AFLW 20: Pagtupad sa Kasunduan

2514 Words
AFLW 20: Pagtupad sa Kasunduan **** Prinsesa Yuki POV Aking sinalubong ang bukang-liwayway sa Hardin ng Palasyo ng puno ng pag-asa. Sapagkat akin ng sinimulan ang mga nararapat gawin upang aking matupad ang aming tunay na layunin sa pagpasok dito sa Palasyo. Gagawin ko ang lahat upang magtagumpay. Ang pagkabigo ay walang puwang sa aming layunin. Sa tuluyang pagsikat ng araw ay bumalik na ako sa aking tirahan at naghanda. Ilang sandali na lang ay ipapatupad na ang parusa sa dalawang nagkasala. At kailangan ko itong mapigilan upang makamit ko ang aking nais. Hindi ako maaaring umurong sa kasunduan. "Hindi na ba magbabago ang iyong pasya, Mahal na Prinsesa?" Nag-aalalang tanong ni Yoshie. "Paumanhin, Yoshie, dahil palagi kitang pinag-aalala." Ang aking sagot. Bumuntung-hininga siya. "Sa loob ng ilang taon na aking pagsisilbi sa iyo, Mahal na Prinsesa, akin ng tinanggap na ilalaan ko ang aking buhay sa pag-alala sa iyo. Subalit sa pagkakataong ito ay ibang pag-alala ang aking nararamdaman. Hindi mo man ilalagay sa panganib ang iyong buhay subalit ilalagay mo sa alanganin ang iyong dignidad at katayuan. Hindi karapat-dapat na ikaw ay magmaka-awa upang iligtas ang mga taong nagtangka sa iyong buhay." "Hindi ako magmamaka-awa, Yoshie, ako ay magpapatawad lamang. Kung ang maging kapalit ng aking pagpapatawad, kahit sa taong itinuturing kung kaaway, ay ang magtagumpay, malugod kung gagawin maging ang magpapakababa." "Wala na bang ibang paraan, Prinsesa Yuki, maliban sa iyong gagawin?" "Maraming paraan Yoshie subalit ito ang aking pinili. Pagtatawanan ako ng karamihan at iisiping nasisiraan ng ulo subalit ang maging kapalit ay natitiyak ko na higit pa sa aking inaasahan." "Nawa'y matupad lahat ng iyong hangarin sa iyong gagawin, Mahal na Prinsesa." "Iyan ang isang bagay na aking titiyakin, Yoshie. Sa tulong mo at tulong ni Shuji. Batid ninyong dalawa na kayo ang aking pinagkakatiwalaan higit kanino man." "Maaasahan mo kami sa lahat ng pagkakataon, Mahal na Prinsesa." Ipinagpatuloy na namin ang paghahanda. Ng pumasok si Shuji upang sunduin kami sapagkat handa na ang lahat ay humayo na kami patungo sa bulwagan. Sa aming pagdating sa bungad ng bulwagan ay nakita na namin na marami na ang nagtitipon at naghihintay ng mangyayari. Nagsismula na rin ang Punong Kalihim ng Emperador sa pagbasa ng hatol at pagpapatupad ng parusa. Sa tabi ng Punong Kalihim ay naroon ang dalawang Prinsipe. Si Prinsipe Daiki ang nagpapatibay ng kaparusahan habang buo ang suporta ng ni Prinsipe Daisuke sa kanyang kapatid. Na sa hindi ko malamang kadahilanan ay kanina pa ako hindi hinihiwalayan ng paningin magmula sa aking pagpasok hanggang na naglalakad ako gitna. Ang lahat ng paningin ay natuon sa akin. Batid ko na hindi nila inaasahan ang aking pagdalo lalo na ang abalahin ang ginagawang pagpapatupad. "Mahal na Prinsesa, anu ang dahilan at pinangahasan ninyong pumasok at tumuloy sa gitna ng bulwagan?" Ang tanong ng Punong Kalihim. "Paumanhin Punong Kalihim, subalit sa aking palagay ay hindi kataka-taka na dahulan ko ang pagpatupad ng parusa sa mga taong