─── ・ 。゚☆: *.☽ .* :☆゚. ───
Ding.
Kasabay ng pagtunog ng elevator ang siyang pagbukas ng pinto nito.
Dumilat si Kyle at naramdaman ang ilang bakas ng luha sa mata. Pakiramdam niya ay napakatagal niyang nawala pero ang totoo ay isang kisapmata lamang ito sa kasalukuyang oras. Napatingin siya sa gilid niya at halos malaglag ang puso nang makita na wala si Ezekiel sa tabi niya.
Agad siyang lumabas ng elevator na ngayon ay nasa 10th floor na. Ganoon pa rin ang itsura nito kagaya ng naaalala niya sa ilang beses na pagpunta niya rito dati. Pero ngayon, bawat paghakbang na gawin niya ay tila napakabigat, kagaya ng nararamdaman niya sa puso niya.
Nakasalubong niya ang isang empleyado at tinuro sa kanya ang waiting area kung saan siya pwedeng maghintay habang nasa meeting pa ang direktor.
"Dito rin siya naghintay." ang bulong niya sa sarili at hindi niya namalayan na kinukutkot na niya ang kuko niya.
Nakita ni Kyle ang mga alaala ni Ezekiel sa lugar na ito. Nanginginig pa siya hanggang ngayon sa galit dahil sa mga nasaksihan niya. Wala siyang nagawa. Kahit anong pagsisisigaw ang ginawa niya habang pinapanood kung paano bugbugin ng direktor si Ezekiel, wala siyang nagawa. Hindi niya ito natulungan.
Kasabay ng unti-unting pagtigil ng hininga ni Ezekiel ay ang pagtulo ng mga luha ni Kyle habang nakikita ang kinahantungan ng taong gusto niya. Maaaring nasaksihan niya ang mga pangyayari, pero kahit kailan ay hindi niya mararamdaman ang sakit na naramdaman ni Ezekiel noon. Hindi lang ang pisikal na sakit, pero pati na rin ang emosyonal na pagdudusa nito sa kamay ng magulang, sa pagkakalayo sa kasintahan, at ang tila pagtalikod sa kanya ng mundo.
Hindi niya kaya ang halo-halong nararamdaman kaya nagmadali siyang tumakbo sa pinakamalapit na washroom. Isinuka nito ang mga kinain na parang binabaliktad ang kanyang sikmura.
Nakita niya kung paano pinatay si Ezekiel.
At siya ang nagdala sa kanya sa lugar na 'to.
Halos hindi makahinga ang binata sa tuwing naaalala niya ang katotohanang ito. Sinubukan niyang pakalmahin ang sarili. Kung nandito lamang siya...
"Ezekiel... nandito ka ba?" ang pagtawag niya pero tila siya lang ang nakakarinig ng mga iyon. "Kailangan kita..."
Wala na siyang pakealam kung may ibang tao sa washroom, pero ngayon ay sa kabutihang palad, walang ibang gumagamit. Sumalampak siya sa sahig at hinayaang tumulo ang mga luha mula sa mga mata niya.
"Patawad, wala akong nagawa..." nanginginig ang boses nito habang patuloy na tumatangis.
Naramdaman niya ang pagyakap sa kanya ng isang malamig na katawan. Alam na alam niya kung sino iyon. Iyon ang katawan na hinahanap-hanap niya. Ito ang katawang gusto niyang ingatan at ilayo sa kapahamakan.
"What are you saying sorry for? Wala kang kasalanan. Kahit kailan ay hindi mo 'yon kasalanan." Inalo ni Ezekiel ang ulo ng binata na nakasiksik sa dibdib nito. Kumukurot ang dibdib niya sa nakikitang pagluha ni Kyle at hindi nito alam kung bakit niya sinisisi ang sarili.
"Ako ang naghatid sa'yo dito. Kung sana hindi kita tinulungan—"
"Shhh... come on," mahinang tumawa ang multo. "Don't blame yourself. If you didn't help me, I'm sure someone would. I'd still be here in one way or another."
