NAPUWERSA at nabugbog ang mga kalamnang kumakapit sa medical screws. Titingnan pa kung magkakaroon ng pamamaga. Pero maliban doon ay wala naman umanong grabeng pinsala sa binti niya. Iyon ang sabi ng doctor na umasikaso at bumasa ng x-ray film niya. Niresetahan siya ng gamot at binilinang ipahinga ng ilang araw ang binti.
“See? I’m okay,” aniya sa asawa na noon ay matigas pa rin ang ekspresyon ng mukha. Nakapamulsa ang mga palad nito habang palakad-lakad. Nakaupo siya sa isang wheelchair. At kahit na hindi kailangang ma-confine siya, kumuha pa rin si Daniel ng primera klaseng hospital suite dahil sa natutulog na si Christopher. Binabantayan ito ng yaya nito. “Daniel…”
Bumuntong-hininga si Daniel. Tumigil ito sa paglalakad at lumuhod sa harap niya. Bahagyang lumambot ang mukha nito at hindi na nagdidilim. Hinawakan nito ang palad niya. “Okay. Pero hindi muna tayo babalik sa isla. Doon muna tayo sa Cavelli Place titigil hanggang sa makasiguro tayo na hindi na sasakit ang binti mo. Let’s wait for a few days.”
“Sasang-ayon lang ako kung ngingiti ka na.” Nag-peke si Daniel ng ngiti. Siya ang natawa. At dahil marahil sa pagtawa niya, sumilay ang totoong ngiti sa labi ng kanyang asawa. “Iyan ang ngiting gusto kong makita,” kuntentong sabi niya.
“Tatawagan ko ang driver ko sa Cavelli Place para masundo tayo rito.” Pinanuod ni Celine na makipag-usap sa telepono ang kanyang asawa. Maiksi ngunit puno ng otoridad ang bawat binibigkas nito. Para iyong batas na hindi puwedeng baliin. Hindi nakapagtataka na ang lahat ng nasa paligid nito ay natataranta. “May kailangan ka ba?” masuyong tanong nito sa kanya.
“Isang tanong lang, sa tingin ko…”
“Ano iyon? Sige na, itanong mo sa akin.”
Lumunok si Celine. Huminga ng malalim. “Sa palagay mo ba ay…m-mahal nila ako?” Kahit anong pagpipigil ay nag-init pa rin ang mga mata niya. Naipon ang mga luha roon at hindi napigil sa pagpatak. Gamit ang likod ng palad, tinuyo niya ang mga pisngi niya.
“I have the same question, actually. Kaya ako pumunta roon ay para personal kong makita at malaman ang sagot sa tanong na iyan. Kung makita ko na parang wala kang halaga para sa kanila, hinding-hindi ko sila ipapakilala sa ‘yo. Pero noong malaman nila ang tungkol sa ‘yo, they burst into tears, Sunshine…”
Tumango siya. Pagkuwa’y nag-iwas ng paningin. “H-how… h-how did you find them? K-kailanman ay hindi ako nagtanong kina Mommy kung… kung saan ba talaga ako nanggaling.”
“Ang Tita Mercedez mo, kinausap ko siya. She gave me a name. Y-your mother’s name. Sa pangalang iyon ako nagsimula. Alam ko na marami kang tanong. Mga tanong na gusto mong sa kanila mismo marinig ang sagot. Basta sabihin mo lang kung handa ka ng harapin sila, okay? Huwag mong kalilimutan na narito lang ako. I’ve got your back.”
Hindi gaanong tumatak sa isipan niya ang paliwanag kung paano siya napunta sa mga Hampton. Ang tanging natanim sa isipan niya ay ang katotohanang ampon lang siya at hindi dugong Hampton ang nananalaytay sa ugat niya. Sabi ng magulang niya ay wala daw magbabago. She was still their child and they would still love her like she was their own. Totoo naman, minahal siya ng mga magulang niya na parang isang tunay na anak. They gave her everything: material things, attention, and love. Pero dahil alam na niya ang katotohanan ay binantayan na rin niya ang mga kilos niya. She can’t afford to be carefree and brat anymore. Ayaw niyang bigyan ng ano mang klase ng pagkadismaya ang mga magulang niya. Kaya nang sabihin nang mga ito na naipagkasundo na siya kay Marc Marquez ay sumige at umayon lang siya. And then she found her calling in Science and Medicines. Nang piliin niyang maging doctor ang masasabi niyang disappointment na ibinigay niya sa mga magulang. They were broken-hearted at her choices, yes, pero sinuportahan pa rin naman siya ng mga ito.