nagtangka sa aking buhay. Subalit bago ang lahat maaari ko bang makausap ang Mahal na Prinsipe?" Tinapunan ko ng tingin si Prinsipe Daiki. "Nasa gitna tayo ng magpapatupad ng kaparusahan sa mga taong nagkasala. Kung ano man ang iyong nais sabihin ay makakapaghintay hanggang sa matapos ang pagpapatupad ng parusa." Si Prinsipe Daisuke ang sumagot. Inilibot ko ang aking paningin sa lahat ng naroon. Tumagal ang aking mga mata sa aking mga taga-paglingkod. Marahan akong tumango saka sila umatras. Hindi ko hangad na isali sila sa kahibangan na aking gagawin. Kung kahibangan nga ba ito. Humugot ako ng malalim na paghinga. Sa buong buhay ko unang beses kung gagawin ang bagay na ito. Ang magpakumbaba sa harap ng karamihan. Subalit gaya ng aking sinasabi hindi ako magdadalawang isip na gawin ito ng paulit-ulit kung ang kapalit ay tagumpay. Makakaya kung gumawa ng palabas para sa kasiyahan ng mga manonood at aking tagumpay! Marahan akong lumuhod (umupo na inupuan ang mga binti) at yumukod ng buong pagpakumbaba sa Mahal na Prinsipe. "Ako isang biktima sa kasakiman ang dalawang tao na itinuturing akong kaaway. Subalit narito ako sa harapan ng lahat upang ibatid ang aking pagpapatawad. Kaya naparito ako upang pangahasan na hilingin sa Mahal na Prinsipe na bawiin ang naunang pasya, at huwag ng ituloy ang parusa." Napasinghap ang lahat sa aking binitawang salita. Hindi kapani-paniwala ang aking mga tinuran sapagkat buhay ko ang pinagtangkaan. Subalit malinaw nilang narinig ang aking pagsamo. Tumayo si Prinsipe Daiki at lumapit sa akin. Hinawakan niya ako sa balikat at sinubukang itayo. Hindi ko siya hinayaan na itayo hangga't hindi niya pagbibigyan ang aking kahilingan. Magkaharap kami habang nananatili akong nakaluhod at siya bahagyang nakaupo sa aking harapan. "Ano ang dahilan upang hilingin mo bagay na ito, Prinsesa Yuki? Pinagtangkaan nila ang iyong buhay." "Hindi ko nakakalimutan ang bagay na iyan, Kamahalan. Nakatatak na iyan sa aking isip at puso subalit sino ako upang hindi magpatawad? Bilang isa sa babaing pagpipilian, at kung papalarin na ako ang mapili. Nais kung simulan ang aking tungkulin sa pagpapatawad at pagbibigay ng pagkakataon sa mga taong nagkamali upang itama ang mali nilang nagawa. Bigyan sila ng pangalawang pagkakataon. Alam ko na sa paningin ng karamihan ay isang kabaliwan ang aking hiling. Subalit ano na ang mangyayari sa ating lipunan kung papairalin natin ang galit? Ang kaguluhan na dala ng galit at pagganti ay magpapatuloy hangga't walang nagpapatawad. Kaya umaasa ako na makapa mo sa iyong puso ang pagpapatawad, Kamahalan." Pinangahasan kung itapat ang aking palad sa kanyang dibdib sa bahagi kung nasaan ang kanyang puso. Ipinatong ng Mahal na Prinsipe ang kanyang kamay sa aking kamay na nakalapat sa kanyang dibdib at hinawakan ito. Pag-angat ng kanyang mukha ay magandang ngiti ang sumalubong sa aking mga mata. "Talagang napakabuti mo Prinsesa Yuki. Mahirap magpatawad sa mga taong hangad na ikaw ay mapasama subalit labis na kapatawaran ang iyong iginawad sapagkat nagawa mo pang hilingin ang kinalang kaligtasan. Pagbibigyan ko ang iyong kahilingan