Ngayon ang unang araw ni Orwa sa trabaho. Sa kitchen siya naka-destino ngayon. Mukhang gamay naman na niya ang ginagawa, sa bahay, siya palagi ang nagluluto para sa akin.
Sabay rin kaming kumain ng lunch kanina, mas masaya pa lang magtrabaho kapag ganito, mas lalo tuloy akong sinipag dahil sa ganito, parang hindi ako nakakaramdam ng pagod, hindi ko rin namamalayan ang oras.
"Inspired ka ata." Halos mapatalon ako sa gulat matapos may magsalita sa isang gilid. Naroon si ms. Seila.
"Masaya lang po sa ginagawa ko," mahinahon kong sagot. "Sige po ma'am, dadalhin ko lang sa table 5," paalam ko rito habang hawak ang isang tray na naglalaman ng orders. Ngumiti lang siya at nagpatuloy na ako.
Ganito ba talaga kabait si ms. Seila? Lahat ng empleyado niya binabati niya? Kung ganito lang kabait ang boss, paniguradong wala nang aalis na tao niya.
Nang maihatid ko ang order ng isang customer, nasalubong ko si ms. Deborah, lumingon pa ito sa kitchen bago lumapit sa akin. Lalagpasan ko na sana siya at magpapanggap na alaba ako, pero hinawakan niya ako sa braso at binulubgan.
"May malandi sa kitchen, mukhang nilalandi jowa mo." Matapos niya itong sabihin, binitawan niya ako at pasimple na umalis. Napadpad naman ang paningin ko kay ms. Seila na naglilibot at kinakausap ang ibang staff.
May malandi sa loob ng kitchen? Hindi ko alam kung bakit si Lyka ang unang pumasok sa utak ko nang mga oras na 'to. Nakaramdam din ako ng kaba. Hindi naman sa pinaghihinalaan ko ito, dahil din sa mga sinasabi ni ms. Deborah. Narito si ms. Seila, malamang kasama niya ang anak niya. Wala pa silang taping ngayon? Bakit ngayong first day ni Orwa, saka pupunta si Lyka rito.
"Inom lang akong tubig saglit," paalam ko kay Jewel, na siyang nasa counter. Inilapag ko sa gilid ang tray at pumasok sa kitchen. Napalunok ako para lang pigilan ang kakaibang nasa dibdib ko.
Pasimple akong nagmasid sa loob ng kitchen. Kumukuha ako ng tubig, pero kina Orwa at Lyka ako nakatingin. Hindi ko naman gustong magselos, pero sinong hindi magseselos sa nakikita ko? Nakalingkis sa braso ni Orwa si Lyka, habang abala ang boyfriend ko sa pagluluto. Bwisit na babae 'to! Igisa kita kita mo. Pwede ring ilaga na lang kita. Sarap balatan ng buhay. Mukha ngang tama si ms. Deborah, may boyfriend na nga siya, gusto pang mang-agaw.
"Ayayay! Matatapon na ang tubig Inday." Bumalik lamang ako sa sarili nang may magsalita sa gilid ko. Siya na rin ang nagsara ng tubig mula sa despenser.
"Titig na titig naman kasi," saad nito. Umangat ang tingin ko sa kaniya, si Jeremy 'to.
"Hayaan mo, hindi ka niya ipagpapalit," dagdag nito. Hindi na ako nagbigay pa ng pansin sa kaniya, kinuha ko na lang ang tubig at ininom ito. Nakakainis na landian 'yan! Kaunti na lang talaga magiging basher na ako ni Lyka, kung hindi lang talaga dahil sa nanay niya, sinampal ko na siya ngayon. Nakakanginig ng laman! May boss bang ganiyan humawak sa braso? Ngudngod ko mukha niya, e.
Matapos kong uminom, napatingin ako sa kinatatayuan nina Orwa. Tumagilid pa si Orwa para may abutin, dahil dito, napansin niyang nasa loob ako. Nanlaki ang mga mata niya dahil pinanlisikan ko siya. Tumingin ako sa kamay ni Lyka, pinipilit niya itong alisin, pero hindi nagpatinag ang higad. Bwisit 'to! Lantaran talaga? Tadtarin talaga kita kapag ako nainis.