Maganda ang naging buhay niya sa mga Hampton. Hindi siya napasama sa statistics ng mga batang pinagmalupitan at minaltrato dahil lamang sa pagiging ampon. But… she maybe looks cool on the outside pero sa kaibuturan ng pagkatao niya ay may mga itinatago siyang sugat at tanong. Handa na nga ba siyang gamutin ang sugat na iyon? Handa na siyang masagot ang mga tanong?
Daniel automatically cocooned her in his loving and protective arms. “It’s okay. It’s okay…” usal nito, pinapayapa siya.
“NANLALAMIG ka,” puna ni Daniel kay Celine. Pinisil nito ang palad niya na gagap nito. Celine looks away. Itinuon niya ang paningin sa labas ng sasakyan. “Hey…” Hinawakan ni Daniel ang baba niya at masuyong pinaharap rito. Naging malikot ang mga mata niya. “Gusto mong bumalik na muna tayo sa bahay? Maybe you’re not yet ready to…face them… Meet them.”
Umiling siya. “T-tumuloy tayo.” They were on their way to see her biological parents. Matuling lumipas ang isang linggo simula nang balitaan siya ni Daniel ng tungkol sa tunay niyang magulang. Sa loob ng isang linggo ay nag-isip siya, tinimbang ang mga bagay-bagay. Bagaman hindi niya lubusang matanto kung ano ano nga ba ang naging konklusyon niya sa mga pag-iisip niya. Kaninang umaga ay sinabi niya kay Daniel na puntahan na nila ang mga magulang niya.
“Pero mukhang hindi ka pa handa,” ani ni Daniel. Nakasapo na ang isang palad nito sa isang bahagi ng pisngi niya at ang hinalalaki masuyong humahaplos.
“Hindi ko alam kung magiging handa nga ba ako. K-kung hindi ngayon ay kailan pa?” aniya. Umabante siya sa upuan ng natutulog na si Christopher. Ipinaloob niya ang kanyang hintuturo sa nakatikom na mga daliri nito. Humigpit ang pagkakahawak ni Christoff sa daliri niya na ikinangiti niya.
“Pero tila hindi maayos ang pakiramdam mo. Namumutla ka.”
Bumalik siya sa pagkakaupo. Sinubukang kalmahin ni Celine ang sarili. Ang totoo ay umaalon nga ang sikmura niya. Para bang may mga nagkakagulong paru-paro sa loob ng kanyang tiyan. Dahil marahil ng nerbiyos at antisipasyon. “Please stop the car,” sabi niya nang maramdaman ang tila pagtutubig ng loob ng pisngi niya. Inutusan nga ni Daniel ang tsuper na itabi ang sasakyan at ihinto. Dali-daling bumaba ng sasakyan si Celine. Nagsuka siya. Halos magluha ang mga mata niya sa pagsuka.
Agad nakasunod si Daniel at masuyong hinagod ang kanyang likod. Nagdulot iyon ng ginhawa sa kanyang pakiramdam. Inabutan siya ng asawa ng bottled water. Nagmumog si Celine. Ang ibang tubig ay ginamit niyang panghilamos sa mukha. “Feeling better?”
Tumango siya, marahang ngumiti. “Oo.”
Naglabas ng panyo si Daniel mula sa bulsa nito bago marahang tinuyo ang mukha niya. Ang sunod na namalayan niya ay nasa loob na siya ng mga bisig nito. Ipinikit ni Celine ang kanyang mga mata. Ah, may isang Daniel sa buhay niya. And he was the greatest thing that ever happened to her. Kapag kasama niya ito ay wala siyang hindi mahaharap.Wala siyang dapat ipangamba.
“NARITO na tayo,” ani Daniel pagkaraan pa ng mahigit tatlumpong minuto. Sa gilid ng mga mata niya ay napansin niya na kalat na ang dilim sa paligid, bagaman hindi niya sinusubukang magmasid pa sa labas. Tila pumasok ang sasakyan sa isang gate. Bumuga ng hangin si Celine.
Okay. For once, let’s get this over and done… “Tayo na kung ganoon.”
“Stay with Christopher. Babalik ako maya-maya para kunin siya,” bilin ni Daniel sa yaya na nasa passenger’s seat. Agad namang tumalima ang yaya at bumaba para lumipat sa backseat. Bumaba na sila ng sasakyan. Nang mag-angat si Celine ng paningin, sumalubong sa mga mata niya ang isang katamtamang laki ng bahay. Bukas ang mga ilaw sa labas. Tama nga siya ng sapantaha na pumasok sila ng gate at ngayon ay nakaparada na ang sasakyan sa bakuran ng bahay. Lumunok siya. Kinakabahan. Ginagap ni Daniel ang palad niya. Nilingon niya ang asawa at bahagyang nginitian. Humugot siya ng isa pang malalim na hininga bago tinanguan si Daniel, hudyat na handa na siyang pumasok sa bahay na iyon at kilalanin ang mga taong bahagi rin ng buhay niya. “Kung maramdaman mo na gusto mong tumakas, o tumakbo palayo, sabihin mo lang sa akin, ha? I’ll carry you. Dahil hindi pa puwedeng mapuwersa ang mga binti mo, ako muna ang magiging mga paa mo. I’ll run and carry you to wherever you want to go.”
Natawa siya kahit papaano. Bagaman alam niya na hindi iyon biro lamang para kay Daniel. “Tatandaan ko,” aniya. Humakbang siya pasulong. Muling humakbang. At muli. Dahil sa dumadagundong na pagkabog ng dibdib ay halos hindi na niya maunawaan kung papaano pa sila nakapasok ng bahay, o kung sino ang nagpapasok sa kanila. Parang bumalik lang ang reyalidad kay Celine nang makita niya ang may edad na babae at lalaki, gayundin ang isang may kabataang babae na nahahawig sa kanya. Nakaupo ang mga ito sa isang sofa pero agad tumayo nang makapasok sila sa front door. Nagtubig ang mga mata nang mga ito nang makita siya. Hindi malaman kung lalapitan siya o hindi. Napansin ni Celine na tila may dugong banyaga ang matandang lalaki.
Siya man ay namamasa ang mga mata. Parang ipinako ang mga paa niya sa semento. Ni hindi siya makagalaw. Ramdam niya nang manginig ang kanyang mga labi. Sumulyap siya kay Daniel. Sila ba? Sila ba ang mga magulang ko? Tumango si Daniel na para bang nababasa talaga ang iniisip niya. Kinagat ni Celine ang dila niya para kontrolin ang emosyon. Ang totoo kahit hindi siya magtanong ay nararamdaman niya iyong tinatawag nila na lukso ng dugo.
“A-Angel…” nangangatal ang boses na wika ng matandang babae. Angel. Sabi ni Daniel ay iyon daw ang ipinangalan sa kanya. Humakbang ito ng isa papalapit sa kanya, inaabot siya. Pero ang naging reaksiyon niya ay ang paghakbang paatras. The old woman, seeing her reaction, cried and stop moving forward. Nag-iwas ng paningin si Celine kasabay ng tuluyang pagtulo ng mga luha niya. Sumakit ang lalamunan niya at naninikip ang kanyang dibdib. Hindi niya iyon sinasadya. Dala lamang iyon ng reflex niya.
Naramdaman niya ng pisilin ni Daniel ang palad niya. Muli niyang sinulyapan ang asawa, umaamot ng lakas. Pinahid ni Daniel ang luha niya. “Kung hindi mo kayang gawin ngayon ay bumalik na lang tayo sa ibang araw,” mahinang sabi nito.
Umiling siya. “H-hindi na puwedeng umatras. I…I can do this.”
“Gusto mong iwanan muna kita? Doon muna ako kay Christoff sa sasakyan?”
“Please,” pagsang-ayon niya.