kaya maaaring ka ng tumayo." Sa pagkakataong iyon ay hinayaan ko siyang alalayan akong tumayo. "Subalit malaki ang kapalit ng iyong kahilingan, Mahal na Prinsesa." Ang bulong ni Prinsipe Daiki ng tuluyan akong makatayo habang hawak niya ang aking bewang. Hindi ko mapigilan ang titigan siya ng mataman dahil sa kanyang sinabi. Malinaw na aking nakikita ang tuwa sa kanyang mga mata at ang mapaglarong ngiti sa kanyang mga labi. Hindi ko maiiwasan ang kabahan sapagkat hindi ko inaasahan na may kapalit ang gagawin niyang pagpayag sa aking kahilingan. Ang inaasahan ko lamang ay papayag siya upang ipakita sa kanyang nasasakupan na isa siyang Pinunong marunong magpatawad at magbigay ng awa. "Narinig nating lahat ang mabuting hangarin ni Prinsesa Yuki." Panimula ng Mahal na Prinsipe. "Hindi lahat ay may mabuting puso. Nais kung pagbigyan ang kahilingan ng Prinsesa subalit sina Binibining Reina at Binibining Mizane ay pawang nagkasala na nararapat lamang parusahan. Binabawi ko na ang parusang aking ipinataw sa dalawang nagkasala dahil sa kahilingan ni Prinsesa Yuki. At bilang parusa ay kailangan nilang sundin ang si Prinsesa sa lahat ng pagkakataon sa loob ng tatlong buwan." Iba't ibang opinyon ang maririnig sa lahat ng naroon subalit ang pinakamalinaw para sa akin ay ang pagkamanghang nakabalatay sa buong mukha ng dalawang nagkasala. Hindi makapaniwala at nagdududang tingin ang ibinigay nila sa akin. Sinuklian ko lamang ito ng isang matagumpay na ngiti kahit hindi nila ito makikita. "Sa paningin ng karamihan ay napakabuti mo, Mahal na Prinsesa. Para naman sa iba, ikaw ay nababaliw dahil iniligtas mo hindi lang isa kundi dalawang kaagaw sa korona. Subalit para sa akin, may lihim kang binabalak." Napatingin ako sa nagsalita sa aking tabi. Nakita ko si Prinsipe Daisuke na nakatayo sa aking tabi at nakatingin sa dalawang nagkasala na tinulungang makatayo ng kanilang mga taga-lingkod. Bumaling siya sa akin at tumaas ang sulok ng kanyang mga labi at sinalubong ang aking mga mata na nasa ilalim ng telang nakatakip sa aking mukha. "Hindi ko maintindihan ang iyong sinasabi, Prinsipe Daisuke." Wika ko pagkatapos bawiin ang aking paningin sa nanunuri niyang mga titig. "Tutuklasin ko ang lahat ng iyong lihim, Mahal na Prinsesa. Kaya mating maingat ka at huwag kalimutan ang iyan." Wika niya bago tuluyang umalis. Ang kanyang mga mata ay puno ng determinasyon na tuklasin ang misteryong nakapalibot sa akin. Hindi ko maiwasan ang mapangiti. Susubaybayan ko kung hanggang saan ang iyong mararating sa pagtuklas sa lahat ng misteryo at lihim na nakabalot sa buo kung pagkatao, Prinsipe Daisuke. Hihintayin kita sa dulo kung magagawa mong umabot dito. Nagsimula ng lumisan ang mga tao sa bulwagan hanggang sa ang matira na lamang ay lahat ng aking mga katunggali sa korona, mga kapwa ko babaeng pagpipilian. Maging ang dalawang Prinsipe ay nanatili habang ang lahat ng aming mga taga-lingkod ay nasa hindi kalayuan lamang. "Inaasahan mo ba na ako ay magpapasalamat sa pagligtas mo akin sa naka-ambang parusa?" "Hindi. Dahil batid ko na sa kabila ng aking ginawa ay hindi ka bababa upang magpa-abot ng