Chapter 7

2542 Words
“Ate, hindi mo rin maintindihan iyong tanong, ‘di ba? Kanina ko pa nga ‘yan binabasa nang paulit-ulit pero hindi ko talaga maintindihan.” Dinig kong sabi ni Alena. ‘Kung alam mo lang, Alena…’ Nang dahil lang sa isang pangalan, nawala na ‘yong focus ko. Magkaiba kami ng dahilan nang hindi pagkakaintindi sa question, e. Siya, hindi niya maintindihan dahil ang logic para sa kaniya ng tanong, pero ako, hindi ko na-gets iyong tanong dahil lang sa nabasa ko ang pangalan ni Axel. Ang rupok, ‘di ba? “Ang lalim yata ng iniisip mo, Ate. May kinalaman ba ‘yan doon sa sinabi ni Ate Mia no’ng nakaraan. Iyong tungkol sa lalaki na tinatagpo mo raw?” Agad akong napatingin kay Alena habang nakakunot ang noo, “Hoy, ano bang sinasabi mo diyan! Wala naman akong tinatagpo na lalaki---“ “Kunwari ka pa, Ate… Nakita kaya kita kahapon sa may labasan, may kasama kang lalaki! Ang cute nga niya, e.” Kinikilig pa nitong sabi. Nakita niyang magkasama kami ni Axel kagabi? Jusko, buti na lang at hindi nagsumbong itong si Alena kay Nanay. Baka kasi kung ano pang isipin ni Nanay, e. Baka isipin niya talagang totoo ‘yong sinasabi sa kanila ni Mia, though hindi naman talaga ‘yon totoo. “Kaklase ko lang iyon, Alena. Alam mo ikaw, nahahawa ka na kay Mia sa pagiging ma-issue. Sinasabi ko sa ‘yo, tigilan mo ‘yan. Hindi magandang gawain iyan!” “Ate, nakakapanibago ka talaga. Parang bigla kang nag-iba, at hindi lang ako ang nakakapansin no’n. Pati si Nanay ay nagtataka na rin sa ‘yo lalo na’t napapadalas ang pagtulala mo rito sa bahay na para bang ang lalim palagi ng iniisip mo.” Nabigla naman ako sa narinig ko mula kay Alena. Hindi ko inaasahan ang mga sinabi niyang iyon at inisip kong mabuti kung kailan nangyari ‘yong sinasabi niya---doon ko na-realize na halos araw-araw pala ‘kong gano’n dito sa bahay. Palaging lutang ang isip, maski hanggang sa pagpasok ay nalulutang na rin ang isip ko kakaisip sa bagay na hindi naman dapat isipin. Hay nako. “Naguguluhan kasi ako sa nararamdaman ko, Alena. Litong-lito ako, hindi ko alam kung imagination ko pa rin ba ‘to o reality na. Hindi ko alam kung nananaginip pa rin ba ko, o nangyayari na ‘to sa totoong buhay. Minsan ang saya ko, minsan naman ang lungkot at nakakaramdam ako ng sakit sa loob ko. Alam mo ba ‘yong pakiramdam na ‘yon na parang---“ “In love ka, Ate?” pagputol niya sa sinasabi ko. Maski ako ay natigilan sa sinabi niya at biglang napaisip… In love ba ‘ko? “Paano mo naman nasabing in love ako? Dahil lang doon, ibig sabihin in love na ang isang tao? Nakikita mo lang ako na laging lutang at malalim palagi ang iniisip, ibig sabihin ba no’n, e in love na ‘ko?” Napaisip siya, “Siguro nga hindi sapat na ebidensya ‘yan para mag-conclude agad tayo na in love ka nga. Kaya nga Ate, kailangan mong antabayanan ang sarili mo at pansinin ang pagbabago na nangyayari sa ‘yo. Maraming signs para malaman kung ang isang tao ay in love nga. At para sa ‘kin, ikaw lang ang makakasagot kung ang mga signs ba na ‘yon ay nangyayari na sa ‘yo.” Biglang naningkit ang mata ko, “Teka nga, bakit parang ang dami mong alam tungkol sa love love na ‘yan, pero itong pagsasagot mo sa Math ay hindi mo alam? Ikaw Alena, may itinatago ka ba sa ‘min ni Nanay?” “Wala ‘kong boyfriend, ah? Ang bata-bata ko pa para diyan, ‘no!” “Excuse me, wala ‘kong binanggit na kahit ano pero bakit boyfriend kaagad ang sinabi mo? Ikaw ha, may boyfriend ka na, ‘no?” “Magkaibigan nga kayo ni Ate Mia, parehas kayong ma-issue!” at nag-walk-out na nga ang kapatid ko. “Sus, parang siya ay hindi,” Sa kabilang banda, napaisip din ako sa sinabi ni Alena tungkol sa signs para malaman kung ang isang tao ba ay in love na sa isang tao o hindi. Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ‘ko malalaman kung nangyayari na nga ba sa sarili ko ‘yong mga signs na ‘yon? Ni hindi ko nga alam kung ano-ano nga bang signs para malaman kung ang isang tao ay in love na nga ba o hindi, e. Sinubukan ko na ring magbasa-basa ng mga blog tungkol sa mga signs na ‘yan pero wala pa rin akong napala. Ang dami kong signs na nabasa, pero wala ‘kong matandaan ni isa sa mga ‘yon na nangyari na sa ‘kin habang kasama ko si Axel. Ibig sabihin ba nito, hindi pa ‘ko in love sa kaniya? Kung gano’n, good news iyon para sa ‘kin kasi una sa lahat, hindi talaga ‘ko pwedeng ma-in love kay Axel dahil alam kong nakaabang si Naomi sa kaniya. At alam ko rin na handang gawin ang lahat ni Naomi para maging sila ulit ni Axel. At kung magpaplano pa ‘kong sumingit sa love story nila, baka buhay ko at pangarap ko na naman ang maisugal ko sa digmaan na alam ko namang ako ang matatalo. Naistorbo bigla ang pag-iisip ko nang malalim nang mag-ring ang cellphone ko, nakita kong tumatawag si Mia. Nagdadalawang-isip pa ‘ko na sagutin ang tawag kaya lang naisip ko na hindi titigil nang kako-call ‘yang kaibigan ko hangga’t hindi ko sinasagot ang tawag niya kaya naman sinagot ko na ito. “Hello---“ [Bakit ka hindi pumasok after ng breaktime, Brianna? Pinaghintay mo ‘ko nang isang oras sa cafeteria kasi sabi mo dadaan ka lang ng registrar pero ano? Hindi mo na nga ‘ko sinipot sa cafeteria, hindi ka pa pumasok sa klase! Ano bang nangyari, ha? Bakit hindi ka pumasok? Hindi mo naman gawain ang mag-cutting, ‘di ba?] “May emergency lang dito sa bahay kaya hindi na ‘ko nakapagpaalam sa ‘yo na uuwi na ‘ko. Kinailangan kasing ako ang um-attend sa PTA Meeting sa school nina Alena since si Nanay ay naglalabada sa kabilang bayan.” Pagpapalusot ko. [Sana t-in-ext mo man lang ako, hindi ‘yong nag-aalala ko sa ‘yo kasi baka na-kidnap ka na pala pero ako, wala pang kaalam-alam.] “Pwede ka nang huminga nang malalim at makatulog nang mahimbing kasi okay naman ako. Bukas na lang tayo mag-usap, ha?” [Sige] Napahinga ako nang malalim. Hindi ko naman talaga gustong magsinungaling kay Mia, pero kailangan lang talaga para maiwasan nang magkagulo. Hinahayaan ko na lang na awayin ako ni Naomi, nang sa gayon ay maisalba ko pa rin kahit papaano ang scholarship na nagpapaaral sa ‘kin sa university na ‘yon. --- “Demonyo talaga ‘yang si Naomi,” ‘yan ang isinalubong sa ‘kin ni Mia nang makapasok ako sa classroom namin. “May nakakita sa kaniyang estudyante na may b-in-ully na naman daw sila kahapon sa may public restroom. Hindi niya lang nasabi pangalan no’ng b-in-ully kasi hindi raw niya kilala, pero ang point dito, wala pa ring pagbabago ang ugali ng Naomi na ‘yon. Kung may sungay siya dati, mas d-um-oble lalo ang haba ng sungay niya ngayon.” Bigla naman akong kinabahan sa ikinwento ni Mia sa ‘kin. Buti na lang pala at hindi ako kilala no’ng estudyante na