“Okay. Tawagin mo lang ako kung kailangan mo ako.” Hinangkan ni Daniel ang kanyang ulo. Pagkatapos niyon ay nagpaalam ito sa matatanda na lalabas muna umano ang ito. Naiwan si Celine na nakatayo pa rin.
“I-Ineng,” sabi ng matandang lalaki. Pumiyok din ang tinig nito, kasabay noon ang paglalandas ng luha sa pisngi nito. “H-halika. Ma—maupo ka.”
HUMAKBANG si Celine papalapit sa sofa. Nananabik ang mga ito sa kanya, nakikita niya iyon. Para bang napakatagal na hinintay ng mga ito ang sandaling iyon na pagtatagpo nila. At nasorpresa siya sa ganoong pakiramdam na bumabangon din sa kanyang dibdib.
Naupo si Celine. Ang nanginginig niyang palad ay nasa ibabaw ng kanyang mga hita. Paano ba magsimula? Paano simulang usalin ang mga tanong niya? Huminga ng malalim si Celine. Hindi siya galit, at hindi niya gustong magalit. Puno ng pagmamahal ang puso niya kaya walang lugar doon ang galit.
“A-Angel,” pag-iyak ng matandang babae. Sa gulat ni Celine ay lumuhod ito sa harap niya, gagap ang mga palad niya. Tumangis ito. At hindi iyon kayang makita ni Celine. Automatic na naglandas muli ang mga luha niya. Parang pinipisil ng kamay na bakal ang puso niya. Kaya hinawakan niya ang gilid ng magkabilang braso nito at itinayo. Pero hindi na siya pinakawalan ng matanda at mariing niyakap. “H-hindi ka namain masisisi kung magalit ka. K-kung puno ng pagdaramdam ang puso mo...”
Ipinikit ni Celine ang kanyang mga mata. Ang labi niya ay nanginginig. Oo, minahal siya ng mga Hampton pero iba pala ang init ng katawan ng isang ina. Iba pala ang yakap ng taong nagdala sa ‘yo sa sinapupunan nito sa loob ng siyam na buwan. Mayroong hindi maipaliwanag na puwersa na nagbibigkis sa kanila. Hindi nagmatigas si Celine, natagpuan niya ang sarili na gumaganti ng yakap at umaamot ng mas maraming init. Tuluyan niyang pinakawalan ang damdamin niya at umiyak nang umiyak. Ang sunod na namalayan niya ay apat na silang magkakayakap.
“B-BIKTIMA ako ng… ng p-panggagahasa. N-nang mabuntis ako ay iniwan ako ng nobyo ko, itinakwil ako ng mga magulang ko…P-parang gumuho ang mundo sa oras na iyon. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa.” Hilam ang luha na pagkukuwento ng nanay niya. “N-nag-iisa ako, walang karamay. Halos hindi ko maitawid ang pang-araw-araw na buhay.”
Napapikit si Celine. Nakikini-kinita niya sa isipan ang sitwasyong iyon ng nanay niya. Maging ang luha ay tumutulo rin. Papaano nga ba mabuhay kapag tinalikuran ka ng lahat?
“N-nanganak ako sa squatter’s area, sa isang maliit na silid na inuupahan ko. Nagkaroon ako ng… ng b-breakdown. Wala sa sariling naglakad-lakad ako. Hanggang sa umiyak ka dahil sa gutom. Halos mangitim ka at tumirik ang mga mata mo. M-may nakita akong mag-asawa at… at w-wala sa sariling ibinigay kita, puwersahang inilagay sa bisig ng babae. Nasisiraan na ako ng bait. Sabi ko— “ Humagulhol. Hirap na hirap na alalahanin ang sandaling iyon. Ang matandang lalaki ay nasa tabi nito, hinahaplos ang likod nito. Kinakalma ang nanay niya. “H-hindi ko sigurado kung sinabi kong kapag hindi ka nila kinuha ay papatayin kita o mamatay ka sa piling ko. Sabi ko kunin ka na nila dahil kako amerikano ang nanggahasa sa akin kaya… kaya sigurado ako na magiging maganda kang bata. N-na may lahi ka…” Napatingin si Celine sa matandang lalaki. Sa nanlalabo sa luhang mga mata, nakita niyang nakayuko ito. Kung ganoon ito ang nanggahasa sa nanay niya? “S-sabi nong babae kapag hindi ko daw ibinigay ang tunay kong pangalan ay hindi ka nila tatanggapin. Kaya ibinigay ko ang pangalan ko at tumakbo na ako. Pero hindi ko kinaya. Hindi ko pala kayang ipamigay ka. Bumalik ako. Mabilis na tumakbo ako pabalik… p-pero wala na kayo. Wala ka na—a.”
“T-totoo. Totoong ginahasa ko siya,” basag ang tinig na wika ng matandang lalaki. Isinubsob nito ang mukha sa mga palad at humagulhol. “P-pero hindi ako pinatulog ng konsensiya ko. Hindi ako tinantanan. Hindi ko alam kung paanong napunta ang kuwintas niya sa jacket ko noong gabing lapastanganin ko siya. The necklace has a locket. There was a picture in it and her name was engraved in it. Hindi na ako nagkaroon ng katahimikan simula noon. I… I look for her. S-sa isang kumbento ko siya natagpuan. Ang sabi ng mga madre, isang taon din umanong nakulong sa isang mental institution si Anna, ang nanay mo…”
“W-what?” hindi makapaniwalang tanong niya, tutop ang bibig. Mental Institution?
Marahang tumango ang nanay niya. “Hindi ko kinaya…” humagulhol ito pero agad ding kinalma ang sarili. “Pero hindi ako tuluyang bumigay. Kinapitan ko ang pag-asam na makikita ko uli ang Angel ko. Na babalik siya sa piling ko. Tinulungan ko ang sarili kong gumaling. Nang magawa ko at makalabas ng institusyon ay inampon ako ng mga madre. Tumutulong ako sa mga gawain sa kumbento. Sila ang tumulong sa akin para tuluyan akong gumaling. Para kapitan ko Siya. At patuloy na umaasa na isang araw… isang araw ay magku-krus muli ang mga landas natin. N-na mayayakap kita. Na masasabi ko sa ‘yong mahal kita at hindi ko sinasadya na mawalay ka sa akin. Hindi ko sinasad—ya!” she sobbed.
“Nay,” pagsingit ng luhaan ding kapatid niya. “Uminom muna kayong tubig. Kayo rin ho, tatay. A-ate…”
Uminom sila ng tubig para kahit papaano ay magluwag ang pakiramdam nila.
“S-sumuko ang tatay mo sa batas,” pagpapatuloy ng nanay niya. “Sa likod ng rehas na bakal ay pinagdusahan niya ang kasalanan niya. Sundalo ang tatay mo. Dahil sa kaso niya ay agad siyang tinanggal sa katungkulan at inalisan ng mga benipisyo. N-naubos ang… ang pera niya sa paghahanap sa ‘yo. H-hinanap ka niya, Angel. Ipinahanap ka niya pero mailap ang tadhana. Paano ka nga ba namin makikita kung hindi ko naman nakilala, ni namukhaan ang pinagbigyan ko sa ‘yo?” pagtangis muli ng nanay niya. “N-nang makalaya siya ay hindi siya tumigil hangga’t hindi ko siya napapatawad. Hanggang sa… hanggang sa mahulog na rin ang loob namin sa isa’t-isa. At si, Paula, ang naging kapatid mo. Sabi ni Daniel nadikit daw ang pangalan mo kay Marc Marquez pero ni hindi namin nakita man lang ang litrato mo sa TV. Kung sana ay nakita man lang namin ang mukha, malalaman ko agad na ikaw ang anak ko.”
Maaari nga na malaman nito na siya ang anak nito kung nakita ng mga ito sa TV ang mukha niya. Bakit hindi siya makikilala, gayung malaki ang pagkaka-hawig nila ni Paula.
“H-hindi ka nila nalimutan, Ate,” sabi naman ni Paula. Bumabaha ang luha sa silid na iyon. “Lagi nilang ikinukuwento sa akin na may ate ako. Na isang araw ay makakapiling ka namin. Hindi rin nila itinago sa akin ang kuwento kung bakit ka nawalay sa amin. Ate, mahal ka namin…”
Celine cried. And cried. Napakahirap naman pala ng pinagdaanan ng pamilya niya. Sino nga ba siya para magdamdam?