Chapter 35

2738 Words
Mabilis lumipas ang araw. Sumapit ang linggo at parehas naming day-off ni Orwa. Umalis na rin siya sa trabaho kahapon, nabigyan na siya ng trabaho sa pinapasukan ko. Sa kitchen daw siya naka-destino. "Mahal, paano pala 'yon? Sabay tayong magpapaalam kapag nagpunta na tayo sa Isla de Potipot? Sa huwebes na 'yon." Ibinaba ko muna ang tasa bago tumingin kay Orwa. Nakaupo ako ngayon habang nakataas ang paa, si Orwa naman nagluluto ng tanghalin. Oo nga no? Ngayon ko lang naalala ang outing namin. Sayang naman kung hindi ako pupunta doon. Gusto ko rin mag-outing, dalawang araw lang naman 'yon. Para rin ma-refresh ang utak ko. Mabuti nga at kahit papaano hindi na ako binabagabag ng mga katanungan sa utak ko. Pasalamat talaga ako, andito si Orwa. Hindi na rin ako nakatanggap ng kahit ano mula sa taong hindi nagpapakilala. Mukha atang ginulo lang no'n ang utak ko, mukhang napag-tripan lang ako. "Mabait si ms. Seila, baka p'wede nating pakiusapan?" Humarap ito sa akin. "Nakakahiya naman, kakaumpisa mo pa lang." "Mukha namang okay lang sa kaniya 'yon, kung para naman sa 'yo." Sumalubong ang dalawa kong kilay matapos niya itong sabihin. Ang lakas ko naman pala kay ms. Seila, kung ako talaga ang dahilan para payagan kami. "Ako talaga? Empleyado lang ako, ano ka ba mahal?" Natatawa kong sagot. Pinatay muna nito ang kalan bago umupo katapat ko. "Ayon ang sabi niya. Kaya nga niya ako pinayagan, para raw sa 'yo." Hindi ko alam kung joke ba 'tong sinasabi ni Orwa. Kahit pa man seryoso ang mukha niya, tinawanan ko lang siya. "Sa akin? Bakit naman sa akin? Tagapag-mana ba ako?" Hindi ko na napigil ang sarili kong matawa. Paano ba namang hindi ako matatawa, mas'yadong seryoso ang mukha niya. "Per–" Hindi na siya natapos sa dapat niyang sasabihin nang biglang may tumawag mula sa gate. Nagkatinginan pa kaming dalawa. Umayos ako nang upo at siya naman ang tumayo. "Ako na," prisinta nito. Dahil tinatamad ako ngayong araw, pinabayaan ko na siyang lumabas. Sino naman kaya 'yon? Baka may gusto na naman ng chismisan. "Hindi naman, sa Wednesday pa naman kami ng gabi babalik. Wala lang din kasing pasok ngayon." Naningkit ang mga tao ko sa narinig. Familiar ang boses na 'yon at kung hindi ako nagkakamali, boses ni Rick 'yon. Iniliko ko ang ulo sa pinto. Hindi pa rin sila pumapasok sa loob ng bahay. "Ti betty ba giting na? Pinuyat mo ata. Grabe ka na Orwa." OMG! Sina Sunny nga 'yon. Hindi maalis ang matamis na ngiti sa labi ko. Na-miss ata ako mas'yado kaya dinalaw na ako sa bahay. Alam na alam talaga ng babaeng 'to kapag kailangan ko siya, ang dami kong drama kapag ka-chat ko siya, mukhang mas gusto niyang ngayon ako dumaldal sa kaniya. "Betty!" Agad akong napatayo at tumakbo patungo sa pinto. Dahil maliit lang naman siya, binuhat ko ito at ibinagsak sa sofa. Miss na miss ko na talaga ang babaeng 'to. "Grabe kayong dalawa. Ano kami rito display?" Sabay kaming napatingin ni Sunny at natawa. Parang mga batang nagtatampo ang dalawang 'to. Nakatayo sila sa harapan namin ni Sunny. "Ngayon lang ulit kami nagkita, gusto niyo magyakapan na rin kayo," wika ko habang kaakbay ang kaibigan ko. Nagkatinginan naman silang