AFLW 3: Kautusan ng Imperyo (Imperial Decree)
****
Princess Yuki POV
Isang linggo na ang nakalipas mula ng ipaalam sa akin ng Mahal na Prinsipe ang kanyang nalalaman. Isang linggo na rin akong nanatili lang sa aking tahanan at hindi lumalabas o kahit mag-ikot man lang sa ibang bahagi ng Palasyo. Alam ko na nag-aalala na sa akin ang Mahal kong Ina at ang Mahal na Hari dahil hindi rin ako tumatanggap ng bisita. Nais ko lang mapag-isa at ng katahimikan.
Mababa na ang sikat ng araw at malapit ng dumilim. Nandito ako sa hardin ng aking tahanan sa likod, nakaupo at naaaliw na pagmasdan ang mga bulaklak. Napalingon ako ng may marinig akong mahinang pagtawag sa akin at inabala ang aking pamamahinga. Aking nalingunan sina Shuji at Yoshie. Batay sa emosyon na aking nakikita sa kanilang mukha, isang hindi magandang balita ang kanilang hatid. Dahan-dahan akong tumayo, naglakad ako patungo sa isang maliit na tulay. Sapat ang layo nito upang hindi marinig ng ibang mga tagapag-lingkod ang sasabihin ng aking dalawang tapat na taga-lingkod. Hindi na ako nag-abalang lingunin ulit sila, nakatitig lang ako sa tahimik na tubig sa baba ng maliit na tulay, isang maliit na lawa na gawa ng tao.
"Ano ang balitang dala niyo?" Marahan kung taong.
"Kamahalan...." ang salitang tanging nabanggit ni Yoshie at hindi na nagawang dugtungan pa. Puno ng pag-alala ang kanyang tinig.
"Wag na kayong mag-alinlangan pa. Sabihin niyo na sa akin kung ano ang nangyayari."
"May natanggap akong balita kamahalan," mahinang sabi ni Shuji. "Ang sugo ng Imperyo ay papunta na po dito. Ayun sa aking nakalap naka-alis na siya ng Imperyo kahapon pa."
Napapikit ako ng mariin sa aking narinig. Pinigilan ko na magpakita ng anumang emosyon. Dahil ayoko nang mas lalong dagdagan ang alalahanin ng dalawa.
"Ilang araw pa bago sila makakarating dito?" Pantay na tanong ko.
"Tatlong araw na lang Kamahalan at nandito na sila." Mababang sagot ni Yoshie.
"Yun lang ba ang nais ninyong iparating?" Walang mababakas na kahit anong emosyon sa aking boses.
"Yun lang po, Kamahalan." Sabay na sagot ng dalawa.
"Kung ganun, maghanda na kayo, maaaring pagkatapos ng isa o dalawang linggo ay lilisanin na natin ang lugar na ito." Natahimik ako saglit bago sila binalingan. "Maaari na ninyo akong iwan."
Sabay na yumukod ang dalawa kahit nakatalikod ako at sabay din nila akong iniwan. Napahawak ako sa hawakan ng tulay ng biglang naging mabuway ang aking pagtayo. Mahigpit na naikuyom ko ang aking kamay. Tatlong araw, yun na lang ang meron ako bago maging opisyal ang tungkulin na dapat kung gampanan.
"Chase!" Sa dami ng emosyon na biglang nagsalimbayan sa aking kamalayan, isang pangalan ang hindi ko sinasadyang maibulong.
Mag-uumpisa na, nagsisimula ng ilatag sa aking harapan ang aking responsibilidad at ang mga bagay na tunay na magbibigay daan para ma's lalo akong mapalayo sa lalaking mahal ko.
Napatingin ako sa mga bituin sa kalangitan. At lihim na pinagbigyan ang tunay hiling ng pinakasulok na bahagi ng akihg puso. Na sana makakabalik pa ako kung saan ako dapat naroon, sa loob ng yakap ni Chase.
*****
Makalipas ang tatlong araw.
Makukulay na bandera, maingay na tambol at trumpeta at mga mamamayan na nag-uumpukan sa gilid ng kalsada. Yan ang kasalukuyang nangyayari sa buong bayan, lahat at natutuwang pinapanood ang pagdating ng sugo galing Imperyo.
Nandito ako sa mataas na bahagi ng bayan kung saan kitang-kita ko ang parada ng pagdating ng buong membro ng sugo na pinadala ng Emperador sa aming kaharian. Tahimik akong nagmamasid at pinanood ang kanilang pagdating. Mataktika akong tumakas ng palasyo para hindi ako makasama sa mga opisyal na sasalubong sa mga sugo. Saka ko na sila haharapin, pagdating ng tamang oras. Sa susunod na araw, sa pagtitipon na magaganap sabay ng aking kaarawan. Sa oras din na yun ang tamang pagharap ko sa kanila, ang tamang oras ng pagbigay alam nila sa kanilang tunay na sadya. Ang dahilan kung bakit nandito sila ngayon sa kaharian.
"Kamahalan, isa ka dapat sa mga sumalubong sa mga sugo, hindi ba?" Tanong ni Shuji, tulad ko abala din siya sa pagmamasid. Hindi siya sa akin nakatingin kundi sa buong parada.
"Shuji, kaya nga tayo tumakas ng palasyo kasi ayaw ng Mahal na Prinsesa na dumalo sa pagbati sa mga bagong dating. Parang hindi mo alam na ayaw ng kamahalan makisalamuha sa mga opisyal ng kaharian." Mahabang litanya naman ni Yoshie.
Hindi sumagot si Shuji at tinapunan lang ng blangkong tingin si Yoshie. Napangiti nalang ako sa sinabi ni Yoshie subalit totoo naman ang lahat ng tinuran niya. Ayokong nakikisalamuha sa mga opisyal na ganid sa kapangyarihan. Sisiguruhin ko na malinis ko muna ang hanay ng mga opisyal bago ko lisanin ang kaharian. Kung hindi ko man magawa dapat may magpatuloy ng aking nasimulan.
"Hindi ako panatag sa pagdating ng sugo, kamahalan. Magmamatyag ako sa kanilang tutuluyan. Kailangan natin ng dobleng ingat at baka may espiya ang mga kalaban na kasama ng sugo." Mabahang paliwanag ni Shuji
"Naintindihan kita, gawin mo ang sa tingin mo ay tama." Pagbibigay ko ng basbas sa kanya.
"Subalit paano kayo? Maaaring magtaka ang karamihan kapag hindi ako nakita sa iyong tabi." Nag-aalangang wika niya.
"Wala ka bang tiwala sa Mahal na Prinsesa?" Asik ni Yoshie dito.
"Huwag mo akong aalalahin, Shuji. Ako na ang bahala kung sakali mang may magtanong tungkol sa'yo." Isang beses ko pang tiningnan ang parada saka tumalikod. "Tayo ng umalis, nais ko munang mag-ikot sa bayan bago bumalik ng palasyo."
*****
Araw ng Kaarawan ng Prinsesa
Maghahating-gabi na, ilang minuto nalang at maglalabing-walong taon na ako. Isang malaking piging ang inihanda ng palasyo para sa araw na ito. Hindi lang dahil sa kaarawan ko kundi sa isa pang mas mahalagang bagay o pangyayari. Ang inaabangan ng lahat ng mamamayan ng kaharian lalo na ng mga opisyal ng palasyo.
Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan. Tumayo ako mula sa aking higaan at nag-ayos ng sarili. Tahimik akong lumabas ng aking silid. Maingat din akong lumabas ng aking tahanan upang hindi ko magambala ang pamamahinga ng aking mga taga-lingkod.
Ang Hardin sa likod ng aking tahanan ang aking pakay. Hindi ako makatulog kaya naisipan ko na doon muna mamalagi. Isang tahimik at kaaya-ayang hardin ang aking naabutan. Humiga ako sa gitna at tumingin sa langit. Maliwanag ang langit at puno ng mga nagkikislapang bituin. Nakapaaliwalas tingnan ng langit hindi kagaya ng aking pakiramdam.
Napabangon ako at naging alerto ng may maramdaman akong yabag na papalapit sa kinaroroonan ko. Sino ang gising ng ganitong oras maliban sa akin?
"Kamahalan," pagbati ni Shuji.
Nakahinga ako ng maluwag at saka umupo. "Paano mo nalamang nandito ako?"
"Patawad, alam ko na nais ninyong mapag-isa subalit sinundan ko po kayo sa inyong paglabas. Hindi ko maaaring ipagwalang-bahala ang iyong tiyak na kaligtasan ngayong may mga panauhin na nandito sa palasyo."
Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan. "Maupo ka dito sa aking tabi, Shuji. May natuklasan ka ba sa iyong pagmamatyag?"
Marahan siyang umupo sa aking tabi bago sumagot. "Isang tao po na kahina-hinala ang kilos. Nakita ko siyang palihim na nakikipagkita sa Punong Ministro."
"Ang Punong Ministro." Natawa ako ng pagak. "Nalaman mo ba ang kanilang pinag-uusapan?"
"Hindi pa kamahalan, subalit hindi ako titigil hangga't aking matuklasan ang kanilang lihim."
"Dobleng ingat ang kailangan mong gawin, Shuji. Hindi ka maaaring pahamak."
"Huwag niyong aalalahanin taong yan, Prinsesa Yuki. Hindi ipagkakatiwala ni Shuji sa iba ang iyong kaligtasan kaya walang mangyayaring masama sa kanya." Sagot ni Yoshie na papalapit sa aming inuupuan. "Mananagot siya kay Ginoong Zander kapag nangyari yun. Di ba, Shuji?
Napngiti ako sa pagkabanggit ng pangalan ni Zander. Bigla tuloy akong nangulila sa kanya. Sayang at hindi ko siya makakasama ngayon sa aking kaarawan. Pati na ang iba ko pang kaibigan at si Chase.
"Tsk! Napakatabil talaga ng iyong dila Yoshie." Baling ni Shuji dito.
"Ano? Nagsasabi lamang ako ng totoo. Mahigpit na ibilin sa'yo ng Mahal na Ginoo na pangalagaan si Prinsesa Yuki." Sagot naman Yoshie.
"Tumigil na kayo. Tayo ng pumasok sa loob, ilang oras na lang ang nalalabi para sa pagtitipon." Tumayo na ako at nagsimulang maglakad pabalik ng aking tahanan.
"Sandali, Mahal na Prinsesa," pigil ni Shuji sa aking tuluyang pag-alis. Lumapit sila ni Yoshie sa akin ng nakangiti. Sabay silang nag-abot ng isang hindi kalakihang kahon.
"Maligayang kaarawan, Prinsesa Yuki." Sabay na bati sa akin ng dalawa.
Nakangiting tinanggap ko ang kanilang regalo. "Salamat, Shuji, Yoshie. Salamat din sa pananatili sa aking tabi. Sasamahan niyo ako di ba?"
"Sasamahan ka namin, Prinsesa Yuki. Hindi ka namin iiwan hangga't kailangan mo kami."
****
Ilang sandali bago ang pagpunta ko sa bulwagan, isang hindi inaasahang bisita ang dumating sa aking tahanan kasama ang Mahal na Prinsipe.
Agad niya akong sinugod ng yakap na siyang nakapagpatawa sa akin. Sa kanyang ikinilos ay akalain mo na ilang taon kaming hindi nagkita.
"Happy Birthday, my dear sister." Malakas na bati niya sa akin sa wikang English sa harap ng aking mga taga-lingkod na malakas na napasinghap. Habang ang Mahal na Prinsipe ay napailing nalang sa sinabi ng aming nakakatandang kapatid.
"Mahal kong kapatid, alam ko na wala kang ibang sinusunod kundi ang sarili mong batas. Subalit nakikiusap ako, hindi napapanatag ang mga tao sa ating paligid sa iyong mga tinuran." Nakangiting paalala ko sa kanya.
"Hindi ka na dapat magtaka pa, Ayane. Nakahinga lang ako ng maluwag ng maging magalang siya sa pagbati sa Mahal na Hari sa harap ng mga ministro." Dagdag naman ni Prinsipe Yuji.
"Kahit kailan hindi ko ipapahamak ang Mahal na Hari lalo na sa harap ng mga Ministro na naghahangad at naghihintay lang ng pagkakataon para hanapan ng butas ang pamumuno ng ating angkan." Sagot ni Prinsesa Yuuna.
Binalingan ni Ate Yen ang lahat ng mga taga-lingkod. "Naayusan niyo na ng maayos ang aking kapatid kaya maaari na kayong lumabas. Iwan niyo na kami."
"Opo, Prinsesa Yuuna." Sabay-sabay na yumukod ang lahat bago tumalikod at umalis.
"Shuji, magbantay ka sa paligid. Yoshie maghanda ka ng tsaa." Utos ng Mahal na Prinsipe sa tapat kong bantay at taga-lingkod.
"Ate Yen, si Zander kasama mo ba sa pagtungo rito? Sa Pilipinas ka ba galing?" Tanong ko pagkaalis ng mga taga-silbi.
"Hindi, galing ako sa China. Ayaw makita ni Zander ang pagtanggap mo sa isang bagay na hindi makakapagpasaya sa iyo." Umupo siya sa tabi ni Kuya Shi na mataman lang na nakatingin sa akin.
"Kumusta na sila?" Tanong ko sa mababang boses.
"Kung mga kaibigan mo ang iyong tinutukoy, maayos sila. Kung ang kalagayan naman ni Chase ang nais mong alamin." Tinitigan niya ako. "Simula ng umalis ka naging tahimik na siya. Mga kaibigan niyo na lang ang nakakalapit sa kanya. Ma's lalo siyang naging tahimik at seryoso na ma's kinatatakutan ng mga estudyante ko sa CAU."
Napa-upo ako at tumingin sa kawalan. Nakikita ko sa aking balintataw ang mga posibleng pangyayari sa Pilipinas batay sa sinabi ni Ate Yen.
"Ate, tama na yan. Guguluhin mo lang ang pag-iisip ni Ayane. Tayo ng pumunta sa bulwagan. Ilang sandali na lang at mag-uumpisa na ang piging."
"Paumanhin po," Lumapit ang punong-bantay ng Prinsipe. "Mahal na Prinsipe, nais po ng Mahal na Hari na makasabay kayo sa pagpunta sa bulwagan."
Tumango si Kuya Shi. "Masusunod, hintayin niyo ako sa labas at pupuntahan ko ang kamahalan."
Tumayo si Kuya Shi at nilapitan ako. "Ihanda mo na ang sarili mo. " Yun lang ang sinabi niya saka ako hinalikan sa noo bago umalis para puntahan ang Kamahalan.
"Hindi na ba talaga magbabago ang pasya mo?" Napabaling ako kay Ate Yen dahil sa tanong na may pag-alala.
Umiling-iling lang ako. Wala akong tiwala sa aking sarili na magsalita sa mga oras na ito. Lumapit si Ate Yen sa akin at niyakap ako ng mahigpit.
"Alam mo kung gaano ka namin kamahal, di ba?" Tumango lang ako bilang sagot. "Hindi kita pababayaan sa oras na nasa loob ka na ng Palasyo ng Imperyo, pangako yan."
Nanatili lang kaming tahimik na magkayakap hanggang sa ipaalam na ni Yoshie na kailangan na naming pumunta ng bulwagan.
Nandoon na ang lahat sa bulwagan ng dumating kami, ang Mahal na Hari at Mahal na Prinsipe, ang aming Ina at Ama.
"Magbigay pugay sa Prinsesa Yuuna at Prinsesa Yuki."
Sabay na yumukod ang lahat ng ministro at ibang nasa bulwagan ng maglakad kami ni Ate Yen sa gitna patungo sa aming upuan. Parehong may takip ang aming mukha.
Ng makaupo na kami ay siya namang pagdating ng sugo galing sa Imperyo. Hindi pa mag-uumpisa ang piging hangga't hindi pa naibibigay ng mga sugo ang kautusan galing sa Imperyo.
Tumayo sa gitna ng bulwagan ang sugo at binuklat ang isang sulat na nasa kulay gintong lalagyan.
"Para sa lahat ng aking nasasakupan, at sa lahat ng mga Maharlikang angkan. Sa pamamagitan ng kasulatang I to hinihiling ko sa Hari ng Kaharian ng Daichi na ipadala sa Palasyo ng Imperyo ang isa sa dalawang Prinsesa ng kanyang Kaharian na nasa ilalim ng aking Imperyo. Ang Prinsesa na ipapadala ay isa sa mga babaeng galing sa mga maharlikang angkan na maaaring mapili upang maging kabiyak ng aking anak na tagapagmana, si Prinsipe Eiji.
Ito ang aking utos, sa ilalim ng batas ng Imperyo, ang inyong Emperador."
Tumayo ako at naglakad papalapit sa sugo. Lumuhod ako sa kanyang harap bilang pagbigay pugay sa kautusan na galing sa Emperador ng aming bansa. Ipinagpapasalamat ko at may takip ang mukhang kaya walang nakakakita ng aking tunay na saloobin. Ang paghihirap ng damdamin na nakikita sa aking mga mata.
"Prinsesa Yuki, tinatanggap mo ba ang Kautusan ng Imperyo?"
"Tinatanggap ko." Pantay na aking sagot.
"Tinanggap mo ba ang isang tungkulin na iniatang sa iyong balikat?"
"Tinatanggap ko."
"Handa ka bang maging kabiyak ng Prinsipeng Tagapagmana?"
"Handa ako."
"Kung ganun, tanggapin mo ang kautusang ito bilang patunay na isa ka na sa mga babaeng pinili."
Inabot ko ng dalawang kamay ang kautusan. Sabay ng daop nito sa aking palad ay ang pagpatak ng luha sa aking pisngi. At walang ibang pumasok sa aking isipin kundi ang malungkot na mukha ni Chase. Malakas na kontrol sa sarili ang kailangan Kong gawin upang hindi tumakbo paalis ng bulwagan at ibuhos ang sakit na aking naramdam.
Ng makabalik ako sa aking upuan nag-umpisa na din ang kasiyahan. Subalit nandoon lang ako at nakatitig sa Kautusan ng Imperyo na nasa aking mga kamay.