kahit pakitang-tao na pagpapasalamat." "At bakit kita pasasalamatan sa ginawa mong panghihiya at pangmaliit mo sa akin sa harap ng karamihan?" "Napaka-itim talaga ng iyong budhi, Reina." Hindi nakapagpigil na pagsalita ni Kisana. "Pinakitaan ka na ni Prinsesa Yuki ng kabutihan subalit naisip mo pa rin na masama ang kanyang ginawa? Samantalang ikaw nga itong pinagtangkaan ang kanyang buhay." "At sino ka para pagsalitaan ako ng ganyan?" Pagharap ni Reina kay Kisana. Bago pa man tuluyang magkagulo ay pumagitna na ang Mahal na Prinsipe. "Tama na ang walang kabuluhang usapan na iyan. Tapos na akong magpasya at gaya ng aking sinabi," hinarap niya si Reina at Mizane. "Susundin ninyo ang anumang sasabihin ni Prinsesa Yuki. At kapag malaman ko na kayo ay sumuway hindi ako magdadalawang-isip na ipatapon kayo ng tuluyan sa labas ng Palasyo at hindi na kayo magkakaroon ng pagkakataon na makabalik." Sinabayan ng pagtalikod ni Prinsipe Daiki ang kanyang mga tinuran. Subalit bago tuluyang umalis ay bumaling muna siya sa akin at tiningnan ako ng makahulugan. Palihim niyang ipina-alala sa akin na may kapalit ang kanyang ginawa. Wala akong magawa kundi umaasa na sana ang kapalit na hihingin niya ay makakaya kung gawin. Dahil kung ang bagay na aking iniisip ang kanyang nais, hindi ito magiging madali. Ilang segundo akong nanatiling nakatayo sa gitna ng bulwagan habang nakatingin sa papalayong Prinsipe. Bumalik lamang ako sa aking huwisyo ng dumaan si Prinsipe Daisuke sa aking harapan at sinundan ang kanyang kapatid. Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan upang kalmahin ang aking sarili. Kumilos na din ako paalis sa bulwagan kasunod ang aking mga taga-lingkod. "Bakit mo kami iniligtas sa parusa?" Ang habol na tanong ni Mizane. "Tumupad lamang ako sa kasunduan namin ni Ginoong Wakamoto. Pumunta siya sa akin at nakipagkasundo para sa kaligtasan ng kanyang anak. Sapat na ba iyong kasagutan?" Hindi ko na hinintay pa ang kanilang magiging reaksyon at tuluyan ng nilisan ang bulwagan. Makalipas ang isang araw ay pinatawag ko ang lahat ng mga babaeng pagpipilian sa aking tahanan. Inimbitahan ko silang saluhan akong magtsaa sa maliit na Hardin sa likuran ng aking tirahan. Ipinasundo ko rin sina Reina at Mizane kay Shuji. Sa nakalipas na araw at gabi ay inutusan ko ang isa sa aking bantay na magbabantay sa lahat ng kilos ng dalawa. Maging ang kanilang pagkain ay galing sa aking kusina at inuluto ng aking mga tagasilbi. Naunang dumating si Kisana sa aking tirahan at sabay kaming naglakad patungo sa Hardin. "Ano ang okasyon at inimbita mo kaming lahat, Prinsesa Yuki?" Tanong ni Kisana. "Nais ko lamang makilala ang aking mga katunggali, Kisana." "Hmm, upang malaman mo kung paano kami malabanan? Isang matalinong paraan." "Maaaring oo, maaaring hindi." "Pati ba naman sa pagsagot ng katanungan at lalagyan mo pa ng misteryo?" Umiiling na wika ni Kisana na umupo sa aking tabi. Sunud-sunod na dumating ang aking panauhin. Pinakahuling dumating ang sina Reina at Mizane. Naging maayos naman ang aming pag-uusap habang kumakain ng inihandan ng aking mga tagasilbi. Pinakahuling isinilbi