Napansin ko na may sinabi siya kay Lyka, dahil doon, lumingon sa akin ang punyeta at umirap. Aba! Ako pa iirapan nito, bago lang ako sa trabaho, pero kapag inagaw niya talaga ang jowa ko, kahit mawalan pa ulit kami ng trabaho. Sarap batuhin ng water despenser. Nakukuha naman pala sa titigan ang babaeng 'to, mabuti na lang at inalis na rin niya ang kamay sa braso ni Orwa. Muli akong tumingin kay Orwa at umirap, saka lang ako lumabas para bumalik sa trabaho.
Bahala siya, hindi ko siya papansinin ngayon, para alam niyang nagtatampo talaga ako. Kainis! Hindi manlang ba nakokonsenya ang babaeng 'yon sa ginagawa niya? Nagkabalikan na sila ni Tyron, tapos mang-aagaw pa siya ng jowa ng iba? Gwapo rin naman si Tyron, ah. Ano pa bang hahanapin niya? Crush ko nga 'yon noon, kung hindi lang dumating si Orwa baka hanggang ngayon may gusto pa rin ako kay Tyron. Isa pa, hindi ko naman inahas ang jowa niya, kahit crush na crush ko 'yon. Sabagay, hindi naman ako ang boss ni Tyron, paano ko siya malalandi. Hay, basta! Punyeta pa rin si Lyka. Bakit hindi siya gumaya sa nanay niya, mabuti pa 'to mabait.
Kahit pa bwisit na bwisit ako, kailangan nakangiti ako sa mga customer at malambing pa rin dapat magsalita. Ilalabas ko muna ang inis ko kay Lyka, baka mapagalitan ako ni ms. Seila.
Naglilinis ako ng lamesa matapos na lumapit si ms. Seila, ngumiti ako sa kaniya at ganoon din siya. Mukha talaga siyang anghel, paanong ang isang ganito may anak na gaya ni Lyka? Judgmental na ako mas'yado.
Ay hala! Mabuti naalala ko. Kailangan ko pa lang magpaalam sa kaniya, kailangan kong mag-vacation leave sa huwebes at biyernes. Shet! Paano ko sasabihin sa kaniya? Tapos dalawa pa kami ni Orwa.
"Naalala ko, sabi mo ikaw ang nanalo noon sa contest para sa make-up. Nakita ko na ang picture na 'yon. Magkamukha nga tayo."
Mabilis akong inakyat ng hiya. Ano ba naman 'yon? Magkamukha kami? Kutis pa lang hindi na ako papasa.
"Hindi naman po, grabe ang ganda niyo tapos magiging kamukha ko kayo? Sa filter at make-up lang po 'yon, magaling ang nag-make up po sa akin."
Totoo naman ang sinasabi ko. Saang angulo kami magkamukha? Ang ganda-ganda niya tapos sasabihin niyang kamukha niya ako? Ano ako, sinuswerte? Isang Seila Sandoval ang magiging kamukha ko?
"Oo nga pala malapit na ang vacation niyo, nag-file ka na ba ng leave? Dalawa kayo ni...ano ba ulit pangalan ng boyfriend mo?"
"Orwa po."
"Orwa, tama siya. Mamaya pumunta ka kay Deborah, ako na ang magsasabi." Isang malawak na ngiti ang binitawan nito.
"Hala, nakakahiya naman po. Bago lang kami pero pumayag kayong sabay pa talaga po kami. Sobrang bait niyo po, napakaswerte po talaga ng mga taong malapit sa inyo."
Hindi ko inakala na ganito kabait si ms. Seila, mas higit pa siya sa inaakala ko. Totoo talaga? May isang boss na katulad niya? Hindi manlang ba niya napamahagian si Lyka? Kahit patak lang ng kabaitan ni ms. Seila, sana.
Gusto ko siyang yakapin, pero may hawak akong tray, nakakahiya naman na lalo kung ibababa ko pa 'to, mamaya isipin pa ng mga ka-trabaho namin na sumisipsip ako sa boss. Laking pasalamat ko talaga na ganito kabait ang boss ko, hulog talaga siya ng langit.
Gusto ko na sanang umalis, pero ang bastos ko naman ata. Hindi na rin kasi nagsasalita si ms. Seila, nakatingin lang ito sa akin at parang sinusuri ang kabuoan ng mukha ko. Ano raw kaya 'yon? Lalo tuloy nakakahiya, baka ngayon iniisip na niyang wala talaga kamiing pagkakahawig. Pansin na ata niya ang nagmamantika kong mukha, pati mga pinagdaanan at bakas ng kahapon namin ni pimples. Kakahiya.
Pinilit kong ngumiti, ilang saglit pa at nagtama ang mga mata namin. Lumawak din ang ngiti niya sa akin. Sa mga mata nito, may isang kwento ng nakaraang tila hindi mabanggit ng mga labi niya. Hindi ko alam kung ano ang titig na ito. Parang kilalang-kilala ito ng kaluluwa ko. May kung ano sa sarili kong binibigyan paliwanag ang mga nakikita ko. Parang matagal ko nang kilala ang babaeng nasa harapan ko, pero imposible, siguro dahil lang ito sa pangungulila ko sa isang ina? Ganito na ba kakulang ang buhay ko? Para mang-angkin ng hindi sa akin? Hindi siya ang nanay ko, mabait lang siya sa akin, kaya siguro ganito ang nararamdaman ko, dahil kulang ako sa pagmamahal ng magulang.
"Ang swerte ng mga taong nasilayan kang lumaki, ang swerte ng mga taong nakakasama ka ng mas matagal." Mga katagang binitawan niya. Simpleng salita ito, pero bakit bawat letra ay umuukit sa puso't kaluluwa ko? Bakit may hatid ang bawat nitong salita? Para saan ito ms. Seila? Bakit bigla na lang ganito ang nararamdaman ko? Sino ka?
"Mom, I think we should go home na. Pauwi na rin si dad." Isang pagtawag ang nagpabalik sa sakin sa sarili ko, at mukhang ganoon din si ms. Seila.
"Mag-iingat ka palagi. Ako na ang magsasabi kay Deborah," saad nito bilang pagpapaalam.
"Maraming salamat po." Tumango siya bago nagtungo kay Lyka. Napatingin naman ako sa babaeng mukhang tae, umirap siya sa akin at parang minamata ang buong pagkatao ko. Kung noon, med'yo nagagandahan ako sa kaniya, ngayon, sobrang pangit niya sa paningin ko. Basta alam ko, mama niya lang ang mabait.
Bumalik ako sa trabaho. Hindi ko namalayan na patapos na muli ang araw. Bago pa man nag-uwian, nagtungo na ako sa office ng manager. Naabutan ko na may sinusulat si ms. Deborah, dahil sa pagbukas ko ng pinto, bahagya niyang napatigil at tumingin sa akin.
"Mag-fill up ka na." Malamig na tugon nito. Hindi ko rin siya gets, minsan masungit siya, minsan naman chismosa. Hindi naman nagkakalayo ang edad nila ni ms. Seila, ayon ang sabi niya sa akin. Mas mukha lang daw bata si ms. Seila, dahil artista 'yon at mapera.
Lumakad ako palapit sa p'westo niya, umupo ako at kinuha ang papel na inilapag niya kanina. Binasa ko 'yon at may pirma na kaagad siya at si ms. Seila. Totoo? Ganito ang ginawa ni ms. Seila? Sa trabaho ko noon sa factory, pahirapan at malupit na pagsisinungaling pa, para lang payagan ka nilang mag-leave, kahit isang beses lang.
Napatingin ako kay ma'am Deborah. Nagsusulat pa rin ito, hindi ko alam kung anong sinusulat niya, pero halata sa mukha niya na stress siya, o baka mukha talaga siyang stress kahit anong gawin niyo? Hindi naman sa nilalait ko siya, kung ano lang ang nakikita ko, pero mabait naman siya.
"Ang bait po pala talaga ni ms. Seila no?" Basag ko sa katahimikan namin. Napansin ko ang pagtigil niya sa ginagawa niya. Tapos ko na kasing sulatan ang leave form namin ni Orwa.