dalawa at natawa. Ang cute nilang parehas, mga tigasin at macho pero kung tumawa akala mo bata. "Kumain na muna tayo, mabuti na lang marami akong niluto," alok ni Orwa at doon lang kami nagbitaw ni Sunny. Nauna na ang dalawang lalaki para maghain ng pagkain. Ayos nga, e. Sila pa ang nagsisilbi sa amin, dapat ako ang gumagawa no'n, pero si Orwa palagi ang nagluluto at naghahain ng pagkain. "May chika ulit ako mamaya." Alam kong ito ang gusto niyang marinig sa akin, kapag talaga usapang chismisan ay buhay na buhay ang dugo nito. Dumadaloy sa ugat nito ang pagiging chismosa. "Bakit? Tiguro tagana ka no?" "Hoy! Kung anu-ano na namang iniisip mo." Ito na naman siya, umaarangkada na naman ang pagiging m******s ng utak niya. Sagana, anong sagana? Parang tanga! "Kapag naging jowa ko na si Rick, tagana na rin ako." Humalinghing ito na parang isang pusang naglalandi sa bubong. "Para ngang balak ko na tiyang tagutin ta outing natin." Ang harot naman ng best friend ko na 'to. Akala ko pa naman sa birthday ni Rick, gusto pa pa lang mapaaga. Pero depende naman sa kaniya 'yon, halata rin namang kailangan na niyang madiligan, tuyot na, e. "Hoy! Hindi pa kayo pupunta rito?" Sabay kaming napatingin doon ni Sunny. Nakapameywang ang dalawang lalaki. "Tara na, galit na tila." Para kaming baliw ni Sunny na nagbubulungan at humahagikgik. Nakaka-miss ang ganito. Noong parehas pa kami ng trabaho, ganito kami halos araw-araw. Noong panahon na kaming dalawa lang, wala pa ang mga lalaking ito. Ang layo na pala ng narating ng pagkakaibigan namin. Ilang beses na kaming nag-away, ilang beses na kaming nagkatampuhan. Magkasama kami sa lahat ng bagay, sabay rin naming hinarap ang mga problema. Haayst! Oras na naman bang mag-drama? "Ang tarap talaga ng luto ni Orwa. Tana tinuruan mo ang kaibigan ko," ani Sunny. "Kumain ka na lang betty, wala akong panama sa luto ni Orwa." Itong si Sunny, hindi na lang kumain. Kung kanina, miss na miss namin ang isa't isa, ngayon, para na naman kaming mga bata na nag-aaway. "Tama na 'yan, mamaya nag-aaway na naman kayo," awat ni Rick. Parang referee namin palagi ang dalawang lalaki. Nang matapos naming kumain, kami na ni Sunny ang naghugas ng plato. Kakahiya naman na kung pati 'to iuutos pa namin sa boys. Iyong dalawa naman, hayahay muna ngayon sa sofa at nanonood ng tv. "Betty, totoo ba 'yong tinabi mo tungkol kay Lyka?" Ito na, umpisa na ang chikahan namin. Magandang oras ito, para hindi kami nababagot na maghugas ng plato. Masaya 'to. Saksi ang mga sebo sa pagiging dakila naming dalawa. "Iyon ang sinabi niya sa akin, tapos sabi pa 'yon ng manager." Nagawa ko na ngayong ipagsabi 'to. Hindi ko na sinabi kay Orwa ang sinabi ni Lyka sa akin, ayaw ko namang sabihin niyang may pagdududa na naman ako. Sa totoo lang, masakit ang sinabi ni Lyka sa akin. Alam kong wala akong ibubuga pagdating sa kaniya. Nasa kaniya na ang lahat; kayamanan, kasikatan, kagandahan at lalo na ang pamilya. Lahat ng mayroon siya, wala ako. Si Tyron pa jowa niya, crush ko pa naman 'yon noon. "Kung gano'n pala, antama ng ugali niya. Ang kapal ng mukha niya." Sabi ko na nga ba, ito ang mas galit kamay may umaaway sa akin. Minsan nga mas badtrip pa 'to kaysa sa akin. Sabagay, gano'n din naman ako sa kaniya. Kapag may umaaway sa kaniya, ako pa handang makipag-away. "Ang bait ng mommy niya tapot gano'n ugali niya?" "Ayan din ang sabi ng manager." Naalala ko na naman tuloy, hindi ko pa rin alam ang dahilan kung bakit naghiwalay sina Tyron at Lyka noon. Hindi ko rin kasi gaanong pinapakinggan si ma'am Deborah, kapag chismisan ang sinasabi. Ayaw ko namang saihan na walang utang na loob, kahit pa anong gawin ko, siya pa rin ang anak ng boss ko. "Kapag inagaw niya ti Orwa, tabihin mo ta akin ha? Tubtub ko ta inidoro 'yon." Sabay kaming natawa ni Sunny matapos niyang sabihin 'to. "Loko, hindi niya maaagaw si Orwa." Proud na saad ko. Hanggat hawak ko ang Orchid heart, sa akin lang si Orwa, loyal siya sa akin. Kaya kahit anong gawin ni Lyka, hindi niya maaagaw ang mahal ko. Isa pa, ang alam ko nagkabalikan na sila ni Tyron. Bakit niya pa tatangkain na agawin sa akin si Orwa? Baka mali lang talaga ang nasa utak ko, mas'yado kasing mapanghusga ang manager, kaya nadamay pa tuloy ako. Matapos naming maghugas ng plato, dumiretsyo kami sa k'warto. Pinabayaan na namin ang dalawang lalaki na mukhang masaya sa action movie na pinapanood nila. Sa ngayon, kami munang dalawa ang magkasama. Marami kaming pag-uusapan, mas'yadong kulang ang araw na ito. Hindi ko namalayan na hapon na pala, mamaya lang magdidilim na at kailangan na ring umuwi nina Sunny. "Tingnan mo 'to." Napatingin siya sa maliit na kahon. Dito ko itinabi ang picture na nakita ko. Mula sa picture na katulad sa orchid heart na bigay ni Orwa. "Isa pa 'to. DNA test ito at hindi ko alam kung kanino galing." Umayos siya nang upo, katapat niya naman ako. Ang DNA result ang una niyang hinawakan. Binabasa niya ito pero feel ko wala rin siyang naintindihan. "Hindi ko maintindihan." Ibinaba nito ang papel at kinuha ang picture na kaparehas sa orchid heart. "Una, ang picture ng nanay mo, tunod ang DNA retult. Mayroon din sa petalt ni Orwa at orchid heart. Anong ibig tabihin nitong lahat?" Kumunot ang noo niya habang tumitingin sa aking. Parehas nagtagpo ang mga mata namin na puno ng pagtataka. Ang daming tanong na hindi namin alam paano masasagot, ang daming bagay sa paligid na nag-uugnay. Sa lahat nang nangyayari, ano ang totoo? Maaaring hindi ito nagkataon, ang pagdating ni Orwa sa akin ay sinadyan. Dahil paanong ang pagdating niya ay ang unti-unti ko ring pagtuklas sa lahat. Marami pa akong hindi alam, kahit pilitin ko mang hindi isipin ang nasa likod ni Orwa, kung bakit nalalagas ang petas ng orchids, hindi talaga mawala ang tanong. Paano kung may kinalaman ang lahat ng 'yon? "Ano ta tingin mo ang p'wede nating gawin?" Bumalik lang ako sa sarili matapos magsalita si Sunny. Umayos ako nang upo para mas maayos ang usapan namin. "Wala ngang pumapasok na idea sa akin, wala akong maisip. Alam mo naman, walang balak si Orwa sabihin ang dahilan kung bakit naglalagas ang petals sa likod niya." Dahil sa sinabi ko, rinig ko ang mabigat na paghinga ni Sunny. Manahimik ang k'warto, parehas kaming walang masabi. Parehas kaming nakatitig sa mga pictures. Kung may alam lang sana ako kahit isa. "Basta ang alam ko, mababaliw na ako." Sabunot ko sa sarili. Ugh! Nakakabaliw na ang mga iniisip ko. Halo-halo na lahat. Sama ng loob, sakit ng ulo, lahat na ata ibinigay na sa akin ngayon. "May chika pala ako, nakalimutan ko tabihin. Ito talaga ang dahilan kung bakit nagpunta ako rito. Mabuti na lang naalala ko." Haayst! Ngayon niya pa talaga naisip na magbigay ng chismis? Tapos na kami kanina, seryoso na ngayon at tungkol na to sa tunay kong mga magulang at kay Orwa. Ayaw ko na munang pag-usapan ang tungkol sa ibang tao. "Saka na muna ang chismis na 'yan. May iba tayong pinag-uusapan." Ipinakita ko sa kaniya ang hawak kong picture. "Tungkol to ta iyo at kay Tyron." "Sa amin? Ano namang mayroon sa amin? Wala naman kaming komunikasyon." Lumingon muna ito sa paligid na akala mo ay may makakarinig sa dapat niyang sabihin. Lumapit din ito lalo. Grabeng chika naman 'to, kailangan talaga ibulong pa kahit kaming dalawa lang ang magkasama ngayon? Para namang may ibang makakarinig ng mga sasabihin niya. "Alam mo ba kung bakit umalit ti Orwa ta trabaho?" Nang sabihin niya ito, doon lang bumalik ang interest ko. Tumingin ako sa kaniya habang ibinabab ang hawak kong picture. "May dahilan pa bukod sa gusto niya sa pinagta-trabahuhan ko?" Ang sabi sa akin ni Orwa, gusto niyang lumipat para makasama ako. Ang ibig sabihin, hindi lang 'yon ang dahilan kung bakit biglaan ang desisyon niya? May mas mabigat pa bang dahilan? "Wag mong tabihin kay Orwa na galing sta akin to ha? Umalit ti Orwa doon dahil nag-away tila ni Tyron." Napalunok ako matapos niya itong sabihin. Ito ang unang pumasok sa isip ko kanina, hindi ko lang pinansin dahil baka hindi totoo. Bakit naman sila nag-aaway tungkol sa akin? Noong nagtatrabaho ako doon, galit si Orwa kay Tyron dahil kinakausap ko 'to, pero hindi na nga kami nag-uusap no'n. "Sigurado ka ba? Baka haka-haka mo lang 'yan? Bakit naman naman sila mag-aaway? Isa pa, bakit mo alam?" "Malamang, tinabi ta akin ni Rick, nakiutap lang ti Orwa na 'wag tabihin ta 'yo." Napatampal ako ng palad ko sa noo ko. Kaloka! Kaya naman pala nagpursigi si Orwa na doon magtrabaho may away pala na naganap. Bakit naman gano'n? Nagseselos pa rin ba siya? Hindi na nga ako doon nagtatrabaho, tapos wala rin kaming communication ni Tyron. Hindi ako nakikipagkita o nakikipag-usap manlang sa kaniya. Bakit pag-aawayan pa nila ako? "At alam mo ba kung ano ang pinag-aawayan?" "Alam mo Sunny? Bakit hindi mo sabihin lahat? Kailangan tanungin pa ako?" Kanina pa siya ganito. Ayaw ko pa naman na panay tanong tapos siya lang ang makakasagot, lalo niya lang pinasakit ang ulo ko. Pwede namang sabihin na lang ng deretsyo, bakit kailangan pa niyang isa-isahin? Mamaya pumasok bigla si Orwa, hindi siya makapagsalita kaagad. "Oo na, galit ka na kaagad. Ganito kati 'yan. Nag-ayaw tila dahil tinabi ni Tyron na liligawan ka, nagalit ti Orwa, tinapak niya ti Tyron." "Susmaryosep! Nakipag-away si Orwa? Hindi manlang ba niya naisip na nagbibiro lang si Tyron?" Haaayst! Ano na naman ba ang nasa isip ni Orwa, mas'yado siyang mainit kapag ganitong usapan. Pinatulan niya ang panloloko ni Tyron? Si Tyron din naman, bakit kailangan pa niyang sabihin 'yon kay Orwa? Anong akala niya sa akin biro? Na kapag trip niya magkaroon ng kaaway lalapitan niya si Orwa? "Paano mo natabi na nagbibiro ti Tyron?" "Malamang, ako liligawan no'n? Sino ba ako? Kasing sikat ba ako ni Lyka? Mayaman ba ako? Matalino?" "Hindi, pero tabi ni Rick, totoo raw 'yon." Isa pa 'tong si Sunny, nagpapaniwala sa ganitong biro. "Hindi nakakatuwa ang gan'yan." "Pero 'wag mong ipagpapalit ti Orwa ha? Bobo kati 'yon ti Tyron, dati gutto mo siya, ngayon ayaw mo na, taka lalapit? Bobo 'di ba?" Hindi ko tuloy alam kung natatawa ako sa sinabi ni Sunny. Nabuang na talaga ako. Problemado pero tumatawa pa rin. "Hindi talaga, ako pa may lakas ng loob iwan si Orwa." Ang ganda ko naman mas'yado para pumili pa ng iba. Wala ng mas hihigit kay Orwa. Naging prinsesa ako sinula nang dumating siya. Hindi ko siya inubliga pero pinunan niya lahat ng kulang sa buhay ko. Marami lang talaga siyang hindi sinasabi sa akin. Marami siyang tinatago, mas'yado niya akong pinapahula sa kung ano ba ang susunod na mangyayari. Kung kailan ako maiiwan ulit mag-isa, kung kailan niya ako iiwan. Ang alam ko lang ngayon, andito siya sa akin. Ako ang mahal niya. Mas takot pa siyang maagaw ako ng iba, kahit alam kong halos siya ang kayang agawin ng iba. Wala sa akin ang lahat. Wala akong pamilya, hindi ako maganda, hindi ako mayaman, hindi ako sikat. Lahat ng bagay na makikita niya sa iba, wala sa akin. "Tara na, ligpitin na natin 'to, anong oras na oh. Umuwi na kayo, may pasok pa kami bukas." Tumayo na ako at niligpit ang mga gamit. Itinago ko 'yon sa itaas ng damitan ko. Kung may ilan pa akong malalaman, doon ko ilalagay, baka sakaling mapagdugtong ko at malaman na ang totoo. Nang maayos ko na lahat, sabay na kaming lumbas. Naabutan namin ang dalawa na halatang seryoso ang usapan. Pansin pa nga ang gulat sa kanilang dalawa. Mukhang malalim ang usapan na 'to. "Tapos na kayo mag-usap?" tanong ni Orwa. Tumayo ito at lumapit sa akin, sumunod naman si Rick para lapitan si Sunny. "Oo, kailangan na nilang umuwi, gabi na rin kami. Tapos may pasok pa tayo bukas. Si Rick din may pasok pa 'yan bukas." Ngumiti ako, pero alam kong sa sarili kong hindi ako nasisiyahan sa mga nalaman ko at nakikita ko. Pakiramdam ko pinagtataguan ako ni Orwa. Kahit anong titig ko sa mga mata niya, hindi ko mahanap kung anong sagot sa hindi ko mawari na tanong. Bakit ba nagkakaganito na naman ako? Ayaw ko nang bumalik sa dati, ayaw ko siyang pagdudahan. "Oo nga pala, hindi ko namalayan oras," saad ni Rick matapos makita ang oras sa suot nitong relo. "Aalit na kami, talamat. Ta huwebet balik kami." "Hindi na kayo maghahapunan? Magluluto ako." Tango ang isinagot ng dalawa sa alok ni Orwa. "Ta bahay na lang, baka traffic kati." "Hatid na namin kayo sa gate," alok ko sa mga ito. Bago kami lumakad palabas, hinawakan ni Orwa ang kamay ko, dahil dito, napatingin ako sa kaniya. Isang matamis na ngiti lang ang nakita ko. Isang ngiti na alam kong may nakakubli. Ano bang ayaw mong malaman ko Orwa? Parang habang tumatagal, lalo akong nahihirapan na alamin 'yon. Dahil alam kong ang sagot na hinahanap ko ang magbibigay ng sakit sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD