NAPAHAWAK si Georgina sa kaniyang sentido nang mkaramdam ng sakit ng ulo. Buong araw kasi itong babad sa kanyang computer at matiyagang gumagawa ng pinapagawa sa kanya ng kanilang Chief na si Monique. Hindi na ito magkandaugaga kung saan siya magsisimula. Tinulungan naman siya ni Sandra at binigyan ng ilang instructions pero syempre may iba rin itong ginagawa kaya’t iniwan na niya ito sa kaniyang mesa. Isa pa ay nahihiya ito kay Sandra.
Nag unat-unat ito saglit sa kaniyang mesa at napahikab ng kaunti. Pagod na pagod ang mukha nito at parang lantang gulay na isa isang niligpit ang mga gamit niya.
“Konti na lang, matatapos ko na ang unang output ko. Sana magustuhan ni ma’am Monique,” bulong ni Georgina sa kaniyang sarili.
Napatingin siya sa kaniyang orasan at alas kwatro y’medya na pala ng hapon. Ilang minuto na lamang at out na nila.
Naglagay siya ng kaunting press powder sa kaniyang mukha at lipstick na rin sa kaniyang labi upang magkaroon ng buhay ang mukha niya. Baka isipin ng mga magulang niya na masyado naman siyang pinagmalupitan sa trabaho. Hindi naman—slight lang. Ayos lang naman ang pagkakalagay niya ng press powder sa mukha. Sakto lang dahil hindi naman siya makolorete.
“Sandra, tapos ka na ba?” tanong nito kay Sandra na nasa kabilang table lang naman.
Tiningnan lang siya nito saglit at bumalik sa pinagkakaabalahan niyang gawain bago tuluyang sumagot.
“Malapit na to, sis, kalma ka lang at sasabayan kitang umuwi." Medyo pagod na rin ang tono ng pananalita ni Sandra at halatang abala ito sa kanyang tinatapos na gawain.
Bahagyang guminhawa naman ang pakiramdam ni Georgina sa naging tugon sa kaniya ni Sandra. Nahihiya marahil ito maglakad palabas ng kumpanya sa kadahilanang bago nga naman siya at baka pagtinginan siya ng mga tao.
“Salamat ng madami. Nagpahinga na kasi ako saglit dahil malapit na rin naman ang break time. Sipag mo naman talaga, ano? No wonder na-regular ka agad."
Tawa na lamang ang isinagot ni Sandra sa kanya.
“Yes! tapos na! Let's go na, sis!” ani Sandra na tila isang batang kakatapos lang sa pagkulay ng coloring book.
Kanina lamang ay halos lantang gulay rin ito sa pagod. Ngayon ay parang nagka enervon sa sigla. Lumiliwanag pa ang mga mata nito na para bang isang high school student na excited na matapos ang klase.
Halos nagsipunuan ang hallway sa dami ng mga empleyadong nagsisiuwian na. Maingay ang bawat dinaanan nilang department. Subalit hindi naiwasan ng ilang mga kalalakihan na hindi mapatingin sa dalawa. Agaw atensyon nga naman sila dahil na siguro sa kadahilanang tumutunog ang kani-kanilang mga takong sa tiles ng sahig. Liban pa dito ay hamak na angat nga naman ang kanilang kagandahan at karisma.
Bakas lamang sa mukha ni Georgina ang pagka ilang sa bawat titig sa kanila pero diretso lang siya sa paglakad.
Si Sandra ay halatang sanay na sanay na rito. Baka nga pinagtitinginan sila dahil sa bagong mukha nga naman si Georgina sa kumpanya. Lahat ay susubaybayan siya. Mayroong aabang sa bawat mali niyang gagawin at mayroon din naman sigurong magchi-cheer sa kanya ng tahimik.
“Mamsy! Papsy! Nandito na po ako!” Boses ni Georgina ang umalingawngaw sa loob ng kanilang bahay.
Nagtaka si Georgina kung bakit walang sumasagot sa kanya. Dahan-dahan niya na lamang pinihit ang doorknob ng kanilang pinto at kusa na lamang siyang pumasok. Bigla na lamang itong napaisip kung saan ba naman nagpunta ang kaniyang mga magulang. Himala yata at walang bumungad sa kaniya ng yakap at halik sa kanyang pag-uwi.
“Nagdate ba ang dalawang iyon? Tinotoo ba ni Papsy ang sinabi niyang susundan pa nila ako? Yuck," nasabi na lamang ng dalaga sa kahanginan at hindi yata masikmura ang iniisip.
