Ang malakas na tunog ng alarm clock ang nagpadilat sa mga mata ni Selena nang umagang iyon.
"Hmmm..." mahina niyang ungol at akmang babaling na siya sa kabilang gilid niya upang kunin at patayin ang alarm clock nang manlaki nang sobra ang kaniyang mga mata.
Napabalikwas siya ng bangon dahil sa sobrang gulat. Nasa tabi niya si Kiel at mahimbing na natutulog. Hindi niya malaman ang gagawin dahil hindi niya rin matiyak kung namamalikmata lang ba siya. Hanggang sa mapadako ang mga mata niya sa kamay ni Kiel at doon na halos lumuwa ang kaniyang mga mata. Napakapa siya sa kaniyang leeg at wala nga roon ang kaniyang kuwintas. Nasa palad ni Kiel ang kaniyang kuwintas!
Tarantang-taranta at hindi niya malaman ang gagawin ng mga sandaling iyon. Ni hindi niya naisip na kunin ang kuwintas sa palad ni Kiel. Nagtangka siyang bumaba sana ngunit tumambad lang sa kaniya ang kaniyang paa na ngayo'y buntot na ng isang sirena. Dahil hindi pa rin siya makapaniwala, dinampot niya ang maliit na salamin na katabi lang din ng alarm clock. Pinagmasdan niya ang kaniyang mukha at talaga ngang ang tunay niyang itsura ang kaniyang nakikita. Doon na niya naisip ang kuwintas. Inabot niya ang saradong palad ni Kiel kung saan naroon ang kaniyang kuwintas. Pigil-hininga siya habang maingat niyang ibinubuka ang mga daliri ng lalaki upang makuha ang kuwintas. Tanging ang kabog ng dibdib niya at ang patuloy na pagtunog ng alarm clock lang ang maririnig ng mga sandaling iyon. Nanlalamig din ang kaniyang mga kamay na humahawak sa mga daliri ni Kiel. Nang maibuka niya na ang tatlong daliri ni Kiel ay kaagad niya ng hinawakan ang pendant ng kuwintas upang hilahin. Ngunit biglang umungol at gumalaw si Kiel kaya naman bigla siyang napahiga upang hindi kaagad makita ni Kiel. Takot na takot siya ng mga sandaling iyon... Tuluyang makikita ni Kiel ang kaniyang tunay na anyo at hindi niya alam kung anong mangyayari...
Nabuhayan lang siya ng pag-asa nang humulagpos sa palad ni Kiel ang kaniyang kuwintas. Nakita niyang nagkusot ng mga mata si Kiel kaya mabilis na niyang dinampot ang kaniyang kuwintas at kaagad iyong isinuot. Nagliwanag bigla ang kalahati ng katawan niya kung nasaan ang kaniyang buntot. Dahil sa pagliwanag na iyon ay akmang lilingon si Kiel sa kaniya kung saan naroon ang liwanag ngunit mabilis niya itong itinulak. Hindi pa siya puwedeng makita ni Kiel dahil hindi pa tuluyang bumabalik ang mga paa niya. Sa pagkakatulak niya kay Kiel ay nahulog ito nang tuluyan sa kama.
"What is your problem?!" ang may galit at malakas na boses ni Kiel nang tumayo ito mula sa pagkakahulog sa kama.
Laking pasasalamat ni Selena na wala na ang liwanag at nawala na rin ang freckles sa kaniyang mukha pati na rin ang kaniyanh buntot. Hindi nakita ni Kiel ang pagbabagong nangyari sa kaniya. Ngunit hindi siya ganoon kasigurado. Hawak ni Kiel ang kuwintas niya kanina kaya naman naghahanda na siya sa mga sasabihin ng lalaki. Kung alam na ba nito ang pagiging sirena niya...
"S-Selena?" biglang humupa ang boses ni Kiel kasabay ng paggala ng mga mata nito sa kuwarto.
Doon na naisip ni Selena na hindi alam ni Kiel ang nangyayari rito. Lalo na at nakakaamoy din siya ng amoy suka. Base rin sa itsura ni Kiel, mukha itong may hangover patunay pa ang kuwelyo ng damit nito na may bahid ng suka. Hula niya, kung nakita man nito ang pagiging sirena niya marahil ay hindi na nito iyon matatandaan...
"A-anong ginagawa mo rito sa kuwarto ko?" lakas-loob niyang tanong upang matabunan na ang kaniyang kaba at upang makumpirma na rin kung alam na nga ba ni Kiel ang tungkol sa pagiging sirena niya.
Kita ang pamumula ng mukha ni Kiel. Tila hindi ito makatingin nang ayos kay Selena.
"I-I'm s-so-sorry..." mahina at hiyang-hiyang boses ni Kiel. Pagkatapos ay mabilis na itong umalis nang wala ng iba pang binabanggit kay Selena.
Nagmamadali namang bumaba sa kama si Selena at kaagad na ini-lock ang kaniyang pinto. Naalala niyang panay ang silip niya sa pintuan kagabi at nakaligtaan niya siguro iyon i-lock kaya nakapasok doon si Kiel. Para siyang nauupos na kandilang napadausdos sa pinto. Akala niya ay katapusan na ng sikreto niya... Hindi niya alam kung ano ang maaaring mangyari kung sakali. Isa lang ang sigurado niya... Maaaring matakot o mandiri si Kiel sa kaniya... Tao pa rin si Kiel at hindi niya masasabi kung mananatili pa rin ba itong kaibigan sa kaniya sa sandaling malaman nitong isa siyang sirena...
Kahit na nanghihina, pinilit niyang tumayo upang ayusin ang sarili. Kailangan niyang kumilos ng normal lalo sa harapan ni Kiel. Hindi niya puwedeng ipakita ang mga pangamba niya lalo na at wala naman palang alam ang lalaki.
Muli niyang naamoy ang suka na nanggagaling sa CR ng kuwarto niya. Pinuntahan niya iyon at tumambad nga sa kaniya ang halos sariwa pang suka sa sahig na malapit mismo sa pinto ng CR. Nakumpirma niyang lasing nga si Kiel nang pumasok sa kaniyang kuwarto. Napabuntonghininga pa siya dahil saka niya napagtantong patuloy pa rin pala sa pagtunog ang alarm clock. Kaagad niya iyong pinatay bago nagpasyang linisin ang suka ni Kiel at isabay na rin sa kaniyang pagligo...
**********************
Mag-isa uling umuwi si Selena nang hapong iyon. Hindi pa rin kasi pumasok si Kiel at hindi naman na niya iyon ipinagtataka. Kahit na hindi niya pa naman kasi nararanasang makainom ng alak, alam niya naman ang sinasabing 'hangover'. Kaya sigurado siyang may hangover si Kiel kaya mas lalo iyong hindi nakapasok.
Hindi na niya pinapasok ang tricycle sa loob ng Ciero Mil gaya ng dati kapag kasabay niya si Kiel. Kahit din naman kasi noong kasabay niya si Kiel ay bihira lang din nilang papasukin ang tricycle. Sa mga nagdaang araw kasi ay na-e-enjoy nila ang paglalakad ng sabay habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. May mga pagkakataon pa ngang naidalangin niyang madaanan sila ng senyor at senyora sa ganoong senaryo. Inisip niya kasing baka wala na ring magagawa si Kiel kung sakali. Mapipilitan na lang itong ipakita na lang sa mansiyon ang pagkakaibigan nila. Mas gusto niya iyon lalo na at malalaman sa mansiyon na mabuti rin namang tao si Kiel...
"Selena..."
Gulat na napalingon si Selena sa kaniyang likuran. Nakita niya si Kiel na nakasuot ng pambahay at nakapamulsa ang mga kamay. Bahagya itong nakayuko at tila ayaw tumingin ng diretso sa kaniya.
"K-Kiel? A-anong ginagawa mo rito?" tanong niya. Tuluyan niya ng nakasanayan ang pakikipag-usap dito ng hindi ito tinatawag na senyorito.
"I waited for you here... N-nahihiya kasi ako s-sa nangyari k-kaninang umag— I mean... K-kagabi..." halos hindi makapagsalita nang ayos na saad ni Kiel.
Gusto sanang sabihin ni Selena na ipinagpapasalamat niyang lasing ito at walang maalala sa nangyari kagabi—sa pagkakatanggal nito ng kuwintas sa leeg niya.
"Hayaan mo na iyon... N-nagulat lang din ako pero ayos lang naman... Naiintindihan ko namang nakainom ka lang kagabi at hindi mo sinasadyang m-makapasok sa kuwarto ko..." pahayag ni Selena kahit na medyo awkward ang mga sinasabi niya.
Napakamot naman sa ulo si Kiel. "F-first time ko kasing uminom... K-kaya siguro hindi ko matandaan 'yong pagpasok ko sa kuwarto mo kasi sobrang nalasing siguro ako..." anito.
"Pero... P-paano ka nga pala nakauwi? Buti hindi ka sa ibang bahay nakapasok?" nagtatakang tanong ni Selena.
Napatingin naman si Kiel sa kaniya.
