember? At saka kasal na si Admin.
"Are you jealous?" Halos mapatalon si Princess nang bumulong si Natee sa bandang tainga niya.
"What the hell, Natee? Lumayo ka nga at baka masapak kita." Kunot noong anas ni Princess at saka pa siniringan ang kaybigan.
"Bago mo ako masapak, baka may mauna na sa 'yong sumapak sa 'kin." Natatawang anas ng binata na hindi naman nagets ni Princess. "Don't be jealous, PS." Dagdag pa ng binata at saka pinitik ang noo ni Princess.
Hindi naman sumagot ang dalaga, bagkus ay muli siyang bumaling sa tapat at laking gulat niya nang makitang salubong ang kilay ng boss niya at mukhang galit pa ito.
"Nagets n'yo ba ang mechanics ng game?" Muling bumaling ang atensyon nila kay Miss Eva na kanina pa palang nagsasalita.
Ni hindi naintindihan ni Princess ang mga sinabi nito dahil sa kaingayan ng kaybigan.
"Gago ka kasi, Natee! Ang ingay mo, hindi ko tuloy narinig si Miss Eva!" Lumapit si Princess sa kaybigan, pabulong niyang sinabihan ito kahit na gustong gusto na niyang sigawan. Ayaw naman niyang mapahiya kung maririnig siya ng ibang taong kasama nila.
"Masyado ka kasing naka-focus kay Boss," muling tumawa ang binata, "alam mo, wala ka talagang maririnig o kaya'y maiintindihan kung isang tao lang ang gusto mong pakinggan." Malalim na anas nito na ikinakunot ng noo ni Princess.
"Ang dami mong alam, Natee. Eh, ikaw? Narinig mo yung sinabi ni Miss?"
"Oo naman." Mayabang na sagot nito. " Hindi ko lang alam kung anong klaseng laro iyon. Truth Order daw."
Malakas na natawa si Princess. Nawala rin sa isip niyang maraming taong nakapaligid sa kanila. Halos maiyak na rin siya dahil sa sinabi ng kaybigan.
Natigil lang ang malakas niyang pagtawa nang pekeng umubo si Miss Eva.
"Truth or Dare 'yon, baliw." Pigil na tawang anas ni Princess at saka pa hinampas ang kaybigan.
"Since gabi na at tanging apoy lang ang nagsisilbing liwanag, mas magiging maganda ang game natin. Why? Because you won't have to see players turn red when answering an embarrassing question. And to add more spice, we've decided to change some of the traditional mechanics of this game." Muling anas ni Miss Eva na pinakinggan ng lahat.
"I have here a bowl with strips of paper inside. Each paper has a letter written on it. Those who will get the Upper case letters will automatically be "Truth" and lower case letters will do the Dare. At kung hindi naman magagawa ang dare... " bitin na anas ni Miss Eva at saka tinuro ang The Bar pink Gin na nasa maliit na mesa, malapit sa kaniya, "Iinom nito kung sino mang hindi makakagawa ng dare. Same goes as Truth, iinom din kung ayaw namang sagutin ang tanong. Gets nyo?"
Nanlulumo namang tumingin si Princess sa Pink Gin, hindi kasi siya puwedeng uminom ng ganon dahil sa allergies niya. Paniguradong gagawin niya ang dare kung ano man 'yon.
Halos lahat ay namangha sa sinabing iyon ni Miss Eva, "Ibigsabihin, sa loob ng bowl na ito, dalawa ang letter A, B, C, etcetera. Ang pinagkaiba nga lang, yung isa ay upper case at ang isa naman ay lower case. Now, get one strip of paper in this bowl and pass it to the next player." Anas ni Miss Eva.
Kumuha muna siya ng isang strip sa bowl at saka naupo sa log kung saan siya nakapwesto kanina, at saka niya iyon ipinasa sa tabi niya.
Hanggang sa matapos umikot ang bowl, mahigpit ang pagkakahawak ni Princess sa papel na nasa kamay niya.
At hanggang sa oras na ito ay ramdam pa rin niya ang tingin ng boss niya sa kaniya! Kagaya kanina ay kunot pa rin ang noo nito na ikinailing na lang ni Princess.
"Anong nakuha mo?" Tanong ng katabi niyang si Natee, "Dare sa 'kin, letter D."
"Dare, letter C." Sagot ni Princess.
"Wow, magkasunod lang tayo!"
"May number na ba lahat?" Ito na naman ang masayang tanong ni Miss Eva at lahat ng tao sa site ay sumagot ng Oo. "Sinong nakabunot ng letter A?"
"Ako po, Miss." Anas ni Angela, halos sabay pa silang sumagot ng isa pang empleyadong hindi nalalayo ang edad sa dalaga.
"What did you get?"
"Truth, letter A of course." Natatawang sagot ni Angela dahilan nang pagtawa rin ng lahat.
"Pwede na ba 'kong magtanong?" Anas ni Stud, 'yung nakabunot ng letter A.
"Go." Tumawa pa si Miss Eva.
Humugot naman nang malalim na hininga si Stud, "May crush ka ba sa isa sa employee na nandito sa camp?" Tanong niya kay Angela.
Nagsimula namang maghiyawan ang mga tao.
Bilang sagot at siguro ay dahil nahihiya, tumango lang si Angela. Tama, dahil sa dilim ng paligid, hindi mo makikita kung namumula ang mukha ng isang tao. It's so great!!
"Okay, dahil pinahiya mo ako, magde-dare na ako, since sa 'yo ang dare." Ngumisi si Angela at saka natatawang tumingin kay Stud, "I dare you to go home, Stud."
"Seriously?" Gulat at may halong inis na tanong ni Stud, halos lahat ng tao sa camp ay natawa dahil sa ekspresyon nito.
"Yup,"
"Tsk!" Anas ni Stud at saka lumapit sa mesa, nilagyan ng pink gin ang shot glass at saka diretsong ininom iyon, "Sumpa 'tong pink gin na 'to eh!" Sigaw niyang muli kaya mas nagtawan ang lahat.
Hanggang sa tinawag ang nakabunot ng letter B, natapos iyon sa simpleng tanong at simpleng dare na nagawa agad ng dalawang player.
"Now, for our third letter!" Masayang anas ni Miss Eva na ikinakaba ni Princess. Hindi naman niya alam kung bakit. "Sinong nakabunot ng letter C?"
Nahihiyang itinaas ni Princess ang kan'yang kamay, "Ako po, Miss."
"Ako rin, Miss Eva." Anas ni Aena. Batchmate nila Princess na kasabay rin niyang pumasok bilang intern sa Meseum. "Truth nabunot ko."
"Ohh," nangingiting anas ni Miss Eva at saka bumaling kay Princess, "Go ask her, Princess."
"Uhmm," akmang nag-iisip ang dalaga. Actually, hindi siya ganoong kalapit kay Aena kaya wala siyang mapiling itanong dito, "What's the most embarrassing thing you've ever done in your life?"
Kiming tumawa si Aena, "Sa tingin ko, iyong sumakay ako sa jeep tapos lutang ako non. Yung katabi ko kumakain ng fries tapos dahil nga lutang ako, hindi ko namalayang kumuha ako sa fries na kinakain niya."
Napuno nang malakas na tawanan ang lugar, maski si Princess ay hindi napigilang tumawa. "Now, now, dare me." Natatawa pa ring anas ni Princess.
"Hmm," inilagay pa ni Aena ang kamay sa may baba na aktong nag-iisip, ilang segundo lang ay napangiti siya na parang may naalala, "I dare you to kiss Natee on the cheek."
"W-What.. the heck?" Bulalas ni Princess.
Saglit pa siyang tumingin sa bote ng pink gin at saka siya gumawi sa tapat kung saan nakaupo ang boss niya. Laking gulat pa niya nang makitang kunot noo itong nakatingin sa kaniya.
Nagpakawala ng buntong hininga si Pricess at tumingin kay Natee na kagaya niya ay bakas ang pag-aalala sa mukha. "You don't have to do the dare, PS."
"But I can't drink that thing."
"What'll you do?"
Muling nagbuntong hininga ang dalaga at saka lumapit kay Natee. Ilang sigundo lang ay idinampi na niya ang labi sa pisngi ng kaybigan.
At gaya kanina, napuno ng hiyawan ang buong lugar. May ilan ilan pang inaasar ang dalawa. At lahat nang pang-aasar na iyon ay hindi pinansin ni Princess.
Muli siyang bumaling sa puwesto ng boss niya na hanggang ngayon ay ganon pa rin ang ekspresyon, ngunit ang dalawang kamao nito ay pawang nakasarado.
"Oh, my Gosh! That was so cute! Kinilig ako!" Bumubungisngis na anas ni Miss Eva, "Now, sinong nakabunot ng letter D?"
"Me!" Anas ni Natee at saka pa tumaas ng kamay. "Dare, letter D."
"And?" Muling tanong ni Miss Eva, "Sino yung isang letter D?"
Ilang segundong natahimik ang paligid, lahat ay naghihintay na may sumagot.
At lahat din ay napatingin sa gawi ni King nang itaas nito ang kan'yang kamay, "Me."
"Ohh, it's our Boss. Kinakabahan tuloy ako." Tumawang muli si Miss Eva at saka bumaling kay Natee, "It's your time to ask our Boss, Natee. Mag-isip ka nang maayos." At muling nagtawanan ang lahat.
"Uhm," nag-aalangan pa ito, "Sir King? Are you in love with someone right now? Yung nandito sa camp, Sir, ha." Kinakabahan man, nagawa pa ring magtanong ni Natee.
Para namang biglang may dumaang anghel. Natahimik muli ang paligid. Samantalang si Princess ay natulala nang marinig ang tanong ng kaybigan.
Saglit pa siyang bumaling sa boss niya at laking gulat pa nang makitang nakatingin din pala ito sa kaniya. Ito na naman ang malakas na pagtibok ng puso niya.
"No. I'm not in love with someone." Anas ni King at saka pa kinamot ang kanang kilay.
"W-whew," hindi alam ni Miss Eva kung anong magiging reaksyon pero pilit na lang siyang tumawa, bumaling din siya kay King, "Now, Sir, what's your dare for Natee?"
Ngumisi lang si King at saka tumayo. Lahat ng tao ay nakatingin lang sa kan'ya at hinihintay kung anong susunod nitong gagawin. Lumapit pa si King sa maliit na mesa kung saan nakalagay ang Pink Gin. At ilang singhap ang narinig mula sa mga tao sa paligid nang itapon ni King ang bote ng alak at saka muling ngumisi nang bumaling kay Natee.
"I dare you to punch yourself in the face, Mr. dela Cruz."