PASADO alas syete 'y medya na ngunit ang dalagang si Georgina ay hindi pa nakakarating sa apartment nito. Kaya't ganoon na lamang ang labis na pag-aalala ni Juancho rito na kanina pa nga paikot-ikot sa loob ng apartment. Malakas pa naman ang buhos ng ulan. Alalang-alala ito sa dalaga gayong madilim na at hindi pa rin ito nakakauwi. Wala naman siyang kahit telepono o cellphone manlang para matawagan ang dalaga.
Maya-maya pa ay sunod-sunod na katok mula sa pintuan ng kanilang apartment ang kanyang narinig. Agad naman niyang binuksan iyon at tumambad sa kanyang pintuan ang matandang landlady na nakapamewang pa.
"O, tila mag-isa ka yata? Nasaan na ang maganda mong asawa? Narito at may inihanda akong kaunting ulam," wika ng matanda saka iniabot kay Juancho ang tray na may isang mangkok na sinigang.
"Iyon na nga po ang ipinangangamba ko, Lola. Hindi pa ho siya nakakauwi. Nag-aalala na po ako ng labis," sagot ni Juancho sa matanda.
"Sandali at mayroon akong naitabing contact number ng asawa mo. Tatawagan natin siya." Sabay dukot ng matanda sa kanyang bulsa at inilabas ang kanyang cellphone.
Tatlong beses nilang tinawagan ang cellphone ng dalaga bago mayroong sumagot dito. Inagaw naman agad ito ni Juancho ng walang pasabi.
"Binibini? Ano't hindi ka pa rin umuuwi?" Nag-aalalang tanong nito. Subalit hindi sila magkarinigan sapagkat napakaingay sa kabilang linya. Tugtog ng maingay na musika na masakit sa tenga.
"Sino 'to?" sagot ni Georgina sa kabilang linya at tila hindi na makilala ni Juancho ang kanyang boses dahil sa ingay.
"Si Juancho ito! Sandali, nasaan ka ba sa mga oras na ito at nag-aalala na ako sa iyo?" nakakunot-noong tanong ni Juancho na hindi pa rin nasasagot ng dalaga.
"Hindi k-kita marinig. S-sino ba 'to?"
Sa mga tonong iyon ng dalaga ay nabatid na ni Juancho na lango ito sa alak. Doon na lumakas lalo ang kabog ng kanyang dibdib.
"Sandra, sandali. Nasusuka ako," sambit ni Georgina sa kabilang linya na mukhang hindi yata alam na hindi pa putol ang tawag.
Sa pag-aalala ay pinatay na ni Juancho ang tawag at nagmamadaling umalis. Malakas ang buhos ng ulan at ayaw nitong may mangyaring masama sa dalaga.
"Lola, saan po ba rito ang posibleng pinakamalapit na mayroong kasiyahan at tugtugan? Yung malakas po, maingay, at may nagaganap na inuman?" tanong nito sa matanda.
"Sa De Leon Beer House. Diyan lang malapit sa tapat ng Happy cafe—" sagot ng matanda rito. Hindi pa man ito tapos sa kanyang sasabihin ay dali-dali nang tumakbo pababa ng hagdan si Juancho at kumuha ng payong sa baba.
"Ano ba ang pumasok sa isipan ng babaeng iyon at nagpakalango sila ni Sandra ng nakakalasing na inumin," bulong ni Juancho sa kanyang sarili habang binabaktas ang eskinita. Basang-basa na ito ng ulan kahit pa may dala itong payong.
Sa wakas ay narating nga niya ang beer house na iyon. Sikip ng dibdib ang kanyang naramdaman nang makita niyang buhat-buhat ng isang lalaki si Georgina at akmang isasakay na ito sa kotse. Nakita niya naman si Sandra na nagsusuka sa isang sulok sa labas ng beer house.
"T-teka... saan mo ba ako dadalhin," walang buhay na sambit ni Georgina habang nasa bisig ito ng isang hindi kilalang lalaki.
"Ano ang iyong karapatang dalhin ang binibining iyan?" ma-otoridad na wika ni Juancho habang nasa tapat ng kotse ng lalaki na buhat-buhat si Georgina.
"At sino ka naman sa tingin mo?" pilyong sagot ng lalaki. Makisig rin ito. Maamo ang mukha guwapo. Hindi maikakailang maganda ang hulmahan ng kanilang lahi. Nakakunot ang noo nitong matalim na tiningnan si Juancho.
"Kabiyak ko ang babaeng buhat mo, kaya't wala kang karapatan na dampian ng iyong mga kamay ang kanyang balat!" Nanginginig at galit na galit na boses ni Juancho. Nagtagis ang kanyang mga bagang sa galit.
Natigilan naman agad doon ang lalaki at tsaka binitawan si Georgina. Bakas sa mukha ng lalaki ang panghihinayang.
Hilo naman na tumayo si Georgina at itinukod ang mga kamay sa kotse ng lalaki para hindi siya tumumba. Agad siyang tinakbo ni Juancho upang alalayan.
"Pasensya ka na, ihahatid ko lang naman sana siya sa bahay niya, pare. Wala akong masamang intensyon," pgpapaliwanag ng lalaki. Bakas sa mata nito ang pag-aalala sa dalaga. Na para bang matagal na rin niya itong kilala.
"Salamat kung gan'on," sagot ni Juancho at hindi na binalingan pang muli ng tingin ang lalaki.
"Kung wala kayong masasakyan, pupwede ko kayong ihatid. Malakas ang ulan," alok ng lalaki kay Juancho.
Hindi na ito sumagot pa bagkos ipinasok na sa loob ng kotse si Georgina. Sunod namang inalalayan ng lalaki si Sandra na ngayon ay tila nahimasmasan na.
Habang nasa kotse ay tulog na tulog si Georgina. Nakanganga pa ito kaya dahan dahang isinara ni Juancho ang kanyang bibig. Napalingo-lingo na lamang ito sa katigasan ng ulo ni Georgina. Kung hindi pala nito kaya ang sarili ay bakit ito nagpakalango sa nakalalasing na inumin? Wika ng binata sa sarili.
"Maraming salamat," tanging nasabi ni Juancho ng makababa sila ng sasakyan bago ito humarurot paalis. Mabuti na lamang at nasa kamalayan si Sandra kaya't nagdecide na itong dumiretso na pauwi.
"Hindi biro ang iyong kabigatan, Binibini," bulalas nito sa hangin habang naninigas sa pag-akyat sa dalaga. Kung bakit pa kasi nasa ikalawang palapag ang unit nito. Aniya sa sarili.
"Hmmm," impit na boses ng dalaga na tila may gustong sabihin, pero sa sobrang kalasingan ay hindi na niya kayang bumigkas ng salita. Napalingo-lingo na lamang si Juancho rito.
"Matulog ka na," wika ni Juancho bago dahan-dahang inilapag sa kama si Georgina. Maingat niyang hinawi ang buhok nito na nakatakip sa kanyang mukha at tahimik na pinagmasdan ang kanyang kagandahan.
"Hindi ko lubos na maalala, subalit parang nakita na kita noon, binibini." Halos pabulong na sambit ng binata sa kawalan habang pinagmamasdaan ang maamong mukha ni Georgina.
Sa mga oras na iyon ay may kung anong nag-udyok kay Juancho na mas titigan ng malapitan ang mukha ng dalaga. Nilapit pa nitong lalo ang kanyang mukha sa dalaga at mabusising tiningan ang kanyang mga kilay, pababa sa nahihimbing nitong mga mata, at ang maliit pero matangos nitong ilong. Natigilan itong saglit nang titigan nito ang kanyang mapupulang labi na sumasabay sa pula ng kanyang pisngi, dala ng alak.
Akmang hahalikan na sana ni Juancho ang dalaga ngunit bigla itong nagsuka.
"Blewk!" Napapikit na lamang si Juancho sa nangyaring kahihiyan. Muntikan na siya ro'n.
"Binibini, ayos ka lang ba?" Hinagod nito ang likod ng dalaga habang patuloy itong nagsusuka.
"T-tubig, please," wika ni Georgina sa gitna ng kanyang pagsusuka.
Agad namang tinakbo ni Juancho ang kusina upang kuhaan ito ng isang basong tubig.
"S-salamat!" Nilagok ni Georgina ng dire-diretso ang isang basong tubig na iyon. Pawis na pawis ito ng matapos ang pagsusuka. Nang mahimasmasan ay nagulat ito ng bahagya nang makitang napakalapit ng pagmumukha ni Juancho sa kanya.
"A-anong... paano ako nakauwi?" naguguluhang tanong nito kay Juancho.
"Bago ka magsalita, iligpit mo muna itong kalat mo sa sahig at hindi ko kaya ang amoy na dala nito," wika ni Juancho sanay tingin sa pinagsukahan ni Georgina. Napa-roll eyes na lamang ang dalaga at napasapok sa kanyang ulo ng makita ang resulta ng kanyang paglalasing.
"Pagbibigyan lamang kita ngayon sa kama dahil masama ang iyong pakiramdam. Bukas ay ako naman ang magbubuhay-hari riyan," may kaangasang saad ni Juancho sa dalaga. Matatalim na mga titig ang iginawad ng dalaga sa kanya.
"Ang kapal ng mukha, para namang ikaw ang nagbabayad ng apartment? Hiyang-hiya naman ang wallet ko sa'yo." Pagrereklamo nito na nakacross-arms pa.
Natawa ng bahagya si Juancho roon tsaka hinawakan ang pisngi ni Georgina. Napaatras ito ng kaunti dahil sa ginawa ng binata. Inilapit ni Juancho ang kanyang mukha habang mariing nilalabanan ang titig nito. Bakas naman sa mukha ng dalaga ang pagkailang.
"Ano ba ang gusto mong kabayaran, Binibini?" mapang-akit nitong tugon na tila inaasar ang dalaga.
"A-Ano ba ang sinasabi mo?! Lubayan mo nga ako!" namumula pa si Georgina at nauutal habang pinagtutulak si Juancho paalis sa kama.
"Kanina ay nagrereklamo kang wala akong ibinabayad. Ngayon naman kung saan pormal akong nagtatanong sa iyo, nais mo namang lubayan kita? Napakagulo mo talaga." Napakibit-balikat na lamang si Juancho bago naglatag ng higaan sa sahig.
"Pormal na na 'yon?!" inis na sagot ni Georgina.
"Ano ba ang nangyari at nagpakalango ka sa alak, Binibini?" tanong ni Juancho habang nakahiga sa sahig.
Nakade-kwatro ito habang nakahiga.
"Napagalitan ang team," maikling tugon ng dalaga. Napabitiw na lamang ito ng isang malalim na buntong hininga.
"We need new faces for the magazine. Sumablay kasi ang ni-recommend ng in-charge sa paghahanap ng model." Pagpapaliwanag nito.
Kahit naguguluhan pa ang binata ay naunawaan naman niya ito ng kaunti. Patuloy lamang siya sa pakikinig at umaasang baka may maitulong ito kahit papaano.
"Anong klase bang mukha ang inyong hinahanap?" kunot-noong tanong ni Juancho.
Napatayong bigla si Georgina. Namilog ang magagandang mata nito napangiti sa naisip niyang ideya.
"Ikaw!" aniya sabay turo kay Juancho.
"Anong ako ang sinasabi mo riyan, Binibini?" naguguluhang tanong nito.
"Katulad mo ang hinahanap namin! Tatawagan ko si Ma'am Monique ngayon na." Halos tumalon na ito sa kama para maabot ang kanyang cellphone na nakapatong sa mesa. Agad siyang nag-dial kahit wala pa naman ding tugon si Juancho sa kanyang mga sinabi.
"Hindi kita maintindihan, Binibini," wika ni nito.
"Ikaw ang irerekomenda kong modelo!" masigla at galak na galak nitong sambit.
Nagulat naman doon si Juancho at napakunot-noo.
"Ano naman ang alam ko riyan. Hindi, ayaw ko," pagmamatigas nito.
"Akala ko ba gusto mong tumulong sa pagbabayad ng apartment?" nakataas ang kilay na tanong ni Georgina.
Napatigil ng kaunti si Juancho sa mga sinabi nito.
"May ibibigay ba silang salapi kapag naging modelo ako?" kyuryosong tanong nito na tila naging interisado.
"Oo naman! Makakatulong ka na sa mga bayarin kapag nagkataon, hindi ba?" nakangiti at nagpapa-cute pa si Georgina habang kinukumbinse ang binata.
"Ayaw ko," tipid na sagot ni Juancho na tila inaasar pa ang dalaga.
"A-Anong ayaw mo? Ayaw mo bang magkaroon ng salapi?" tanong nito.
"Pag-iispian ko," tanging naisagot ni Juancho. Pero sa totoo lamang ay gusto rin niya ang alok ng dalaga. Ibig sabihin lamang kasi nito ay madalas na niya itong makakasama at mababantayan.
"Siya, sige! Payag na ako," mabilis nitong sagot kay Georgina.
"Wow! Bilis mo namang mag-isip?" natatawa pang tugon ni Georgina.
Tuwang tuwa itong itinawag sa kanyang boss ang magandang balita. Hindi naman kasi gan'on kadali iyon. Dadaan pa sa screening si Juancho.
MAAGA pa ay nagising na sina Georgina ag Juancho upang mamili ng mga kakailanganin ni Juancho upang maging presentable ito sa paningin ng mga pannel. Hindi na nito kailangan ng masyadong pagpapatikas ng katawan dahil given na rin naman ito sa kanya bukod sa sobrang gwapo pa nitong lalaki.
"Narito na naman tayo sa napakalaking lugar na ito?" tanong ni Juancho na tila nahihilo pa pagkatapos nilang sumakay ng elevator.
"Mamimili tayo ng mga damit mo. Mukha ka kasing presidente riyan sa barong mo," pagbibiro pa ng dalaga.
Tahimik lamang si Juancho habang hindi magkandaugaga si Georgina sa paghahanap ng mga kasuotang bagay kay Juancho. Sa kakisigan at kagwapuhan kasi nito ay parang lahat naman bagay sa kanya.
Habang abala ang dalaga sa pamimili ay hindi niya namamalayang tila nagsidapuan ang mga babae sa store na pinasukan nila. Mga babaeng balak na magpapansin kay Juancho.
"Tingnan mo naman sis, grabe sobrang gwapo naman ng lalaking iyan," kinikilig pang pabulong na wika ng isang babae sa kanyang kaibigan.
"Oo nga, Teh. May jowa na kaya 'yan?" sagot naman ng isa pa.
"Laglag ang panty ko kapag nahawakan ko kahit kamay lang niya," wika ng isa pang babae sa kabilang banda.
Wala namang kamalay-malay si Juancho na abalang nakatingin sa mga presyo ng mga paninda.
"Napakamahal naman nito," aniya pa sabay sauli ng isang kulay asul na polo shirt na natipuhan niya sana.
Nagulat na lamang ito ng sinukbit bigla ni Georgina ang mga braso nito sa kanyang braso at hinila ito papalabas dala ang mga pinamili nitong mga gamit.
"Grabe talaga ang charisma mo. Pagpasok natin sa store na iyon, wala halos na tao. Pagkatapos, biglang nagsidapuan ang mga babaeng akala mo ay langaw kung makadapo!" pagmamaktol pa ni Georgina.
"Nagseselos ka ba, Binibini?" tanong ng binata.
"Selos? Like duh! Over my dead—sexy body," pag-iinarte nitong tugon.
"Bakit ika'y tila namumula?" kyuryosong tanong ni Juancho na siya namang nakapagpadagdag ng kapulahan sa pisngi ng dalaga.
"Anong namumula? Sinong namumula? Ako?" pag-uulit pa nito na halatang walang maidepensa sa sarili.
"Hindi naman maikukumpara ang kagandahan mo sa kanila, Binibini," nakangiting saad ni Juancho na nakadagdag sa kahihiyang nararamdaman ng dalaga. Bigla nitong tinanggal ang pagkakakabit niya sa braso ni Juancho.
"Feel na feel mo naman ang paghawak ko sa braso mo, ano!" pagsusungit nito.
"Sa susunod ay hindi lang braso ko ang nais kong ipahawak sa'yo." nakangising sagot ng binata na siyang dahilan kaya't pinandilatan siya ng mata ni Georgina.
"Bastos!" Histerikal nitong sabi at binitawan ng isang malakas na sampal si Juancho.
"Aray! Para saan naman iyon?" pagrereklamo ng binata.
Hindi makapaniwalang hinawakan nito ang kanyang namumulang pisngi na tila may bakat pa ng palad ni Georgina. Nag-init ang mukha nito hindi dahil sa kilig kung hindi dahil sa hapdi ng pagkakasampal ng dalaga.
Bahagya na lamang itong natawa sa kanyang isipan dahil sa sinapit. Mukhang mali yata ang mga salitang kanyang ginamit. Nais lang naman sana nitong sabihin na hindi lang ang braso nito ang nais ipahawak kay Georgina sa halip, gusto nitong sa susunod ay puso naman niya ang higitin at hawakan ng dalaga.
Unti-unti na kayang namumukadkad ang pag-ibig para sa kanilang dalawa?
ABANGAN...