Dahil nga sa pagod na pagod na siya ay dumiretso na lamang siya sa kaniyang kuwarto. Hindi niya mapaliwanag subalit parang may kakaiba siyang nararamdaman sa mga oras na iyon. Parang may mali. Pinihit niya ang doorknob sa pinto ng kaniyang kuwarto at napataas ito ng kilay. Para talagang may kakaibang mangyayari.
“George, pagod lang iyan.” Pilit niyang kinukumbinsi ang kaniyang sarili na wala lang iyon.
Mahina pa nga niyang sinampal-sampal ang kanyang malalambot na pisngi upang lalong makumbinsi ang sarili nito.
Ibinagsak na lamang niya ang kaniyang katawan sa kama.
Maya-maya pa nga ay mabilis na itong nakatulog. Hindi niya alam, sa kalagitnaan ng kanyang pagtulog ay may isang misteryosong lalaking nakatitig sa kanya. Isang lalaking nagmula pa sa malayong mundo. Mundo na napaglipasan na ng panahon.
Habang tulog si Georgina ay dahan-dahang pinagmasdan ng binata ang paligid ng kwarto.
Nakakunot ang noo niya marahil sa kadahilanang hindi niya alam kung bakit siya naroroon, sa anong paraan at kung papaano siyang napunta roon. Umakto na lamang ito ng normal na tila ba pinag-aaralan ang nasa paligid.
Subalit sa paglilibot niya ng kanyang paningin sa buong silid ay nakita niya ang isang kalendaryo.
“2021?” bulong nito sa sarili.
Nanlaking bigla ang kanyang mga mata sa nakita. Doon na bumilis ang t***k ng kaniyang puso at tila kinakabahan na.
“A-anong ginagawa ko rito?” sabi ulit nito sa sarili na takang-taka kung papaano siyang napadpad sa lugar na 'yon.
Napakadaming tanong ang naglalaro sa kanyang isip subalit walang sinuman ang makakasagot.
“Hmmm,” usal ni Georgina na walang alam na mayroon na itong bisita sa kanyang silid.
Marahil ay naalimpungatan ito sa pagkakatulog. Bigla namang nataranta ang binata at agad na nagtago sa ilalim ng kama.
“Ba’t parang...may tao?” medyo inaantok pa ang boses nito at pipikit-pikit pa ang mga mata.
Alas sais y’ medya pa lamang ng hapon at tanging tunog lang ng mga insekto ang kaniyang naririnig sa paligid.
“Nandito na kaya sila Mamsy?” Bumaba ito sa kanyang kama at inihakbang ang kanyang paa.
'Di inaasahan ng binata ang ginawang iyon ng dalaga. Akala nito ay babalik ito sa pagkakahimbing kung kaya't hindi niya naitago sa ilalim ng kama ang kanyang kaliwang kamay. Naapakan ito ni Georgina.
“Aray!” Impit ang pagkakabigkas nito sa sakit subalit narinig yata iyon ng dalaga na naging dahilan upang bumilis ang kabog ng kaniyang dibdib at manlaki ang kaniyang mga mata.
Nakumbinsi na kaagad ito na mayroon nga talagang kakaiba sa kaniyang silid.
“Oh, no! Don’t tell me...Mamsy! Papsy! May magnanakaw! May killer! May r****t!” Nagsisigaw na nga si Georgina sa gulat takot at kaba.
Natataranta ito at hindi alam ang kaniyang gagawin. Pinagtatapakan nito ang kamay ng binata sa sobrang takot. Iniisip nito na baka kung ano pang magawa sa kaniya ng mga kamay na iyon.
“Aray! Aray! Napakasakit, itigil mo na iyan binibini. Nagmamakaawa ako, huminahon ka! Kung ano man ang dahilan kung bakit ako naririto ay hindi ko rin alam.” Halos hinihingal na pagpapaliwanag ng binata at dali-daling lumabas mula sa pagkakatago sa ilalim ng kama.
“Anong hindi mo alam? Siguro, magnanakaw ka ano? Pagkatapos mo akong nakawan ay gagahasain mo ako? Bababuyin? Papatayin? Ilalagay sa septic tank? Oh, no! Mamsy! Papsy! Help! Huhu” Natataranta at tuloy-tuloy na pagsigaw ni Georgina at tila naiiyak na.
Napatakip ng taenga ang binata dahil sa katinisan ng boses ni Georgina.
“Napakaingay mo naman palang uri ng binibini. Ngayon, kung hindi mo ibig na pakinggan ang aking sasabihin ay mabuti na lamang na huwag na akong magsalita. Ubusin mo ang iyong lakas sa pagsigaw riyan,” masungit na tugon ng binata na siya namang nakapagpainit ng tenga ni Georgina sa galit.
“Hoy, lalaki! Napakaarogante mo! Puwede kitang kasuhan ng trespassing dahil dito sa ginawa mo! Una pumasok ka sa bahay namin, trespassing na agad iyon. Pagkatapos balak mo pa akong gahasain—attempted r**e na agad iyon at kapag pinagtangkaan mo naman ang buhay ko—attempted murder na iyon! Ano? Ha?”
“Psh, napakaingay. Unang- una, sa iyo na lamang itong bahay ninyo sapagkat hindi hamak na mas magara at mas maganda ang mga muwebles sa aming tahanan. Mula sa mala porselanang mga gamit hanggang sa mga mamahalin at babasaging mga plorera na may disenyong ginto kaya’t hindi ako magtatangkang magnakaw ng kahit ano man rito... " Huminto ito saglit upang tingnan ang paligid ng kuwarto ng dalaga. "sa tahanan ninyo," dugtong pa niya.
"Pangalawa, wala sa aking isipan na magkaroon ng pagnanasa sa isang napakaingay na babae at pangatlo, hindi ko rin balak na dumihan ang aking malalambot na kamay upang maisakatuparan ang aking makamundong kagustuhan. Kababaihan ang lumalapit sa akin at kusang nagbibigay sa kanilang mga sarili." Mahabang pagpapaliwanag ng binata na tila nainsulto sa mga binitawang salita ni Georgina kaya't bumawi ito.
Naging dahilan iyon upang lalong tumaas ang kilay ni Georgina at mas lalong uminit ang kanyang ulo sa inasal ng binata. Pakiramdam niya ay umakyat lahat ng dugo sa kaniyang ulo.
“Wow! Ang kapal naman talaga ng mukha, o. Saan kaya gawa ang mukha mong iyan, ano? Walang kasing kapal! Hindi porket gwapo ka at magaganda ang mga pilik mata mo, matingkad ang mga mata mo, makakapal ang kilay mo at maninipis ang labi mo ay napakataas na ng confidence mo sa sarili! Anong ginagawa mo rito kung gan'on, ha?” Tuloy-tuloy na pagtatalak pa rin ni Georgina na tila ba ayaw na ayaw magpatalo.
“Kung handa ka nang makinig sa akin at ititikom mo iyang bibig mo ay magpapaliwanag ako base sa nalalaman ko,” sagot naman ng binata na tila napakahinahon at kayang kayang kontrolin ang sarili.
Hindi na nagsalita pa si Georgina at tinapunan na lamang siya ng isang napakatalim na tingin.
“Handa ka na bang makinig?" tanong ng binata at tinapunan ng tingin si Georgina.
"Ako si Juancho Montefalco. Ang aking ama ay isang heneral na sundalong Kastila. Subalit nagretiro na ito at ang aking ina na napangasawa niya ay puro ang dugong Pilipino. Malawak ang aming lupain at hindi naman sa pagmamayabang ay hindi ko nanaisin kailanman na magnakaw katulad ng iyong iniisip dahil napakarami ng aming ari-arian. Ngayon, ang hindi ko maintindihan ay kung bakit akong naririto. Sa pagkakaalam ko, araw ngayon ng Miyerkules ika-tatlumpo ng Hulyo taong 1890. Subalit nang masilayan ko ang inyong kalendaryo ay nasa dalawampung libo at dalampu't isa na ito. Hindi ko alam kung ano ang nangyari!” Napatakip naman ng bibig si Georgina sa lahat ng sinabi ng binata at halatang nagpipigil ito ng tawa subalit hindi na nga napigilan ng dalaga kaya't humagalpak na ito ng tawa.
“At sino namang baliw sa tingin mo ang maniniwala sa iyo? Ano iyon? Time travel? Superbook lang ang peg? Hindi porket makata kang magsalita ay maniniwala na ako sa iyo ano? Lulusot ka pa, e.” Halos sumakit na ang tiyan ni Georgina sa kakatawa dahil sa narinig mula kay Juancho.Halata namang hindi ito kumbinsido at isa lamang itong kabaliwan sa kanya.
“Yaman rin lamang na ayaw mo akong paniwalaan ay hindi naman kita mapipilit,” tipid na sagot lang ni Juancho.
Nainis ang dalaga at nagbago bigla ang mukha nito. Inihanda na niya ang ano mang bagay na malapit sa kanya upang ibato sana binata.
“Alam mo, wala akong panahon makinig sa kabaliwan mo. Umalis ka na habang wala pa sina Mamsy at Papsy dahil kung hindi ay baka sila pa ang makapatay sa iyo, chupi!” Pagtataboy nito sa binata at pinagbabato pa ng unan.
Bago pa nakalabas ang binata ay binuksan na lamang ni Georgina ang TV upang maibsan ng kaunti ang pagod. Umagaw ito sa atensyon ng binatang si Juancho kaya't napatingin muli rito.
“Anong nangyayari? Bakit may tao sa loob ng maliit na kahon na iyan?!” natatarantang tanong ni Juancho.
Agad namang napakunot ng noo si Georgina sa naging reaksyon ni Juancho nang makita niya ang nakaandar na TV sa kuwarto ng binata.
“H'wag mong sabihing hindi mo alam kung ano ang TV? Galing ka nga pala sa panahong 1890, ano? Wala bang TV sa panahon ninyo? Boring no'n ah." Inirapan ni Georgina ang binata at napa cross-arms pa ito bago muling nagsalita. Sarkastiko ang mga sinabi niyang iyon. Para sa kanya ay nababaliw lang ito.
"Quit the drama, please. Umalis ka na, bago pa kita ipa-baranggay. Pagod ako sa trabaho, kaya, please lang naman.”
Napapikit na lamang si Georgina habang hinihilot ang kanyang sentido.
Marahil stress na kaagad ito sa unang araw niya sa trabaho at ito pa ang madadatnan niya sa bahay. Nagkibit-balikat na lamang si Juancho at dahan-dahan na lamang lumabas ng silid.
MAPANGANIB ang Fuego City. Alam iyon ng karamihan at para sa katulad niyang isang bagong salta ay malaki ang posibilidad na mapagtripan siya ng mga tambay sa kanto, higit pa riyan ay talamak ang krimen sa syudad. Umalis ang binata na hindi niya alam kung saan manlang siya magpapalipas ng gabi. Kahit saan siya magpunta ay pinagtitinginan siya ng mga tao. Marahil ay dahil nakasuot ito ng isang magarang kasuotan na gawa sa pinya, mayroong gintong butones at napakaayos ng kanyang pustora para maging palaboy sa daan. Saan naman kaya ito makakapagpalipas ng gabi?
Inisip na lamang ni Georgina na kaya naman makahanap ng binata ng matutuluyan at wala rin namang mawawala sa kaniya sapagkat lalaki rin naman siya. Kaya na niyang alagaan ang sarili niya at ipagtanggol sa sino mang nagbabalak na gawan siya ng masama sa lansangan.
LUMIPAS ang buong gabi at hindi naman kaagad nakatulog si Georgina dahil sa nangyari. Alas otso na nang makauwi ang mga magulang nito at nagdate nga naman talaga. Ayos lang naman iyon sa kanya dahil bonding na rin naman iyon ng mag asawa. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang pagtataboy niya kay Juancho.
Magtatalukbong na sana siya ng kumot nang makita niya ang isang papel na nakatupi ang nakakalat sa sahig. Dahan-dahan niya itong binuklat at binasa.
“Hulyo 30, 1890- Ako’y tapos sa pusong humihingi ng paumanhin sa iyo, Binibining Lucia, sa aking hindi pagsang-ayon sa ating kasal. Ibig kong maunawaan mong hindi ko nais matali sa isang binibining kailanman ay hindi tinitibok ng aking puso, pakiramdam ko ay malapit ko nang makita ang babaeng mamahalin ko ng lubos. Patawad dahil batid ko sa aking sarili na kailanman ay hindi ikaw iyon. Makikita mo rin ang para sa iyo, sa tamang panahon-Juancho.”
Sa nabasa ni Georgina ay biglang nanlamig ang kanyang mga kamay. Nanlambot ang kanyang katawan at halos hindi niya ito maigalaw. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari. Hindi sapat na ebidensya ang isang sulat pero kung titingnan niya ito, luma na talaga ang disenyo nito at hindi niya maikakailang nakasulat pa rito ang mismong taon kung kailan ginawa ang liham at nakapirma pa rito ang binata.
Tama nga kaya ang sinasabi nito? Mula kaya talaga ito sa taong 1890? Kung ganoon, bakit siya napunta sa panahon ngayon? Sa anong paraan? Paano? Hindi pa rin ito kumbinsido.