Kanina pang palakad-lakad si Selena sa kaniyang kuwarto. Hapon noon at kauuwi lang nila ni Kiel galing eskwelahan. Halos hindi na nila napag-usapan ni Kiel ang tungkol sa kuwentuhan nila kagabi kaninang naglalakad sila. Katulad lang ng dati, sabay silang naglalakad papasok ng Ciero Mil at nag-uusap lang ng kung ano-ano. May mga pagkakataong nagtatawanan sila at kung minsan naman ay tatahimik na lang bigla. Hindi siya mapakali ngayon sa kaniyang kuwarto sapagkat sinalubong ni Manang Aida si Kiel kanina sa pagdating nila. Natanaw niya lang iyon dahil nasa hulihan siya ni Kiel dahil nagpapanggap pa rin nga si Kiel na hindi maganda ang pakikitungo nito sa kaniya. Hindi siya nakapagpigil at itinanong niya kay Manang Aida kanina kung ano ang sinabi nito kay Kiel. Doon niya nga nalaman na pinapunta ni Manang Aida sa kuwarto ng mag-asawang Lemman. At alam niya na kung ano ang sasabihin ng mga ito kay Kiel. Kaya naman hindi siya mapakali dahil nag-aalala siya sa magiging reaksiyon o mararamdaman ni Kiel.
"Just stay there and stop following me!"
Napapitlag na lang bigla si Selena nang marinig ang malakas na boses na iyon ni Kiel. Ayaw niya mang isipin, ngunit pakiramdam niya ay umpisa na iyon ng sama ng loob o galit ni Kiel. Nangangahulugan na nasabi na ng senyor na pakakasalan na nito ang senyora.
"Kiel, please, listen to me... Matagal ng wala si Mommy, and walang masama kung magpakasal ulit si Daddy lalo na at matagal na rin naman silang nagsasama ni Mams—" boses ni Kiera na naririnig pa rin ni Selena mula sa kaniyang kuwarto.
Lumapit pa nga lalo si Selena sa kaniyang pintuan at idinikit ang tainga roon.
"You really enjoy calling her your mom, right?" puno ng hinanakit ang boses na iyon ni Kiel.
Napakagat-labi si Selena. Ramdam niya ang hinanakit ni Kiel ngunit alam niyang dapat ay matutunan ng tanggapin ni Kiel ang bagong pamilya.
"She's kind and she cares, too... Just like mom, Kiel... Kaya sana naman bigyan mo siya ng pagkakataon na ipakita iyon sa 'yo," may pagsusumamong boses ni Kiera.
"You really forgot about mom..." saad ni Kiel.
"No, Kiel... Hindi iyon ganoon," hindi na rin malaman ni Kiera kung paano ba kakausapin ang kapatid nang hindi ito nagagalit sa bawat sagot o sinasabi niya.
"Don't talk to me anymore, Ate..." masamang-masama ang loob na tinalikuran na ni Kiel ang kapatid.
Si Selena naman na narinig ang lahat ay nanlumo rin. Base sa boses ni Kiel, mahihirapan ngang kumbinsihin itong tanggapin na lamang ang hinaharap at 'wag ng masyadong magpaapekto sa nakaraan. Naaawa rin siya kay Kiera dahil nahalata niya sa boses nito na gustong-gusto nitong mabago ang mga hindi magagandang-iniisip ni Kiel.
"Dad..."
Natigilan muli si Selena nang marinig pa ulit ang boses ni Kiera. Sa labas kasi malapit sa kuwarto ni Selena, naroon pa pala si Kiera at pinuntahan na lang ito ng senyor na naririnig lang naman ang usapan ng magkapatid.
"It's fine, Kiera... Huwag mo ng masyadong isipin ito... Ako na ang bahala sa kapatid mo. But you really need to accept that he'll be away from us again..." pahayag ni Senyor Clenton sa panganay na anak.
Saka muling pumasok sa isipan ni Selena na baka nga aalis na roon si Kiel. Babalik na ito ng Australia...
*******************
Hindi pumapasok sa isipan ni Selena ang dini-discuss ng teacher nila sa subject nilang Earth and Life Science nang hapong iyon. Last subject niya na at mula pa kaninang umaga ay wala talagang pumapasok sa utak niya. Pasalamat na lang niya na wala pang nagpa-surprise quiz nang araw na iyon.
"Selena, okay ka lang ba? Kaninang umaga ka pa lutang. Parang wala akong kasama," pagsiko ni Shane kay Selena.
Ngunit nananatiling tagusan ang tingin ni Selena sa harapan kung saan nagsasalita ang kanilang guro. Nang mag-uwian na nga ay saka pa tila bumalik sa huwisyo si Selena.
"Selena?" si Shane, habang naglalakad sila palabas.
"H-ha?" sa wakas ay sagot na rin ni Selena.
"What's happening to you?" nakahinga naman na ng maluwag si Shane dahil nagsalita na rin sa wakas si Shane.
"I-I'm sorry, Shane..." napayuko pang paumanhin ni Selena.
"It's okay... Just go home and rest," nakakaunawa namang sagot ni Shane.
Halos liparin na nga ni Selena ang sakayan ng tricycle ng mga sandaling iyon.
"Tayo na po, Kuya... Wala po akong kasabay ngayon," wika ni Selena sa driver.
Tumango naman ang driver at pinaandar na ang tricycle. Hindi naman maipaliwanag ni Selena ang nararamdaman ng mga sandaling iyon. Hindi kasi pumasok si Kiel matapos ang nangyari rito kagabi. At kaninang umaga ay hindi niya rin nakitang lumabas ng kuwarto si Kiel. Nanlulumo siya kapag naiisip na baka sa pag-uwi niya sa araw na iyon ay wala na siyang Kiel na masisilayan sa mansiyon...
Nang makarating na sa mansiyon si Selena ay hindi niya napigilan ang sariling hanapin ng kaniyang mga mata si Kiel. At kahit na nga rin imposible sa mga sandaling iyon, tila umaasa siyang maririnig kahit man lang ang boses ng lalaki.
"Selena, andiyan ka na pala... Tamang-tama, magpapatulong na lang ako sa 'yo sa pag-akyat ng mga gamit ko," ang lapit ni Manang Aida kay Selena.
"Kasama ko na po ba ulit kayo sa kuwarto?" kahit papano ay nakaramdam ng tuwa si Selena.
"Naku! Hindi, Selena. Ayaw din naman ni Senyor na makisalo ako sa 'yo ng kuwarto at naiintindihan ko naman dahil estudyante ka. Dapat talaga ay walang istorbo kapag nag-aaral ka," may kahabaang sagot ni Manang Aida.
"Pero lilipat na rin po kayo sa itaas?" paniniyak na lamang ni Selena.
"Oo, Selena. Ngayon na ako papalit sa 'yo bilang personal maid ni Senyorito Kiel," tugon ni Manang Aida.
Doon na nga tuluyang nakaramdam ng lungkot si Selena. Hindi na siya ang personal maid ni Kiel na nangangahulugang mas lalo niya ng hindi makikita ang lalaki roon sa mansiyon.
"Magbihis ka na pala muna, Selena. Kapag okay ka na ay saka ka na lang bumaba rito upang tulungan ako," wika ni Manang Aida.
"Sige po, Manang Aida..." tipid ang ngiting tugon ni Selena.
Hindi naman nagtagal si Selena sa pagpapalit ng damit. Pagkalabas nito sa kuwarto ay pasimple siyang lumingon sa kuwarto ni Kiel sa 'di kalayuan. Kung hindi pa lumalabas ang lalaki malamang ay hindi pa rin ito kumakain kaya naman nag-aalala na naman siya. Gusto niya sanang subukang katukin si Kiel ngunit nangibabaw naman ang hiya niya. Naisip na lamang niyang tanungin si Manang Aida habang tinutulungan itong iakyat ang ilang gamit sa bagong kuwarto sa itaas.
"A-ah... M-Manang Aida... M-matanong ko lang po... H-hindi pa rin po ba lumalabas si Senyorito Kiel sa kuwarto niya?" mabilisang tanong ni Selena.
"Naku, Selena,umalis si Senyorito kaninang pagkaalis mo rin. Halos magkasunod lang kayo. Pero hindi siya naka-uniform kaya alam naming hindi siya papasok," mabilis na sagot ni Manang Aida
Hindi na umimik pa si Selena. Nag-iisip siya kung saan maaaring nagstay o nagpunta si Kiel. Hindi niya iisiping kasama nito ang mga kaklase nito dahil nakita niya sila kanina kaya malabong ito ang mga kasama ni Kiel. Napausal na lang siya na sana ay nasa mabuting kalagayan si Kiel...