Kyle Enrico Salvador
─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ───
Pagkatapos tulungan ni Thea si Ali na mag-ayos ng sarili ay pumunta kaming lahat sa opisina niya sa may 2nd floor ng bar. Nasa 3rd floor naman yung kwarto na pinanggalingan namin kanina. Si Thea yung sinasabi ni Ali na kaibigan niya na may-ari ng bar.
Napag-alaman ko na totoo na dinroga ako ni Ali. Nilagyan niya ng kung anong pampatulog at aphrodisiac yung alak na ibinigay niya sa akin kanina. Ayon sa kwento ni Edmond, humingi ng tulong sa Ali sa kanya para isagawa ang plano na ito. Dahil kailangan niya ng pera na ipinangako ni Ali, pumayag ito kahit alam niyang masama. Aniya, alam naman daw niya na hindi ako papatayin ni Ali.
At bakit nalaman din nina Maymay itong plano?
Nagtataka daw si Maymay kung bakit ang tagal bumalik ni Ali na lagpas isang oras nang hindi bumabalik. Ang paalam ay may titignan lang daw siya. Naisipan ni Maymay na itext ito. Pero dahil kaka-expire lang ng load niya, napag-isipan niya na maki-text. Nagpaalam siya kay Edmond na makiki-text lang pero di niya sinabi kung kanino. At doon niya nakita ang text conversation ng dalawa tungkol sa plano kaya agad naman silang napasugod doon sa kwarto.
Ang plano sana ni Ali ay tiyakin na may mangyari sa aming dalawa sa gabing iyon at pagkatapos ay ipaako sa akin ang bata na tatlong linggo na niyang dinadala. Ang totoong ama nito ay ang ex-boyfriend ni Ali na ngayon ay hindi inaako ang responsibilidad para maging ama nito.
Tinanong ako ni Thea kung gusto kong magsampa ng kaso. Tinignan ko si Ali na iyak ng iyak habang nakaupo sa harap ko. Nakita ko ang imahe ng uhugin na kababata ko noon na palaging kong kalaban sa takbuhan. Ngayon ay isa na siyang ina.
Aminado ako na nasaktan ako sa mga pangyayari. Hindi naman ako santo. Hindi ko lubos akalain na magagawa sa akin ito ng isang tao na kilala ako mula pagkabata. Di ko maisip kung bakit nasangkot ako sa ganito. Ang gusto ko lang naman ay tahimik na magbakasyon.
Sa huli ay napagdesisyonan ko na'ng hindi sila sampahan ng kaso. Ilang beses pang sinubukan nina Maymay at Dalton na baguhin ang isip ko pero final na yon. Hindi ko man alam kung babalik sa dati ang pagkakaibigan namin, sigurado naman ako na gusto kong makitang masaya at ligtas ang anak ng kababata ko. Sinabi ko rin na sana ay hindi muna mag-krus ang landas naming dalawa. Sana ay mag-reflect siya sa mga ginawa niya at isipin ang kapakanan ng magiging anak niya. Pinangako ko rin na wala akong sasabihin kay Aling Sitang at sana ay sa bibig niya mismo manggaling ang eksplanasyon sa mga nangyari.
Pareho naman humingi ng tawad sina Ali at Edmond sa akin.
Bago umalis sa bar, saglit kong kinausap ng pribado si Ali.
"Anong nangyari at takot na takot ka sa kwarto kanina? Pinagbababato mo pa yung mga gamit."
Nakita kong bahagyang nanginig ang katawan ni Ali at may kung anong takot na naman ang bumalot sa mukha niya.
Alam kong dahil iyon kay Junjun. Pero hindi ko alam kung paano nangyari ang lahat.
"Doon sa kwarto... merong demonyo don..." nangingilid ang luha ni Ali habang nagkkwento. Naaawa ako sa kababata ko kasi kanina pa siya umiiyak. "P-pagkatapos kong tanggalin yung damit mo... may kung anong pwersa tumulak sa akin. Tapos... tapos isa-isang lumipad yung mga gamit papunta sa akin. May nakita akong isang pang lalaki sa kama. Nanlilisik at pula ang mga mata niya."
─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ───
Pasado alas-12 na nang makauwi ako sa bahay. Nauna na'ng umuwi sina mama. Nakita ko pa nga na may ilang text at missed calls si papa. Pagpasok ko ng bahay, gising pa rin sila, maliban kay Warren na tulog na sa kwarto. Nag-aalala daw kasi sila dahil wala pa ako. Nag-sorry naman ako at sinabing nayaya ako sa inuman kaya nakaligtaan ang oras. Hindi ko rin kinwento sa kanila yung tungkol sa nangyari kay Ali.
Pagkatapos maligo ay natulog din ako dahil medyo nahihilo at sumasakit pa ang ulo ko.
Pero heto ako ngayon. Alas-tres ng madaling araw, nasa tabing dagat at naglalakad. Naalipungatan ako sa di malaman na dahilan at hindi na ako makabalik sa pagtulog.
Ang totoo niyan ay iniisip ko si Junjun. Simula nong dumating sina Maymay sa kwarto ay naglaho ito. Kahit nong pauwi ako ay hindi ko siya kasama. Wala siya sa bahay, at wala siya sa kwarto. Nagbabakasakali ako na makita ko siya dito. Pero wala akong nakita, ni isa walang tao dito.
Ilang minuto akong nagpabalik-balik sa paglalakad sa dalampasigan. Malakas at malamig ang hangin, pero hindi ko alam kung dahil ito kay Junjun.
Nang mapagod ako ay umupo ako sa tabing dagat kung saan ay hindi naabot ng alon. Nakaupo ako sa tsinelas ko habang ang mga paa ko naman ay nilalaro ang mga pinong buhangin.
"Junjun, nandyan ka ba?"
Napangiti ako sa kalmadong alon ng dagat.
"Salamat pala kanina."
Tinanaw ko ang repleksyon ng buwan sa tahimik na tubig.
"Paano ba ako magpapasalamat sa'yo?"
Pinapakinggan ko ang ingay ng mga kulisap sa paligid.
"Di ko alam ang mangayayari sa akin kung wala ka."
Nararamdaman ko ang malamig na hangin na parang yumayakap sa balat ko. Banayad ang haplos nito na parang nagpapatulog sa akin. Hindi ito lamig na galing sa tahimik na gabi. Galing to kay Junjun.
Pagkurap ko ay naramdaman ko ang presensya niya. Nakaupo ito malapit sa tabi ko at walang saplot pampaa. Kagaya ko ay nilalaro rin nito ang maliliit na buhangin na nakapaligid sa amin.
"Wala 'yon. I'm just glad you're safe." ang mahina niyang sabi habang nakatingin sa paanan niya. Halos pabulong ito, malumanay at tila nakakakiliti sa tenga.
Tinignan ko mabuti ang imahe niya. Ito ang Junjun na kilala ko. Tahimik pero mapagbiro. Minsan isip bata, pero seryoso siya kung kailangan. May sense of justice pero minsan ay nilalagay ang batas sa mga kamay niya.
Ibang-iba ito sa Junjun na nakita ko sa bar. Ang boses niya na puno ng galit, ang mga mata niya na nanlilisik—lahat ibang-iba.
"Kaya ba pinigilan mo akong sumama kay Ali? Kasi..." Hindi ko natuloy ang sinabi ko dahil pinutol ako ni Junjun.
"I saw her on the phone one night. And I heard about her pregnancy."
Buntis ako at ikaw ang ama.
Biglang pumasok sa isip ko yung biro ni Junjun noong nasa bahay kami. Nasakal ko pa nga siya dahil doon. Tungkol ba doon yung gusto niyang sabihin sa akin kaya seryoso siya nung una?
"Then I heard about her plans. Akala ko makukumbinsi kita na hindi sumama, but I guess I'm wrong."
Kumirot bigla yung puso ko sa mga sinabi niya.
"Hindi ko masabi kasi di ko alam kung maniniwala ka sa akin. Wala akong proof. And seeing that you are close with her..." Niyakap ni Junjun ang mga tuhod niya habang pinagmamasdan ang tahimik na buwan. Hindi siya kumibo.
Paano kaya magliliwanag ang iyong mga mata?
Sa maliit na distansya na namamagitan sa aming dalawa, walang pag-aalinlangan kong nilagay ang kamay ko sa balikat ni Junjun para akbayan siya.
Nakita kong nagulat siya sa ginawa ko. Nadako ang tingin niya sa akin, at ganoon din ako.
Parang dagat ang mga mata ni Junjun. Isang dagat kung saan walang kumikinang na buwan. Tahimik at malalim. Malamig at walang buhay. Pero kahit na ganoon, gusto ko pa ring lumangoy sa dagat na yon. Dahil alam ko na ang dagat na iyon ay hinding-hindi ako sasaktan.
"Maniniwala ako sa'yo at buo ang tiwala ko sa'yo. Lagi mo yang tatandaan."
"Kyle..."
Sinubsob ni Junjun ang mukha niya sa balikat ko. Pinalibot niya ang mga braso niya sa akin at niyakap ng mahigpit. Hindi ko alam kung anong itsura ko nito sa ibang tao. Baka akalain nila na baliw na ako. Pero wala na akong pakialam dahil niyakap ko pabalik si Junjun.
Hindi naman ako mahilig sa physical contact pero gusto ko lang i-comfort siya.
Minsan lang naman 'to.
"I'm sorry Kyle."
Pakiramdam ko ay hindi ko dapat marinig iyon. Pabulong niya kasi itong sinabi habang nakasiksik ang ulo niya sa balikat ko. Naramdaman ko pa ang saglit na pagdampi ng labi niya sa espasyo sa pagitan ng aking leeg at balikat nong nagsalita siya.
"Bakit ka nagso-sorry?" tanong ko. Umiling-uling lang siya at naramdaman kong hinahagod ng kamay niya ang likod ko.
Bakit ang sarap sa pakiramdam? Powers ba ito ng mga multo?
"Pwes, ayoko ko na'ng maririnig kang magso-sorry sa akin. Wala kang dapat ika-sorry."
Hindi na muling nagsalita si Junjun. Itinuon ko na lang ang atensyon ko sa buwan na tahimik lang na nagmamasid sa amin.
Si Junjun ay para ring buwan. Mawala man siya sa paningin ko at pasulpot-sulpot man siya minsan, pero alam kong lagi ko siyang katabi: gaya ng buwan na lumiligid sa araw. At gaya ng buwan, sana makakuha rin siya ng liwanag. Sana bago siya tumawid ay makita kong mag-reflect ang liwanag sa mga kulay tsokolate niyang mata.
Nahagip ng aking paningin ang tahimik na pagbisita ng isang bulalakaw sa madilim na kalangitan ng mundo. Sabi nila wishing star daw 'yon. Sabi nila matutupad ang kahit anong hilingin mo.
Kung gayon...
Sana...
"Kyle?"
Napatingin ako kay Junjun. Lumuwag ang pagkakayakap niya sa akin at tahimik akong tinignan. Kumunot ang noo niya na tila nagtataka. Walang anu-ano'y naramdaman ko ang paglapat ng hinlalaki ni Junjun sa ilalim ng mata ko na tila may pinalis.
"You're crying."
Shit.
Tinulak ko si Junjun at hinawakan ang mukha ko. Basa nga. Dali-dali ko itong pinunasan gamit ang damit ko.
Shit. s**t. s**t.
May konting sipon pa na nagbabadyang tumulo sa ilong ko kaya naman sininghot ko na yon kaagad.
Tanggal-angas ko ah.
Inayos ko muna ang sarili bago ako nagsalita, "Hindi a, napuwing lang. Tignan mo oh, ang daming buhangin tapos lakas pa ng hangin."
"Okay, sabi mo." Tumawa lang si Junjun.
Tumayo na kami at nagpagpag ng sarili bago bumalik papuntang bahay. Nung nasa tapat na kami ng gate ay hinila ko ang kamay ni Junjun.
"Thank you pala ulit. Malaki ang utang na loob ko sa'yo." ang sabi ko. Gusto ko sanang sabihin na gagawin ko ang kahit ano para masuklian iyon, pero nagbago ang isip ko. Alam kong aabusuhin lang ako nitong gago.
Nakita kong nag-iba ang timpla ng itsura ni Junjun. Bigla itong napakapit sa ulo.
"Junjun?" ang pagtawag ko.
Hindi siya sumasagot. Nakapikit ang mga mata nito at gamit ang dalawa niyang kamay ay tinakpan nito ang kanyang tenga na parang bang may naririnig siyang hindi ko naririnig.
"Jun?"
Inalalayan ko ang katawan niya dahil tila babagsak ito sa lupa. Ipinatong ko ang mga kamay ko sa mga kamay niya na nakataklob sa tenga niya. Tinignan ko siyang diretso at marahang ipinaalala sa kanya:
"Junjun, nandito lang ako, okay? Nandito lang ako."
─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ───
"Napaka-kapal ng mukha mong bata ka. Pagkatapos kitang pakainin at bihisan, ito lang ang igaganti mo? Walang utang na loob!"
"Mom, I'm sorry! I'm sorry! I just wanted to be myself. Is that wrong?!"
"Tigilan mo yan! Pinapahiya mo ang pamilya natin, ☐☐☐! Nakakahiya ka!"
"Mom! Stop! Masakit po! I'm sorry! Please!"
─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ───
Sabi nila wishing star daw 'yon. Sabi nila matutupad ang kahit anong hilingin mo.
Kung gayon...
Sana maayos na makatawid si Junjun sa kabilang buhay...