AFLW 14: Lihim at Karamdaman
***
Prinsipe Daiki POV
Nananatili akong nakaupo sa tabi ng nakahiga at nanghihinang Prinsesa. Hindi pa bumabalik si Pinunong Kizu na aking inutusan upang sunduin ang aking manggagamot. Hindi ko maintindihan subalit labis ang aking pag-aalala sa kanyang kalagayan.
Ilang sandali pa ang lumipas at naramdaman ko ang kanyang paggalaw. Marahan niyang inangat ang kanyang sarili at napatakip sa kanyang bibig. Nahulaan ko na nais na naman niyang sumuka. Mabilis kung inabot ang mangkok at itinapat sa kanya. Saglit akong natigilan ng aking makita ang likido na tumutulo sa kanyang kamay. Dugo. Napamaang ako habang nakatingin sa Prinsesa na sumusuka na ngayon ng dugo.
Ang manipis na telang nakatakip sa kanyang mukha ay may bahid na ng dugo. Walang alinlangan na ito ay aking hinablot upang malaya kung makita ang kanyang mukha sapagkat walang tigil ang pag-agos ng dugo sa kanyang labi.
Subalit hindi ko napaghandaan ang mukhang aking mabubungaran. Napatulala ako sa maganda at nakakabighaning mukha na tumambad sa akin. Ang mukhang unang nasilayan ng lahat at pinandidirihan ay hindi ko matagpuan. Walang bakas ng anumang nakakadiri o kahit pilat ang aking nakita.
Napatitig ako sa kanyang mukha at may kung anung alaala ang nagpupumilit na sumiksik sa aking isip. Ipinilig ko aking ulo upang maibalik ang aking huwisyo na saglit nawala. Isang imposibleng bagay ang aking naisip ngayon lang, napakalabong mangyari. Hinamig ko ang aking sarili upang matuon ang aking buong pansin sa kanyang kalagayan.
Maingat ko siyang inihiga ng tumigil na ang kanyang pagsusuka. Pinunasan ko ang bakas ng dugo sa gilid ng kanyang mga labi. Maging sa kanyang kamay ay nilinis ko ng mabuti. Hindi ko nais na matuklasan ng sino man ang pangyayaring ito. Nakagawa ng paraan ang aking Mahal na Ina upang mapanitili siya dito sa kabila ng napakaraming petisyon ang natanggap ng Emperador noong nakaraang tatlong buwan. At ang pangyayaring ito ay hindi palalagpasin ng kanyang katunggali upang tuluyan siyang mapaalis ng Palasyo.
Marahas akong napabaling sa pinto ng bigla itong bumukas. Nakahinga ako ng maluwag ng makita si Yoshie na pumasok dala ang pagkain na aking hiniling. Bakas ang gulat sa kanyang mukha at bahagya pang bumuway ang kanyang tayo ng makita na wala ng takip ang mukha ng Prinsesa.
"Pinangahasan kung tanggalin Yoshie." Pagbibigay alam ko. "Subalit hindi na mahalaga ang bagay na iyan. Walang makakaalam sa aking natuklasan at mananatili itong lihim. Tawagin mo si Pinunong Shuji, madali ka. At mag-iwan ka ng mensahe na agad papasukin dito ang manggagamot kapag dumating."
Agad tumalikod si Yoshie pagkakuha ko ng lagayan ng pagkain na hawak niya. Itinabi ko muna sa lugar na hindi magagalaw.
Nagtatakang pumasok si Pinunong Shuji sa silid. Bakas din ang gulat sa kanyang mukha ng masulyapan niya na walang takip ang mukha ng Prinsesa. Hindi ko binigyang pansin ang nagdududa niyang paningin sa halip kinuha ko ang mangkok at inabot sa kanya.
Parehong napasinghap ang dalawa ng makita nilang dugo ang laman nito. Nagtatanong ang kanilang mga mata na tumingin sa akin.
"May hinala ako sa nangyayari sa Prinsesa subalit nais ko na kumpirmahin ito ng aking manggagamot. Itapon mo ito Pinuno, mag-ingat ka na hindi ito matuklasan ng iba. Lihim kang magmatyag at mag-imbestiga sa paligid. Hulihin mo ang mga kahina-hinala. Wag mong hayaan na may makalapit sa Prinsesa maliban sa inyo ni Yoshie."
"Masusunod, Kamahalan." Bahagya siya yumukod saka tumalikod.
Binalingan ko si Yoshie. "Gaya ng aking pahayag, wala kang hahayaan na makalapit sa Prinsesa, Yoshie. Simula sa sandaling ito lahat ng pagkain ng Prinsesa ay susuriin at titikman bago ihain sa kanya. Kailangang gawin natin ang lahat upang mapangalagaan si Prinsesa Yuki."
"Masusunod ang inyong nais, Kamahalan." Sagot ni Yoshie.
"Takpan mo ang kanyang mukha bago pa dumating ang aking manggagamot, Yoshie. Hindi mo nanaisin na may iba pang makakatuklas sa lihim ng Prinsesa."
Mabilis na sinunod ni Yoshie ang aking utos. Nang dumating ang manggagamot ay may takip na ang mukha ng Prinsesa.
"Kamahalan," yumukod ang manggagamot bilang pagbati.
"Nais kung suriin mo ng mabuti ang kalagayan ng Prinsesa. Ipa-alam mo agad sa akin pagkatapos. Maiiwan kita dito sapagkat kailangan ko pang kausapin si Pinunong Kizu. Wala kayong ibang papasukin. Kung may kailangan kayo kay Yoshie mo na sabihin."
Tumango lang ang manggagamot at sinimulan ng suriin ang kalagayan ng Prinsesa. Nag-aalala namang umupo si Yoshie sa isang tabi. Hindi ko na sinayang ang sandali at agad pinuntahan si Pinunong Kizu. Kung tama man ang aking hinala, sana hindi pa sila nagsisimulang kumilos.
"Pinuno, nais kung imbestigahan mo ang unang manggagamot na sumuri sa Prinsesa. Masama ang aking kutob sa pangyayaring itong. Panatilihin mong lihim ang lahat. Makipagtulungan ka kay Pinunong Shuji."
"Masusunod, Kamahalan."
Pinanood ko ang pag-alis ni aPinunong Kizu. Magsisimula na siya sa pag-iimbestiga. Sa ganitong pagkakataon alam ko na maaasahan ko si Pinuno. Kailangan naming unahan ang mga may pakana nito. Maaaring may hinahangad pa silang iba.
Palabas na ang aking manggagamot sa silid ng Prinsesa ng pumasok ako sa tirahan. Agad ko siyang sinalubong at dinala sa bahaging wala makakarinig ng aming usapan.
"Ipinahanda ko na ang paunang lunas para sa Prinsesa, Kamahalan. Subalit hindi ko matitiyak ang kanyang kaligtasan sapagkat umabot na siya sa pagsuka ng dugo." Pahayag ng manggagamot.
Bahagyang nagtagis ang aking bagang sa aking narinig. "Tama ba ang aking hinala sa kalagayan ng Prinsesa?"
Sinalubong ng manggagamot ang aking titig at marahang tumango. "Tama ang iyong hinala Kamahalan, ang lahat ng sintomas na aking nakikita at naranas ng Prinsesa ay tumutukoy lamang sa isang dahilan. Subalit malubha na ang kanyang kalagayan."
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Kailangan madala ang Prinsesa sa pagamutan sa labas ng Palasyo. Baka ang modernong teknolohiya na lang ang paaraan upang mailigtas ang kanyang buhay."
"Sinabi mo bang nahuli na tayo? Na hindi mo na siya maililgtas?"
"Gaya ng aking sabi, hindi ko matitiyak ang kanyang kaligtasan subalit gagawin ko ang abot ng aking makakaya upang magamot ang Prinsesa."
Bago pa man ako makasagot sa tinuran ng manggagamot ay dumating si Pinunong Kizu na bakas ang labis na pag-alala sa mukha.
"May nangyari bang masama Pinuno?" Kinakabahan na aking tanong.
"Kailangan ninyong pumaroon sa Punong Tanggapan, Kamahalan. Kasalukuyang kausap ng mga Ministro at mga Opisyal ng Palasyo ang Mahal na Emperador, hinggil sa kalagayan ni Prinsesa Yuki."
Puno ng pagkabigla ang bumalatay sa aking mukha. Ganoon ba talaga kabilis lumaganap ang balita upang umabot kaagad sa kaalaman ng mga Ministro at Opisyal?
"Sa aking palagay ay matagal ng pinagplanohang maigi ang ganitong bagay, Kamahalan." Dagdag na wika ni Pinunong Kizu. "Kung hindi man ang buhay ng Prinsesa ay ang tuluyang pagpapaalis sa kanya dito sa Palasyo. Hawak ng isang opisyal ang manggagamot na sumuri sa Prinsesa."
"Kailangan silang mapigilan." Binalingan ko ang aking manggagamot. Tumango lamang siya.
"Pagkatapos malapatan ng paunang lunas ang Prinsesa ay susunod ako Kamahalan upang magbigay ng pahayag sa aking pagsusuri." Yumukod ang manggagamot at naglakad pabalik sa kinaroroonan ni Prinsesa Yuki.
"Tayo na, Pinuno." Isang marahas na paghinga ang aking pinakawalan at mabilis na tumalikod upang pumunta ng Punong Tanggapan.
Nakasalubong ko ang isa sa mga babaeng pagpipilian hindi kalayuan sa tirahan ni Prinsesa Yuki. Nagmamadali ako at walang balak kahit man lang ang bumati ng harangin niya ang aking dinadaanan.
"Ano ang iyong kailangan, Binibining Wakamoto?" Walang gana na aking tanong.
"Tila nagmamadali ka yata, Mahal na Prinsesa?" Tinapunan niya ng tingin ang aking pinanggalingan at lumawak ang kanyang pagngiti. "Kumusta na ang kalagayan ni Prinsesa Yuki, Kamahalan? Ayon sa balitang nakarating sa akin ay malubha daw ang kanyang karamdaman."
"Saan nanggaling ang balitang yan, Binibini? Nagkakamali ka, sapagkat walang malubhang karamdaman ang Prinsesa. Binibigyan na siya ngayon ng lunas ng aking manggagamot. Kaya wala ka ng dapat ipag-alala pa."
Natigilan siya sa aking mga sinabi kaya nilagpasan ko na siya. Sa lahat ng mga babaeng pagpipilian ay si Prinsesa Yuki ang tinuturing niya na mahigpit na kalaban. At kahit minsan hindi pa sila nagkakasundo sa isang bagay.
"May mahalagang bagay pa akong aasikasuhin kaya maiwan na kita, Binibini."
Nagmamadali na akong tumuloy sa Tanggapan. Naabutan ko pinagtatalunan ng lahat ang tungkol sa kalagayan ni Prinsesa Yuki sa harap ng Mahal na Emperador.
"Ayon sa manggagamot ay malubha na ang kalagayan ng Prinsesa at malabo ng maagapan pa. Kaya sa tingin ko ma's mabuti na pauwiin na lamang siya." Wika ng Opisyal ng Pananalapi.
"Tama ang kanyang sinabi." Sang-ayon naman ng Ministro ng Digmaan. "Baka may mahawa pa sa karamdaman ng Prinsesa na hindi maipaliwanag ng manggagamot."
"At bakit hindi kayang ipaliwanag ng manggagamot ang karamdaman ng Prinsesa?" Nanunuyang wika ko, upang ipaalam ang aking presensiya. Naglakad ako patungo sa harapan, tumigil sa harap ng Emperador at hinarap ang lahat. Tiningnan ko ng masama ang Opisyal ng Pananalapi at Ministro ng Digmaan.
"Mahal na Prinsipe." Pagbigay pugay ng lahat.
"Paumanhin sa aking paggambala sa pulong na ito, Kamahalan." Yumukod ako sa Emperador bilang pagbati. "Subalit hindi ko magawang manahimik sa walang kabuluhang paratang tungkol sa kalagayan ni Prinsesa Yuki."
"Ano ang iyong sinabi, Mahal na Prinsipe? Nagsalita na ang manggagamot." Walang emosyon na tanong ng Emperador.
"Nais ko sana na iharap ninyo sa akin ang manggagamot na ito, Kamahalan."
"Kung ganun, dalhin muli ang manggagamot dito." Utos ng Emperador.
Napansin na hindi malapagay ang karamihan sa mga opisyal at ibang Ministro. Hindi marahil nila inaasahan na ako ay makikialam. Hindi ako makakapayag na paglaruan nila ang buhay ng ibang tao makuha ang kanilang hinahangad. Nakakalungkot isipin na ang tao nandito ngayon ay mas lamang ang pagpapahalaga sa kanilang sarili sa halip na kapakanan ng nakakarami.
Pinatawag ko ang aking manggagamot upang maghayag ng kanyang pagsusuri. Maging si Pinunong Shuji ay aking pinatawag upang kilalanin ang manggagamot na haharap sa akin ngayon.
Malikot ang paningin, hindi mapalagay sa kanyang kinatatayuan at halatang kabado ang manggagamot na humarap sa akin. Iniiwasan at hindi niya magawang salubungin ang aking paningin. Tiningnan ko si Pinunong Shuji upang kumpirmahin ang totoo. Tumango siya, patunay na ito nga manggagamot na sumuri sa Prinsesa. Mukhang kasabwat ito ng mga taong nasa likod ng pangyayari.
"Bakit hindi mo magawang ipaliwanag ang karamdaman ng Prinsesa? Talaga bang isa kang manggagamot?" Kalmado na aking tanong subalit ang mga mata na nakatuon sa kanya ay nagbabanta.
"Kasi po.... Kasi..." Natataranta niyang sagot subalit sa tingin ko ay wala din siyang mapuhap na isasagot sa aking tanong.
Hinayaan ko na makita ng lahat ang aking pagngisi. "Nais niyo bang ako na ang magsabi ng tunay na kalagayan ng Prinsesa o ang aking manggagamot na ang maghayag nito?"
Tumayo ang aking manggagamot sa isang tabi habang hinihintay ang sagot ng mga opisyal. Mas pinili nilang ang aking manggagamot ang maghayag upang makatiyak. Pumunta ito sa harapan upang magsalita.
"Totoo na malubha ang kalagayan ng Prinsesa." Nag-ingay ang lahat na naroroon ng matapos marinig ang sinabi ng aking manggagamot. "Subalit hindi ito nakakahawa sapagkat walang hindi maipaliwanag na karamdaman si Prinsesa Yuki."
"Kung ganun, anu ang nangyari sa Prinsesa?" Tanong ng Emperador.
"May nais po, Kamahalan, na kitlin ng paunti-unti ang buhay ng Prinsesa. Matagal ng lihim na may lumalason dito at umabot na sa pagsuka ng dugo." Paliwanag ng aking manggagamot.
"May naglason sa Prinsesa? May isang lapastangan ang gumawa ng ganyang bagay dito mismo sa aking tahanan?" Galit na wika ng Emperador. "Mga kawal dakpin at ikulong ang huwad na manggagamot na iyan. Nais kung imbestigahan ang pangyayaring ito at parusahan ang sino man na may sala."
Umalingawngaw sa buong tanggapan ang galit na boxes ng Emperador. Walang nagawa ang lahat kundi ang tumahimik. Inilabas na ng mga kawal ang unang manggagamot na sumuri sa Prinsesa.
"Kumusta na ang kalagayan ng Prinsesa?" Tanong ng Emperador.
"Gaya ng aking pahayag sa Mahal na Prinsipe, Kamahalan, malubha ang kalagayan ng Prinsesa. Nalapatan na namin siya ng paunang lunas at ginagawa na namin ang aming makakaya. Subalit nais ko sana na imungkahi na dalhin siya sa labas ng Palasyo. Malaki ang maitutulong ng makabagong teknolohiya upang mapabilis ang kanyang paggaling."
"Ano sa iyong palagay, Prinsipe Daiki?" Baling sa akin ng Mahal na Emperador. "Hahayaan kitang magpasya sa bagay na ito."
"Hangad ko ang agad na paggaling ng Prinsesa, Kamahalan. Subalit nais ko munang malaman ang kanyang saloobin sa bagay na ito."
"Ikaw ang bahala, Mahal na Prinsipe. Alagaan mo ng mabuti ang Prinsesa."
"Maaasahan niyo, Kamahalan."
"Tapos na ang pulong na ito. At nais kung ipaalala sa lahat. Ang mapatunayan na may kinalaman sa pangyayaring ito ay may karampatang parusa."
Tumayo na at lumabas ng tanggapan ang Mahal na Emperador. Sumunod naman ang mga Ministro at mga Opisyal na ang iba ay nanlulumo.
"Nais ko pa rin na mag-imbestiga ka ng palihim, Pinunong Kizu." Mahinang bulong ko sa Pinuno na nasa aking tabi. "Hindi natin maaaring iasa ang lahat sa Tanggapan ng Hukom ang bagay na ito. Sa ngayon kailangan nating maging mapagmatyag."
Sumunod na ako sa mga naglabasan sa Tanggapan. Ang tahanan agad ng Prinsesa ang aking destinasyon sapagkat nais ko siyang maka-usap. Umaasa ako na magagawa na niya akong harapin.
Prinsesa Yuki POV
Marahan na iminulat ko ang aking mga mata. Ramdam ko pa rin ang labis na panghihina na sa palagay ko mas lalong lumubha nitong nakaraang araw. Napabuntung-hininga ako ng aking maalala ang pagsuka ko ng maraming dugo kanina lang. Anong nangyayari sa akin? Ang alam ko, kahit kailan ay hindi ko pinabayaan ang aking kalusugan. Kaya bakit nagkakaganito ako ngayon?
"Mahal na Prinsesa, mabuti at gising na kayo. Nais mo bang kumain?" Tanong ni Yoshie at tinulungan akong maupo. "Kailangan niyo na ring uminom ng gamot."
"Anong oras na Yoshie? Naalala ko na nandito ang Prinsipeng Tagapagmana." Mahinang sabi ko.
"Hapon na Prinsesa Yuki. At tama kayo, nanggaling ang Mahal na Prinsipe dito at inalagaan kayo."
"Ganoon ba?" Napangiti ako ng mapakla. "Nasaksihan pala ng Kamahalan ang aking kalagayan."
"Hindi lang ang bagay na iyon, Mahal na Prinsesa." Nag-aalalang tumingin siya sa akin. "Natuklasan ng Mahal na Prinsipe ang lihim tungkol sa iyong mukha."
Gulat akong napatingin sa kanya. Tama ba ang aking narinig na sinabi ni Yoshie? Natuklasan ng Mahal na Prinsipe ang aking lihim?
"Huwag kang mag-alala, Prinsesa Yuki. Kung nais mong manatiling lihim ang lahat ng ito ay ipapangako ko."
Marahas akong napabaling sa nagsalita. Nakita ko ang Mahal na Prinsipe na nakatayo sa may pintuan. Mataktikang lumabas ng aking silid si Yoshie upang hayaan kaming makag-usap. Pumasok si Prinsipe Daiki at umupo sa aking harapan.
"Nagpapasalamat ako sa iyong pag-alaga sa akin, Kamahalan subalit hindi ka na sana nag-abala pa."
"Hiniling ng aking Mahal na Ina na pangalagaan kita habang wala siya. Tumutupad lamang ako sa kanyang kahilingan."
"Nakakataba ng puso ang pag-alala sa akin ng Mahal na Emperatris."
"Magkaibigan si Ina at Prinsesa Yuri, ang iyong Ina kaya nag-aalala siya sa iyo."
Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan. Matagal ko ng alam ang tungkol sa pagkakaibigan ng aking Ina at Mahal na Emperatris.
"Ang tungkol sa lihim -"
"Hindi ako magtatanong tungkol sa bagay na iyan, Prinsesa Yuki." Putol niya sa akin sasabihin. "Nangangako akong mananatili itong lihim sa ating pagitan. Subalit may kapalit ang lahat ng ito. At sisingilin kita sa tamang panahon at pagkakataon."
Napamaang ako sa mga binitawan niyang salita. Is he serious?