“May ipapakita ako sa ‘yo,” nakangising sabi ni Sarita kay Jesse pagka-Lunes. Nakabalandra sa smartphone nito ang candid picture nilang dalawa ni Trevor. Nakangiti sila sa isa’t isa na sadyang hindi alintana ang ibang mga tao o pangyayari sa kanilang paligid. Eksaktong iyon ang eksena nang ikinalansing ng binata ang mug nilang dalawa. Caught in the act kumbaga. Napamangha siyang napatingin kay Sarita. “Seriously? Stolen shot mo sa ‘min?” Biglang nag-iinit ang mukha niya. Ngumisi naman si Sarita na hindi mukhang guilty. “Marami pa ‘yan. Feel free to peruse. I-fo-forward ko sa ‘yo ang mga ‘yan mamaya sa email mo para naman may copy at memento ka.” Tumalikod na itong iniwan ang smartphone sa kamay niya. Hindi nito binawi iyon kaya naman ay napatingin siyang muli sa gallery sa phone nito.

