NAGISING na lamang si Georgina nang tumama sa kanyang mukha ang sinag ng sikat ng araw.
Bigla siyang napatayo at nataranta. Dumako agad ang mga tingin nito sa kaniyang wall clock sa kaliwang dingding at bigla siyang nagpanic pagkakita niya pa lamang ng oras.
Mahuhuli na siya sa trabaho kung hindi pa siya magmamadali.
“OMG!! Mamsy! Papsy! Male-late na ko!” Parang si flash niyang nilipad ang banyo dala-dala ang kaniyang tuwalya.
Habang naliligo ito ay hindi niya maiwasang isipin ang kaganapan kagabi.
“Totoo ba iyon? Nanaginip lang kaya ako kagabi?" aniya sa sarili habang naliligo sa banyo.
Napahilamos na lamang siya sa inis nang maalala niya iyon sapagkat sinisisi niya ang lahat sa binatang iyon na nagngangalang Juancho. Kung hindi sana siya napasok sa bahay nila ay hindi sana siya mahuhuli sa kanyang pangalawang araw sa trabaho. Traffic pa naman ang halos lahat ng lansangan sa Maynila. Gigil na gigil ang dalaga habang kinukuskos niya ang kaniyang buong katawan.
“Grrrr! Makikita mo talaga, Juancho! Papatayin talaga kita pag nagkita tayo ulit!” gigil na wika ni Georgina sa banyo. Walang pakundangan itong nagsisigaw sa inis.
Mas mabilis pa sa normal na kilos ang ginawa ng dalaga upang makarating lamang sa trabaho ng tama sa oras. Hindi na nga ito nakakain ng agahan kasabay ng kanyang mga magulang pero naiintindihan naman nila iyon.
Alam na nila na parte na iyon ng trabaho. Isa pa, kailangan ng dalaga na galingan at magpakitang gilas sa trabaho sapagkat kailangan niya ito upang maging regular siya bilang staff writer. Nag-uumpisa palang ito at malayo pa ang kaniyang lalakbayin sa napili niyang karera.
HINIHINGAL pa si Georgina nang makarating sa opisina. Nasa tapat na ito ng pinto at kabado pa niyang pinihit ang doorknob. Pinagdadasal niya na sana ay wala roon sa loob ang kanilang chief editor na si Monique kung hindi ay malilintikan na siyang talaga. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at nabuhayan naman siya ng loob ng makita niyang nagkukwentuhan pa ang ilan sa kaniyang mga kasama sa loob. Napabitaw siya ng isang mabigat at malalim na buntong hininga.
“Sis, mukha ka naman yatang hinabol ng sampung kalabaw sa pagpunta mo rito?” medyo natatawa pang puna ni Sandra sa kaibigan.
Paano ba naman kasi ay nagulo na ang buhok nito dahil halos takbuhin na nito patungong kumpanya nila. Hindi na nito nagawang makapag-ayos o makapagpaganda manlang.
“Sinabi mo pa, naku! Anong oras na ako nagising. Kung hindi pa tumama ang sikat ng araw sa pisngi ko ay hindi pa ako babangon sa higaan. Taranta pa kong pumunta rito dahil alam mo na, baka masermonan na naman ako ni Ma'am Monique. Lalo na at ngayon pa naman niya hinihingi ang unang output ko. Wish me luck!” hingal na hingal pang pagpapaliwanang ng dalaga habang naupo ito nang makaupo ito sa kanyang upuan.
Nilabas niya lahat ng laman ng bag niya at hinanap kaagad ang kanyang output na ginawa kahapon dahil anong oras mula ngayon ay baka dumating na ang kanilang Chief upang hanapin at tingnan ito.
“Relax ka lang, Sis! Male-late raw si Ma'am ngayon dahil may pupuntahan pa siyang meeting. May upcoming project kasi tayo. Ayun, stress at busy ang gaga kaya chill ka lang diyan. Hinga ka muna. Baka need mo ng tubig at prayer?” Pagbibiro pa ni Sandra sa kanya.
“Loka-loka ka talaga, Sandra! Baka may makarinig sa iyo rito at isumbong pa tayo kay Ma'am!” pagbabanta ni Georgina sa kaibigan.
Bago lang ito at takot ito na magkaroon agad siya ng issue sa pinagtatrabahuhan. Kung maaari ay nais niyang magkaroon ng malinis na record sa kumpanya upang mas mapabilis ang pagiging regular niya sa trabaho.
