Chapter 19

2718 Words
Tahimik at puno ako ng tanong hanggang sa makarating kami ng mall, naiilang ako sa mga tingin ni sir Tyron pero hindi ko magawang magtanong. Susme! Buong byahe namin si Orwa, tumatakbo sa utak ko, natatakot ako na paano kung malaman niya na lumabas kami ni sir Tyron? Pero bakit nga ba ako natatakot? Taena! Ang sakit sa ulo. "Ano bang gusto mong kainin?" Tanong nito habang nakatingin sa menu. Hindi ko alam kung bakit niya ako dinala dito sa Pizza Volante. Gusto lang nitong kumain dinamay pa ako, ang mahal pa naman dito, tapos wala pa kaming sweldo. "Hindi ka ba magsasalita?" Lalo pang lumaki ang mata ko sa tanong niya. "Wala po akong pera, antayin ko na lang po kayong matapos," nahihiya kong tugon. Maya-maya pa ay nakita ang pag-alog ng balikat niya at biglang tumawa. Tumingin pa ako sa paligid at nakisabay sa kaniyang tumawa, naiilang ang tawa ko pero pilit ko pa rin siyang sinabayan. Susme! Bakit ba ako nadawit sa ganitong eksena? Ang yayaman ng mga andito, tapos naka-uniform pa ako. "Seriously, Sunshine? Iniisip mong ikaw ang pagbabayarin ko?" Natatawa nitong saad, napangiwi ako at hindi pa rin gets ang sinasabi niya. "Don't worry, libre ko," dagdag pa nito at umiiling pa habang mahina na lang ang tawa. "Order everything you want, ako na ang bahala," alok nito at inabot sa akin ang menu. Seryoso? Ililibre niya ako dito? Pero bakit? Mukha bang gutom ako? "Hindi na po, kakain naman po kami ni Orwa mamaya sa bahay," sabay balik ko dito ng menu. "Orwa, Orwa, Orwa, wala ka na bang ibang alam idahilan? Ngayon lang naman, tayong dalawa magkasama, magka-date," Sabi pa nito habang nakatingin sa menu. Mabilis nalaglag ang panga ko sa sinabi niya, slow ako minsan pero hindi bingi. Date daw? As in kaming dalawa? Date ito? "Akala ko po kasi mag-uusap tayo," paliwanag kong hindi niya pinansin. Imbis kasing pakinggan ako ay tumawag na siya ng waiter. Mukhang siya na ang nag-order para sa akin. Napahaplos pa ako sa braso ko, nasa labas kami naka-upo, maraming dumadaan dito. Malamang sa malamang may makakakita sa amin dito, tampulan na naman ako ng chismis nito. Mamaya isa pa sa mga QC o mga nasa mataas na rango ang makakita. Isa pa, artista jowa nito. Mamaya nasa balita na ako, isang malanding empleyado ang nakipag-date sa girlfriend ng isang sikat na artista. "Uhm... sir–" "Kapag tayo lang magkasama, call me Tyron. No need to be formal, isipin mong isa akong kaibigan or soon to be kai-bigan," biro pa nito. Mapait akong ngumiti sa joke niya. Hirap naman nito, nakakailang makipag-usap sa kaniya. Hindi pa ba matatapos ang oras na ito? Gusto ko na umuwi at makasama si Orwa. "Here, enjoy your food," sabay abot nito. Hindi pa ako nakakain sa ganitong mamahaling restaurant, puro spaghetti lang sa Jollibee na tig-50 pesos ang binibili ko, o kaya spaghetti sa may terminal na tig-20. Ngayon lang ako makakatikim nitong mamahaling spaghetti na parang may kamatis na dinurog sa ibabaw. "Nakakahiya naman po, sa sweldo babayaran po kita. Mga magkano po ba ito sir?" Naiilang kong tanong. Umiling-iling pa siya habang iwinawagway ang kamay. "No need to pay it, kung gusto mo talagang makabayad. Sa birthday ko pumunta kayo ni Sunny," napatikom pa ako sa sinabi niya, mahinang huminga at nagsalita. "Kasama p–" "Only Sunny and you," mabilis na putol nito sa sasabihin ko. The hell! Ibig sabihin hindi kasama ni Orwa? Paano 'yon? Papayagan niya ba ako? Ang weird talaga ni sir Tyron, ano kayang nakain nito? Nakulam kaya siya? Sayang hindi ko na siya crush ngayon, kilig na kilig pa sana ako. Malamang kapag ikinuwento ko ito kay Sunny, malakas na batok abot ko. Team Orwa kasi 'yon, eh. Mabilis kong naubos ang spaghetti na may mga durog na kamatis sa itaas, hindi ko talaga bet panlasa ng mga mayayaman. Ang asim ng spaghetti, mabuti pa sana sa Jollibee. Ang masarap lang dito ay 'yong tinapay na may palamang manok, mayo at may gulay. Sandwich ata tawag dito, basta masarap. "So, how's your feeling now? Magaling ka na ba talaga? Kung hindi pa, sana hindi ka na muna pumasok. Pinilit ka ba ng jowa mong pumasok sa trabaho?" Umiling-iling pa ako habang nagpupunas ng bibig. "Ayos na po," maikli kong sagot. "Saka baka po kasi alisin na ako, sabi pa naman ni Mayora, magtatanggal po ng empleyado," dagdag ko pa. Matapos niyang iabot ang card sa waiter at humarap na siya sa akin. "Hindi ka naman pwede basta tanggalin, andito naman ako," preskong pagmamalaki nito. "Oo nga pala, bakit si Orwa? Hindi ka ba niya kayang buhayin? Dapat nga paminsan-minsan nagpapahinga ka rin," dagdag pa nitong nadawit ang pangalan ni Orwa. "Bago pa lang po kasi siya sa trabaho, isa pa po kaya ko naman magtrabaho," sagot ko pa. Sa totoo lang nakakatamad naman talagang pumasok sa trabaho, pero kailangan ko rin ito. Andiyan man si Orwa o wala, mabuti pa nga na may trabaho na rin siya at sa iisang company pa kami. "Hindi mo ba naisipan humanap ng iba? Like for example, isang taong kaya kang buhayin ng hindi mo na kailangan magtrabaho, like me. May ipon, stable na trabaho," marahan pang sumalubong ang kilay ko sa sinabi niya. Like ano daw? Katulad niya? Pero bakit niya idinadawit sarili niya? Gusto niya bang siya na lang ang jowa ko? Tama ba o feeling ko lang? "Maaga pa naman, samahan mo muna akong bumili?" Alok nitong agad akong hinawakan sa kamay. Hinila ko pa ang kamay ko pero hindi niya binitawan. Potek! Kapag talaga ako nabalita dito, may jowa na kaming pareho, ay. Tapos sikat na artista at model pa jowa nito, malaki pa ang dibdib. Tapos hila nang hila sa akin. Tahimik akong nakasunod sa kaniya, kung pwede lang mag-ayang bumalik na sa trabaho. Ang unfair nito, ang mga kasama ko nagta-trabaho tapos ako, gumagala sa mall? Kasama ang boss ko? Kasama kong gumagala sa mall at kahawak sa kamay ang boss at dati kong crush, tapos iyong jowa ko busy sa trabaho niya. Pagtataksil na ba ito? Pagsubok ba ito sa amin? Nagtataksil ako? Oh my! Hindi ako pwedeng magtaksil sa kaniya. Hinila niya ako papasok sa isang jewelry shop. Napalunok pa ako dahil sa mga nakikita kong alahas, dati tinatanaw ko lang ito kapag pumupunta kaming mall. Kasi naman Ang mamahal ng tinda dito, isang singsing lang pang dalawang taon ko ng sweldo. "Tingin mo? Anong magandang ibigay sa babaeng mahal mo?" Agad akong naputol sa pagpapantasya sa mga magaganda at makikinang na alahas, ng bigla akong tanungin ni sir Tyron. Kitams, may jowa nga talaga. Tapos sa akin pa itatanong. "Wala po akong alam," sagot ko dito. Malay ko ba sa mga ganiyan, ngayon nga lang ako nagkaroon ng jowa. Agad akong napahawak sa kwintas na suot ko, ang orchid heart. "How about this one? What you think?" Sabay lahad nito ng bracelet na may kulay sky blue pendant. "Maganda, pero mahal siguro?" Sabay ngiwi ko. Alam ko mahal 'yan, susme! Kaya paanong hindi magiging maganda 'yan? "Don't mind the price, anong tingin mo? Kung ikaw ba magugustuhan mo ito?" Tumaas pa ang kilay ko at sinuri ang bracelet. "Maganda po, paniguradong magugustuhan niya 'yan," sabay tingin ko sa kaniyang nakatingin sa akin, ang weird talaga nito. "Kung ikaw nga?" Ulit nitong tanong. "Kung ako? Hindi po ako mahilig sa bracelet at kahit anong accessories, maliban sa kwintas," sagot ko, agad napataas ang kilay niya at ibinalik ang bracelet. "Look at this, if I b–" "Sir, mediyo nahihirapan po ako sa English, sila na lang po ang tanungin niyo. Wala po kasi akong alam sa gusto ng mga babaeng mayayaman," putol ko sa pagsasalita nito. Kanina pa kasi siya tanong nang tanong, aba malay ko ba sa gusto ni Lyka. Malamang artista at mayaman siya, kaya mukhang mataas ang standard at talagang mamahalin ang gusto. Ano naman alam ko doon? Tig-150 nga na kwintas hirap pa akong mabili. "Kunwari ikaw, bibilhin ko ito. Magugustuhan mo ba?" Nanlaki pa ang mga mata ko sa tanong niya. Kung ako daw bibigayan niya ng mamahaling kwintas? Aba ibang klase, bakit niya ako bibigyan? Matagal pa birthday ko. "Meroon na po akong suot," inilabas ko ang bigay ni Orwa. "Ano 'yan? Parang ugat, sinong nagbigay niyan?" Salubong ang kilay na tanong nito, parang nandidiri pa siya sa klase ng kwintas na ito. "Kay Orwa po," mapait akong ngumiti at itinago ulit ito sa damit ko. "Orwa? Seryoso? Ganiyan lang ang binibigay niya sa 'yo? Samantalang kaya kong ibigay lahat ng nakikita mo dito sa loob ng shop, hindi ako magbibigay ng ganiyang basura. Lalo na sa 'yo," napakunot pa ang noo ko sa sinabi niya. "Maganda naman po," bawi ko pa. Maganda naman talaga ang orchid heart. Kahit pa mukhang ugat na red lang ito, pero sa lahat ng mamahaling narito ito ang pinaka-special. Dahil hindi lang ito basta, kwintas na hinulma ng tao. Ito ang buhay at ang puso ni Orwa, ito ang dahilan kung bakit niya ako mahal. At dahil dito, takot na rin akong mawala siya. Mukha nga atang pati puso ko hinigop na nito. Matapos ang pag-uusap naming iyon ay hindi na siya nagtanong pa sa akin, hindi ko alam kung anong binili niya. Ibang klase talaga ang mayayaman no? Kayang-kaya nilang mabili lahat ng gusto nila, sa isang pares na hikaw halos katumbas na ng isang taon na kita ng mga normal na trabahador na katulad ko. Ang swerte nila, hindi na nila kailangan pang paghikahos sa ilang butil na bigas. Tahimik at wala akong imik hanggang sa makarating kami sa company, saktong paglabas ko sa sasakyan niya ay tumunog na ang bell. 7:30 na at uwian na. "Thank you, sana nag-enjoy ka," malawak na ngiting saad nito. Manipis akong ngumiti sa kaniya at nagpaalam na para mag-out. Nasa pila pa lang ako, nakita ko na ang pagbubulungan ng mga chismosang QA at QC. Mga feeling artista, ang issue ng mga ito. Malamang nagtataka sila kung bakit ngayon ako nagpakita kung kailan uwian na. "Akala ko ba mag-uutap lang kayo ni tir Tyron?" Bulong ni Sunny. "Akala ko nga rin, malay ko bang pupunta kami sa mall?" Nanlaki pa ang mga mata niya, alam kong ganito ang magiging reaction niya. Malamang kahit ako ay ganito ang reaction. "Mall? Talaga? Pero bakit daw?" Bumagal siya ng lakad para mahuli kami. Lumingon pa ako para siguradong walang nakasunod sa likod, baka kasi marinig kami. "Date daw, tapos pinapapunta niya tayo sa birthday niya. As in tayo lang dalawa, tapos si Orwa, parang may mga sinasabi niya na hindi dapat kami ni Orwa. Alam mo 'yon?" Gulong-gulo kong paliwanag. Hindi ko kasi masabi ang eksaktong salita, basta alam kong may pahapyaw siya sa amin ni Orwa. "Tabi ko na tayo, may gutto na nga ata tiya. Hala! Yari ka na talaga kay Orwa, pupunta ba tayo?" Kumunot pa ang noo ko sa sinabi niya. "Tingin mo ba makakapunta tayo?" Masungit kong tanong. "Malay ko, ikaw. Kati ti Rick, malamang andoon tiya. Kaibigan niya ti tir Tyron," napabuntong hininga pa ako sa sinabi niya, so si Orwa lang talaga ang wala. Ewan ko ba, hindi na lang siguro ako pupunta. Pero paano 'yan? Nag-oo na pala ko, hay! Hirao naman nito. "Anong pinag-uusapan niyo?" Sabay pa kaming napasigaw ni Sunny, pero mas matining ang boses nito. "Bakit ka ba nanggugulat?" Inis kong tanong dito habang nakahawak sa dibdib. Bagay na bagay talaga sila ni Sunny, hilig akong gulatin. "Nakita ko kayo ni Tyron," intriga ni Rick habang nakaakbay kay Sunny. "Tingnan mo, marami nang nakakakita ta inyo," sita ni Sunny. "Oo na, malay ko ba?" Laglag balikat kong saad habang papasok sa locker room. Agad naman naghiwalay sila ni Sunny, bawal kasing pumasok ang mga lalaki sa locker room naming mga babae. Mag-aantay lang ito sa labas. "Anong tatabihin mo kay Orwa?" Hanggang dito sa loob dala ang tanong na 'yan. "Bahala na, sana lang hindi makaabot sa kaniya," walang buhay kong sagot at agad isinara ang locker. Sabay kaming lumabas, mahaba pa rin ang pila sa bus. Mukhang last kaming makakasaky nito, gusto ko pa namang makauwi na kaagad. Katulad ng inaasahan, nakaabang si Rick sa labas, umakbay agad ito kay Sunny. Ano bang meroon sa kanila? Sila na ba? O landian without label pa rin? Susmaryosep! Di pa kasi sagutin, daming arte nitong malaking noong bulol na 'to. "Ikaw na magsabi kay Orwa, basta ako tahimik lang," napatingin ako kay Rick, sabay pa silang nagsarado ng bibig ni Sunny. Umirap ako sa hangin at inunahan na silang pumasok sa loob. Naabutan ko pa si Orwa na nakatayo at nakikipag-usap sa mga babae, nagtatawanan sila. Wow, isang malaking wow. Kanina hindi niya ako pinapansin tapos ito siya? Nakikipagtawanan sa mga babae? Kanina pa sabog utak ko, kung galit ba siya sa akin. Ayon pala, nakikipagtawanan at harutan sa ibang babae? Mga lalaki talaga! "Mukhang masaya ang usapan?" Sarkastiko kong saad. Napatigil naman sila sa pagtawa, agad napatingin sa akin si Orwa, ang mga ngiti sa labi ay naglaho. Biglang naging seryoso ang mukh, ang galing galit pa rin sa akin. "Gusto ko lang sabihin na uuwi na kami, ikaw bahala kung sasabay ka," turo ko sa dalawang nakaabang sa labas. "Bahala ka na nga sa buhay mo," inis ko siyang tinalukuran, nakakaini lang kasi. Bakit siya nakikipagtawanan sa mga 'yon? Okay! Edi sila na ang masayang kasama, pakialam ko ba? Edi doon na siya, akala mo naman kung sino. Hindi ako nagseselos, basta naiinis ako. "Ako na pala ang bahala sa 'yo?" Mabilis kumalabog ang dibdib ko matapos nitong bumulong at hinigit ang bewang ko palapit sa kaniya. "Lumayo ka nga," tulak ko dito at nagmadaling pumunta kila Sunny na nakapila na ngayon. "Oh? Anong nangyari? War kayo?" Tukso pa ni Sunny. "Kili-kili mo war," singhal ko dito. Napangiwi lang ito at umirap. "Magtatalo pa kayo," awat naman ni Rick at hinarap na lang sa kaniya si Sunny. "Oo nga pala, bakit ka sasabay sa amin? May dala kang sasakyan 'di ba?" Kunot noong tanong ko kay Rick. "Dinala ng kapatid ko kanina," mabilis na sagot nito. Napatango na lang ako at muling tumahimik. Ngayong gabi, kami naman ni Orwa ang nagkalapit, ako na ang hindi kumikibo sa mga kalabit niya. Hanggang sa makauwi kami sa bahay, hindi ko siya kinibo. Basta bahala na siya, doon naman siya sa mga iyon masaya, bakit hindi na lang siya sumama sa mga iyon. "Kum–" "Busog ako," mabilis kong putol sa alok niya, agad kong inilapag ang bag ko sa upuan at nagbukas ng kwarto. Papasok na ako sa loob matapos niya akong higitin at isandal sa pader matapos ay mariing hinalikan, saglit ito pero talagang higop pati kaluluwa. "Wag ka na magalit, ayoko pa naman sa lahat ay hindi mo ako pinapansin. Baka sa sobrang inis ko, hubaran na kita dito," bulong nitong nagbigay ng kakaibang reaction sa katawan ko. Shet! Sunshine, lumaban ka. Hindi ka na marupok. "M-manyak!" Bulyaw ko dito at agad siyang itinulak, pero malakas siya at muling idiniin ang mga sabik niyang labi sa akin. Susmaryosep! Ilang beses ba sa isang araw niya ako balak halikan? May quota ba siyang hinahabol? "Pag-aari mo ako, Sunshine. Gusto kong ganoon ka rin, akin ka lang. Gusto akin ka buong-buo," malumanay nitong sambit, pero iba ang nakikita sa mga mata nito. Iba ang pinapakita ng mga tingin nito, punong-puno ng pagsusumamo. Gusto kong sabihin na sa iyo lang ako, pero hindi ko pa alam. Kasi alam kong hindi ka pa rin siguro sa akin. "Matulog ka na," utos nito sa huling bitaw niya ng halik. Mabilis ang t***k ng puso at talagang nagwawala ang kalamnan ko, ganito ba dapat ang pakiramdam? Para akong lutang, parang hindi ako makapag-isip ng maayos. Ngayon alam ko na kung bakit maraming hindi nakakapag-isip pagdating sa pag-ibig, ganito pala talaga. Matatalo ng puso ang utak, talagang titigil ito para mas pakinggan ang puso. "Good night mahal," mga salitang tuluyang nagpabingi sa akin, sa loob ng apat na sulok ng kwartong ito. Patuloy na nag-iingay at puso kong si Orwa lang ang nakagawa. Ang isang normal na gabi para sa akin, ang normal kong buhay. Tuluyan na niyang binago. Baliw na nga ata ako, baliw na sa kalokohan na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD