"Matagal ka na po bang mahilig sa mga halaman?"
Napahinto si Lola Remejos matapos ko itong itanong. Ibinaba muna nito ang tabo na pinapandilig niya kanina.
Narito ako sa bahay niya. Himala nga na ang bait-bait na talaga sa akin. Samantalang noon halos ibato na niya sa akin ang paso, lalo na kapag trip na trip ko ang orchids niya.
Wala si Orwa ngayon kaya wala akong kasama sa bahay, ang boring kaya kung doon lang ako mag-isa. Tutal bumait na ang matandang 'to sa akin, siguro naman p'wede na akong makipagdaldalan sa kaniya.
"Bata pa lang ako mahilig na ako sa mga halaman, lalo na sa orchids." Tumango-tango lang ako sa sinabi niya.
Naalala ko tuloy si lola noon. Marami siyang halaman sa bakuran namin, pero wala ng natira. Hindi ko naman kayang alagaan ang iba, lalo na may trabaho ako. Na-miss ko tuloy si lola. Ano kayang mangyayari sa akin kung andito pa siya?
"Bakit bigla kang natahimik?" Bumalik lamang ako sa sarili matapos akong kalabitin ni Lola Remejos.
"Kamusta na pala ang orchid mong boyfriend?"
"Maayos naman po. May gusto po akong malaman tungkol sa mga petals na nasa likuran niya."
Hanggang ngayon wala pa ring nagsasabi sa akin ng totoo. Kahit anong pilit ko kay Orwa, hindi niya sinasabi. Palagi niyang iniiba ang usapan namin, ginugulo ang utak ko para lang malihis kami ng topic.
"Hindi ako ang dapat magsabi sa 'yo niyan. Si Orwa ang may alam ng lahat."
Singhap ako dahil sa sinabi niya. Bakit ba ayaw nilang sabihin? Damay naman ako rito, madali rin naman akong umintindi. Bakit hindi na lang nila ako deretsyohin?
"Ang lola mo noon, hilig na hilig ang orchids no?" Pag-iiba nito ng usapan.
"Opo, galit na galit pa nga po 'yon noon kapag pinipitas ko mga petals ng orchids niya, para iipit sa libro." Bahagya akong natawa matapos itong maalala.
Tinapos na muna ni lola Remejos ang pagdidilig bago siya umupo sa tabi ko.
"Wala ka pa bang ibang naaalala noon?" Kumunot ang noo ko sa tanong niya. Tumitig ako sa mga mata niya para humanap ng sagot, pero wala.
"Dalawa lang kayo ni Orwa ang may alam ng sagot. Hindi ako ang dapat magsabi, pero isa lang ang nais kong ipaalala sa 'yo. Si Orwa ay bunga ng isang hiling mula sa pusong nakakaramdam ng lungkot. Pakinggan mo ang puso mo, malalaman mo ang sagot."
Ang usapan namin ang mas lalong nagpagulo ng utak ko. Ano ba naman ito. Alam ko na ngang wala akong utak, bakit ganito pa sila sa akin? Lalo lang nilang ginugulo ang lahat. Haaayst! Anong dapat kong alalahanin? Matagal naman ng patay si lola, bakit nadadamay siya rito?
Nang matapos ang usapan namin ni lola Remejos, bumalik na ako sa bahay. Hindi pa umuuwi si Orwa, kaya sa k'warto na lang muna ako tumambay. Kaninang umaga lang magkasama kami, pero bakit miss na miss ko na siya?
Ang katawan niya, ang abs niya. Shet! Bakit nagkakasala na naman ang utak ko? Kaya ayaw kong mapag-isa, nagkakasala lang ako. Hindi ito p'wede, nagbabagong buhay na ako. Ayaw kong masira ang dangal na iningatan ko ng kay tagal.
Dahil sa kung anu-anong tumatakbo sa utak ko, minabuti ko na lang na maging abala. Muli kong pinakialaman ang gamit ni lola. Sana naman hindi siya magalit sa akin. Basta lola 'wag mo kong mumultuhin ha? Hindi ko naman sisirain ang mga gamit mo, lilibangin ko lang naman satili ko.
Ano bang gusto mo lola? Magkasala ang utak ng apo niyo o pakialaman ko muna ang gamit mo?
Para na ata akong baliw sa ginagawa ko. Bawat gamit ni lola talagang namamangha ako. Muli ko na namang nakita ang picture na nakita ko noon.
Sa tuwing nakikita ko ito, may kung ano sa dibdib ko na hindi ko kayang ipaliwanag. Maaari ba talagang ito ang nanay ko? Pero bakit ang sabi ni lola na patay na ang nanay ko noon. Kung siya ito, maaaring may pamilya pa ako? Kilala niya rin ang tatay ko.
Ganito na lang ba talaga ako? Isang anak na iniwan para sa pangarap? Kung sakaling natupad na ang matagal niyang pinapangarap, bakit hindi niya magawang magpakilala sa akin? Kung hindi niya ako kayang tanggapin bilang anak, sana ipinaliwanag niya na lang sa akin ang lahat.
Hindi ko napansin ang pagtulog ng mga luha ko. Agad kong iniwas ang picture at pinunasan ang pisngi. Nababaliw na nga ata ako, ang bilis kong magbago ng emosyon. Isang litrato lang naman ito na walang kasiguraduhan, bakit ko iniiyakan?
Paano kung hindi pala 'to sa akin? Paano kung nasama lang sa mga gamit ni lola?
Ibinalik ko ang picture sa box, matapos nito ay muli akong naghalungkat. Nagbabakasali na may makuha akong sagot. Baka sakaling may isang bagay rito ang may kinalaman sa akin at sa totoo kong mga magulang. Pero halos itaktak ko na ang mga gamit ni lola, wala na akong ibang nakita. Wala manlang ba ritong palatandaan sa mga magulang ko? Kung patay na sila, wala ba ni isang bagay ang p'wede kong maging pagkakakilanlan sa kanila?
Habang isinasauli ko ang mga gamit ni lola, hindi ko sinasadyang mabasag ang isang frame. Yari! Kung narito lang ang kaluluwa ni lola baka bigla na lang akong batukan no'n. Ayaw na ayaw pa naman niya kapag masisira ang mga gamit niya.
Dahil wala rin naman akong magagawa sa nangyayari, iniusog ko na lang ang mga basag na salamin. Nang isasauli ko na ang picture frame, may napansin akong maliit na papel sa loob.
Tutal pinapakialaman ko na ang gamit ni lola, kinuha ko na ito. Nagbakasakali na isang sulat, pero picture lang ito.
Hugis puso ito na gawa sa ugat. Teka! Magpagkakahawig ito sa orchid heart na bigay sa akin ni Orwa, o ang tinutukoy niyang buhay niya. What the! Anong ibig nito sabihin? Paanong alam ni lola ang ganitong ityusra? Hindi lang ba ako ang unang humawak nito? Pero paano nangyari 'yon?
Sino si Orwa? Sino ang tunay na may-ari ng orchid heart? Maaari kayang ito ang tinutukoy ni Lola Remejos sa akin? Pero bakit wala akong matandaan sa kahit ano? Aaaggrrr! Nababaliw na ako sa kaiisip. Bakit ba palagi ko na lang ginugustong pahirapan ang sarili ko? Tuyong-tuyo na ang utak ko sa rami ng inaaalam ko.
Mabilis lumipas ang oras. Hindi ko namalayan na madilim na ang paligid, nakatulala lang ako sa bintana habang nakatanaw sa orchid heart. Hawak ito at patulong na iniisip ang mga bagay na hindi ko rin maintindihan.
Kung ang bagay na hawak kong ito ang isa sa susi ng nakaraan, paano ko malalaman? Kay Orwa ito galing, pero mayro'ng picture nito si lola. Among ibig sabihin no'n? Bago pa mamatay si lola alam na niya ang tungkol sa lalaking 'to? Sino ba si Orwa sa buhay ko? Anong kinalaman niya sa lahat? Habang unti-unti kong nakikita ang mga bagay na kumukonekta sa aming dalawa, lalo akong natatakot. Paano kung malaman ko na ang lahat? Makakaya ko ba?
Hindi nagkataon ang pagdating ni Orwa, hindi nagkataon ang lahat. Anong tinutukoy ni Lola Remejos na dapat kong alalahanin noon?
"Aaaaggrrhhh! Mababaliw na ako ng tuluyan!" sigaw ko habang padabog na binabagsak ang mga paa sa kama. Napapikit pa ako habang marahan na inuuntog ang ulo ko sa pader. Lalo ko lang pinapasakit ulo ko sa mga ganitong bagay. Ano ba kasing kalokohan 'to? Bakit hindi na lang nila sabihin sa akin lahat? Kahit naman bobo ako kaya ko silang intindihin. Ang dami nilang tinatago, lalo na si Orwa.
"Mahal!"
Saka lamang ako bumalik sa sarili matapos marinig ang pagtawag ni Orwa. Teka, anong oras na ba? Uwian na pala nila, wala manlang akong ibang nagawa kung hindi ang mag-isip ng mga bagay na sila lang ang makakasagot.
Muli kong isinuot ang kuwintas at inayos ang sarili, bago lumabas. Pinilit ko ang sarili kong maging normal at isiping wala akong ibang nalalaman. Mukha atang ako na lang talaga ang aalam ng lahat. Huhulihin ko siya sa mga tanong ko, kahit pilitin pa niyang umiwas, gagawa ako ng paraan para lang malaman ang lahat.
"Sorry kagigising ko lang, uwian niyo na pala," pagsisinungaling ko at agad siyang hinalikan sa pisngi. Humalik din siya sa akin bago ibinaba ang bag na niya. Mabigat ang katawan na umupo sa sofa, lumakad naman ako patungo sa likuran at minasahe ang balikat niya.
Rinig ko ang mabigat niyang buntong-hininga matapos ko itong gawin. Mukha atang pagod na pagod ito sa trabaho at byahe.
"May binili pala akong pagkain natin, nakuha ko na rin ang sweldo ko." Kinuha nito ang isang supot at inabot sa akin.
"Tara, kumain na tayo," malambing ngunit may pag-aalangan kong saad. Bitbit ko ang plastic na pinaglagyan ng binili niyang pagkain namin. Wala ako sa moon makipaglandian, mukha rin naman siyang pagod kaya normal na araw lang ito para sa amin.
"Tumawag na sa akin 'yong agency ni ms. Seila, p'wede na raw akong mag-umpisa ng trabaho."
"Maayos naman ba riyan? Gusto mo bang samahan na lang kita? Umaalis-alis pa naman kayo, hindi na ba nila kailangan ng bodyguard?" tanong nito matapos ibaba ang baso na kaniya niya pang ininuman. Nilunok ko muna ang pagkain ko bago sumagot.
"Ayos lang, sabi nila na may palabas si ms. Seila rito malapit sa atin, kaya uuwi pa rin naman ako. Malapit na pala ang outing natin. Makakapunta ba tayo?" Dahil sa tanong ko bahagya siyang napatigil.
"Nasabihan mo na ba sina Sunny?"
"Oo, p'wede naman daw sila."
Tango lang ang tanging isinagot niya. Nang matapos kaming kumain, nagbihis na muna siya habang ako ay naiwan sa kusina. Paano kaya kung itanong ko sa kaniya ang tungkol sa orchid heart, o maging ang mga petals sa likod niya. Pansin ko kasing iilan na lang mga 'yon. Hanggang ngayon wala pa rin siyang sinasabi sa akin.
Patayo na ako nang bigla siyang lumabas sa k'warto. May malapad na ngiti habang nakatingin sa akin. Nakasando lang siya ngayon at talagang kinakapos ako ng hininga habang nakatingin sa katawan niya. Nanunuyo rin ang lalamunan ko.
Para akong dinala sa ibang lugar ng isip ko. Sunod-sunod ang kurap ko habang pinapanood kung paano sumayaw sa harapan ko si Orwa, kung paano siya gumiling habang palapit sa akin. Siguro tumutulo na ang laway ko ngayon. Juskodai! Ito na naman ang makasalanan kong utak. Bakit ba mas'yado akong marupok? Mas'yado akong mahina pagdating sa ganitong kaisipan. Sa pagkakasala kong ito, nawa'y patawarin ang kaluluwa ko.
"Mahal, nakikinig ka ba sa akin? Bakit tulala ka na naman?"
Bumalik lamang ang diwa ko matapos niyang pumalakpak sa harapan ko. Haaay! Ito na naman ang mahalay kong utak. Mukha atang kailangan ko na magsimba, kailangan kong bawasan ang kasalanan ko. Parang araw-araw akong nababawasan sa langit. Juskodai! Kailangan ko na magbago. Bad ka na Sunshine, hindi gan'yan ang turo ng lola mo.
"W-wala. May iniisip lang kasi ako," pagsisinungaling ko at bahagyang tumayo.
Paalis na sana ako nang bigla akong higitin ni Orwa. Kinulong ako ng dalawa niyang braso. Shet! Heto na naman ang punyeta kong puso, walang ibaang ginagawa kung hindi tumibok nang tumibok.
Naamoy ko ang pabango nito, dahil nakadikdik ako sa dibdib niya. Ano bang problema nito at naglalambing na naman. Sa kagaganito niya lalo akong nagiging marupok. Umayos ka nga Orwa!
"May hindi ka sinasabi sa akin." Malambing pero may lungkot ang mababakas sa boses nito. Niyakap ko siya at hinagod ang likuran. Nakapa ko ang petals na nasa likod niya. Paunti na nang paunti ito. Ano ba talaga ang ibig sabihin nito Orwa? Bakit hindi mo sabihin sa akin ang lahat?
"Bakit hindi mo sabihin lahat?" Mahinahon kong tanong. Naramdaman ko ang pagluwal ng yakap niya sa akin. Bahagya pa akong napapikit habang inaalis niya ang pagkakayakap.
Tama na muna ang landian, gusto ring malaman ang lahat. Dahil alam kong lahat ng saya na nararamdaman ko ngayon, babawiin din sa akin ang lahat. Kaya gusto kong habang maagaw, maging handa na ako. Magiging handa ba ako?
Rinig ko ang buntong-hininga ni Orwa. Dahan-dahan kong inangat ang ulo ko at sandaling nagtagpo ang mga mata namin. Bakit ako nasasaktan sa tingin na ito? Gusto kong umiyak ngayon, pero ayokong ipakita sa kaniya. Bakit parang kada galaw ng oras, para akong nakikipaglaban sa tadhana.
"Gusto kong sabihin sa 'yo lahat, pero hindi ko pa kaya." Umiwas ako ng tingin.
"Malalaman mo rin lahat." Mga katangang nagpabigat lalo sa puso ko.
"Tayo na muna ngayon. Huwag mong isipin ang mangyayari bukas. Tayo ang magkasama." Matapos niya itong sabihin, hinalikan niya ako sa noo.
"Naintindihan ko."
Naintindihan ko nga ba? Intindihin ko ba? Bakit ang hirap nito mas'yado.
Katulad nang sinabi niya, nagpadaloy ako sa agos ng damdamin. Hindi ko nais sayangin ang mga oras na ganito. Kung darating man ang araw na 'yon, sana, makayanan ko.
"Dito na lang ako matutulog, gusto mo?" Napangiwi ako sa sinabi ni Orwa. Bakit ba panay ako drama pero mas'yadong malandi?
"Sige na nga, mapilit ka." Matapos ko itong sabihin, narinig ko ang pagtawa niya. Maging pagtawa nito kinaaadikan ko. Baliw na nga talaga ako.
Umusog ako at saka siya tumabi sa akin. Ginawa ko pang unan ang kamay braso niya at yumakap ako sa kan'ya. Ang sarap ng ganitong pakiramdam.
Siguro nga mahal na mahal ko na siya. Kahit pa man marami siyang tinatago sa akin, patuloy ko pa rin siyang minamahal. Kahit nag-aalangan ako sa pagmamahal na mayroon siya para sa akin. Siguro darating din ang araw na sasabihin niya ang lahat.
"Ganito sana tayo palagi. Tapos bubuo tayo ng pamilya, magiging masaya."
Napakasarap pakinggan ng mga sinabi niya. Isang taong pinapangarap na makasama ako habambuhay. Pinapangarap na bumuo ng pamilya kasama ako.
"Paano tayo ikakasal? Hindi ka naman namin katulad." Inangat ko ang ulo ko para tingnan siya. Deretsyo lang ang tingin nito sa blankong kisame.
"Hindi na mahalaga ang pagkakaiba nating dalawa. Basta mahal kita at mahal mo ako."
"Wag mo kong iiwan ha?" Mapait akong ngumiti kahit pa wala akong nakuhang sagot. Wala siyang naibigay na kahit anong reaksyon. Mas masakit pa pala Ang pananahimik na ito kumpara sa pagsagot niya.
Mukha nga atang ito ang isa sa pinakamahirap na sagutin.
Humigpit lalo ang pagkakayakap ko sa kaniya, idiniin ko ang mukha ko sa dibdib niya at pumikit. Gusto ko 'tong namnamin. Gusto ko ang amoy niya, gusto ko ang ganito. Gusto ko ang lahat sa kaniya. Kung alam ko lang ang paraan para manatili siya sa akin, kahit gaano kaimposible gagawin ko lahat.
"Mahal na mahal kita, kahit na anong mangyari, mamahalin kita hanggang sa dulo ng buhay ko."
Napakasarap sa taiga. Binubuhay ng mga salita na ito ang puso at kaluluwa ko.
"Hanggang sa dulo rin ng buhay ko, ikaw lang din ang pipiliin ko."
Hanggang sa katapusan ng pananatili niya rito, hindi ko na hahangarin pang mawalay sa kaniya. Ibinigay ko na ang buong puso at buhay ko sa kaniya. Siya ang gusto kong makasama hanggang sa dulo.
Unti-unti na ring bumibigay ang mga mata ko. Kumportable akong matulog, parang kahit anong sakit ang maranasan sa hinaharap, sa mga bisig na ito ko tunay na nararamdaman ang pagiging ligtas.
Saan p'wedeng humiling para lang manatili ka sa tabi ko? Kahit ayaw mong sabihin ang mga bagay na alam mo, pipilitin ko pa ring namnamin ang bawat sandali. Ikaw lang at tayo. Ililihis ko ang bukas, dahil ang mahalaga ay ang ngayon. Nakikita ko ang mga ngiti sa labi mo, nakikita ko ang kinang sa mga mata mo.
"Goodnight."
"Goodnight, Orwa."