"Magandang umaga, Binibini." Nakangiti si Juancho ng napakatamis habang sinasambit ang mga iyon. Muntik nang makalimutan ni Georgina ang pangba-blockmail sa kanya ng binata kagabi. Ngingiti sana siya ngunit dahil sa tagpo kagabi ay napawi ang mga ngiti sa kanyang mga labi.
"Anong maganda sa umaga, e, ikaw agad ang bumungad sa pagmumukha ko?" nakapamewang na sagot ng dalaga kay Juancho. Bahagyang natawa si Juancho sa inasal ni Georgina.
"Napakagandang umaga para pagsimulan ng kasungitan mo, Binibini. Ngumiti ka muna sandali upang lalo kang gumanda na kahalintulad ng mahalimuyak na mga bulaklak sa hardin."
Nagpigil ng ngiti si Georgina sa mga binitawang salitang iyon ni Juancho. Iniisip nito na baka binobola lamang siya ng binata dahil may kailangan itong tulong mula sa kanya. Kung wala siguro ay hindi naman ganito ang magiging pakikitungo nito sa dalaga.
"Huwag mo nga akong binobola, Juancho!" inis na sabi nito.
"Hindi ko maabot ang iyong nais ipahiwatig, Binibini," naguguluhang sagot ng binata na tila hindi naintindihan ang mga salitang ginamit ng dalaga.
"Huwag mong binibilog ang ulo ko! For I know, ginagawa mo lang yan para tulungan kitang bumalik sa mundo mo. Alam mo bang napakalaking abala mo sa akin?" pagtataray ni Georgina.
Hindi na sumagot pa si Juancho. Hanggang sa pagkain nila ng agahan ay wala nang lumabas pang kahit isang pangungusap sa bibig nito. Nahalata naman iyon ni Georgina pero dahil mapride ito ay hindi niya na lamang ito pinansin.
Walang pasok ngayong araw dahil weekend kaya't napagpasyahan ng dalaga na gumala na muna sa pinakamalapit na coffee shop dito sa apartment niya.
Sinulyapan nito saglit si Juancho na tahimik lang na nakaupo sa sala. Mariin nitong pinagmamasdan ang mga gamit sa loob ng bahay. Wala kasi no'n sa kaniyang mundo. Payak lamang ang pamumuhay doon kaya siguro ganoon na lamang ang kanyang pagiging kyuryoso.
"Aalis ako ngayong umaga, 'di ka ba sasama?" malamig na tanong ni Georgina.
Hindi naman ito sinagot ng binata bagkos ay tumayo ito at dumiretso papuntang kwarto.
Napakunot-noo naman si Geogina sa inasal na iyon ng binata. "Problema no'n?" Sambit nito sa kawalan.
Dumiretso na nga si Georgina sa labas upang maghanap ng pinakamalapit na coffee shop. Sa di kalayuan ay may nakita nga itong maliit, pero nakaagaw ng pansin ng dalaga.
"Happy Cafe?" bulong nito sa sarili.
Iniisip nito kung iisa lang ba ang may-ari ng Happy Cafe at ng Happy House apartment. Baka senyales na ito na magiging masaya ang kapalaran niya sa paglipat niya ng tirahan.
"Magandang umaga, Ma'am! Maligayang pagdating sa Happy Cafe!" bati ng isang crew at saka yumuko ito na bilang paggalang.
Inilibot ni Georgina ang paningin niya sa buong cafe. Everything seems antique. Lakas maka throw back. Ang ganda lang dahil ang mga kagamitan ay talagang prineserba.
"Wow," nasabi na lamang nito sa sarili habang tinutungo ang counter.
"Ano pong atin, ma'am?" nakangiting tanong ng crew at titig na titig sa dalaga.
"Isang regular coffee lang po at itong cream puff na rin," magalang na sagot ni Georgina habang nakangiti. Nginitian naman itong pabalik ng crew.
"Ulitin ko lang po, Ma'am. Isang regular coffee at cream puff. Tama po ba? Wala na po bang idaragdag?" pagkukumpirma nito.
Naisip naman bigla ni Georgina si Juancho.
"Pakidagdagan na lang pala ng isang isang slice ng back forest cake," aniya.
"Copy po, Ma'am! Kailangan niyo lamang pong maghintay ng mga limang minuto. Salamat!" masiglang pagpapaliwanag ng crew.
Naupo na lang muna si Georgina habang hinihingay ang kanyang order. Hindi naman ito masyadong gutom at gusto lamang makapagkape.
"Narito na po, Ma'am. Salamat sa paghihintay," wika ng crew habang inilalapag ang tray na may kape, cream puff at black forest cake.
"Thank you!" sagot naman agad ni Georgina ng nakangiti. Takam na takam ito sa pagkain sa kanyang harap. Paborito kasi talaga niya ang blueberry cheesecake.
Habang hinihigop nito ang in-order niyang kape ay bumalik sa kanyang isipan ang mga sinabi ni Juancho kagabi lang.
"Sana ay palagi ka na lamang natutulog, napakaganda mong pagmasdan. Para kang isang magandang obra sa isang Museo."
Hindi maipaliwanag ng dalaga ang kakaibang kaba na dala sa kanyang dibdib ng mga sinabing iyon ni Juancho. Lalo na noong tinawag niya itong binibini. Hindi iyon ang unang beses na tinawag siya nito, pero iyon ang unang beses na nakaramdam siya ng kaba sa kanyang dibdib. Tila ba maihahalintulad niya ito sa nagkakarerang kabayo. Umuulit ulit ang mga katagang "binibini" sa kanyang isipan.
"Binibini," sabi ng isang pamilyar na boses.
"Ay anak ng!" gulat na bulalas ni Georgina na kamuntik pang maibuga ang kapeng kakahigop niya lamang. Sa gitna kasi ng malalim na pag-iisip niya sa binata ay biglang sumulpot ito sa kanyang harapan.
Iniangat niya ang kanyang paningin sa isang pamilyar na boses na nagsalita.
"J-Juancho?" naguguluhan at nagtatanong ang boses ng dalaga na tila gulat na gulat na makita niya si Juancho.
"Anong ginagawa mo rito? Akala ko ba ay hindi ka sasama sa'kin?" Tanong nito.
"Hindi naman ako sumama sa iyo, sinundan lamang kita. Mahirap na at mapanganib para sa isang babaeng naglalakad mag-isa," ani Juancho.
Nahiya si Geogina sa mga sinabi ni Juancho. Inisip nito ang mga pagsusungit niya sa binata at sa kabila no'n ay iniisip pa rin nito ang kapakanan niya bilang babae.
"Sus, ano ka ba. Baka 'di mo alam na si Georgina to? Strong independent woman!" pagdidiin pa ng dalaga.
Ngumiti lamang ng payak si Juancho pero nakatayo pa rin ito.
"Ano? Wala ka bang balak umupo?" sarkastikong tanong ni Geogina.
"Wala, hangga't hindi mo pinahihintulutan," sagot naman ni Juancho rito.
"Ganoon ba sa mundo n'yo?" tanong ulit ni Georgina.
"Oo," maikling sagot ni Juancho rito at naupo na rin.
"Napakapormal n'yo naman pala, ano?" Wika ni Georgina habang nginunguya ang blueberry cheese cake at nakakunot ang noo.
"Hindi mainam tingnan sa babae ang nagsasalita habang may pagkain sa bibig," pagpupuna ni Juancho sa asal lalaking si Georgina habang kumakain. Walang bahid kasi ng pagiging mahinhin mula sa pananalita hanggang sa kilos nito.
"H'wag mo nga akong turuan kung paano ang magpakababae. Ang importante ay hindi ako nabibilaukan— tubig!"
Tarantang humingi ng tubig si Georgina dahil bumara sa lalamunan nito ang kinakain sa kasagsagan ng kanyang pananalita. Agad namang ibinigay sa kanya ni Juancho ang kape sa harapan nito at mabilis niya itong nilaklak.
"Aaahhhh! Ang iniiiit!" mangiyak-ngiyak na wika ng dalaga. Mainit pa pala ang kape at sa taranta ni Juancho ay hindi niya iyon napansin.
"Paumanhin, Binibini! Isang saglit lang, kukuhanan kita ng tubig na maiinom!" Patakbong tinungo ni Juancho ang counter upang humingi ng tubig sa crew. Tinuro naman siya nito sa water dispenser na nakalagay sa gilid. Dahil sa hindi alam ni Juancho kung paano iyong gamitin ay akma na sana niyang tatanggalin ang galon ng tubig.
"Hindi ganyan, Sir! Ako na lang po," sigaw ng crew at natatarantang inagaw nito ang baso sa binata at naglagay ng tubig.
"Pasensya na, wala kasing ganito sa aking mundo," seryosong pagpapaliwanag ni Juancho na siyang nakapagpakunot ng noo ng crew.
Taranta namang iniabot ni Juancho sa dalaga ang tubig na ngayon ay mukhang nahimasmasan na.
"Huli ka na, Juancho. I'm fine. Mamamatay muna ako bago mo ako matulungan." Pagrereklamo pa ni Georgina.
"Patawad, Binibini. Hindi kasi ako marunong gumamit noong lagayan nila ng tubig," anito sabay kamot ng ulo.
"Iyong water dispenser?" Tanong ni Georgina.
"Iyan ba ang tawag doon?" Sagot naman ni Juancho na patanong din.
Napasapok na lamang ng ulo si Georgina. Marami pa talagang dapat matutunan si Juancho sa bagong mundong ito. Masyado siyang makisig upang maging walang alam sa mga pagbabago sa kasalukuyang panahon. Napakagwapo niya namang walang alam kapag nagkataon.
"Sa susunod ay alam ko na kung paano iyon gamitin." Proud nitong sabi.
"Hindi mo manlang ba i-a-alok sa akin ang iyong kinakain?" tanong ng binata na mukhang takam na takam sa blueberry cheese cake.
Natigilan naman si Georgina sa pagsubo nito at parang wala sa katinuang susubuan si Juancho ng kinakain. Nagulat naman ng kaunti si Juancho sa ginawang iyon ni Georgina kayat natigilan rin ang dalaga at saka sinubo na lamang bigla ang isang slice ng blueberry cheese cake na isusubo niya sana kay Juancho. Tila bumalik ito sa kanyang huwisyo.
"Kumain ka nga mag-isa mo," anito pa na nanumbalik sa pagtataray. Natatawa na lamang ang binata sa inasal ng dalaga. Madalas na yata itong natataranta sa harapan ni Juancho. Minsan ay hindi rin siya maintindihan ng binata dahil paiba-iba ito ng mood.
"Maganda ba akong lalaki, Binibini?" biglaang tanong ni Juancho pagkatapos ng halos sampung minutong katahimikang namalagi sa kanila. Tanging kalansing lamang ng mga kubyertos ang maririnig sa paligid.
Umismid si Georgina bago ito utal-utal na sumagot.
"H-ha? Ano, sakto lang. I mean, p-puwede na naman," anito na namumula pa at hindi makatingin ng diretso sa binata. nakayuko lamang ito.
Inilapit ni Juancho ang mukha nito sa kanya at hinawakan siya sa kanyang baba na siyang naging dahilan upang manlaki ang mga mata ni Georgina. Nararamdaman na naman niya ngayon ang pagkarera ng mga kabayo sa kanyang dibdib sa sobrang bilis ng t***k ng kanyang puso.
"Titigan mo ako sa aking mga mata," seryosong sambit ni Juancho.
Dahan dahan namang tiningnan ni Georgina ang mga mata ni Juancho. Napakaganda ng mata nito at tila nangungusap. Ang pilik mata niya ay dinaig pa ang pilikmata ng isang babaeng nagpa-eylash extension.
"Ano bang ginagawa mo," ani Georgina na tila nahihiya pa. Napapikit naman ito ng kanyang mga mata ng dahan dahang inilapit ni Juancho ang kanyang mukha sa kanya. Maya maya pa ay natigilan ito.
"Ano't nakapikit ka, Binibini? May dumi ka sa labi," wika ni Juancho at agad na kumuha ng malinis na tissue sa lamesa upang punasan ito.
Namula lalo ang mga pisngi ni Georgina sa kahihiyan at pati na rin sa kilig dahil sa ginawa ng binata.
Tinatanong nito ang sarili kung ano ba ang ginawa sa kanya ni Juancho at ganoon na lamang kung kumabog ang dibdib nito. Bakit ganoon na lamang ang epekto ng salitang "binibini" sa kanya. Kung noon ay naiirita siya, ngayon ay kakaibang taranta naman ang sumasapi sa kanya. Lalo pa't magkasama sila sa iisang bubong.
"Kakain ka ba o hindi?" Mataray na tanong ni Georgina.
"Mas masarap kang pagmasdan kaysa sa iyong kinakain," sagot naman ng binata. Kanina pa ito banat ng banat kay Georgina at parang malulumpo na ang dalaga sa hiya. Parang nalulusaw ang mga tuhod nito.
"Bahala ka na nga riyan, ang labo mo rin minsan," ani Georgina pagkatapos ay dali-dali na itong lumabas. Hindi na nito kinaya pa ang kahihiyan. 'Di niya rin alam kung ginagawa lang ba ito ni Juancho upang mahulog siya? O para tulungan niya ito kaya balak niya itong paikutin?
"Sandali, Binibini!" sigaw ni Juancho at agad na sinundan si Georgina.
Halos takbuhin na ni Georgina para hindi siya maabutan ni Juancho. Hiyang hiya kasi talaga ito sa nangyari kanina.
"Ano ba ang nangyayari, Binibini?" Nag-aalalang tanong ng binata pero patuloy pa rin si Georgina sa paglalakad ng mabilis hanggang sa naabutan niya ito at hinigit sa kamay.
"Ano ba! Get off me!" reklamo ni Georgina habang nagpupumiglas sa pagkakahawak ni Juancho nang biglang nag-ring ang cellphone ng dalaga kaya't agad niyang kinapa ang bulsa niya upang tingan kung sino ang tumatawag.
"Sandra? Napatawag ka?" Tanong ni Georgina habang ino-on ang camera ng cellphone niya upang makapag video call ng maayos kay Sandra. Sa gulat ni Juancho ay dinuro duro nito ang cellphone ni Georgina.
"A-anong...ba-bakit nariyan sa loob ng maliit na kahong iyan si...si Sandra?!" Hindi makapaniwalang tanong nito. "Sandra! Bakit ka nariyan sa loob?! A-anong ginagawa mo riyan?!"
Tinawanan lamang siya nina Sandra at Georgina. Malamang ay noong araw lang na iyon ang unang beses niyang makakita ng androidphone.
"Videocall ang tawag dito, Juancho. Sa pamamagitan nito, matatawagan mo ang mga mahal mo sa buhay, at makikita mo pa ang mga mukha nila." Pagpapaliwanag ni Georgina.
Lumiwanag namang bigla ang mga mata ni Juancho sa narinig nito na tila nabuhayan ng loob.
"Maari ko bang tawagan ang aking ama't ina?" tanong nito. Nagulat si Georgina sa tanong na iyon. Hindi niya iyon inaasahan. Siguro ay namimiss na nito ang pamilya.
"Sorry, Juancho. Walang android phone sa panahon ninyo, at malabong mangyaring tumawag tayo sa pinaglipasang panahon. Tapos na 'yon eh," Pagpapaliwanag ni Sandra sa kabilang linya.
Nabakas naman sa mukha ni Juancho ang labis na pagkalungkot at kawalan ng pag-asa. May oras na sinisisi niya ang sarili kung bakit siyang napadpad sa isang bagong mundong ito pero naniniwala siyang may dahilan ang lahat.
"So, bakit ka napatawag, Sandra?" tanong ni Georgina.
"E, kasi naman, Sis. Gusto ko lang naman kamustahin ang lagay ni Papa pogi. Kinakabahan kasi ako sa'yo. Baka anong gawin mo diyan," natatawang sagot ni Sandra sa kaibigan.
"Kapal ha, ano naman ang gagawin ko dito?" Sagot naman ni Georgina.
"Malay ko ba kung..." Pagkantyaw pa nito.
"Manahimik ka nga! Ano ka ba," namumula nitong sagot sa kabilang linya na tila nahihiya na.
"O siya, sige na nga. Mukhang wala ka namang ginawang masama kay Papa pogi," ani Sandra tsaka ibinaba ang tawag. Nakahinga naman ng maluwag si Georgina. Hindi kasi mahinto ang bunganga ng babaeng iyong kapag talaga excited. Walang preno, at baka kung ano pang marinig ni Juancho mula sa kanya.
"Anong ibig sabihin ni Sandra, Binibini? Anong pogi ang kanyang sinasabi?" tanong ng binata.
"Wala, labas ka na ro'n. Baka lumaki pa ang ulo mo, e," pagsusungit pa nito. Hindi na nagtanong pang muli si Juancho patuloy lang itong nakasunod sa dalaga.
"Saan ba tayo paroroon, Binibini?" Naguguluhang tanong ni Juancho. Maingay ang syudad na nilalakad nila. Hindi sanay ang binata sa ganoong kalagayan kaya't hindi ito gaanong natutuwa.
"Ano ba, h'wag mo nga akong tinatawag na binibini," suway nito. Sa totoo lamang ay ayaw lamang niyang tinatawag siya nitong binibini dahil kumakabog ang dibdib nito sa tuwing naririnig niya ang napakalalaking tinig ni Juancho. Swabe at masarap sa tenga.
"Binibini," sabi pang muli ng binata na mukhang natutuwa sa naaasar na mukha ni Georgina.
"Ang kulit mo! 'Wag sabi, e!" pagdidiin ni Georgina.
Naglalakad ito at nakasunod lamang sa kanya si Juancho. Pilyo rin ang binata at gusto yatang asarin lalo ang dalaga. Natawa na lamang ng bahagya si Juancho sa kasungitan ng dalaga.
"Nandito na tayo," wika ni Georgina habang nakatigil sa tapat ng isang Mall.
Inilibot ni Juancho ang kanyang paningin mula sa baba hanggang pataas. Nasa harap sila ng isang eight story Mall. Isa sa pinakamalaking mall sa syudad.
"Pagkataas-taas naman nitong gusali? Sa tantya ko'y hindi natin ito kayang ikutin ng isang buong araw," namamanghang komentaryo ni Juancho.
"Mataas talaga 'to, ano ka ba. May elevator na at escalator sa panahon ngayon. Mapapabilis na ang pag-akyat natin dyaan sa taas," paliwanag ng dalaga.
"Ano ang mga bagay na iyan, Binibini?" tanong ni Juancho.
"Ano ba? Sinabing 'wag mo akong tinatawag na binibini, e! Ang kulit ng lahi mo."
Hindi na nito pinansin pa si Juancho. Patuloy lang sila sa paglilibot sa loob ng Mall. Manghang-mangha si Juancho sa mga naggagandahang mga display sa loob na para bang isang musmos na ngayon lang nakatapak ng Mall. Hindi lubos maisip ni Georgina na ang napakaguwapong lalaking ito ay walang alam sa nangyayari sa paligid niya ngayon.
Nakaramdam ito ng awa sa binata. Masyado itong inosente sa makabagong panahon at kailangan nito ng katuwang upang maunawaan ang mga bagay-bagay ngayon. Nakatitig ito kay Juancho habang ang binata naman ay busy sa kakatingin sa mga panindang nakadisplay sa bawat madaanan nilang kanto. Ikinagulat nito ang biglang pagsulyap sa kanya ni Juancho kaya agad niyang binawi ang kanyang mga titig.
"Ako ba'y pinagmamasdan mo, Binibini?" pang-aasar na tanong ni Juancho.
"A-anong... anong sinasabi mo? Ha?" uutal-utal nitong sagot. Nais na niyang magpalamon sa lupa noong mga oras na iyon sa kahihiyan.
"Alam ko namang nakikisigan ka sa akin. Isa akong magandang lalaki, hindi ba?" proud na sabi ni Juancho na nakangisi pang nakatitig sa dalaga na siyang dahilan upang mailang ito.
"A-ano?! P-pinagsasabi mo?!" tanging naibulalas nito at iniwas na ang mga tingin sa binata. Sa sobrang kahihiyan ay nag-init ang mga pisngi nito at lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib.
Hindi maipaliwanag ni Georgina kung bakit ganoon na lamang ang nararamdaman niya tuwing nariyan si Juancho. Noon lang ay kumukulo ang dugo nito sa binata. Ngayon ay parang matutunaw na ito pagkaharap ang binata pero pinipilit lamang niyang labanan ang apoy na nagsisimulang lumagablab sa kaibuturan ng kanyang puso.