“Alam mo, buti na lang talaga at wala pa si Ma'am. Hindi ko alam kung paano pa akong magpapaimpress sa kanya kung late agad ako sa pangalawang araw ko sa work no.”
Bakas naman sa boses ni Georgina ang pagpapasalamat sa meeting na dinaluhan ng kanilang boss, kung 'di dahil doon ay baka kanina pa siya nalagutan ng hininga sa nerbyos.
Baka kasi at maging katapusan niya ka agad sa trabaho sa pangalawang araw pa lang. Hindi rin kasi madali ang pinagdaanan niya para makapasok lang dito.
“Sis, 'wag kang masyadong nerbiyosa. Chill ka lang. Hindi ka naman pabaya, so keri lang 'yan. Ano, iwan na kita dito ha? Balik na 'ko sa mesa 'ko at baka maabutan niya tayong nagchichikahan dito. Mapalayas pa tayo ng wala sa oras.”
Gaya nga ng kanyang sinabi ay bumalik na ito sa kanyang mesa upang umpisahan ang naiwang gawain.
Ilang saglit pa nga naman ay bumukas na ang pinto ng silid kaya't napahinga agad ang lahat ng malalim nang maramdaman ang black aura ng kanilang chief editor.
Tulad ng nakasanayan ay naka suot ito ng magarang damit at hapit na hapit sa baywang upang mas makita ang hubog ng katawan nito. Hindi naman maikakailang maganda ang hubog ng kanyang katawan kaya naman ay confident ito sa kahit ano ang kaniyang isuot. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa buong silid at nakita niya kaagad ang kanyang hinahanap.
“Georgina Pallez, hand me over your first output," malamig at tipid na tawag ni Monique. Nakataas ang kilay nito at nakanguso ang mapupula niyang mga labi.
Natataranta na namang ibinigay sa kaniya ni Georgina ang kaniyang ginawa.
“Ano pang tinitingin-tingin mo? Upo," anito kaya mabilis na lamang na bumalik ang dalaga sa kanyang mesa habang patuloy na sina-scan ni Monique ang kanyang isinulat.
“Hmm, not bad for a newbie. Improve this.” Kuminang naman ang mukha ni Georgina sa narinig habang nilalagyan ni Monique ng koreksyon ang kanyang gawa. Walang ekspresyon ang mga mata nito na tila ba malamig lamang na nakatitig sa papel.
Hindi na iyon masama kung iisipin niya. Kahit suplada at masungit si Monique ay masarap na sa kanyang taenga ang marinig ang ganoon kasimpleng feedback mula sa kanilang striktang chief.
“Thank you po, Ma'am! I’ll improve it to the best that I can do!” Masiglang sagot nito sa kaniya.
“Don’t take it as a compliment." Bumaling si Monique sa buong team.
"Everyone! listen! We’ll be having a meeting in 2 days from now. Pag-iisipan natin ang magiging concept ng magazine natin for this year. Well, Miss Pallez can join and share her ideas, but I will exempt her for this one since nagsa-start pa lang siya sa basic.” Pagtatapos ni Monique ng kanyang salaysay.
“Isn’t it unfair, Madam?” himutok ng isang staff writer. Mataray agad ang awra nito. Nakataas rin ang kilay niyang kasing nipis ng walis tingting. Putok na putok ang mapupula nitong labi.
“Oo nga naman, Madam, kami lang ang magkakandaugaga?” dugtong pa ng isa pa niyang kasamahan.
“Please, understand that this is not just a simple project. Our competitors are watching over us. I-aasa niyo ba 'yon sa baguhan?” sagot naman ni Monique saka tinapunan ng tingin si Georgina na tila pinamumukha sa lahat ng nagreklamo sa kaniya kung gaano ka-incompetent si Georgina sa kadahilanang baguhan pa ito.
Sa mga naririnig ni Georgina ay hindi niya alam kung anong mararamdaman niya. Magiging masaya ba dapat siya dahil walang nakapasan na mabigat na responsibilidad sa balikat niya? o malulungkot dahil hindi pa siya puwedeng mapagkatiwalaan sa gawain dahil nga baguhan siya? Kahit papaano naman ay puwede siyang magbahagi ng kaniyang ideya. Hindi na rin masama.
“Ah, Madam, tutulong po ako sa abot ng aking makakaya.” Iyon na lamang ang nasabi ng dalaga.
Hindi naman niya alam kung ano ang sasabihin at mukhang may tension sa kanilang lahat.