Aminado si Ezekiel na masakit para sa kanya na maalala pa ang mga tagpo na nangyari sa palapag na ito. Pero wala na siyang magagawa pa para baguhin iyon. Kung nakatadhana siyang mamatay sa gusaling ito, ano pa ang magagawa niya? Matagal na niyang inihanda ang sarili sa oras na malaman niya ang parte ng buhay niya na ito.
Pero ang mas nagpapabigat ng kalooban niya ay ang makita ni Kyle ang lahat. Ang mga mata ni Kyle ay hindi laan para makakita ng ganoong bagay. Kung pwede lang ay buburahin niya mula sa isip nito ang mga nasaksihan ay gagawin niya.
"Stop crying. Baka hinahanap ka na sa labas. You still have to meet my dad." Pinunasan ng multo ang luha ng binata. "Let's go, pogi?" ang pabirong pagyaya niya rito.
Alam ni Ezekiel na parehong mabigat ang kanilang dinadamdam, pero sa oras na ito, kailangan niyang maging matatag para kay Kyle. Hindi niya gustong madamay ito sa gulo ng buhay niya.
Inayos ni Kyle ang sarili niya at saka naghilamos ng mukha. Buong oras ay katabi niya si Ezekiel na sinusundan ang bawat galaw niya mula sa repleksyon ng salamin.
Napagkasunduan nila na si Kyle na lang ang mag-isang makikipag-usap sa direktor. Ayaw na kasi ni Kyle na tumapak si Ezekiel sa kwarto na iyon para hindi na niya maisip ang mga nangyari sa kanya doon. Alam naman ng multo na hindi siya magb-break down kung makapunta ulit siya sa lugar na iyon pero pumayag na lang siya. Gusto niya rin naman ang pakiramdam na pinoprotektahan siya ni Kyle.
"Let's meet later at home, okay?" ang bilin ng multo. Hawak nito ang kamay ni Kyle na parang minamasahe para mas kumalma ito. "Tapos ipagluto mo ako ng dinner."
"Okay."
"C'mon, pull yourself together. And just calm down. If you see my dad, don't do something stupid, okay?"
"Hindi ko mapapangako yan."
Ginulo ni Ezekiel ang tuktok na buhok ni Kyle at saka agad naman itong inayos. "Promise me, then. I also promise you, hihintayin kita."
Namangha si Kyle sa ngiti ni Ezekiel. Ito ang gusto niyang makita sa mukha ng binata: ang mga nakaka-akit nitong ngiti. Ang ngiting wapang bahid ng padlgdurusa.
Thump.
Thump.
Thump.
"Promise. See you later."
Dali-daling lumabas ang namumulang si Kyle mula sa washroom at iniwan si Ezekiel na nagtataka.
Kasalukuyang nakaupo si Kyle sa opisina ng site director. Kaharap niya ngayon ang lalaking pinaka-kinamumuhian niya ngayon. Labis labis ang pagpipigil na ginagawa niya para lang hindi suntukin ang gago na nasa harap niya dahil nangako siya kay Ezekiel na wala siyang gagawing katangahan sa harap ng ama nito.
Alam naman din ng binata kung ano ang ibig sabihin ng multo. Alam nito na hindi pa man nakakadapo ang kamao niya sa mukha ng hayop na 'to, malamang ay mapapatapon na siya sa kung saan, o baka mas malala pa ang mangyari sa kanya. Hindi ito pwedeng mangyari dahil kailangan pa niya itong makausap tungkol kay Ezekiel.
"Good morning Mr. Salvador. How would you like me to call you? I want this meeting to be comfortable." ang pagbati ng direktor.
Wala namang emosyong sinagot ito ni Kyle. "Kyle's just fine."
"Great, great. Just call me Gilberto, too. Ayoko ng mga masyadong formal na yan." Tumawa pa ang matandang Sy.
Demonyo ang itatawag ko sa'yo.
"Now, let's talk about..."
Habang nakikinig sa sinasabi ng direktor, lumilipad naman ang isip ni Kyle sa ibang direksyon. Balak sana nitong komprontahin ang matandang Sy upang malaman kung ano ang nangyari kay Ezekiel, pero dahil siya na mismo ang nakasaksi ng lahat, kailangan niyang mag-iba ng plano. Ito ang sikretong pinakatatago ni Mr. Sy at maaaring sa oras na komprontahin niya ito tungkol kay Ezekiel ay hindi na siya makalabas ng buhay sa kwarto. At ngayon, ang kanyang plan B ay may kinalaman sa isang lalaki na nakita niya sa alaala ni Ezekiel.
Ang sekretarya na si Mr. Belmonte.
Kailangan niyang mahanap ito dahil siya lang ang tanging saksi sa oras ng ginawang krimen ng direktor. Bukod dito, kailangan pa nila ng ibang ebidensya na magpapatunay dito para makulong si Mr. Sy. Saka na niya iyon aalalahanin kapag nakausap na niya si Mr. Belmonte.
Labis-labis na pagpipigil ang ginagawa niya para lamang hindi niya sapakin ang nakatatandang Sy. Nanginginig ang nakakuyom na mga kamao niya sa galit. Pilit din niysng tinatago ang pagkamuhi sa boses nito. Kailangan niya itong gawin para maayod na maisagawa ang susunod niyang plane. Hindi ngayon ang oras para bitagin ang kaaway.
Halos isang oras din ang tiniis niya sa loob ng kwartong iyon sa 10th floor. Halos wala nga siyang naintindihan. Sa kabutihang palad, hindi siya natanggal sa trabaho ngunit ito na ang last warning para sa kanya. Wala namang pake-alam dito si Kyle. Hindi ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay yung naghihintay sa kanya sa bahay.
Agad na umuwi si Kyle pagkatapos pirmahan ang kung anu-anong papeles. May bitbit itong grocery dahil magluluto siya. Magaan ang mga hakbang niya na halos lumipad na siya patungo sa bahay.
Pagpasok niya, inaasahan niya na nag-iintay sa kanya sa loob si Ezekiel gaya ng pinangako niya. Pero nagtataka siya kung bakit walang tao sa sala. Ang tulog na sisiw lang ang naabutan niya doon.
"Ezekiel?" tinawag niya ang binata pagkatapos ilapag ang mga pinamili sa mesa. Wala rin kasi ito sa kusina kaya nagpunta siya sa kwarto niya para tignan kung nandon sa si Ezekiel.
Nakahinga naman ng maluwag si Kyle nang nakitang nakahiga sa kama niya ang multo at tila payapang natutulog. Tahimik siyang pumasok sa kwarto at nagtungo sa tabi ng kama kung nasaan si Ezekiel.
Palaging nagtataka ang binata kung natutulog ba ang mga multong kagaya ni Ezekiel. Ilang beses niya kasi itong nakitang nakahiga kung saan-saan dati na parang natutulog. Nalilimutan niya ring itanong ito kay Ezekiel kaya nag-mental note ito na tanungin siya mamaya tungkol dito.
Parang isang normal na tao lang ang anyo ni Ezekiel habang natutulog. Pinagmasdan niya ang malalagong pilik mata nito at dumako ang paningin niya sa matangos nitong ilong na animo'y makakahiwa ng balat. Hindi rin nakaligtas sa paningin niya ang labi nito na mukhang malambot.
Minsan nang dumapo sa noo niya ang mga labing iyon. Pero sa pagkakataong ito, gusto niyang malaman kung ano ang pakiramdam kapag sa labi niya ito dumampi.
Hindi namalayan ng binata ang unti-unting paglapit ng mukha niya sa multo na tila hinihila siya nito.
"Like what you see?"