"Mukha nga." Malamig na saad nito, parang hindi pa siya kumbinsido sa sinabi ko. Baka sa kaniya masungit si ms. Seila? Pero malabo, minsan nakikita ko na nagtatawanan silang dalawa. Simula rin noong nag-umpisa itong café, siya na ang manager dito. Higit walong taon na rin simula noon. Paniguradong mas kilala niya si ms. Seila talaga.
"Ngayon lang po ako nakakita ng ganitong boss sa kaniya," dagdag ko. Gusto ko lang makipagdaldalan sa kaniya. Ang gulo din nito, noong nakaraan siya ang gusto ng daldal, ngayon siya naman 'tong busy. "Ang swerte ng pamilya niya, lalo na ang anak niya."
Rinig ko ang buntong-hininga niya. Umiling-iling ito habang patuloy pa rin sa pagsusulat.
"Kung swerte nga ang anak niya." Mga binitawan nitong salita, simple lang pero malaman. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganito ang nararamdaman ko, parang may pimapahiwatig ang mga salita na ito.
"Sige po pala, lalabas na ako. Thank you po rito." Ngumiti ako at inilapag malapit sa kaniya ang leave form. Palabas na ako nang office matapos marinig ang sinabi niya, hindi iyon ganoon kalakas, para lang siguro sa sarili niya 'yon, sad'yang narinig ko lang. "Kawawang bata, kung alam niya lang ang totoo."
Dahil hindi ko naman alam kung para kanino 'yon, lumabas na ako. Uwian na amin, nagliligpit na ang ilan. Natanaw ko si Orwa na bitbit ang bag namin, dahil mukhang ako na lang ang hindi pa nag-time out, nagtungo na ako loob, malapit sa cashier para ilagay ang hintuturo ko sa biometrics.
"Uuwi ka na, Sunshine? Sama ka sa amin, chill lang tayo." Napatingin ako sa gilid, kung saan nakatayo si Marga.
"Hindi na, baka magalit." Turo ko kay Orwa, napatingin siya rito at tumango.
"Pogi ng jowa mo ah. Kaya pala andito si Lykandi," saad nito na bakas ang pagtawa. Hindi ko alam na ganito na rin ako kasama, natawa ako sa sinabi niya, e. Nice name, Lykandi.
Dahil umiwan na namin, lumapit na ako kay Orwa. Katulad ng sinabi ko kanina, dahil magtatampo ako. Hindi ko siya papansinin, bahala siyang suyuin ako. Nagpapalandi siya kay Lyka, tapos hawak pa siya sa braso.
"Akina ang bag ko." Agaw ko rito, pero hindi niya ibinigay. Nabakas ko ang pagkunot ng noo niya. Nakakainis naman! Bakit ba ang gwapo nito? Galit ako at nagtatampo, hindi ako pwede maging marupok.
Mas maganda ang ayos ng buhok niya ngayon, pansin ko rin na humahaba na, nakaipit na ito ngayon. Shet! Bakit ba ganito ang lalaking 'to?
"Akina, uuwi na ako."
"Anong uuwi ka na? Uuwi na tayo."
Dahil ayaw niyang ibigay ang bag ko, padabog akong lumabas. Tamang eksena lang, nagpapalambing lang talaga ako. Alam ko naman kasing hindi niya ako ipagpapalit kay Lyka.
"Mahal, sandali nga." Pasakay na sana ako ng tricycle matapos niya akong hilahin palabas. Salubong ang kilay ito at naguguluhan pa rin sa inaasta ko. Mas gwapo siya kapag ganito.
"Ano bang problema, Mahal? May nagawa ba akong mali?" Para siyang batang magpapaawa. Enebe! Parang tanga 'tong si Orwa. Hindi pa nga umaabot isang oras pagtatampo ko, nilalandi na agad ako. Hindi kaya ako marupok.
"Wala." Inalis ko ang pagkakahawak niya at humalukipkip. Tinalikuran ko rin siya at nakita si manong driver na nag-aabang kung sasakay pa kami o hindi.
"Nagseselos ka ba?" Napakagat labi ako matapos niya akong higitin sa beywang, pati nga si manong driver napaigtad. Mukhang kinikilig sa nakikita niya, mukha bang movie scene kuya?
"Kung tungkol sa nakita mo kanina, wala 'yon. Alam mo namang kahit na anong gawin nila, hindi ko kayang ipagpalit ang gaya mo. Sa 'yo lang ako, lahat-lahat ng mayroon ako, sa 'yo ko nais ialay lahat," saad nito mula sa kaniyang malalim na boses.
Susmaryosep! Heto na naman ang kahibangan ko. Nagwawala na naman ang kalamnan at pechay ko. Shet! Bakit ganito itong lalaking 'to, mas'yado akong pinaparusahan.
"Kaya sana, huwang mong isipin na may taong kaya akong agawin sa 'yo. Hindi nila magagawa 'yon, mas natatakot pa nga akong maagaw ka nila. Ikaw ang buhay ko, mas nanaisin ko pang masunog, kaysa agawin ka nila," dagdag nito. Wala na. Tuluyan na akong bimigay. Hindi naman sa marupok ako, gusto ko lang talagang nilalambig ako ni Orwa. Ehe! Gusto ko ako lang lalandiin niya at nilalandi niya.
Dahil nga mabuti akong tao at mapagpatawad, humarap ako kay Orwa. Hinawakan ko siya sa magkabilang pisngi at tumingkayad para halikan siya. Saglit akong napapikit nang magdampi ang labi namin. Ilang beses ko ng naangkin ang labi niya, pero bakit sa tuwing maglalapat ang mga labi namin, sabik na sabik ako? Bumitaw ako sa halik, baka mapasobra, e. Nasa labas pa naman kaming dalawa ngayon.
"Sasakay pa kayo?" Isang salita nagpatino sa akin. Shet! Oo nga pala, kanina pa nag-aabang si manong driver.
"Tara na, Mahal." Hinila ko si Orwa.
Dahil sa may natural na kalandian ako pagdating kay Orwa, kahit nasa loob kami ng tricycle, todo ang lingkis ko sa kaniya. Magkahawak kamay kaming dalawa at nakahiga ang ulo ko sa balikat niya.
"Mahal, nag-file na ako ng vacation leave. Ang bait nga ni ms. Seila, siya pa ang nagsabi sa akin. May gano'n pa lang tao no?" Pamamangha ko. Hanggang ngayon nga, nagtataka pa rin ako, ano bang nagawa ko at ganito ako pinagpala sa sumunod kong boss?
"Mabuti naman, Mahal. Dapat pala ayusin na natin ang mga dadalhin natin. Dalawang araw tayo roon."
"Kaya nga, tawagan ko na lang si Sunny mamaya, para ipaalala." Kahit alam kong mas ready sa akin si Sunny, ipaalala ko pa rin sa kaniya.
"Mamaya pag-uwi, nagpahinga ka na muna, ako na ang mag-aayos ng gamit mo."
"Hindi na Mahal, kaya ko naman. Pagod ka rin, mas nakakapagod nga ang ginagawa mo? Kamusta pala ang unang araw?"
Nabakas ko ang pagngiti niya. Mukhang natuwa siya sa unang are niya, dahil ba sa trabaho o kay Lykandi? Char! Wala pa lang pag-asa si Lyka, bakit kasi nang-aagaw pa siya, may isang Tyron na nga siya, gusto pa niyang mang-angkin ng pag-aari ng iba.
Nag-umpisa siyang magkwento. Bakas sa boses niya ang tuwa, mukha nga atang masaya siya sa ginagawa niya. Sa totoo lang, masaya rin naman ako sa trabaho ko. Kasama ko siya, may inspirasyon ako. Sa ibang company bawal ang ganito, kaya talagang swerte ko at natagpuan ko si ms. Seila, isang boss na pumapayag sa ganito. Nakakahiya na nga, e. Ang dami ko ng utang na loob sa kaniya.
Kapag natapos itong vacation leave, hindi na muna ako mag-leave at absent. Pagbubutihan ko ang trabaho ko. Ayaw ko nang umalis sa trabaho ko, kung si ms. Deborah nga nakatagal, ako pa kaya? Well, 'wag lang sana umeksena si Lyka. Baka makulong pa ako kapag bigla ko siyang nilaga.