"I-ibig kong sabihin... M-may naghatid ba sa 'yo?" bawi ni Selena sa naging unang paraan ng pagtatanong.
"Nag-taxi ako... And nasabi ko pa naman nang ayos sa taxi driver kung saan niya ako ihahatid," nakangiting sagot ni Kiel.
May ilang sandali rin silang natahimik at tila nagpapakiramdaman.
"Anyway, okay lang ba sa 'yo kung maglakad-lakad muna tayo sa paligid?" basag ni Kiel sa katahimikan.
"H-ha?" medyo napangiti si Selena. Aaminin niyang nagalak ang kaniyang puso sa simpleng anyaya ni Kiel sa kaniya.
"Iikutin lang naman natin itong buong Ciero Mil. Hindi naman kalakihan ito,'di ba?" nakangiti pa ring sabi ni Kiel.
Napatitig nang matagal si Selena kay Kiel. Hindi niya namamalayan na naging busy na pala siya sa pagtitig sa guwapong mukha ng kaniyang senyorito.
"So?" untag ni Kiel na nagtataka sa pagtitig ni Selena sa kaniya.
"W-wala..." nag-iwas bigla ng tingin si Selena.
"Shall we?" bahagya pang yumuko si Kiel upang silipin si Selena na nakayuko rin at nakatingin sa ibang direksiyon.
"Ahmmm... A-ano kasi, eh... B-baka hanapin ako sa inyo..." sagot ni Selena na muli ng tiningnan si Kiel.
"Ganoon ba..." nalungkot naman bigla si Kiel.
Magsasalita pa sana ulit si Selena nang pareho silang magulat ni Kiel nang may humintong sasakyan sa tapat nila. Nakaramdam naman ng kaba si Selena nang mapagtanto niyang sasakyan iyon ng mga Lemman. Mukhang napaaga ang uwi ng daddy at stepmother ni Kiel.
"Kiel... Selena..." dungaw ni Senyor Clenton. Tumuloy ito sa pagpunta sa opisina kaninang umaga kahit na pinigilan siya ng senyora.
"Senyor Clenton..." pilit ang ngiting pagbati ni Selena. Sinulyapan niya rin si Kiel na noo'y walang ka-emo-emosyon.
"May pupuntahan ba kayo?" nakangiting tanong ng senyor. Bakas sa mukha nito ang tuwa na makitang magkasama ang anak at si Selena.
"P-po? W-wala po Sen—" ngunit hindi natuloy ni Selena ang sasabihin dahil biglang sumingit sa pagsasalita si Kiel.
"I need my personal maid, if you don't mind," kaswal ang boses na wika ni Kiel sa ama.
Napatango-tango naman si Senyor Clenton. "Bueno, huwag lang kayong magpapaabot nang gabi. May parating ding bagyo kaya siguraduhin niyong makakabalik din kayo kaagad sa mansiyon bago pa magdilim," ang bilin na lamang nito sa dalawa.
Nang magsara na ang bintana ng senyor ay umandar na rin ang sasakyan paalis doon. Napatingin naman si Selena kay Kiel. Nagtatanong ang mga mata niya rito. Gusto niyang malaman kung bakit iyon sinabi ng lalaki. Kung okay na ba rito na malaman ng ama na magkaibigan naman silang dalawa.
"So, puwede ka na bang makasamang maglakad-lakad? Mukhang naipagpaalam na kita, eh," ani Kiel na humakbang palapit sa kinatatayuan ni Selena.
"S-sigurado ka bang—" sa ikalawang pagkakataon ay hindi na naman siya pinatapos ni Kiel magsalita.
"Narinig mo naman ang sabi ni Dad. May bagyo kaya dapat nagsisimula na tayong maglakad ngayon," sambit ni Kiel.
"As you wish," may pagtawa namang sabi ni Selena at nagsimula na nga silang maglakad.
"Ako na munang bubuhat ng bag mo since ako ang nag-aya sa 'yong maglakad pa," ani Kiel.
"Okay lang ak—"
"Just give it to me," putol muli ni Kiel kay Selena at siya na ang kusang nagtanggal ng backpack mula kay Selena.
Hindi na nakapagsalita pa si Selena kahit ng isukbit na ni Kiel sa balikat nito ang backpack niya. Saglit siyang napatitig dito. Mabuti na lamang at kulay itim ang backpack niya kaya hindi ito masagwang tingnan kay Kiel.
Habang naglalakad sila, pakiramdam ni Selena ay isa siyang napakagandang prinsesa kasama ang napakakisig niyang prinsipe... Hindi niya namamalayang unti-unti na ring nahuhulog nang tuluyan ang loob niya sa lalaki...