Dalawang araw mula nang kausapin ni Senyor Clenton si Selena ay hindi na mapakali ang huli. Hinihintay na lang ni Selena na masabi ng Senyor kay Kiel ang tungkol kasal. May pagkakataon din na gusto ni Selena na siya na ang magsabi kay Kiel at subukan itong kausapin na hayaan na lamang ang senyor at senyora sa desisyon ng mga ito.
Nagpasya si Selena na lumabas sa kaniyang kuwarto nang gabing iyon. Nais niya lang munang magpahangin sa hardin at magpaantok na rin. Hindi na rin kasi nito maintindihan ang sarili kung bakit niya masyadong pinoproblema si Kiel mula nang makasundo niya na ito. Hindi naman nagbago ang turing ni Kiel sa kaniya sa mansiyon ngunit alam niya namang pagpapanggap lang iyon.
Nang makalabas na si Selena sa mansiyon ay napatingin siya sa swing na nasa kaliwang bahagi ng mansiyon. Nagpasya siyang doon na maupo. May limang minuto na rin siyang nakatulala roon at nag-iisip nang may maramdaman siyang tumabi sa kaniya.
"K-Kiel?" nagulat siya nang makitang si Kiel ang tumabi sa kaniya sa swing na kinauupuan.
"Don't worry, they're all asleep. Walang makakakita na kinakausap na kita nang ayos," nakangiting sabi ni Kiel.
Ngunit hindi naman iyon ang ikinagulat ni Selena dahil kung tutuusin, gusto niya ang ideyang makita sa mansiyon ang tunay na Kiel. Ang ikinagulat niya talaga ay ang pagtabi ni Kiel sa kaniya at kung paano nito nalaman na nandoon siya sa labas.
"This is the spot where I used to comfort myself before..." sambit ni Kiel.
"B-bakit hindi pa po kayo natutulog?" sa halip ay tanong ni Selena.
Nilingon ni Kiel si Selena. "Masyado ka talagang magalang," nakangiti pa rin nitong sabi.
Hindi naman umimik si Selena. Nahihiyang nag-iwas siya ng tingin kay Kiel.
"I just saw you. Nasa kusina ako nang lumabas ka," saad ni Kiel.
"S-sana kinatok mo na lang ako para ako na ang naghanda ng pagkain mo kung nagugutom ka," sagot naman ni Selena nang hindi tumitingin kay Kiel.
Tumawa naman nang mahina si Kiel. "I'm not there for food," sabi nito.
Hindi naman na tinanong pa ni Selena si Kiel. Ang nasa isipan niya ng mga sandaling iyon ay kung ganoon pa rin ba ang magiging pakikipag-usap ni Kiel sa kaniya sa sandaling kausapin na ito ng Senyor.
"Selena... Puwede ko bang malaman kung anong first impression mo sa akin noong makita mo ako?" biglang tanong ni Kiel.
"H-ha?" hindi inaasahan ni Selena ang naging tanong ni Kiel kaya naman hindi siya makasagot kaagad.
"First impression. Well, let me go first," maluwang ang pagkakangiting nilingon ni Kiel si Selena. "My first impression... Sa labas ng CR kita unang nakita, eh... Akala ko suplada ka because of your eyes, pero hindi naman pala," hindi nito inaalis ang mga mata kay Selena.
Mabilis namang nag-iwas na naman ng tingin si Selena. Kulang na lang din ay huwag siyang huminga sa pangambang marinig ni Kiel ang sobrang lakas na kabog ng dibdib niya.
"Your turn," sumandal si Kiel sa kinauupuan nila at bahagyang isinipa ang paa kaya naman gumalaw ang swing at bahagya silang naihele.
Lumunok muna si Selena bago nagsalita. "Ako, noong una kitang makita akala ko mabait ka, suplado ka pala..." ayaw niyang mahalata ni Kiel ang kaba niya kaya naman pinilit niyang makapagsalita nang ayos. Halos ginaya niya rin ang sinabi ni Kiel sa kaniya. Binaliktad niya nga lang pero iyon din naman ang totoong impression niya rito noong una.
"You're so straightforward," natatawang saad ni Kiel.
"Kiel... Can I ask something?" iyon ang isinagot ni Selena.
"Sure. You have five minutes," sabi ni Kiel.
Bubuka na sana ang bibig ni Selena nang sumingit pang magsalita si Kiel.
"Bagay mo palang magsalita ng wikang Ingles," humalukipkip pa si Kiel nang sabihin iyon at tinitigan si Selena nang mabuti na para bang ineeksamin niya ito.
"Ikaw, mukha kang porener na tinakot para magsalita ng Tagalog," nakangiti na ring sagot ni Selena.
Sabay din silang natawa at pagkatapos ay sabay na natigilan. Unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ni Kiel habang titig na titig kay Selena.
Si Selena ang unang nag-iwas ng tingin. "P-pumasok na tayo sa loob... May klase pa pala tayo bukas," pilit ulit na pagsasalita niya nang ayos kahit na ang totoo ay palala nang palala ang kabog ng kaniyang dibdib.
"I want to hear the question first," saad ni Kiel at mabilis niyang nahawakan ang kamay ni Selena na tumayo na upang umalis na sana roon.
Mas lalo lang tuloy hindi malaman ni Selena ang gagawin ng mga sandaling iyon. Ang kabog ng dibdib ay sinabayan pa ng tila kuryenteng dumaloy sa katawan niya sa paghawak na iyon ni Kiel sa kaniya.
"Let me hear the question then you can go," ngiting-ngiting sabi ni Kiel. Tila hindi nito alintana ang pagkataranta sa mukha ni Selena.
"O-okay..." hirap sa paghingang sagot ni Selena at saka hinila ang kamay mula sa pagkakahawak ni Kiel. Habang kabadong-kabado siya ay relax na relax naman ang itsura ni Kiel ng mga sandaling iyon.
"Okay, you can ask now," untag muli ni Kiel nang lumipas na ang dalawang minuto na hindi pa rin nagtatanong si Selena.
"A-ah... I-itatanong ko lang sana k-kung... I-ikakagalit mo ba kung sakaling..."
"Kung sakaling?" tila naiinip na wika ni Kiel dahil sa tagal ni Selena sa pagsasalita.
"K-kung s-sakaling a-aalis na ako bilang p-personal maid mo..." napaiwas ng tingin si Selena. Ang nais niya sanang itanong ay kung magagalit ba si Kiel kung sakaling magpakasal ang daddy nito at stepmother. Ngunit iba ang lumabas sa kaniyang bibig...
"Why?" napakunot-noo si Kiel.
"B-baka kasi bumalik na ako ng San Martin..." pagsisinungaling na ni Selena nang tuluyan.
Natahimik si Kiel. Pagkatapos ay bigla itong tumayo.
"I'll let you go inside first. Susunod na lang ako. It's already late baka ma-huli pa tayo sa klase bukas," saad ni Kiel sa halip na sagutin ang tanong ni Selena.
Hindi na rin nagtangka pang magsalita si Selena. Nagmamadali na siyang pumasok sa mansiyon at dumeretso na rin siya sa kaniyang kuwarto.
Si Kiel naman ay hindi kaagad sumunod kay Selena. Naupo pa ito sa swing at saka sumandal bago pumikit. Tila paulit-ulit niyang naririnig ang tanong ni Selena at aaminin niya sa sariling ayaw niya iyong tanggapin... Ayaw niya ng ideyang aalis si Selena at hindi niya na makikita muli sa sandaling bumalik na ito ng San Martin...