“Good, go back to work now!” wika ni Monique habang pumapalakpak kaya't mabilis namang nagsitutukan ang lahat sa kani-kanilang ginagawa.
Pagkatapos sabihin iyon ni Monique ay agad na siyang tumungo sa kanyang mesa at inasikaso ang kanyang mga dapat gawin. Magiging busy sila ngayon dahil in two weeks time, kailangan may handa na silang plano at konsepto para sa ilalabas nilang magazine this year.
MABILIS na lumipad ang oras at dahil sa abala ang lahat sa kani-kanilang ginagawa at hindi na nila nalamayan pa ang oras. Seryosong trabaho kasi ang haharapin nila at hindi pwedeng madaliin. Sa kabilang banda naman, si Georgina ay busy din sa ginagawa niyang pag papaganda sa kanyang unang output pero iniisip niya parin kung ano kaya ang maaari niyang maiambag sa kaniang magazine. Bago lamang siya at hindi pa nga talaga niya alam. Ang ginawa lamang niya buong araw ay pinag-aralan ang mga samples na ibinigay sa kanya ng kanilang chief editor.
“Uy, wala ka bang balak umuwi?” Tanong ni Sandra sa kaibigan habang marahang kinakalabit and likod nito.
Kung hindi pa siya nito kinalabit ay baka nalunod na ito sa dami ng kanyang iniisip. Maraming naglalarong mga kaisipan sa kanyang utak.
“Ay sorry, Sis. Medyo nawala kasi sa isip ko ang oras. Out na ba?” tanong ni Georgina.
“Siguro, ano?” natatawa pang sagot ni Sandra na pinipilosopo ito.
“Tara na nga, Sis. Mukhang tayo na lang pala ang natira rito.” Sabay tingin ni Georgina sa paligid at sinimulang iligpit ang kaniyang mga gamit.
Nagsi-uwian na pala ang iba nilang mga kasama.
Agad niyang kinalkal ang laman ng kaniyang bag upang hanapin ang mahiwagang press powder at lipstick niya. Kahit paano ay gusto niyang umuwi na parang walang nangyaring stressful sa kaniyang buong araw.
Pagkatapos ng lahat ng kanilang cheche-bureche sa mukha ay nagpasya na rin na silang umuwi.
Mabilis lang ang oras kaya't maggagabi na rin nang nag-aabang sila ng taxi sa labas ng kumpaya. Madami kasing nag-aabang rin at nauna sa kanila kaya hindi agad sila nakakasakay. Pero bago pa sila makasakay ay biglang nagsalita si Sandra.
“Kung sa fast food na lang muna tayo dumiretso, Eis? Alam mo na, dala dinner?” alok ni Sandra sa nakabusangot na si Georgina.
Naka peace-sign pa ito at dahil baka mainis si Georgina.
Kanina pa kasi sila nag-aabang ng taxi at ginabi sila dahil rito tapos magyayaya naman pala itong si Sandra na kumain sa labas.
“O, 'di sana kanina mo pa iyan sinabi, Sis ano? Tara na nga!” Hinablot nito ang braso ng kaibigan at nagmartsa na sila sa pinakamalapit na restaurant.
Subalit hindi pa man sila masyadong nakakalapit roon ay tanaw na niya sa malayo ang isang pamilyar na mukha. Magkasalubong ang mga kilay nito, nakanguso ang mga labi at tila ba hindi nasisiyahan sa nangyayari. Habang papalapit sila ay agad niya itong namukhaan. Aatras na sana siya pero tinakbo ng kaibigan niyang si Sandra ang kaunting distansya nila roon. Marahil ay nagutom itong talaga.
Pilit na lamang niyang diniretso ang tingin at hindi tiningnan ang binatang nakaupo sa labas ng Mcdo na tila ba isang pulubi na may magarang suot pero gusot-gusot na ito at madumi. Tuloy-tuloy naman sana ang pagpasok nila sa loob subalit nakatadhana yata talagang magtagpo sila ngayon.
“Binibini?” Halos mabingi si Georgina sa narinig. Napakagat ito ng kaniyang labi at napangiwi.
Paanong naalala siya kaagad nito gayong isang beses lamang niyang nasilayan ang kaniyang mukha? At gabi pa iyon. Parang gusto na sana niyang magpalamon sa lupa noong oras na iyon.
“Huh? Are you talking to me?” This time, si Sandra ang sumagot. Napakurap-kurap pa ito. Akala niya siguro ay siya ang tinutukoy ni Juancho.
Pero ang dalagang si Georgina ay patay-malisya lamang at tila walang narinig at nakita.
“Paumanhin, subalit, hindi ikaw kundi itong isang binibini sa iyong tabi,” wika ni Juancho kay Sandra at ibinaling ang tingin sa katabi nitong si Georgina.
Siniko naman kaagad ni Sandra ang kaibigan na tila kinikilig dahil sa kakisigan at kagandahang lalaki ni Juancho.
“Sis, ikaw daw, o. Grab mo na, pogi amp!" nanggigigil pang wika ni Sandra at pinagtutulak ang kaibigan.
Napalunok naman ng laway si Georgina. Iniisip niya kasing makikipag usap na naman ito sa isang baliw.
“A-ako ba?” tanong ni Georgina na kunwari hindi sigurado.
“Wala ng iba pa. Kailangan nating mag-usap kahit isang sandali, Binibini.”
“Teka lang, kakain pa kami, e. Saka hindi kita kilala. S-sino ka ba?” Pagmamaang-maangan ni Georgina na tila ba hindi niya kailanman nakita ang lalaki.
“Huwag ka na lamang magkaila, nagkakilala na tayo kagabi at sana naman ay mabigyan mo ako ng kaunti sa iyong oras. Alam kong may dahilan kung bakit sa tahanan ninyo ako napadpad.” Agad na lamang pumagitna si Sandra sa dalawa kahit naguguluhan pa ito sa nangyayari at hinila silang dalawa papasok sa loob.
“You two can talk while we’re eating okay? Umupo na kayo riyan. My treat, gutom na ako, e," ani Sandra habang hinahaplos ang kumakalam na tiyan.
Napaisip naman si Georgina na napakabait nga naman talaga ni Sandra. Akalain mong hindi naman niya kilala ang estrangherong lalaki, ngunit nilibre niya pa ito sa kainan. Kung sabagay, guwapo nga naman ito at mukhang hindi naman masamang tao. Habang abala pa ito sa pagpila ay naiwan naman sina Georgina at Juancho sa mesa.
“Binibini, kung iyo lamang mamarapatin. Nais ko sanang humingi ng tulong sa iyo. Hindi ko kabisado ang mundo ninyo at napakaraming nangyayari sa paligid, napakagulo at napakaingay. Hindi ko yata kakayaning mamalagi pa rito sa mahabang panahon ng mag-isa.”
Mahabang pagpapaliwanang ni Juancho na may halong pagmamakaawa. Halatang nanlulumo ito sa kaniyang sinapit.
“Ang lakas din naman ng apog mo, ano? Kagabi lang ay ang arogante mo. Akala mo kung sino kang nakakataas, tapos ngayon hihingi ka ng tulong ko?” Pagtataray ni Georgina.
“Mapatawad mo sana ako sa aking mga nabitawang mga salita kagabi, marahil ay masyado lamang akong naguluhan sa nangyari. Pagkatapos ay pinagbibintangan mo pa ako ng mga immoral na mga gawaing hindi ko kailanman ginawa at lalong hindi ko ibig gawin. Biglaan ang lahat at hindi inaasahan subalit maniwala ka, hindi ako kailanman makapagsisinungaling sa mga bagay na ganito," seryoso nitong pagpapaliwanag.
“Hindi kita matutulungan. May trabaho akong pinapasukan sa umaga at bawal ka sa bahay. Baka gusto mong mapatay ka ng Papsy ko? Isipin pa noon na kasintahan kita.”
“Napakataas naman ng pangarap mo, binibini. Hindi ko naman intensyon na manligaw— wala iyon sa aking mga plano. Ang nais ko lamang ay hingin ang iyong—” hindi pa man ito natatapos sa kaniyang sasabihin ay sumabat na bigla si Sandra.
“Oh, my! Hihingin ang ano? Uy, kayo ha! Bilis niyo naman! Nalingat lang ako saglit,” panunukso at kantyaw ni Sandra sa dalawa habang inilapag sa mesa ang tray na may lamang pagkain na iorder niya pa para sa kanilang tatlo.
“Ano ka ba, wala siyang hinihingi. H'wag na nating kausapin iyan. Nababaliw na iyan at hindi ko siya kilala. Hindi ka ba tinuruan ng Mama at Papa mo na don’t talk to strangers?” mahaba at nakapamewang na sagot ni Georgina sa kaibigan.
“Tinuruan naman. Pero kapag guwapo, ay go na kaagad ako, Sis! Aarte ka pa ba?” ani Sandra at napahagikhik ito dahil sa kaniyang karupukan.