Bumuntonghininga si Selena bago ito bumangon sa kaniyang kama. Sinulyapan niya ang maliit na orasang nakapatong sa kaniyang study table. Mag-a-alas dose na nang hatinggabi at hindi niya pa rin naririnig ang pagdating ni Kiel. Sigurado siyang hindi pa dumadating ang lalaki dahil alas-diyes na nang umakyat siya. Nagtagal siya sa kusina at nagpanggap kina Manang Aida na umiinom siya ng kape kahit na hindi naman talaga siya nagkakape. Nang makaakyat naman na siya sa kaniyang kuwarto, madalas ang pagsilip niya sa pintuan kung dumating na ba si Kiel.
Bumaba na nang tuluyan si Selena sa kaniyang kama upang patayin na ang ilaw. Binuksan niya ang lampshade malapit sa kaniyang kama bago tuluyang nahiga. Kahit na alalang-alala kay Kiel, kailangan na niyang matulog. May pasok pa rin siya kinabukasan kaya naman dalangin niyang nasa mabuting kalagayan ang lalaki at makauwi ito nang maayos...
Sa kuwarto naman nina Senyor Clenton at Senyora Shiela, hindi rin pala makatulog ang mga ito. Katulad ni Selena, labis na rin ang pag-aalala ng mga ito kay Kiel. Nakakailang tawag na rin si Senyor Clenton sa cellphone ni Kiel ngunit ring lang iyon nang ring.
"You should sleep," baling ni Senyor Clenton sa senyora. Nakahiga na sila sa kama ng mga sandaling iyon.
"No. Sasamahan kita sa paghihintay kay Kiel," sagot naman ni Senyora Shiela.
"It's okay... May text naman siya kanina, 'di ba?" nakangiting saad ng senyor.
Balak na sanang umalis ni Senyor Clenton kanina upang hanapin si Kiel ngunit eksakto namang nakatanggap siya ng text message mula sa anak. Sinabi roon na huwag itong hanapin o ipahanap dahil gusto nitong mapag-isa kaya naman hindi na nga nagtangka pang umalis ang senyor kanina. Ngunit panay naman ang tawag niya sa kagustuhang malaman pa rin kung nasa mabuting kalagayan ba ang anak.
"Sige, ako na lang ang matutulog at ako na lang din ang papasok sa opisina bukas. Ako na ang bahala sa lahat kaya hindi mo na kailangang sumama sa akin sa opisina," maya-maya'y wika ni Senyora Shiela.
Ngumiti ang senyor, "Iyan na rin ang balak ko... I'm sorry if Kiel—"
Hinagkan ni Senyora Shiela sa labi ang senyor bilang pagputol sa mga sasabihin pa dapat nito.
"You don't have to apologize... Hangga't nandiyan ka sa tabi ko, ipinapangako kong kasama mo ako sa lahat ng ups and downs mo..." malamlam ang mga matang sambit ng senyora.
Pigil ang luha ni Senyor Clenton na kinintalan ng halik sa noo ang kaniyang minamahal. Niyakap naman kaagad siya ng senyora at hinayaan niyang makatulog na ito sa ganoong posisyon. Mahirap para sa kaniya ang sitwasyon niyang iyon. Mula ng mamatay ang kaniyang unang asawa na ina ng mga anak niyang sina Kiera at Kiel, naging mahirap sa kaniyang tanggapin iyon lalo na at sa isang malungkot na aksidente namatay ang kaniyang asawa. Nilisan niya ang San Martin kasama ang dalawang anak upang makalimot ng tuluyan sa trahedyang nangyari. Lumipat nga sila sa Manila at tinanggap niya na ang posisyon sa kumpanyang matagal ng ibinibigay sa kaniya ng mga magulang. Nagpaka busy siya sa kumpanya at naging matagumpay naman siya. Sa kaniyang dalawang anak, si Kiel ang pinakanahihirapang tangggapin ang nangyari sa San Martin. Hindi man sinasabi sa kaniya ni Kiel, alam niyang sinisisi nito ang sarili sa pagkamatay ng ina. Ginawa niya ang lahat upang mawala iyon sa isipan ni Kiel. Sa paglipas nga ng halos anim na taon, muling tumibok ang puso niya—kay Shiela. Hindi iyon natanggap ni Kiel na noo'y kinse anyos na. Nagpasya si Kiel na magpunta ng Australia at tumira sa Tita Clarisse nito, ang kaniyang nakatatandang kapatid. Mabigat man sa kaniyang kalooban ay wala na siyang nagawa. Umasa siyang sa paglipas ng panahon ay matatanggap na rin ni Kiel si Shiela. Ngunit hanggang ngayon nga ay hindi pa rin pala.
Natigil lang sa pagbabalik tanaw sa nakaraan si Senyor Clenton nang may marinig siyang pagbagsak ng pinto sa ibaba. Dahil nga tahimik na ang buong paligid ay hindi na nakakapagtakang marinig niya iyon sa itaas. Kaagad niyang inilayo sa kaniyang bisig ang senyora na noo'y tulog na. Naisip na kaagad niyang ang anak na si Kiel na ang dumating kaya nagmamadali siyang lumabas ng kuwarto. Dali-dali siyang nagtungo sa hagdanan kung saan kita halos ang ibabang bahagi ng mansiyon.
Nanlaki ang mga mata niya nang may makitang katawan na nakahiga sa sahig malapit sa pinakapinto ng mansiyon. Nagmamadali siyang bumaba at binuksan ang ilaw. Tumambad sa kaniya si Kiel. Kaagad niya itong dinaluhan at pilit na itinatayo.
"What did you do, son," ang wika niya habang isinasampay sa kaniyang balikat ang kanang kamay ni Kiel. Amoy na amoy niya rin ang alak sa hininga ng anak na nakapikit.
Dahil matangkad ang anak at may kalakihan din naman ang katawan nito, nahirapan siya sa paghakbang papuntang hagdanan. Hirap na hirap siya sa paghakbang upang maiakyat ang anak.
Maya-maya ay napamulat ng mga mata si Kiel at biglang bumalagsik ang mukha nito nang masilayan ang ama. Kaagad nitong itinulak palayo ang ama kaya naman bumangga ang katawan nito sa handrail dahil nga wala naman itong kontrol sa katawan ng mga sandaling iyon.
"Kiel, ihahatid lang kita sa kuwarto mo..." saad ni Senyor Clenton at akmang lalapitan nitong muli si Kiel.
"D-don't!" malakas ang boses na pigil ni Kiel sa ama. "J-just... S-st-ay... Aw... away..." pasinok-sinok nitong sabi.
Kitang-kita ni Senyor Clenton ang kalasingan ni Kiel ng mga oras na iyon. Halos nakapikit kasi si Kiel sa pagsasalita nito at makailang beses na muntik bumagsak kung hindi lang napapahawak sa handrail.
"You're drunk, son... Let me help you go upstairs..." wika ng senyor.
"D-don't... don't..." sinubukang umakyat ni Kiel sa hagdanan habang nakahawak ang dalawang kamay sa handrail. "J-just d-don't... c-ca... call m-me s-son... a-anymore..." saad nito habang paunti-unting umaakyat.
Nakaramdam naman ng sakit si Senyor Clenton sa mga sinasabi ng anak. Pinili niyang sundan na lamang sa pag-akyat si Kiel. Pumuwesto siya sa bandang likuran ni Kiel upang magsilbing alalay kung sakali mang bumagsak ang anak. Hindi niya alam kung gaano katagal bago sila nakaakyat nang tuluyan pero nakahinga na rin sila nang maluwag.
"D-don't... f-follow... m-me..." pasinok-sinok pa ring sabi ni Kiel.
Nang tumalikod na si Kiel ay sumunod pa rin si Senyor Clenton dahil sa kagustuhan nitong makitang makapasok muna nang tuluyan si Kiel sa kuwarto nito. Ngunit galit na nilingon siya ng anak.
"Don't y-ou ev... ever l-listen t-to m-me?!" bakas ang galit sa boses ni Kiel sa kabila ng kalasingan nito.
Huminga nang malalim si Senyor Clenton. "Okay, fine... I'll leave you alone..."
Tumalikod nang muli at nagpatuloy sa paglalakad si Kiel nang marinig ang gustong sagot ng ama.
"Just don't tell me to stop calling you my son... Because you are still my son... No matter what happen..." pahabol na wika ni Senyor Clenton bago rin ito nagsimulang maglakad pabalik sa kuwarto nilang mag-asawa.
Mapakla namang tumawa si Kiel bago rin ito nagpatuloy sa paglalakad. Ngunit habang humahakbang siya, pigil ng kaniyang mga mata ang pagpatak ng kaniyang luha...
Nagpatuloy lang siya sa paghakbang ng dahan-dahan dahil nga sa umiikot ang paningin niya. Ilang sandali pa ay bigla siyang nakaramdam na tila masusuka siya. Nang makita niya na ang pinto sa kaniyang kuwarto ah mabilis na siyang pumasok doon at pakapa-kapang pinuntahan ang CR dahil madilim. Hindi niya na rin nagawang buksan ang ilaw sa CR dahil sa tuluyan na nga siyang napasuka sa sahig. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakaluhod sa pintuan ng CR bago siya unti-unting tumayo at naglakad papunta sa kaniyang kama. Ngunit napakunot ang kaniyang noo nang may katawan siyang mayakap sa kaniyang paghiga. Kahit na umiikot ang paligid, idinilat niya ang kaniyang mga mata at tiningnan kung sino ang katawang nakahiga sa kaniyang kama. Pilit niya iyong inaninag kahit na medyo madilim. Malaking tulong pa rin naman kasi ang lampshade na nasa bandang likuran ng taong katabi. Bigla na lang siyang napatawa nang maaninag kung sino iyon. Walang iba kundi ang kaniyang personal maid. Ang babaeng pilit niyang itinatanggi sa sarili na nagugustuhan niya na. Si Selena.
"W-what ar-are... y-you... do... d-doing... i-in... my... D-dreams?" napapangiti niyang sabi sa sarili.
Inilabas ni Kiel ang cellphone sa bulsa at binuhay iyon saka itinapat sa mukha ni Selena upang mas maliwanag niya iyong matitigan. Nagkataon din naman kasing nakaharap ang mukha ni Selena sa kaniya kaya malaya niya iyong natitigan. Pakiramdam niya ay nawala ang sama ng pakiramdam niya dahil sa pagsuka ng mga sandaling iyon. Pinagala niya ang mga mata sa kabuuan ng mukha ni Selena. Hindi rin niya napigilan ang sariling haplusin ang matangos na ilong ni Selena. Pagkatapos ay napadako naman ang tingin niya sa manipis at mapulang labi ng kaniyang personal maid. Dahil sa pagbaba ng kaniyang paningin, naagaw ng kaniyang pansin ang gintong kuwintas na suot ni Selena. Inakala niyang kakulay lamang iyon ng ginto at hindi tunay. Mas nadagdagan lang ang curiosity niya nang mamasdan ang pendant ng kuwintas. Pansin niyang sinlaki iyon ng bibig ng isang kutsara at napapalibutan din ng mga tila diyamante. Pagkatapos sa pinakagitna ay isa pang malaking diyamante. Dahil nga wala naman siya sa sarili, basta na lamang niyang hinila ang kuwintas ni Selena at kaagad naman iyong napigtas.
Nagulat na lamang si Kiel nang biglang magliwanag ang pendant ng kuwintas at nakita niya rin ang biglang pagliwanag ng katawan ni Selena. Napaawang ang mga labi niya nang may unti-unting lumalabas na freckles sa magkabilaang pisngi ni Selena. Bigla siyang napabangon dahil doon. Mas lalo pa siyang nagulat nang mapansing may kakaiba rin sa kalahating bahagi ng katawan ni Selena. Muli niyang binuhay ang kaniyang cellphone at itinapat iyon sa bandang paa ni Selena. Kulang na lang ay mapatalon siya pababa ng kama sa nakita. Naging isang sirena lang naman si Selena! Nagkaroon ito ng buntot na parang sa isda. Kulay asul iyon at kitang-kita ang makinang na mga kaliskis nito.
Ngunit biglang napatawa muli si Kiel. Naisip niyang dala ng kalasingan kaya kung ano-ano ang nakikita niya. Nagpasya siyang mahiga na lamang at balewalain ang mga nakitang pagbabago ni Selena... Minsan niya pang tinitigan ang mukha ni Selena bago niya ipinikit ang mga mata na nakaharap pa rin dito habang hawak-hawak ng kanang kamay niya ang kuwintas na nagliliwanag pa rin ng mga sandaling iyon...