ang mga tsaa. Sa halip na isilbi sa harap ng aking panauhin ang mga tsaa ng tsaa ay inilagay ito sa gitna at binuhusan ng umuusok na tsaa galing sa lagayan. Samantalang ang isinilbi sa aking tasa ay may laman ng tsaa. Dinampot ko ang tasa ng tsaa at maingat na sumimsim habang pailalim na tiningnan ang mga tasa na nasa gitna ng mesa. Ng akmang dadampot na ng tasa ang lahat at tumikhim ako upang makuha ang kanilang atensyon. "Ahem! Nais ko lamang ipaalam sa inyo na dalawa sa mga tasang iyan ay may lason. Kunting-kunti lang naman." Ipinakita ko sa pamamagitan ng aking mga kamay ang aking sinabi. Agad na nagpulasan palayo sa mga tasa ang kanilang mga kamay. Nais kung tumawa ng malakas sa takot na nakita ko sa kanilang mga mukha. Isa-isang nagpaalam ang aking mga panauhin na nagbibigay ng iba't ibang dahilan. Batid ko na gumagawa lamang sila ng dahilan upang umiwas. Napailing na lamang ako sa kanilang reaksyon. "Maaari na kayong umalis." Wika ko kina Reina at Mizane na batid kung kanina pa nais sumunod sa mga naunang umalis. Nagmamadali silang tumayo at mabilis na umalis. Nagulat ako ng tumayo si Kisana sa aking tabi at lumipat sa aking harapan. Saka ko lang napansin na hindi pala siya kasali sa mga umalis. Tumaas ang aking mga kilay ng dumampot siya ng tsaa at sumimsim. "Hindi ka ba natatakot na baka ang may lason ang iyong nadampot at ininom?" "Sa iyong palagay ba naniniwala akong magawa mo akong ipahamak? Pati na ang iba na wala namang ginawang masama sa iyo?" Natawa ako sa kanyang sinabi subalit tama siya. Sinabi ko lang na may lason ang tsaa upang makita kung ano ang kanilang gagawin. "Mabuti na lamang at mas pinili ko ang maging kaibigan mo." Wika ni Kisana. "At bakit mo naman nasabi iyan?" "Sapagkat hindi ko nais na maranasan ang uri ng iyong ganti, Prinsesa Yuki. Hindi ko nais mabuhay sa takot, at pag-iisip ng maaari mong gawin sa akin. Gaya ng nararanasan ngayon nina Reina at Mizane. Umabot sa akin na halos hindi sila makakain dahil natatakot sila na ang mga pagkaing pinahain mo ay nilagyan mo din ng lasunin." "Nag-aalala sila na maaaring gumanti ako sa pagtatangka nila sa buhay ko?" Ngumiti ako ng matamis. "Sapat ng ganti ang nabubuhay sila sa matinding pag-alala at labis na takot, Kisana. At hindi magtatapos ang lahat ng iyan sa ganoon lang." "Kaya nga ako ay nagpapasalamat na mas pinili ko iyong panig sa kabila ng misteryong bumabalot sa iyo." "Natutuwa rin akong nagawa mong magtiwala sa akin, Kisana." Natigil lamang ang aming pag-uusap ng dumating ang nagmamadaling si Shuji. Bakas sa kanyang mukha na may hindi magandang pangyayari. "Mahal na Prinsesa." Yumukod siya bilang pagbati. "Dumating sa Punong Tanggapan ang mga Opisyal, Ministro at mga Maharlikang Angkan. Ayon sa balitang aking natanggap, nagkakagulo sila ngayon." Patamad akong sumandal. "Sa iyong palagay Shuji, ano ang dahilan sa kaguluhan sa kanilang hanay?" Hindi ko inaasahan na sasagot siya sa aking tinuran. Tumingin ako sa malayo at isang makahulugang ngiti ang pinakawalan. Batid kung ganoong ngiti rin ang nakapaskil sa mga labi ni Shuji.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD