"Sis, anong gagawin ko dito sa boylet na 'to?" Nakakunot ang noo ni Sandra habang nakaturo sa makisig na binatang si Juancho. Ngumiti naman ng pagkatamis-tamis ang binata na tila ba hindi na kayang hindian ng marupok na si Sandra.
"Ewan ko, isama mo sa inyo. Itago mo sa basement, ewan ko!" saad ni Georgina habang nagkakamot ng ulo at hindi na alam kung ano ang gagawin kay Juancho, gayong kanina pa ito nakabuntot sa kanilang dalawa.
"What? Teka teka," ani Sandra habang naka ekis ang mga kamay. "Hindi ko yata mapapayagan iyan? I mean, hindi mapapayagan ni Dad. Kung ako lang ang masusunod ay baka kanina ko pa kinaladkad 'yan papuntang bahay, Sis!" pagdadahilan naman ni Sandra.
"Sandra naman, eh. Kahit ngayon lang, alam mo naman, sa kabilang syudad pa ang inuuwian ko, isang oras pa ang byahe mula Maynila patungong Fuego. Sige na naman, ngayon lang talaga." Halos nawawalan nang pag-asa ang dalaga kung paano madidispatya ang binata. Maya maya pa ay nawindang ito sa naisip niya.
"Wait, huwag mong sabihing naglakad ka lang mula sa bahay namin sa Fuego papuntang Maynila, Juancho?!" Histerikal na reaksyon ni Georgina nang sumagi sa isip niya kung paano nakarating si Juancho sa Maynila. Hindi rin biro ang isang oras na paglalakad samahan mo na rin ng uhaw, gutom, at pagod.
Ngumisi lang ang binata at tinitigan ng pamatay na ngiti si Sandra.
"May mga magagandang dilag na may mabubuting loob na nag-alok sa akin sa kanilang sasakyan. Sobrang nakakamangha nga iyon, napakabilis ng takbo. Kahit kailan ay hindi magiging ganoon kabilis ang takbo ng kabayo naming si Maximus sa kalesa." Manghang-manghang pagpapahayag ng binata sapagkat hindi pa ito nakakakita at nakakasakay sa isang kotseng tulad ng sinakyan niya kanina.
"Ano nga ba ang tawag sa sasakyan na iyon, Fo-fork?" Kunot noo nitong sambit kaya't napahagalpak ng tawa ang dalawang babae.
"Ford iyon, ano ka ba!" ani Sandra sa kanya. Napahawak na lamang sa batok ang binatang si Juancho na medyo napahiya.
Wala namang nagawa si Sandra kung hindi hayaan na lamang muna si Juancho na magpalipas ng gabi sa kanila sa kagustuhan na rin ni Georgina. Tiyak na malilintikan kasi ito kapag iniuwi niya ito sa bahay nila. Mukhang hindi lamang sa butas ng panty ito dadaan kung hindi mukhang pati sa butas ng bubong ng bahay nila.
"Salamat talaga, Sandra! Babawi talaga ako sa iyo," wika ni Georgina at saka ngumiti. Bumaling naman ito ng tingin kay Juancho at inirapan ito. Malamig lamang siyang tiningnan ng binata.
"Just for tonight, okay?" nasabi na lamang ni Sandra bago pumara ng taxi kasama ni Juancho. Mabuti na lang at hindi gaanong strikto ang ama nito at sa sobrang laki ng bahay nila ay malayong mahuhuli sila sapagkat hindi naman sila madalas magkita.
Pagod na nakarating sa bahay nila si Georgina. Hindi na nga ito nakapaghapunan sapagkat dumiretso agad ito sa kama niya at nahiga. Hindi naman natuwa ang ina nito kaya't agad siyang inakyat sa kaniyang kwarto.
"Anak, kain ka muna. 'Di mo manlang ba titikman ang luto ng Mamsy?" wika ng kanyang mama na tila naglalambing.
"Sorry, Mamsy. Pagod lang. Sobrang dami kasing nangyari ngayong araw, eh." Pagpapaliwanag nito saka bumitaw ng isang malalim na buntong hininga.
"Puwede bang malaman ni Mamsy iyan?" Saka niya tiningnan sa mga mata ang anak.
"Nako, Mamsy, kakain na nga lang ako." Tumawa ng bahagya ang dalaga at dumiretso na palabas ng kwarto. Iniisip kasi nito kung paano siyang malulubayan ni Juancho gayong nakabuntot na ito sa kanila mula ngayon.
KINABUKASAN ay masiglang naghanda si Georgina papuntang trabaho. Himala at maaga itong nagising ngayong araw. Sa pagod kahapon ay maaga itong nakatulog kaya't maaga rin siyang nagising.
"Anak," wika ng kanyang ama na nakangitinng bahagya sa dalaga na kumakain ng agahan.
"Po, Papsy?" sagot nito.
"Napagdesisyunan namin ng mama mo na hanapan ka na lamang ng apartment na matitirhan sa Maynila," sagot nito na sadya namang ikinagulat ni Georgina.
Hindi ito makapaniwala sa narinig ng kanyang dalawang tenga. Masyadong clingy kasi ang mga magulang niya kaya't hindi niya lubos maisip na sila pa ang mag-aalok sa dalaga na maghanap ng apartment na matitirahan sa Maynila. Nangangahulugan lamang na malalayo ito sa kanila.
"S-seryoso?" Natigilan si Georgina sa kinakain nito at napahalukipkip.
"Huhuhu," hikbi ng kaniyang maskuladong ama na tila isang batang nagmamaktol sa harap ng anak.
"P-Papsy naman, e," suway ni Georgina.
"Ang unica hija ko, iiwan na kami. Huhuhu," dugtong pa niya na sinadya pang tumunog hagulgol.
"Umayos ka nga, Georgi. Nakakahiya sa anak natin. Dalaga na iyan!" suway ng Mamsy ni Georgina sa kaniyang ama.
"E, sino ba kasing nag-suggest nito sa akin, hindi ba't kayo namang dalawa? Puwede namang mag-uwian ah." pagpapaliwanag ni Georgina.
"Kasi naman, anak. Mula noong nagkatrabaho ka ay parang lagi ka na lamang pagod. Isang oras pa ang biyahe mo pauwi. Bakit pa kasi sa Maynila ka pa nag-apply e puwede namang dito na lamang sa Fuego, e, syudad rin naman ito. Madami ring oportunidad dito," mangiyak-ngiyak na wika ng ina niya.
"Mamsy, alam niyo naman na pangarap ko talaga ang makapagtrabaho sa isang sikat na magazine company sa Maynila. Huwag po kayong mag-alala. Ako na lang po ang maghahanap ng apartment na malilipatan ko sa Maynila nang hindi na po kayo maabala." Pagpi-prisenta ng dalaga.
"Basta, anak, sulat ka ha. Tawag ka," bilin ng kanyang Papsy.
"Papsy, naman! isang oras lang ang byahe papuntang Maynila. Sa pinagsasabi mo, para naman akong lalabas ng bansa. Kalma ka lang, Papsy." Ngumiti ng pagkatamis-tamis ang dalaga at niyakap ang Mamsy at Papsy niya.
Tinapos na nila ang pagkain kaya't naghanda na ito para pumasok sa trabaho.
"Mamaya ho, e, maghahanap na agad ako ng apartment na malilipatan sa Maynila, para bukas, maaga pa akong bibyahe nang makarating sa trabaho ng tama sa oras. Bye, Mamsy! Papsy! Papasok na ho ako," wika ni Georgina. Kumaway-kaway ito sa mag-asawa at naglakad na papalabas ng bahay.
Sa huling pagkakataon at ginawaran niya ng isang napakatamis na ngiti ang kanyang ama't ina.
Ganoon pa rin naman ang sitwasyon sa trabaho nila. Pinag-aaralan na niya ang mga binibigay na tasks sa kaniya ng kanilang Chief Editor.
"Sis," tawag ni Sandra kay Georgina tsaka ito kinalabit. Nilingon naman agad ito ni Georgina.
"Bakit, Sis?" tanong nito.
"Si Juancho kasi..." Huminto pa ito saglit.
"Anong meron sa kanya?" Tanong ni Georgina.
"Nasa lobby siya ngayon, dinudumog ng mga taga ibang department," nag-aalalang wika ni Sandra.
"Talaga ba? Hayaan mo na siya doon," sagot ni Georgina na tila ba wala itong pakealam kay Juancho.
"Loka-loka ka ba? E, kung maabutan ni Ma'am Monique iyong mga haliparot na 'yon? Paalisin mo! Malalagot ka, ikaw ang guardian ni Juancho, eh, hehe." Napa-peace sign na lamang si Sandra dahilan kung bakit napasapok sa noo si Geogina. Kahit kailan talaga ay problema ang dala ni Juancho sa kanya.
Dali-dali silang bumaba sa lobby at halos hindi makapaniwala si Georgina sa nakikita nito. Pinagpipilahan ng mga kababaihan si Juancho para makapagpapicture dito. Napatingin si Juancho sa direksyon nilang dalawa ni Sandra kaya't ibinaling ni Georgina ang tingin sa kabilang dako, umiwas agad ito sa tingin ng binata.
"Binibini!" tawag nito kay Georgina saka ito kumaway. Napansin naman ni Sandra na halos nabato na sa kinatatayuan niya si Georgina kaya't siya na ang tumaas ng kamay nito at iwinagayway kay Juancho. Tumayo naman agad ang binata upang pumunta sa direksyon nilang dalawa na siya namang ikinadismaya ng mga babaeng magpapapicture sana sa kanya.
"Binibini, hindi ka ba natutuwang masilayan akong muli?" Pang-aasar ni Juancho.
"Sino namang matutuwang makita ka? Ha? E, mula noong dumating ka, regular na ang sakit ko sa ulo!" Pagmamaktol ng dalaga at hinilot hilot pa ang sentido nito.
"Hep! Hep! Bawal mag-away ngayon. Ikaw, Juancho, puwede bang ipagpatuloy mo na lang iyang session mo kasama 'yang mga chikababes mo mamaya? E, hindi na sila makapagtrabaho ng maayos kakapila sa'yo," pangangaral ni Sandra bago bumaling kay Georgina. "At ikaw naman, Georgina, huwag kang masyadong masungit. Baka gusto mong matulad kay Ma'am Monique? Kahit minsan hindi pa nagkakanobyo dahil sa kasungitan?" natatawang pagpapaalala ni Sandra.
May punto nga naman ito. Baka maging dahilan pa ang kasungitan ni Georgina para hindi na ito makapag-nobyo pa.
"Tara na nga sa taas, at ikaw, Juancho, huwag kang gagawa ng eksena rito kung nais mong tahimik ang buhay mo at palayasin mo na iyang mga babae mo," pagtataray ni Georgina sabay flip pa ng buhok nito sa hangin sabay alis.
Nagkatinginan na lamang sina Sandra at Juancho sa isa't isa.
"Mala-anghel lamang ang mukha ni binibini, subalit napakapait ng pag-uugali," wika nito at napailing-iling. Natawa na lamang si Sandra sa sinabing iyon ni Juancho.
Noong uwian na ay naroon pa rin ang binata sa lobby. Nakatayo ito at nakapamewang pa nang dinatnan ng dalawang dalaga. Inirapan agad ito ni Georgina.
"Sandra, puwede bang sa inyo na muna ulit itong lalaking ito? Maghahanap kasi ako ngayon ng apartment na matutuluyan, e. Ayoko ng sagabal." Pagdidiin nito sabay tingin kay Juancho.
Naningkit naman ang mga mata ng binata sa sinabing ito ni Georgina.
"Talaga? E, 'di mas maganda! Tatlo tayong maghahanap ng apartment na lilipatan mo." Masiglang sabi ni Sandra na abot tenga ang ngisi.
Tumango-tango naman si Juancho na nakangisi kay Georgina. Mukhang balak niya talaga itong inisin dahil sa pinapakita nitong kasupladahan sa kanya.
"Anong nginingisi-ngisi mo riyan?" Pagtataray muli ni Georgina sabay irap kay Juancho. Sumipol-sipol lamang ang binata na parang walang narinig.
"So ano? Let's go!" yaya ni Sandra. Ikaw ang naghahanap ng matutuluyan, teh? Sumusunod lamang si Juancho sa likod nilang dalawa. Sinuyod nila ang bawat kanto malapit sa pinagtatrabahuhan nila.
"Mas better kapag malapit na mismo sa office natin, hindi ba?" wika ni Georgina at binalingan ng tingin ang dalawa sa likod na kanina pa nakasunod sa kanya.
"Yup!" tugon naman ni Sandra. Tahimik lamang si Juancho na inililibot ang tingin sa paligid. Naglalakihan ang mga gusali, maingay at puno ang bawat kalsada ng rumaragasang mga sasakyan. Maraming tao. Ibang iba sa nakasanayan niyang mundo.
"Tahimik ka yata?" puna ni Georgina sa binata na kanina pa nagmamasid sa paligid.
"Naalala ko lamang ang bayan ko, hindi ganito kaingay at kagulo," sambit ni Juancho.
Natigilan naman ang dalaga at hindi na alam ang isasagot. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin niya naa-absorb na mula sa ibang panahon ang binata.
"Ito na 'yon, Sis!" Huminto sila Georgina, Sandra, at Juancho sa harap ng isang limang palapag na gusali.
"Happy Home Apartment," sambit ni Georgina. Hindi gaanong kalayuan sa opisina nila.
"Sigurado ka bang mapapasaya ka ng apartment na iyan?" pagbibiro pa ni Sandra.
Natawa na lamang si Georgina ng bahagya.
"Ikaw talaga! Mag-iinquire lang ako saglit sa loob. Hintayin niyo ako rito ha," pagpapaalam nito at pumasok na nga sa loob.
Ilang sandali pa ay lumabas na nga ito.
"Salamat sa paghihintay ha, tara sa loob. Nasa second floor ang apartment ko. Kumpleto na raw iyon. May isang kwarto, may isang kitchen, comfort room, at living room. 5k isang buwan." Pagpapaliwanag ni Georgina.
"Sis, naiisip mo ba ang naiisip ko?" tanong ni Sandra sa dalaga sabay taas pa ng kilay.
"Hindi?" sagot naman ni Georgina na tila hindi sigurado kung ano ba talaga ang iniisip ni Sandra.
"Safe mo nang mauuwi rito si Juancho!" pumapalakpak na sambit ni Sandra na siya namang ikinagulat ni Georgina. Pinandilatan siya nito ng kanyang mga mata.
"A-ano?! Hindi puwede! magagalit sina Mamsy at Papsy!" Paghihisterikal nito.
"Ano ka ba, Sis! malayo sila. Hindi naman nila malalaman. Ayaw mo bang tulungan itong taong 'to? Kaya ba ng konsensya mong hayaan na lamang siya sa na magpalaboy-laboy sa kalsada?"
Pagpapakonsensya ni Sandra sa kaibigan.
"Iyang lalaking iyan?! Napakaarogante, papatirahin ko sa bahay ko? Malabo yatang mangyari yan, Sis." Umiling-iling ito sa matinding pagtutol.
Napansin naman yata ng dalawa na ang nakangising si Juancho kanina lamang ay tahimik na ngayon. Hindi ito nagsasalita sa halip ay may malalim pang iniisip. Naawang bigla si Georgina at pikit matang tumikhim.
"Sige na, sige na, papayag na ako," walang siglang tila napipilitang pagsang-ayon ni Geogina.
PAGKAALIS ni Sandra ay pumasok na nga ang dalawa sa loob ng apartment. Nakasalubong pa nila ang matandang landlady ng building kaya't binati nila ito.
"Magandang hapon po, Ma'am," bati ni Georgina. Hindi ito binati pabalik ng matanda bagkos binaling nito ang tingin sa binata. Tiningyan niya ito mula ulo hanggang paa.
"Kamukha mo ang dati kong kasintahan. Sandali, mag-asawa ba kayo?" pag-uusisa ng matanda.
"Ah, opo!" Mariing sambit ni Juancho saka hinigit sa kamay ang dalaga. Pinandilatan niya ito ng kanyang mga mata.
"Mabuti naman kung ganoon sapagkat kung hindi ay hindi ko pinahihintulutan ang babae at lalaki na nagsasamang hindi mag-asawa." Nakataas ang kilay na wika ng matanda.
Halata sa mga nito na may pinangangalagaan itong prinsipyo at dignidad at ang nais lamang ay ilagay sa tama ang mga bagay bagay.
"M-matagal na po k-kaming kasal. Hehe." Naiilang pa ang dalaga sa bawat salitang kanyang sinasambit sa harapan ng matanda at pasimpleng napakamot ng kanyang ulo.
Tumango-tango na lamang dito ang matanda at nagsalita.
"Ineng, nawa'y hindi ka paiyakin ng lalaking ito. Kamukha niya ang kasintahan kong iniwan ako," anito. Umiling-iling ang matanda ng ibinulong niya ang mga iyon sa tenga ng dalaga tsaka ito umalis. Nakakunot-noo naman ang dalawa na napatingin sa isa't isa.
"Kamuntik na tayo do'n ah!" Napasapok na lamang si Georgina sa kanyang noo.
"Alam ko ang takbo ng isip ng matandang iyon. Masyado siyang pormal kagaya ng mga tao sa aking mundo. Ganoon rin mag-isip ang aking lola," wika ni Juancho. Kahit papaano naman ay nakatulong ito sa dalaga sa paraang hindi niya alam kung ipagpapasalamat niya ba. Talagang hahamakin niya ang lahat, matulungan lang ang binata. Kahit hindi niya iyon mapahalata.
"Sa panahon ngayon, wala nang pakialam ang ibang tao kung gustuhin mang magsama ng lalaki at babae sa isang bahay. Normal na lang iyon ngayon kahit wala pang kasal," pagpapaliwanag ni Georgina.
"Ibang-iba na pala ngayon," sagot ni Juancho na tila hindi lubos maisip ang layo ng pinagkaiba ng kanilang mundo.
"Isa pa, napakalabo rin namang matipuhan kita." Malamig na sagot ni Georgina.
"Pagod na ako, Binibini. Saan ba ako matutulog ngayong gabi?" Pag-iiba ng usapan ni Juancho. Hindi man niya ipakita ay parang tinusok siya ng isang karayom sa sinabing iyon ng dalaga. Pilyo ito kung maituturing pero kahit papaano ay napalapit na ito sa dalaga kahit pa araw-araw siya nitong sinusungitan.
"Malawak ang sahig, kahit saan ka lang dyan." Nanlaki naman ang mga mata ni Juancho sa sinabi ng dalaga at tila hindi makapaniwala na doon talaga siya matutulog. Hindi niya yata iyon naranasan sa kanyang mundo.
"Ano?! Ang ibig mong sabihin ay dito lamang ako hihiga sa matigas na sahig na ito?"
"Yes," sagot ng dalaga at ini-snob na si Juancho. Patuloy lang ito sa pag-aayos ng mga gamit na tila walang kasama.
Nagpantig ang mga tenga ng binata sa pagsasawalang-bahala sa kanya nu Georgina. Kaya't nakaisip ito ng isang pilyong ideya.
"Anak ako ng dating heneral, makapangyarihan ang aming pamilya. Nararapat na kilalanin mo ang kinakawawa mo, binibini." Pananakot ni Juancho.
"Huh! Sa panahon niyo iyon. Ang sinasabi mong heneral at yaman ay wala sa panahon namin," sagot ng dalaga na taas noo at taas pa ang kilay.
Dahil rito ay nakaisip ng magandang ideya si Juancho.
"Yaman rin lamang na para akong aso kung iyong itrato, ngayon din ay tutungo ako sa bahay ninyo sa Fuego at ipapakilala ko ang aking sarili bilang nobyo mo." Mayabang ang tonong iyon ni Juancho na siya namang nakapagpataas ng kilay ng dalaga.
"Subukan mo lang, Juancho! Masasakal talaga kita!" Pagsisigaw pa nito.
"Hmmm," sagot lang ng binata. Nag-smirk pa ito at akmang aalis na.
Huminga ng malalim si Georgina bago ito nagsalita.
"Fine! Diyan ka na matulog sa kama! Kainis!" wika nito nang nagmamaktol.
Natawa naman ng bahagya si Juancho dahil gumana ang plano nito. Sa totoo lang ay wala naman talaga itong balak na pumuntang Fuego bukod sa malayo iyon ay wala siyang masasakyan. Ginawa lamang talaga niya iyon upang takutin ang dalaga.
"Ngayon, wari mo na ang magaganap kapag hindi mo ako pinakisamahan ng maayos, Binibini." Kumindat pa ito at saka inihagis ang sarili sa kama. Samantalang si Georgina, dadabog-dabog na naglatag ng maninipis na kutson sa sahig, comforter, at unan. Hindi ito makapaniwalang naisahan siya ng mokong sa gabing iyon.
"Binibini, nahihimbing ka na ba?" tanong ni Juancho at bahagyang tiningnan ang dalaga. Mabilis naman itong pumikit at nagkunwaring tulog.
Ngumiti si Juancho sa pag-aakalang tulog na nga ang dalaga. Mariin niyang pinagmasdan ang mukha nitong mala anghel na bumaba sa lupa.
"Sana ay palagi ka na lamang natutulog, napakaganda mong pagmasdan. Para kang isang magandang obra sa isang Museo," anito pa.
"Sana ay tulungan mo ako sa pamamalagi ko rito bago pa man ako makabalik sa aking panahon, Binibini," bulong nito sa hangin.
Rinig na rinig iyon ng dalaga sapagkat magkalapit lamang ang higaan nito sa kama ng binata. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib niya noong oras na iyon. Para bang sasabog na ito. Hindi niya rin maitatanggi ang pamumula ng kanyang mga pisngi sa mga sinabi ni Juancho.
Iniisip nitong bakit ganoon na lamang kumabog ang puso niya? Ni minsan sa kaniyang buhay ay hindi pa niya iyon nararanasan. Sa kanya lang—kay Juancho lang.