MALALAKAS at sunod-sunod na katok sa pinto ng silid na kinaroroonan ni Juliet ang nagpagising sa kanya mula sa isang malalim na pagtulog. Inaantok pang nagmulat siya ng mata pero napapapikit pa rin siya. Bahagya lang niyang itinaas ang unan na nakatalukbong sa kanyang mukha pagkatapos ay muli siyang nagtalukbong. “Huwag niyo akong istorbohin. Ang sarap pa ng tulog ko eh.” Aniya at bumalik sa pagkakapikit. Tamad na tamad ang kanyang pakiramdam at sumasabay doon ang masakit na pagpintig sa kanyang ulo. Saglit na tumigil ang pagkatok na inakala niyang umalis na ang gumagawa niyon. Pero narinig ulit niya ang mga pagkatok dahilan para siya mapasimangot. Kasunod niyon ay narinig niya ang langitngit ng pinto na bumukas. Pumasok si Aling Conching. “Juliet…” narinig niya ang pagkataranta sa tin