nakakita, kung hindi baka nalintikan na ‘ko nito kay Mia. Hindi ko rin kasi napansin na public restroom iyon, malamang may posibleng makakita talaga sa nangyari, kasi may pagkakataon na may mga estudyanteng magbabanyo rin nang time na ‘yon, e. Nagkataon lang siguro na ‘yong nakakita ng pangyayaring iyon ay hindi taga-department namin kaya hindi niya ‘ko nakilala. “Palibhasa ang lakas ng loob niya na maghasik na naman ng kadiliman dito kasi alam niyang may kapit siya sa Dean ng university na ‘to. Problema nga naman kapag may kapit ka na, spoiled ka pa.” Dagdag ni Mia. Iyon ang isang dahilan ko kung bakit ayokong magkaroon ng alitan na naman sa pagitan namin ni Naomi. Kagaya ng sinabi ni Mia, may kapit sa Dean si Naomi kaya madali na lang para sa kaniya na paalisin ako sa university na ‘to sa pamamagitan ng pagtatanggal sa ‘kin ng scholarship ko. Muntik na niyang gawin sa ‘kin iyon no’ng nakaraang taon pero mabuti na lang talaga at napakiusapan ko si Naomi na hindi ‘yon ituloy. Duda ‘ko na kapag nagkaroon ng round 2 ang gyera namin, baka hindi na niya pakinggan pa kung sakaling makiusap na naman ako sa kaniya na huwag ituloy ang pagtanggal sa scholarship ko. Repeater na nga ‘ko, tatanggalan pa ng scholarship. Grabeng buhay naman ito. “Bakit ba wala kang sinasabi diyan? Nakikinig ka ba sa ‘kin o kanina pa lutang iyang isip mo?” biglang tanong ni Mia. “Nakikinig ako sa ‘yo. Tyaka isa pa, ano namang sasabihin ko, ‘di ba? Kapag ba nagsalita ako, magbabago ‘yang ugali ni Naomi? Hayaan na lang natin siya kung diyan siya masaya. Ang mahalaga ngayon ay huwag na niya tayong guluhin.” “Mukhang imposible ‘yan, Bri…” ani Mia tsaka itinuro gamit ang nguso niya ang papasok nang si Axel. “Hangga’t nasa tabi mo si Axel, hindi ka titigilan ni Naomi.” Napahinga ako nang malalim. “Kaya nga gusto ko nang lumayo---“ “Pero hindi mo rin naman pwedeng layuan si Axel dahil lang sinabi ‘yon sa ‘yo ni Naomi. Kaya kung ako sa ‘yo, ihanda mo ang sarili mo para sa consequences nito.” Ang huli niyang sinabi bago siya bumalik ng kaniyang upuan. Gusto ko lang naman ng tahimik na buhay, at tuparin ang pangarap ko. Pero bakit ganito kahirap gawin iyon? Bakit ang daming humahadlang sa ‘kin para makamit iyon? Ang daya naman. “I saw the same face you were wearing since yesterday,” ani Axel nang makaupo sa katabing upuan ko. “Bakit naman kailangang magbago ang mukha ko? Panget ba ‘ko kaya gusto mong ibang mukha naman ang makatabi mo ngayon?” biro ko. “I want to see your genuine smile, but since day one, I never have the opportunity to see that.” Seryoso niyang sabi. Sa dami ng problema ko sa buhay, paano ko ngingiti, ‘di ba? “Baka nakapikit ka kaya hindi mo nakikita,” kunwaring natatawa na sabi ko. “I want to make you smile, Brianna.” Napatingin naman ako sa sinabi niya, ngunit siya ay nakatingin na sa harap. Hindi ko na nagawa pang magtanong dahil dumating na ang Prof namin at nagsimula na ang klase. Ang weird. Anong ibig sabihin no’n? --- Matapos ng klase ay isinama ‘ko ni Mia na magpunta sa may Sampalok Tree at kasama namin si Axel. Si Axel kasi talaga ang nag-aya sa ‘min na tumambay roon, pero hindi ko alam kung anong dahilan. Ayoko talagang sumama kasi baka mamaya ay makita na naman ni Naomi na kasama ko si Axel, baka masampal na naman ako no’n. Pero napakamapilit kasi ni Mia, kaya wala na rin akong nagawa kundi sumama na lang. Magdadasal na lang siguro ko na sana hindi ako makita nina Naomi. “Wala kang training ngayon, Axel?” tanong ni Mia rito. “M-W-F at weekends lang ang training namin.” Sagot ni Axel. Ibig sabihin ay wala silang training ngayon dahil Thursday. “Okay? Pero matanong ko lang…” “Yes?” “Bakit kasi hindi mo na lang tuldukan iyong relasyon niyo ni Naomi para hindi na siya habol nang habol sa ‘yo?” tanong ni Mia. Tae, ang lakas naman ng loob nitong magtanong nang ganyan kay Axel. Porke close na sila, e. “Nagawa ko na ‘yan, bago mo pa man ako tanungin. I did that for several times already, pero ayaw niya pa ring tumigil dahil pinaghahawakan niya pa rin iyong pangako sa kaniya ng Mama ko na siya ang gusto nitong makatuluyan ko.” “Ahh, dahil boto ang Mama mo sa kaniya, kaya ‘yon ang naging motivation niya para kulitin ka na makipagbalikan ka sa kaniya?” “Exactly,” sagot ni Axel. “Pati si Mama ay kinukulit ako na balikan ko si Naomi, but I always refused kasi alam naman niyang matagal na kaming tapos ni Naomi, e. Hindi ko na siya mahal, at hindi ko pinangarap na maikasal sa babaeng hindi ko na mahal.” Sang-ayon naman ako sa sinabi ni Axel, dahil maski ako ay ayokong matali sa lalaking hindi ko na mahal. Ang kasal kasi ay para pagbuklorin ang dalawang taong nagmamahalan; pero may mga kaso kasi na minsan sapilitan na rin ang pagpapakasal dahil sa gusto ito ng mga magulang mismo. “At sana maintindihan iyan ni Naomi. Kaso duda rin ako e, sa kitid ba naman ng utak no’n, malayong-malayo na maunawaan ka niya.” Sabi ni Mia. “Iwan ko muna kayo, may ipapasa lang ako kay Ma’m Joyce sa faculty.” At tuluyan na nga ‘kong iniwan ng kaibigan ko kay Axel. Dapat isinama niya na lang ako! “You remember what I said to you earlier?” tanong ni Axel. Napakunot ang noo ko, “Ano?” “I want to make you smile,” aniya tsaka kinuha ang kamay ko at hinatak paalis sa lugar na ‘yon. Saan naman kaya ko nito dadalhin? Nasagot ang tanong ko nang makarating kami sa labas ng campus. Pwede kasing lumabas ang estudyante nang gantong oras kasi walang guard na nakabantay sa gate dahil busy sila na kumakain, e. “Sakay ka,” pagtawag ni Axel sa atensyon ko. Doon ko lang nalaman na nakasakay na pala siya sa isang bisikleta at inaaya niya kong umangkas sa kaniya. Nakakahiya namang h-um-indi sa kaniya kaya umangkas na lamang ako sa likod ng bike kagaya ng sinabi niya. “Put your hands on my waist,” “H-Huh---“ Naputol ako sa sasabihin nang siya na mismo ang kumuha ng kamay ko at ipinulupot iyon sa kaniyang baywang. Medyo komportable naman na ‘ko na kausapin at makasama si Axel, pero pagdating talaga sa ganitong bagay, hindi ko maiwasang mahiya at kabahan. “So, you’re not going to fall,” dinig kong sabi niya. “Fall for me, instead.” At nagsimula na siyang pumidal sa bisikleta. Naramdaman ko ang biglang pag-init ng mukha ko sa sinabi niya, at muli ko na namang naramdaman ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Bakit ba sa tuwing nagkakasama kami, lagi niyang nagagawang pabilisin ang t***k ng puso ko?! --- Seventh Sign: Komportable ka sa kaniya, pero hindi mo maiwasang mahiya at kabahan na tipong bumibilis na ang t***k ng puso mo kapag kasama mo siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD