AFLW 4: Ang Punong Ministro

2498 Words
AFLW 4: Ang Punong Ministro **** Kararating lang ng Punong Ministro sa kanyang tahanan. Siya ay nanggaling sa isang bahay-aliwan kasama ang mga kapanalig niyang ministro at iba pang matataas na opisyal ng palasyo. Palihim silang nagpulong hinggil sa pagpapadala ng Kaharian kay Prinsesa Yuki sa Imperyo. Palihim na nakipagkita at nakipagkasundo sa kanya ang isang opisyal ng Imperyo na kasama ng sugo na dumating sa kanilang Kaharian. Ang opisyal na kasama ng sugo at nakipagpulong sa Punong Ministro ay lihim na kapanalig ng Yakuza. Napagkasunduan nila na kapag tinulungan sila ng Punong Ministro na hindi si Prinsesa Yuki ang mapili bilang kabiyak ng Prinsipeng Tagapagmana, hihinto na ang Yakuza sa mga tangka niyong pagwasak at pag-angkin sa Kaharian ng Daichi. Subalit kasabay ng planong ganoon ay ang planong pagtataksil ng Punong Ministro sa Mahal na Hari. Mababawasan ang tiwala ng mamamayan sa angkan ng Hari kapag hindi mapili si Prinsesa Yuki. At kapag mangyari yun iniisip ng Punong Ministro na iyon na ang tamang pagkakataon upang maagaw ang trono. Kapapasok lang ng Punong Ministro sa tarangkahan ng may isang palaso ang tumama sa pinto ng kanyang tahanan. Isang anino ang kanyang namataan sa itaas ng pader na mabilis na tumalon palayo. Agad niyang inutusan ang ilan sa mga tauhan na habulin ito. Hindi nadakip ng kanyang mga tauhan ang anino na naaninag. Kinuha ng isang bantay ang palaso at inabot sa Punong Ministro ang mensahe na nakatali dito. Ang mensahe ay nakasulat sa isang maputi at manipis na tela. Pumunta ka sa dulong bahagi ng bayan, Punong Ministro, hanapin mo ang isang kubol, hindi ka maaaring magsama ng iba maliban sa iyong bantay. Hihintayin kita bukas ng gabi. Maikling mensahe lang nakapaloob dito subalit may dalang panganib. Ang telang hawak niya na may mensahe ay katulad ng mga telang natagpuan malapit sa bangkay ng mga kasamahan niyang karumaldumal na pinatay ng isang walang-awang nilalang. Kahit may kaunting takot natagpuan ng Punong Ministro ang sarili na nagdesisyong puntahan ang nasabing lugar. Kailangan niyang malaman kung sino ang taong nasa likod ng mga pagpatay. Nais din niyang gapiin ito at pagbayarin sa mga naging kasalanan nito. ***** Prinsesa Yuki POV Sinalubong ko ang pagpasok ni Shuji sa aking tahanan. Yoshie at ako nalang ang gising ng mga oras na iyo, tulog na ang lahat ng mga taga-silbi sapagkat malalim na ang gabi. "Nagawa mo ba ang aking iniutos, Shuji?" Ang aking bungad sa bagong dating. "Matagumpay ko po na nagawa ang aking misyon, Mahal na Prinsesa." Sagot ni Shuji na bahagyang yumukod bilang pagbati. "Magaling, kahit kailan hindi mo ako binigo. Magpahinga ka na at bukas ihanda mo lahat. Nais kung masiguro na magtagumpay ang aking balak." "Nainitindihan ko, Kamahalan." Tumuloy na ako sa aking silid at hinayaan na silang magpahinga. Marami pa kaming dapat na ihanda kinabukasan sapagkat sa susunod na araw na kami aalis patungo ng Mansiyon ng Imperyo para sa tatlong buwang pagsasanay. Kailangang matutuhan muna namin ang lahat ng mga batas sa loob ng Palasyo ng Imperyo sa pamamagitan ng pag-aaral sa paaralan ng mga maharlika. Mahigpit ang batas sa loob, at isang maliit na pagkakamali ay may karampatang parusa. Pagsapit ng gabi kinabukasan ay naghanda na kami. Nakapwesto na ng palihim ang aking mga bantay para tiyakin na walang patibong ang aming pupuntahan. At para tiyakin na rin na walang mga sundalo ang lihim na nagbabantay dito. Nang tahimik na ang gabi, palihim na kaming lumabas. Suot ang mga itim na kasuotan. Hindi na ako nag-abala pang takpan ang aking mukha. Madilim na at sa labas ng Palasyo ang sadya naming lugar kaya walang makakakilala sa akin. Sa mabilis na mga hakbang ay nakarating kami sa aming pakay. Kakaunti lang mga tao at masasayang nag-iinuman. "Akala ko aalis lang tayo na hindi man makapag-inum ulit dito, Kamahalan." Nakangising wika ni Yoshie sabay upo sa bakanteng mesa. Hindi na ako sumagot at umupo na din at tinawag ang may-ari at nagpahanda ng inumin at balat ng karneng baboy. Nais kung magpakasaya ngayong gabi sapagkat bukas na ang nakatakda naming pag-alis. "May isang mahalagang bagay pa tayong gagawin kaya huwag kayong magpaka-lasing, maliwanag?" Paalala ko sa kanila. "Makaka-asa kayo, Kamahalan." Sagot ni Shuji. Mahigit isang oras na kaming umiinom ng may biglang umupo sa isang bahagi ng aming mesa. Yumukod siya ng bahagya bilang pagbati. May inabot siyang isang papel Kay Shuji. Agad naman itong binasa ng huli saka mataman na tiningnan ang taong nag-abot dito. Tumango ang lalaki bilang pagkumpirma sa kung ano man ang naka-sulat. Bumaling si Shuji Kay Yoshie at sa akin. Tumagal ang tingin niya sa akin na ipinapaabot ang mensahe. Tumango at tahimik kaming tumayo para linasanin ang lugar na iyon. Nag-iwan nalang ng isang supot ng tanso si Yoshie sa mesang aming ginamit. Walang pagmamadali naming binaybay ang gubat patungo sa dulong bahagi ng bayan. May isang mahalagang tao kaming katatagpuin. Isang demonyong ngisi ang sumilay sa aking mga labi. Ramdam ko ang tuwa at antisipasyon sa mangyayari ilang saglit mila ngayon. Nais kong makita ang pagkamangha at takot sa kanyang mukha. Pagdating namin sa maliit na kubol ay naghihintay na ang aming panauhin. Bakas sa kanyang mukha ang pagka-inip sa paghihintay. Kahit kailan nakakatakot ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili. Subalit walang epekto sa akin mga yun. "Ipagpaumanhin mo at nahuli kami ng ilang minuto Punong Ministro." Hinging paumanhin ng lalaking sumundo sa amin sa bayan. "Nasaan na ang taong nais makipagkita sa akin?" Walang emosyon na tanong niya. "Nandito na po." Ng humakbang para magpakita sina Shuji at Yoshie ay agad ng tumalilis palayo ang lalaki. Pupuntahan niya ang mga kasamahan niya na naghahanda na. "Kumusta Punong Ministro? Paumanhin sa aming pang-aabala, alam namin na marami kang gawain." Bahagyang yumukod si Yoshie bilang pagbati subalit nakapagkit sa kanyang labi ang isang ngisi. "Kayo? Ano ang ibig sabihin nito?" Gulat na bulalas ng Punong Ministro. "Ako ang nagbigay ng mensahe, Punong Ministro, ipagpaumanhin mo kung sa ganitong paraan namin ninais na makipagkita. Kailangan namin ilihim ang lahat kaya hindi namin kayo naimbitahan ng pormal." Pormal na pahayag ni Shuji na bahagya ding yumukod para bumati. "Sino ang may pakana nito? Si Prinsesa Yuki ba? Ang tela na may mensahe, katulad iyon sa mga natagpuan sa pinangyarihan ng krimen, sa pagpatay sa ibang opisyal ng Palasyo?" Sunud-sunod na tanong ng Punong Ministro. May nakabakas ng takot sa kanyang boses at naging malikot ang kanyang mga mata. Lumabas na ako sa aking pinagkukublihan ng nakayuko at hawak sa kaliwang kamay ang aking espada. Marahan akong naglakad patungo sa harapan ng Punong Ministro. Nakatakip sa aking mukha ang mahaba kong buhok. "Magandang gabi, Punong Ministro." Hinawi ko ang buhok na nakatakip sa aking mukha. "Ako nga ang may pakana nito, si Prinsesa Yuki." Malakas na napasinghap ang Punong Ministro pati na ang kanyang tatlong bantay pagkakita sa aking mukha. Hindi nila inaasahan na ipapakita ko ang aking mukha na alam nilang sobrang bihira ko na ginagawa. Tanging mga taong pinagkakatiwalaan ko lang ang binigyan ko ng pahintulot na makita ang aking mukha. Sa pagsilay ng aking mukha ay may dalawang kahulugan, pinagkakatiwalaan kita o hangad ko ang iyong kamatayan. Isang ngisi ang sumilay sa aking labi. "Nakakagulat ba ang aking mukha Punong Ministro? Baka naman hindi mo inaasahan na isang magandang mukha ang iyong masilayan taliwas sa mga usapin na ipinikalat niyo. Na isang nakakatakot na mukha ang aking taglay, isang dahilan kung bakit binansagan akong Prinsesang Itim, tama ba?" "Hindi ko alam ang iyong sinasabi Prinsesa Yuki. Hindi ko magagawang hamakin ang apo ng Mahal na Hari." Pantay na sagot niya. Napahalakhak ako sa kanyang sinabi. "Hindi magagawang hamakin? Nakakatuwa ka naman pala, Punong Ministro." Humakbang ako palapit sa kanya. "Alam mo ba ang kahulugan ng pagsilay mo sa aking mukha?" Isang demonyong ngiti ang binigay ko sa kanya. Nanlaki ang kanyang mata. "Kung ganun, ikaw, ikaw ang may kagagawan sa sinapit ng mga opisyal?" "Nararapat lang ang kanilang sinapit dahil mga taksil sila sa bayan." Nanlilisik ang mga matang sagot ko. "Anong kailangan mo sa akin Prinsesa Yuki?" Matapang niyang tanong. "Ano sa tingin mo Punong Ministro?" Matamis na ngiti ang ibinigay ko sa kanya sa pagkakataong ito. "Hindi, hindi ko hahayaang mapatay mo ako!" Tinanguan niya ang kanyang bantay na agad nagbigay ng hudyat. "Sa tingin mo may magagawa ka, Punong Ministro? Ang mga sundalo na lihim mong pinasunod sa'yo ay nalipol na bago ka pa man dumating sa lugar na ito. At kasalukuyan ng inihanda ng mga tauhan ko ang lugar kung saan ko isasabit ang mga labi ng tauhan mo kasama ng labi mo." Nakangising wika ko. Umatras ang Punong Ministro at humarang sa kanyang harapan ang tatlo niyang bantay sa anyong poprotekhan siya. Sa tingin ba niya may laban ang mga bantay niya kina Yoshie at Shuji? Agad hinarap ni Shuji at Yoshie ang tatlong bantay ng Punong Ministro. Ilang saglit na pakikipaglaban lang at napatay na ng dalawa ang tatlong bantay. Manghang napatitig ang Punong Ministro kay Yoshie. Hindi niya inaasahan ang galing nito sa pakikipaglaban. "Wala akong natatandaang nagawa kong pagkakamali sa'yo Prinsesa Yuki." Bakas ang pagkatalo sa mukha ng Punong Ministro habang nagsasalita. "Hindi ko kailangan ang pag-amin mo sa kataksilang ginawa mo sa Kaharian at sa Mahal na Hari, Punong Ministro. Subalit hindi ko rin hahayaang mabuhay ang mga taong taksil at nagtatangka gumawa ng pag-aaklas lalo ang kanilang pinuno. Hindi ko lilisanin ang Kaharian hangga't hindi malilipol ang mga katulad mo Punong Ministro. At dahil kapos na ako sa oras uunahin na lang ang kita bilang pinuno ng mga taksil. Ipapaubawa ko na ang iba sa taong karapat-dapat na gumawa ng pagbabago sa hanay ng mga opisyal." "Tama nga ang bansag sa'yo bilang Prinsesang Itim, Prinsesa Yuki. Nakikita ko na ang kaguluhang dadalhin mo sa Palasyo ng Imperyo. Sa likod ng iyong maamo, inosente at magandang mukha ay isang nakakatakot na kalaban. Ipagpaumanhin mo, Mahal na Prinsesa, subalit hindi ko hahayaang patayin mo ako ng walang kalaban-laban." Itinaas niya ang kanyang espada at mabilis akong sinugod. Agad sinangga ni Shuji sa pamamagitan ng sarili niyang espada ang sandata ng Punong Ministro. Napaatras ang Punong Ministro ng malakas siyang sipain ni Shuji. Ang sunod na pagsugod niya ay sinalubong ng kamao ni Shuji. Mahigpit na hinawakan ni Shuji ang kamay niyang may hawak ng espada saka siya sinuntok sa sikmura, umikot si Shuji at binigyan ng malakas na sipa ang Punong Ministro. Lugmok sa lupa at namimilipit sa sakit dahil sa bugbog na tinamo, dahan-dahang bumango ang Punong Ministro subalit hanggang sa anyong nakaluhod na lang ang kanyang nakayanan. Inihanda na ni Shuji ang kanyang espada upang kitlin ang buhay ng Punong Ministro ng hawakan ko ang kanyang kamay. Pinigilan ko siya sa pagtapos sa Punong Ministro. Nagtatakang napatingin sa akin si Shuji pati na rin si Yoshie. Tinitigan ko lang si Shuji at hindi nagsalita. Dahan-dahan niyang binaba ang kamay at binalik sa lagayan nito ang kanyang espada. Umatras siya at hinayaan akong humarap sa Punong Ministro. Tumawa ng puno ng panunuya ang Punong Ministro sa aking ginawa. Subalit binigyan ko lang siya ng isang demonyong ngiti na nagpatigil sa kanyang pagtawa. "Bibigyan kita ng karangalan sa huling sandali ng iyong buhay Punong Ministro. Karangalan na hindi nakamit ng iyong mga kasamahan sa kanilang huling sandali. Bilang Punong Ministro ng ating Kaharian ibibigay ko sa'yo ang karangalang mamatay mismo sa aking mga kamay." Ngumisi ang Punong Ministro. "Hindi mo magagawa ang iyong sinasabi Prinsesa Yuki sapagkat nakatago ka lang sa anino ng iyong mga bantay." "Hindi mo ako kilala Punong Ministro, at kung sakali man hindi ang buhay mo ang unang kinitil ng mga kamay ko. Subalit dugo mo ang kauna-unahang dugo na babahid sa aking kamay galing sa isang opisyal at maharlika." Wika ko habang nakatitig sa aking kamay. "Hindi mo -" Hindi ko na siya hinayaang makatapos sa mga nais niyang sabihin. Mabilis na itinapat ko sa kanyang leeg ang aking espada, sa paghugot ko sa aking espada sa lalagyan nito kasabay din ang pagtama nito sa kanyang leeg. Umagos ang maraming dugo, nanlalaki ang mga matang napahawak siya sa kanyang leeg at napatitig sa akin. Isang demonyong ngisi ang sumilay sa aking labi bago siya natumba at nawalan ng buhay. Hanggang sa impyerno ay babaunin niya ang alaala ng aking ngiti. Walang alinlangan na pinalandas ko ang aking daliri sa espadang tumapos sa Punong Ministro at puno pa ng dugo nito. Napuno ng dugo ang aking mga kamay at hindi pa rin nawawala ang demonyong ngiti habang nakatitig sa dugo ng Punong Ministro sa aking kamay. "Nahuli tayo ng dating, Kamahalan." Wika ng isang tinig sa aking likuran. Nilingon ko ang nagsalita, ang Punong bantay ng Mahal na Prinsipe. Sa tabi nito ay naroon ang aking kapatid, ang Mahal na Prinsipe na napapa-iling sa nabutang eksana. Kinuha ko ang puting tela na inabot ni Yoshie sa akin. Pinanusan ko ang aking kamay pati na ang aking espada saka ito ibinalik sa lalagyan. "Kahit dumating kayo sa oras hindi mo pa rin ako mapipigilan, Kamahalan." Pantay na wika ko. "Ayoko lang sana na madungisan ng dugo ang kamay mo, Ayane." Mababang pahayag ng Mahal na Prinsipe. "Huwag mo akong aalalahin Kamahalan. Ito man ang unang beses ko na pumatay ng isang maharlika at opisyal ng Palasyo, hindi naman siya ang kauna-unahang taong pinatay ko." Sagot ko sa kanya. "Ano ang ibig mong sabihin." Nagtatakang tanong niya. "Minsan na rin akong pumatay ng tao noong nasa Pilipinas pa ako. At hindi lang isang beses. Subalit hindi ko pagsisihan kailanman na pinatay ko ang mga taong sakim, kriminal at higit na masama kaysa sa isang tulad ko." "Ni minsan hindi ka nagkwento sa akin tungkol sa bagay na yan. Alam ba ni Ate Yen?" "Hindi rin, sapagkat hindi ko sinabi. Ang tanging nakaka-alam ay si Zander, ang Black Angels, si Edge at Blitz." Tumango lang si Kuya Shi sa aking tinuran, wala na siyang magagawa pa sapagkat tapos na ang lahat. Dumating na ilang tauhan ko at kinuha ang mga bangkay. Isasabit nila ang mga ito sa b****a ng bayan upang makita ng lahat. Iuukit ang mga salita sa kanilang hanay ang 'mga taksil sa Kaharian at sa Mahal na Hari'. Katahimikan ang namayani hanggang sa makaalis na ang aking mga tauhan. Kinuha ko ang inabot ni Shuji sa akin na isang aklat. Naglakad ako palapit sa Mahal na Prinsipe at inabot sa kanya ang aklat. "Aalis na ako kinabukasan, ikaw na ang magpapatuloy sa aking nasimulan, Kamahalan. Laman ng aklat na ito ang lahat ng kasapi sa planong pag-aaklas ng Punong Ministro." Pagtanggap niya sa aklat ay yumukod ako bilang paggalang sa Mahal na Prinsipe. Ganun ang ginawa nina Shuji at Yoshie. Tumalikod na ako at umalis na sa lugar na iyon. Agad na sumunod sa akin ang dalawa. Iniwan namin ang Mahal na Prinsipe at ang Punong bantay nito ng walang salita at walang lingon-likod. Tahimik kaming bumalik ng Palasyo upang magpahinga. Kinabukasan aalis na kami at haharapin ang bagong mundo at bagong buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD